Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

51 » ang liwanag sa loob garapon

"Nandito ka lang pala," narinig kong sabi ni Kuya sa may likuran. Bumaba na pala ang araw sa likod ng burol, kaya siguro inutusan na siya ni Nanay na sunduin ako. "Hinihintay mo na naman ba si Tatay?"

Hindi na ako sumagot. Alam na niya agad na inaabangan ko si Tatay kapag nakatambay ako rito sa dulo ng bangin. Kaarawan ko na naman kasi bukas.

Ilang kaarawan ding pumalya si Tatay sa pag-uwi, pero baka ngayon ay hindi na. Baka maya-maya ay makikita ko na siyang papalapit sa may hagdan ng bangin, tapos titingala siya at kakaway sa 'kin. Isusukbit niya muna sa likod ang malaking bag na lagi niyang dala pauwi bago siya aakyat sa hagdan. Marami ulit siyang dalang pasalubong--maraming tsokolate. Dapat hati na kami no'n ni Kuya.

"Tara na, magdidilim na."

Marami pang sinabi si Kuya pero hindi ko na masyadong narinig. Napaupo ako nang tuwid nang may namataan akong gumagalaw na anino sa baba malapit sa hagdanan. Tumalon pa ang puso ko dahil kasinghugis 'yon no'ng malapad na balikat ni Tatay.

Pero wala rin. Anino lang pala ng bato na bahagyang gumalaw dahil sa dumaang ilaw. Akala ko talaga siya na, malikmata ko lang pala.

"Tara na!" pag-uulit ni Kuya. Napalingon na ako sa kan'ya nang pinatong niya sa balikat ko ang pantaas nitong paa.

"Pag nagtatrabaho ka na do'n, Kuya, hindi ka na rin ba uuwi?"

"S'yempre uuwi!" mabilis nitong sagot. "Bakit mo naman naisip na hindi ako uuwi?" Nangunot ang noo niya at binatukan pa ako.

"Aray! Nagtatanong lang e..." reklamo ko habang hinahaplos ang gilid ng ulo.

"S'yempre uuwi." Inuulit niya talaga ang mga sinasabi niya. Lumipat siya sa tabi ko at umiikot-ikot muna bago umupo sa damuhan. "Malayo man 'yon, pero lagi akong uuwi." Umakbay si Kuya, bahagya niya akong hinila at napasandal ako sa kan'ya. "Pangako, lagi akong uuwi. Lagi akong nandito para sa 'yo."

"Issa, saglit!"

Lalo kong binilisan ang pagtakbo. Bawat pagtawag ni Kuya ay lumalakas lang ang boses niya sa may likuran. Gumapang sa 'kin ang inis dahil alam ko namang lugi ako sa bilis niyang tumakbo--apat ang paa niya, dalawa lang sa 'kin.

Ganunpaman ay sinikap ko pa ring makalayo. Kahit wala namang patutunguhan dito sa malawak na espasyo--kahit saan ko idako ang paningin ay sinasalubong lang ako ng itim at walang hanggang kapatagan.

Ano pa ba kasi ang pag-uusapan namin?

Pare-pareho lang naman sila. Issa na lang ang tingin nila sa 'kin. Isang bagay. Bagay na binibitbit na lang, magawa lang ang kanilang tungkulin.

Sa kakatakbo ay may namataan akong kumikinang sa unahan. Malamlam na liwanag, pero nakakaakit ang pag-iba-iba nito ng kulay.

Pumihit ako sa kanan patungo sa kinaroroonan ng nito--parang tinatawag ako.

Sa tingin ko ay do'n din nanggaling ang amoy na sumasayaw sa hangin--gumuguhit sa ilong ang magkahalong halimuyak ng isang bulaklak at alimyo ng pinapakuluang kape. Para akong insekto na nahumaling at nahahatak doon.

'Tsaka ko lang namalayan na nakahinto na ako sa harapan nito. Tumalungko ako at inusisa ang liwanag na sa una'y akala ko ay isang bombilya dahil nakapaloob ito sa isang krystal. Pero hindi pala, isa itong garapon--kuwadrado ang hugis at may takip na gawa sa kahoy.

"Issa!"

Mabilis kong dinampot ang garapon at agarang tumayo para harapin si Kuya. Hindi ko malaman kung bakit tinago ko sa likuran ang kamay kung sa'n hawak ko ang bote, pakiramdam ko kasi na hindi niya ito dapat makita.

"Pwede ba tayong mag-usap?" tanong ni Kuya at tumayo rin siya gamit ang dalawang pambabang paa.

Pinanatili ko ang mga mata sa mga mata niya habang pasekretong sinuksok sa bulsa ng saya ang garapon. Mabuti na lang at kasinglaki lang ito ng palad ko, mahina lang din ang liwanag at hindi ito tumagos sa manipis na tela ng saya.

"Ako na ang nanghihingi ng pasensiya..." pasimula niya.

Pinagkrus ko ang mga braso at tumingin sa malayo.

Gusto ko na siyang talikuran at maglakad palayo dahil wala naman akong interes sa sasabihin niya, pero nanaig pa rin ang respeto ko sa kan'ya.

Siya pa rin si Kuya.

Siya pa rin ang tinitingala ko sa lahat ng bagay. Siya pa rin ang hingahan ko ng mga hinaing, ang tanging tagapakinig sa mga walang katuturan kong pangarap.

"Pwede ba tayong maupo?" tanong niya at kahit hindi pa naman ako umuo ay nauna na rin siyang umupo. Wala na akong nagawa kundi ang lumapit at tumabi sa kan'ya.

"Naintindihan kita..." Bumuntong hininga si Kuya. "Bilang isang karet, humihingi ako ng pasensiya at...marahas ang naging paraan namin."

"Isa ka rin?" Pinanlakihan ko siya ng mata. Hindi ko man siya nakitang tumulong pero hindi ako makapaniwalang kasabwat pala siya.

"Hindi ka namin mapakiusapan, wala na kaming ibang maisip na paraan."

"Anong klaseng hindi mapakiusapan ba 'yan? Kayo nga 'yong hindi nakikinig sa 'kin!" Hindi ko kinaya ang inis at nataasan ko ng boses si Kuya. Nakuyom ko ang kamao nang sumagi sa isip ko ang pagbibingi-bingihan nila sa mga sinasabi ko habang para akong batang hinahatak sa baywang. "Ang hiling ko lang naman ay ang sundan saglit ang boses ni Jack--nagbabakasakali lang naman na sana--sana sa huling pagkakataon..."

"Patawad..." sobrang hina ng pagkasabi ni Kuya na parang siya lang ang nakakarinig. Winaksi ko ang paghaplos niya sa likod ko pero hindi ito nagpatinag.

"Gan'yan na ba kayo sa 'kin?"

"Issa--" Pinatong niya ang dalawang pantaas nitong paa sa balikat ko at pinihit ako paharap sa kan'ya. "Ikaw ang pinakaimportanteng tao sa 'min. Kaya namin nagawa 'yon ay dahil importante ka sa 'min."

"Alam ko naman 'yan. Mga karet kayo at isa akong Issa, 'yon lang naman 'di ba?"

Bumigat ang mga paa niya sa balikat ko. Ang tagal na hindi gumalaw si Kuya. Kumunot ang noo nito at kanina pa nakatitig sa 'kin na parang may kung anong tumutubo rito.

"Wala ka bang naalala?" bigla nitong tanong.

Naangat ko ang tingin mula sa pahapyaw kong pagpunas ng ilong. Mukhang seryoso si Kuya at pati ako ay napapatanong sa sarili kung mayro'n pa ba akong kailangang maalala.

"Ano ba ang huli mong naalala?"

"Pinipilit ni Barbara ang panyo sa ilong ko..."

"Bago pa 'yan..."

"Ginapos ni Frankie ang mga kamay ko gamit ang kamay niya. Ano ba, Kuya! Kailangan ko pa bang sabihin sa 'yo ang pang-aalipusta nila sa 'kin?"

"Bago pa 'yan..."

"Pagkawala ni Jack..." May kung anong patalim na tumarak at inikot-ikot sa sariwa pang sugat sa dibdib ko. Napayuko ako at pinigilan ang sarili--ayokong magsimula sa harap niya.

"Pagkatapos niyan..."

Nablangko ako sa sinabi ni Kuya. Kusa akong napailing dahil bukod do'n sa mga sinabi ko ay wala na akong maalala.

"Wala ka bang naalala tungkol sa..."

"Tungkol saan?"

Salubong ang kilay ni Kuya at gumagalaw ang mga mata nito na parang kinakabisa ang mga lubak ko sa mukha.

"Wala, kalimutan mo na." Inalis niya ang mga paa niya sa balikat ko at tumayo. "Siyanga pala, baka makasalubong natin si Tatay sa daan."

"Tungkol saan ba 'yon, Kuya?"

"May maliit na kubo malapit dito, pwede tayong makituloy do'n."

Umusli na lang ang nguso ko at ang galing nitong manglihis ng usapan. Tumalikod na rin siya at naglakad patungo sa kinaroroonan ng tatlo.

"'Lika na, aalis na rin tayo. Kailangan nating makarating do'n bago mag-umaga."

Hindi pa naman ako pumayag pero iniisip na niya agad na susunod ako sa kan'ya. Nakakainis lang na kilala niya talaga ako--ang dali niya akong mapasunod.

"Halika na!"

Wala rin akong nagawa kundi ang tumayo at sumunod pabalik do'n sa kariton na sasakyan.

************

Ang iksi lang pero hirap na hirap akong isulat hahaha.

One down ulit, some more to go.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro