5 » si frankie nga ba?
Ang dilim at ang tahimik sa loob ng bahay. Sa'n kaya nagpunta si Nanay?
Hay naku, baka inatake na naman 'yon ng pagkatsimosa niya. Malamang pa sa alamang ay uumagahin na naman 'yon sa bahay ng amiga. Talaga 'tong si Nanay.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at kinapa ang switch para buhayin ang ilaw. Aba, ang linis!
Binati ako ng nagkikintabang gamit. Pwedeng manalamin sa sahig. Kumukutitap ang silya na kahoy, pinahiran niya kaya 'to ng floorwax?
Nagtanggal tuloy ako ng tsinelas bago pumasok. Nakakahiya naman sa sahig e. Tsaka, siguradong magwawala 'yong oso pag may nakita siyang dumi pag-uwi. Ang hirap kasi kay Nanay ay masyado siyang malinis. Paniguradong itatapon ako no'n sa bangin.
Nakataas ang isa kong kilay habang naglalakad palapit sa hapagkainan. Nakakaduda kasi ang tinakpang ulam sa lamesa. Baka kung anong kalokohan na naman 'to.
Pero dahil gutom na 'ko, inalis ko pa rin ang takip.
Hay!
Sunog na daing na naman, at nangangamoy menudo rin 'to.
Buntong hininga ulit.
Ayoko na nga, itulog ko na lang.
Matamlay kong karay-karay ang katawan papunta sa kwarto. Matutulog na naman akong walang hapunan nito. Kumurba pababa ang maliit kong bibig. 'Di bale na nga, bukas ay aagahan ko na talaga. Ako na ang magluluto.
Pagkapasok sa silid ay itinapon ko ang sarili sa dalawang unan na naghihintay sa gitna ng dalampasigan. Malugod nitong tinanggap ng hapo kong katawan. This is zeee life ulit.
Walang ano-ano'y nagsimula nang tumaas ang tubig. Pataas nang pataas hanggang lumagpas na ito sa 'kin. Lalo pang tumaas hanggang sa may dumaan nang dikya na sa aking harapan. May baryo ng maliliit na isda ang parito't paroon.
Namataan ko rin ang kaibigan kong alimango. Ang bilis nitong nakarating sa koral na nasa ulunan ko.
Tumihaya ako sa pagkahiga at niyakap ang isa pang unan. Medyo may kalakihan ito at bigla na lang pumasok sa isip ko ang malapad na katawan ni Frankie. Natapon ko ang unan. Lumutang sa tubig at 'yong walang magawang alimango ay mabilis na lumabas sa lungga niya't sinipitan ang punda nito.
"Hoy, akin 'yan!" Mabilis kong hinawakan at hinila ito sa kanya. Syempre dahil mas malakas naman akong 'di hamak ay nabawi ko 'to.
Sinamaan ko nang tingin ang alimango bago ako bumalik sa pagkahiga. Ano ba't gustong-gusto nito ang unan ko?
Ginawa ko na lang dantayan at sinubsob ang mukha sa isa ko pang unan.
Nakakainis naman e. Kahit anong gawin kong pagpikit ay nakikita ko pa rin ang namimilog na mata ni Frankie pagkatapos niya akong hilahin para makaupo. Ang mga braso kong ayaw matunawan, parang dumikit na sa balat ang hindi naman sinasadyang pagkayakap ko sa kanya.
Inuntog-untog ko ang ulo sa unan. Kainis, ayaw talagang maalis.
Tumihaya ako ulit at inaninag ang buwan sa langit. Mas mabuti ang ganito't lumihis sa ibang direksyon ang utak ko. Unti-unting nawawala sa isipan ko si Frankie.
Napangiti ako. Kakatitig ko sa buwan ay naisip ko rin na kahit kailan ay hindi ako nagsasawa sa ganda nito. Kung tutuusin na isang bilog lang ito na may puting liwanag, at nakasabit sa itim na langit. Napakasimple, pero walang kapantay ang ganda.
Mayro'n kayang isang tao na buwan ang tingin sa 'kin? Na kahit pa siguro mawala ang ningning ko ay hindi pa rin siya bibitiw at patuloy pa rin akong mamahalin. Kung mayro'n sana.
Sa kakatitig ko sa buwan ay hindi ko napansin ang unti-unting pagsara at tuluyang pagsuko ng aking mga talukap. Tuluyan na ring nilamon ng katahimikan ang paligid.
"Isabelle, anak."
Bumalikwas ako sa unan.
Huh? Si Nanay ba 'yon?
Parang hindi naman kaboses ni Nanay. Pero anak kasi ang sabi niya.
"Issa─"
May umalingawngaw na hagulgol ng babae.
"Sino 'yan?"
Napaupo ako nang wala sa oras. Paanong may ibang tao rito sa kwarto? Ako lang ang pwedeng pumasok dito ah.
Lumakas ang paghagulhol, panay tawag pa ng pangalan ko.
"Sino po sila?"
Wala namang sumagot. Masyado akong nabahala at ngayon ko lang napansin na naiba ang kwarto ko.
'Yong buhangin na hinihigaan ko ay puting kama na ngayon. Nawala ang langit, napalitan ng puting dingding. Nawala rin ang pinakamamahal kong buwan.
Nasa'n ba 'ko?
Mabilis kong binaba ang kama. Ilang beses ko nang inikot ang katawan at hindi ko talaga matagpuan ang pintuan. Nakakapagtaka rin na ako lang, at ang kama ang nasa loob.
Mabilis kong tinungo ang dingding, pinakiramdaman na baka nagtago lang dito ang pinto.
"Issa─"
Biglang lingon ko sa likod. Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa braso nang may nakita akong tao na nakaupo sa puting silya. Naidikit ko tuloy ang katawan ko sa dingding. Kaloka lang. Walang silya r'yan kanina ah.
"Hoy! Multo ka ba?" sabi ng pumiyok kong boses. Tinapangan ko na kahit gusto ko nang tibagin 'tong nasa likod ko.
Walang kibo 'yong tao. Hindi naman yata ako narinig, nakatingin lang siya sa sahig.
"Sumagot ka, hoy!"
Hindi pa rin siya sumagot. Tanging sapo lang sa ulo ang ginawa niya.
De numero ang lakad ko papalapit. Napapalukso ang dibdib ko sa tuwing gumagalaw ang tao. Parang tanga, bakit ko ba nilalapitan?
Tumigil ako sa katamtamang distansiya. Naisip ko lang na baka biglang tumayo at sakmalin ako nito. Kahit papano ay may oras pa akong tumakbo. Wala pa naman si Nanay, walang tutulong sa 'kin. Nanay kasi e─
Dahan-dahan kong tinagilid ang katawan para silipin ang tao. Lalaki pala.
Napahakbang ako paatras nang sumandal siya sa silya. Matamlay niyang pinahinga do'n ang ulo niya.
Tsaka ko lang nakita na mugto pala ang mga mata. Mukhang kulang din sa tulog dahil nangingitim at lubog ang paligid nito.
Pero letse, bakit siya nandito?
Mabilis akong lumapit at tinapik siya sa balikat.
"Ikaw lang pala 'yan Frankie, anong ginagawa mo rito?"
Nagsitayuan ulit ang balahibo ko dahil hindi siya gumalaw. Binawi ko agad ang nanlalamig ko nang kamay. Parang may kung anong nakahawak sa paa ko dahil napakabigat ihakbang.
"Issa, anak," mahina niyang sabi. Pinatong niya ang dalawang kamay sa ulo bago magpakawala ng malalim na buntong-hininga.
Pero bakit gano'n, babae ang boses niya. Kasing-boses no'ng humahagulgol kanina.
Nagrambol ang utak ko, walang mabuong paliwanag sa nangyayari. Dagdagan pa na hindi ko maigalaw ang katawan. Hindi ko magawang sumigaw.
Pero bakit gano'n?
May nanalaytay na luha sa pisngi niya. Ang sikip sa dibdib. Parang pinipiga ang puso ko at ang hirap nang huminga.
Bakit gano'n?
Gusto ko siyang ikulong nang yakap. Damayan at tanggalin ang mga luha niya. Sabihin sa kanyang tama na.
Bakit gano'n?
********************
Watcha think of this chapter?
H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro