49 » jack en jill
Si Harold ang unang lumapit. Lumuhod siya sa harapan at mula sa kamay ay mabilis na dumaloy ang karet niya papunta sa malaking butas sa dibdib ni Jack.
Wala akong ibang nagawa kundi ang haplusin ang noo ni Jack. Gumaralgal ang lalamunan niya sa malakas na pagsigaw habang umiigtad ang likod niya sa sakit. Hinawakan ko ang kamay ni Jack dahil hindi ko na alam kung ano pa ang pwede kong gawin para maibsan ang paghihirap niya.
"Tama na, hindi ko kailangan 'yan." pautal-utal ang salita niya matapos nitong tabigin ang kamay ni Harold. Umubo na naman siya ng dugo nang bahagya siyang napatawa. "Sa dinami-daming tao." Nanlaki ang mata ko nang bumulwak ang dugo sa sugat niya dahil tumawa pa siya lalo. "Sa dinami-dami...tangina, bakit ikaw pa?"
"Huwag ka na munang magsalita," utos ni Harold at tinabi niya ang nakaharang na kamay ni Jack bago siya nagpatuloy sa pagsalin ng karet.
Tumulong na rin akong pigilan ang pagmamatigas ni Jack, hinawakan ko ang palapulsuhan nito at pinanatili ito sa tagiliran niya. Hindi ko lang naagapan ang kabila nitong kamay at nahila niya sa kwelyo si Harold.
"Ilabas n'yo na si Issa, iwan n'yo na 'ko..."
Aalma na ako dahil hindi naman pwede ang gusto niya. Mabuti na lang ang pursigido si Harold. Ginamitan niya ng pwersa ang pag-alis sa kamay ni Jack. Nagawa pa nitong ayusin ang kurbata bago bumalik sa ginagawa niya.
"Madali na lang..." sabi niya na hindi man lang tumingin sa 'min.
Nabuhayan ako ng loob kahit umiigtad at sumisigaw pa rin si Jack sa sakit. Nakatulong ang paglapit ni Frankie at sinuri ang kalagayan nito. Kahit wala siyang sinabi ay sapat na sa 'kin ang mahinang tapik na iniwan niya sa balikat ni Jack bago siya tumayo at muling hinarap ang mga halimaw. Kahit papano ay ramdam ko na gusto niya rin itong gumaling. "Kaunting tiis na lang, Jack. Madali na lang daw..."
Mariin akong napapikit nang humagibis ang hangin at umugong ang tunog ng malaking bagay na bumagsak malapit sa 'min. Nasuklay ko ang basang basang buhok ni Jack dahil kahit ang ingay na ng paligid ay mas nangingibabaw ang magaspang na daing niya.
Jack?
Natigilan ako nang may dumaang boses ng batang babae sa pandinig ko. Tinatawag niya si Jack--mahimig at malambing ang tinig niya na bumabaybay sa ingay ng paligid.
Jack?
Napadilat at napatingin ako kay Harold sa biglaan nitong pagtawag sa 'kin. Naabutan ko siyang salubong ang kilay at may banta ang nanlalaki nitong mata.
"Itigil mo 'yang memoria!"
Nanlaki rin ang mga mata ko, hindi ko alam kung pa'no.
Gusto ko nang tumayo, akayin si Jack, ipasakay sa likod ni Barbara.
Pero hindi ko magawa, nanigas ang buo kong katawan sa lalong pagtinis ng hiyaw ng mga halimaw at ang pagdami ng ingay nila. Kapansin-pansin rin na lalong naging agresibo ang mga 'to--napapaatras sina Kuya palapit sa 'min.
"Jack?"
Naging malinaw na ang boses no'ng bata na parang nasa tabi ko lang siya.
Biglang sumakop ang dilim. Nawala ang nakabibinging hiyawan, ang nakasusulasok na amoy—napalitan ng halimuyak ng sampaguita at pagaspas ng hinanging dahon.
Hindi rin nagtagal ay gumapang ang liwanag, bumugad ang hile-hilerang halaman ng santan na nakasandal sa bakod, ang matabang sampaguita na parang bantay sa gilid ng tarangkahan, at ang bilog na lamesa na nakapwesto sa gitna ng bakuran nina Barbara.
Sa dami ng nakita kong memoria ay kabisado ko na na kahit may pagkakaiba sa buhok at pananamit ay ang batang Barbara itong nakasimangot sa harap ko.
"Sinong Jack?" tanong niya.
"Si Jack, nandito pa siya?" Narinig ko na lang ang sarili na nagsalita na kasing-boses no'ng bata. Napansin ko ring maliliit ang mga daliri ko nang hinawi ko ang dahon sa isang parte ng santan.
Natauhan ako nang may dumapong sampal sa pisngi ko. Nagpalit agad ang paligid at bumugad sa harap ko ang mukha ni Barbara.
Sa magkabilaan kong pisngi nakadapo ang mga kamay niya na parang harang ito para dumiretso ang tingin ko sa mata nitong nanatili sa anyong hunyango. Parang nang-aakit ang itim na guhit sa gitna nito at inuutusan akong tumayo.
"'Yong tipaklong?" Hindi naman bumuka ang bibig ni Barbara pero lumabas ang mga salitang 'yon sa kan'ya. Nakaluhod siyang katabi si Harold, pero kumurap lang ako at naging mag-isa na lang siya. Naging paslit ang hitsura niya at salubong ang kilay nito habang yakap-yakap ang laruang manika.
"Oo, naglaro kami kahapon. Siya si Jack at ako naman si Jill."
Kumunot lalo ang noo ni Barbara, nilapit niya nang husto ang mukha sa mukha ko na halos magkabungguan na kami.
"Baliw ka? Nakikipaglaro ka sa tipaklong? Hay naku, Issa, hingi ka na lang kasi sa nanay mo ng kapatid. Hindi 'yong kung ano-ano na lang!"
Napatingala ako sa malakas na ugong na nanggagaling sa taas.
Nagpalit na naman ang paligid at sinalubong ako ng paglundag ni Frankie sa ere. Buong pwersa niyang hinampas palayo ang lupon ng sibat na parang ulan ng dugo dahil sa kulay nito.
Lumapag lang siya sandali para makabwelo upang salubungin ulit ang kasunod na salvo. Walang pakundangan itong umaatake, walang katapusan.
Napayuko ako nang hindi naagapan ni Frankie ang isang lupon–kakalapag niya pa lang pero parating na sa 'min ang mga patalim.
"Nag-away na naman kayo?"
Naramdaman ko na lang na may humahaplos sa likod ko--walang pasintabi na tumakbo ang memoria sa likod ng utak ko. Umalingawngaw sa tainga ang hikbi ng bata kong sarili habang pumalit na naman ang kapaligiran.
"Baliw kasi 'yan, ayoko na siyang kalaro!" Umismid at tumingin sa taas si Barbara.
Nasa tabi ko ang batang Frankie, siya ang humahaplos sa likod ko--masama ang timpla ng mukha niya habang nakatingin kay Barbara. "Humingi ka ng tawad!"
"Ayoko nga!"
Biglang naputol ang memoria nang may tumulak sa ulo ko at napayuko ako nang husto. Naramdaman ko na lang ang pagtayo ni Harold kasunod ang malulutong na lagutok na nagmula sa katawan niya.
"Harold, huwag!" Napatingala ako sa kan'ya nang umagos ang karet niya palabas sa sugat ni Jack. Hindi magkamayaw si Jack sa sakit at dahil sa bilis ng pagdaloy nito ay halos matangay na siya sa pag-akyat ng likido.
"Harold, pakiusap!"
Hindi niya ako pinansin. Kahit hinawakan ko na ang kamay niya ay patuloy pa rin ang pagbawi niya sa karet. Sa malayo siya nakatingin habang mabilis na bumabanat ang balat niya at bumukas ang malahari nitong pakpak.
Wala akong nagawa kundi ang bumalik kay Jack. Tinatakpan ko ang mga butas sa katawan niya na naging kalunos-lunos ang hitsura habang kumakalampag na bakal ang nangingibabaw sa pagbagsak ng mga patalim sa nabuong kalasag na nagpayong sa amin.
"Pangit mo, huwag ka nang umiyak..."
Nahawakan ko ang kamay niya na dumapo sa pisngi ko. Nakangiti siya habang nagtutuklapan ang balat nito sa mukha.
"Jack, pakiusap, tatagan mo muna...sandali lang, babalik si Harold."
Ngumiti ulit siya kasabay ng kalampagan na naman ng bakal. Binaba ni Jack ang kamay namin hanggang tumigil ito sa tapat ng dibdib ko. "Nandito lang ako..."
Binawi ko ang kamay kay Jack. Natatangay ng hangin ang nababakbak nitong balat at hinuhuli ko 'yon para idikit pabalik sa katawan niya.
"Jack, maawa ka naman sa 'kin..."
"Huwag ka ng malungkot..."
"Ayoko na sa 'yo, Kuya, si Issa na lang ang lagi mong kinakampihan!"
Hindi naman imbitado pero nabuo na naman ang bakuran nina Barbara. Tumatakbo na naman ang memoria at kasalukuyang nakataas ang kamay niya kung saan hawak niya roon ang manika.
"Ayan! Magsama kayo!" Binato niya ang laruan, lumagpas ito sa gilid ng mukha ko at narinig ko na lang ang pagbagsak nito sa isang sanga ng halaman. Bumaba ang kurba ng bibig ni Barbara, kumuyom ang kamao niya at nanunubig ang mga mata. "Ayoko na sa inyo! 'Di ko na kayo bati!"
Tumatakbo si Frankie--sinusundan ang umiiyak na si Barbara. Napalingon ako sa likuran nang may pumapagaspas doon.
"Jack, nand'yan ka lang pala..." Ramdam ko ang alaalang ngumiti ako nang makita ang pamilyar na berdeng insekto na nakadapo sa sanga.
Yumuko ako at bumalik kay Jack. Marami na ang natuklap na balat sa mukha niya. Lumilitaw ang maputi at malaporselanang kutis sa likod nito hanggang inanod na ng hangin ang huling piraso at lumantad sa harap ko ang iba niyang hitsura.
Para akong dumungaw sa batis at nanalamin sa tubig dahil babae at magkamukhang magkamukha kami ni Jack. Bilugan ang mga mata niya na katulad ng sa 'kin. Maamo ito at ngayong nakita ko 'to sa kan'ya ay 'tsaka ko nalaman na mayroon pala akong ganoong katangian.
Ngayon ko lang nalaman na kasing nipis ng seda ang mga labi namin. Bagama't maputlang maputla ang sa kan'ya dahil sa dami ng nawalang dugo ay matamis itong nakangiti sa 'kin.
Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya nang nagsimulang umilaw ang buong katawan ni Jack. Parang sinadya na kasabay ang pagbukas ng maliit na pakpak ng insekto at ang pagpihit nito patalikod.
"Jack, pakiusap..."
"Jack, sa'n ka punta?"
"Nandito lang ako..." Pati ang magaspang niyang boses ay naging malambot na katulad ng sa 'kin. Mahimig ito at malambing—siguro sa ibang sitwasyon ay nagiging gan'yan din ang boses ko na katulad ng sa kan'ya. "Kaya huwag ka ng malungkot. Ikaw at ako..."
Tinaas ng bata ang kamay at akmang abutin ang tipaklong nang tumalon ito at nagpatangay sa dumaang hangin. Dumapo ang kamay ko sa pisngi ni Jack, binubura ang lumitaw na bitak doon.
"Hindi ko kaya, huwag mo 'kong iwan..."
Bumalik ka, huwag mo 'kong iwan!"
"Ikaw at ako ay iisa..."
Umilaw nang husto si Jack pagkatapos niyang banggitin ang mga katagang 'yon. Mabilis na kumalat ang bitak-bitak sa katawan niya habang unti-unti ring napupundi ang kaniyang liwanag. Natuyo, naging lupa hanggang tuluyang naging abo na lang siya na kumalat at sumayaw sa gitna ng digmaan. Ang tanging natira na lang ay isang maliit at malamlam na liwanag sa harapan.
Kinuha ko 'yon, niyakap nang mahigpit, tinago sa gitna ng pagbaluktot ko sa lupa.
"Jack, alam mong hindi ko kaya..."
************
Jack en Jill gamay tiil
Dakog tiyan-bitukon
Gidala sa ospital
Bitukon lang gihapon
This is point 2 out of 5 breakpoints of Issa Ilusyunada's outline.
As a tribute to Jack, let me introduce you to his muse.
https://youtu.be/Ca7bpSr3N6M
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro