Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

48 » ang dulo ng simula

Lumabas na sina Frankie at Kuya at naiwan akong mag-isa--nakulong sa gitna ng mga hiyawan at mga lagatak sa hangin.

Laging nahahagip ng pandinig ko ang boses ni Frankie, paminsan-minsan ay ang boses ni Barbara. Ibig sabihin ay malapit lang sila--hindi sila lumalayo sa kinaroroonan ko.

Napatingala ako nang gumalaw ang tipak ng bato na hinarang nila sa siwang kanina. Hinanda ko na ang sarili dahil baka si Kuya na. Mabilisan daw. Dapat lumabas agad sa isang senyas lang.

Natigilan ako. Habang umuusog ang bato ay nakarinig ako na magaspang na angil at minsanang pagsinghot na parang nakatatangay ng tao.

Nanigas ang katawan ko nang makitang sugat-sugat na daliri ang nakahawak sa bato--dalawang pares ng kamay ang nakakapit doon at may pumasok na ulo na ang tingin ay diretso sa 'kin.

"A-te…"

Napaatras ako sa sulok at inilagan ang mga kamay nila na gadangkal na lang ang pagitan at maaabutan na nila ako.

Isusugal ko na sana ang pagsigaw nang nahawi ang dalawang lalaki na nagpumilit na pumasok sa butas. Narinig ko na lang ang paulit-ulit na pagbagsak nito sa lupa at ang mahinang daing sa dulo.

May papalapit na pigura, palaki ito nang palaki hanggang naharangan na nito ang kabuuan ng butas.

"Issa, halika na!"

Hindi ako gumalaw nang mukha ni Harold ang sumilip sa awang. Pinasok pa nito ang kamay sa butas at ginagalaw-galaw habang nilalapit nang husto sa 'kin.

"Bilis, halika na!"

Malakas na palo ang inabot ng kamay niya bago ako sumiksik sa sulok. Hinanda ko na rin ang ngipin at makakatikim talaga siya pag nagpumilit pa.

Narinig ko na lang ang lumalakas na lagapak sa hangin, bahagyang pagyanig sa lupa, at pagsambit ni Frankie sa pangalan nito.

"Tabi…"

Nakita ko na lang ang paglingon ni Harold sa kanan. Tumigas ang mukha nito bago tumayo at tumabi.

"Issa," tawag ni Frankie at pinasok niya ang isang kamay sa butas.

Tinanggap ko 'yon kahit sabi ni Kuya na siya ang kukuha sa 'kin. Hinila ako ni Frankie palabas at diretsong tinawag si Barbara.

"Bilis, bilis!" sigaw ni Kuya sa unahan. Lumundag siya pababa galing sa mataas na bato at nagpatiunang tumakbo.

Kahit hindi ko nakikita ay alam kung nasa harapan ko na si Barbara at nasa hunyango nitong anyo. Wala na akong sinayang na oras at sumakay sa likod niya nang lumalakas at dumadalas ang pagyanig sa lupa.

Parang eroplano na walang bubong ang takbo ni Barbara. Mahapdi sa balat ang hagibis ng hangin at ilang beses na akong muntik matilapon sa biglaan nitong pagtigil o pagliko.

Palaging nauuna si Frankie,  hinahawi ang mga nakaharang sa daan gamit ang itim na batuta na dating sandata niya.

Ngayon ko lang nalaman na likas sa kanila na nakatago ang karet sa loob ng katawan. Sa kan'ya'y nakadikit sa likod, parang buhay na likido itong gumalaw, naipon at nabuo bilang isang sandata.

Bumuka na naman ang buhok ni Harold at nakulong do'n ang mga matang paniki na nakasunod sa 'min ni Barbara. Siya ang nakaalalay sa likod at gilid habang si  Jack ay sumusulpot lang sa tuwing sumisipol si Harold.

"Tangina, tigilan mo na 'yang kakasipol. Gago!" bulyaw ni Jack matapos nitong bumagsak sa gilid namin ni Barbara. Tinatanggal niya ang isang nilalang na mukhang talangka na nakatusok sa isa nitong gulok. Inapakan niya sa lupa ang galamay nito habang binubunot ang patalim.

"Pwes, sumabay ka."

Hindi ko na narinig ang binato ni Jack nang humagibis si Barbara at naiwan silang dalawa. Panay ang akyat ni Kuya sa mataas na lugar at nakikita ko siyang sinusundan kami ng tingin.

Napapatalon si Barbara sa bawat pag-uga ng lupa. Halos limang segundo na lang ang pagitan ng pagyanig at parang katulad na 'to sa apak ng higanteng lakad-takbo ang ginagawa.

"Bilis, Barbara! Parating na sila, humanda kayo!" sigaw ni Kuya sa taas.

Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa sinabi ni Kuya. Sa hindi malamang dahilan ay parang nakita ko na 'to dati. Pamilyar--madilim--tumatakbo ako.

Hinigpitan ko ang mga braso paikot sa leeg ni Barbara nang bumilis lalo ang takbo niya. Bumagal siya saglit--tantiya kong liliko siya.

Hindi pa kami nakaabot sa kurbang daan nang umalingawngaw ang boses ng tatlong lalaki--bawat isa ay tinatawag ang pangalan namin.

Kasunod ang maugong na tunog at may kung anong bumagsak sa ibabaw namin.

Sa lakas no'n ay tumalbog kami ni Barbara--nahiwalay ako sa kan'ya.

Mabuti na lang at hindi ako bumagsak sa mga itlog--muntikan na.

Si Kuya ang pinakamalapit na tumatakbo papunta sa 'kin. Kusa na lang akong tumayo kahit sa matinding pangangalay ng katawan. Kanina ko pa tinitimpi ang kaba, pero bigla na lang itong nag-iba. Naging matindi na parang binuhusan ako ng malamig na tubig at nagsitayuan ang mga balahibo ko sa braso.

Sasalubungin ko na sana si Kuya nang naagaw ang atensiyon ko sa mga ilaw na nasa likuran niya. Para itong mga bombilya at gumagalaw rin na parang nakasunod sa kan'ya.

Nakita ko na lang ang biglang pagtigil at pagtalikod niya sa 'kin. Bumababa ang mga ilaw at para itong bumabagsak sa kan'ya. At dahil naging malapit na ito ay 'tsaka ko naaninag na mga mata ito na nakapalibot sa ulo ng isang dambuhalang gagamba na kasintangkad ng bahay namin.

Natuod ako sa kinatatayuan,

Malapot ang laway na tumutulo sa nakausling pangil ng halimaw. Lumundag si Kuya at diretsong bumaon ang pangil niya sa isang paa ng halimaw.

Tinatawag ako ni Frankie.

Tumatakbo siya papalapit pero lumalabo ang boses niya.

Lumingon ang gagamba sa 'kin. Napaluhod ako sa lupa, hindi maalis ang tingin sa mga matang magkakaiba ang laki, walang emosyon ngunit matindi ang banta--ang dahas.

Naramdaman ko na lang na may bumangga sa 'kin. Natagpuan ko na lang ang sarili na nakakaladkad sa malayo--tanaw ang pangalawang gagamba na kakabagsak lang kung saan ako nakaluhod kanina.

"Umalis na kayo!" garalgal ang sigaw ni Kuya.

Binangga na naman ako at alam kung si Barbara 'yon dahil dumaan sa kamay ko ang gaspang sa kaliskis niya.

Alam kong inuutusan na niya akong sumakay sa likod, pero hindi ko siya mabigyan ng pansin.

Kahit ang paulit-ulit na pagsigaw ni Kuya--ang paatras na hakbang ni Frankie habang hinahataw ang mga lumalapit sa 'min.

Parang alikabok na natangay sa hangin ang pag-asa habang dumarami ang lupon ng gagambang nagsibagsakan kung saan kami nanggaling kanina.

Natagpuan ko na lang si Jack sa harapan ko. Mahigpit akong hinawakan sa braso at sapilitang pinatayo. Hindi ako nakaalma nang itulak ako nito at napaupo sa makaliskis na likuran ni Barbara.

Nablangko ang isip ko sa dalawang gagamba sa ere, lumagpas sa ibabaw ni Frankie at bumagsak sa mismong likuran ni Jack.

Sabay na tinaas ng mga halimaw ang  matutulis nitong paa kasunod ang paghawi ni Harold kay Jack. 

Agad na napatayo si Jack galing sa pagkatumba, pero hindi na siya nakalapit ulit nang bumagsak na ang mga paa ng halimaw. 

'Tsaka ko lang napansin na naiharang ko ang dalawang kamay sa harapan na akala'y kaya nitong sanggain ang atake.

'Tsaka ko lang din napansin ang nakabukang bagay sa likod ni Harold--mistulang namumukadkad na pakpak ng mariposa.

Paatras na nababanat ang balat niya na parang do'n papunta sa likod. Humahalo ang itim na karet sa mala-gatas nitong pakpak at nagmukha itong marmol na paulit-ulit na hinahampas ng dalawang gagamba.

Bumagsak sa lupa ang tuhod ni Harold sa bigat at lakas ng pumapalo sa kan'ya. Napahiga ako sa likod ni Barbara nang pati mga kamay niya ay naitukod niya na rin sa lupa.

"Tabi, Jack!

"Barbara, tumulong ka rito!"

'Yon ang huling sigaw ni Kuya na  umabot sa pandinig ko. Naramdaman ko na lang na nagkatawang tao si Barbara at nahulog ako sa tabi niya. Natagalan bago siya gumulong sa gilid habang lumapad nang lumapad ang pakpak ni Harold hanggang nagmukha itong higanteng kalasag at tuluyan kaming nakulong sa loob.

Naipikit ko ang mga mata. Nakuyom ko ang mga kamao at nakalapat ito sa dibdib niya na naging harang sa pagitan naming dalawa.

Hindi ko kayang pakinggan ang mga impit niya sa bawat hataw na natatanggap nito. Sumabay pa ang sigawan sa labas na laging kasama ang pangalan ni Jack. Kung may Diyos man, sana ay tama na. Sana bumaba siya at kunin niya kami.

Hindi rin nagtagal ang akala kong walang hanggan nang biglang tumiklop ang pakpak ni Harold. Bigla rin siyang tumayo habang unti-unti ring lumiliit ang pakpak niya. Bumabalik ang dati niyang katawan mula sa buto't balat nitong hitsura dahil sa balat nitong nabatak nang husto at humapit sa buto.

Maraming nakahandusay na halimaw, pati na ang mga matang may pakpak.

Nakita ko na lang na pinagtutulungan nila ang pinakamalapit sa walang katapusang dami ng gagamba--tatlo silang nando'n--maliban kay Jack na nakatayo pa rin sa kanan kung saan ko siya huling nakita kanina.

"Ma--hal…"

Nakaawang ang bibig ni Jack matapos niyang sambitin ang katagang 'yon. Na kay Harold ang tingin niya--tulala--parang hindi alintana ang sariwang dugo na tumatagas sa katawan niya.

"Jack!" hindi ko napigilan ang masigaw ang pangalan niya.

Mabilis ko siyang dinaluhan. Nayakap ko si Jack nang bumagsak ang katawan niya sa 'kin.

Napaupo kami sa lupa at pinuwesto ang ulo niya sa kandungan ko. Hindi mapigilan ng kamay ko ang panginginig habang pinipigilan ang pag-agos ng dugo na nangagaling sa pinakamalaking butas sa dibdib niya.

 "Tu-long…"

"Issa, h'wag na. U-malis na kayo." 

Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko at inalis ito sa sugat. Umubo siya ng dugo. Lalo pang kumalat ang malapot na likido sa pisngi niya nang sinubukan ko itong punasan.

"Kuya...tulong!"

************

Wag ka nang malungkot, oks lang yan. With maraming smile...look 😊😊😊

Watcha think of this chapter.

So near, yet so far ang peg nitong story 😔

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro