44.2 » pangalawang salvo
Hindi na ako nag-atubiling takbuhin ang isa pang pinto na nakatayo sa bandang unahan kung saan katapat lang ito sa pinasukan ko kanina.
Kahit kumikipat-kipat ang malamlam na liwanag na nanggagaling doon—para bang pagmamay-ari ito ng isang hindi natahimik na kaluluwa at iniengganyo ako nitong pumasok—pero hindi bale na—bahala na.
Kaysa naman do'n sa kabila na sunod-sunod ang kalabog at malulutong ang paglagutok ng kahoy. May sumusuot na ring liwanag na nanggagaling sa mga nasira nitong parte. Palaki nang palaki ang liwanag habang dumadalas ang namamaos na boses ni Harold—panay pa rin ang pagtawag niya sa 'kin at panay ang pagsabi nito na bumalik ako roon. Sinong niloloko niya?
Napilitan na akong pasukin ang silid nang napalingon ako at namataan na lumulusot na sa mga butas ang ibang bahagi ng buhok niya—kumakapa-kapa ang mga ito na parang naghahanap ng makakapitan.
Inaasahan ko naman na tagilid ako sa mga maaaring mangyari sa gimagawa kong 'to. Lahat ng hindi magandang sitwasyon na sumagi sa isip ko ay inaasahan ko na.
Pero hindi ko inasahan na wala naman pala akong aabutan. Nawala lahat.
Nawala ang ingay na parang hinigop ng karimlan.
Parang ibang lugar at walang bahid na kadikit ito sa pinanggalingan ko kanina dahil kahit alingawngaw na nanggagaling kay Harold—wala. Pati ang pinto na inaasahan kong nasa likuran ko lang—hindi ko mahanap.
Napakamot ako sa ulo.
Ang alam ko...bahay o gusali 'yong pinasukan ko—isang kwarto. Pero ngayon ay nakatayo ako sa labas—sa isang kalsada na nasa gitna ng isang hardin?
Sigurado naman akong hardin dahil sa halamang bakod na nakadekorasyon sa magkabilaang gilid ng daan—ang alam kong ginagamit talagang bakod ang ganitong halaman sa mga hardin.
Katulad no'ng sa laberinto na halos maituturing na itong matatag na pader. Pero hindi katulad doon, mababa lang ang halamang bakod na nandito. Halos hanggang baywang ko lang ang taas at parang nagsisilbi lang itong harang sa sala-salansang bougainvilla na sandamukal ang bulaklak—halos nalibing na ang mga dahon sa ilalim nito.
Saang lupalop ba ito ng mundo?
Mabilis kong pinasadahan ang paligid para hanapin ang labasan. Hindi ako pwede sa ganitong lugar, mamahirapan si Kuya o si Frankie na mahanap ako. Ang masama pa ay kung si Harold na naman ang unang makakita sa 'kin.
Gumapang ang inis ko sa sarili. Sumagi sa isip ko na mukhang naloko niya kami. Isa siyang naglalakad na kasinungalingan at hindi malayong mangyari na nagsinungaling lang siya sa 'min.
Baka hindi talaga pampatigil ng daloy ng memoria ang karet niya. Ilang beses na 'yong pumalya, nagduda na ako't lahat, pero sa huli'y nagtiwala pa rin ako. Sukdulan na 'tong katangahan ko.
Tinahak ko ang pangdalawahang kalsada patungo sa...kung saan man makakarating. Bahala na. Kailangan ko lang makabalik, kahit do'n lang sa mukhang mercado na dulo ng sinuong kong eskinita.
Patingkayad akong naglalakad dahil parang yelo sa lamig ang makikinis na bato na ginamit pangdekorasyon sa daan.
Hindi naman malamig ang paligid—katamtaman lang. Kahit mukhang gabi nga yata rito—madilim ang kalangitan at may kasabay na hamog ang simoy ng hangin. Pero hindi pa rin iyon sapat para maging ga'non kalamig ang mga bato.
Kahit na gano'n ay bigla akong inatake ng pangungulila. Katulad kasi ang mga 'to doon sa bato ng batis kung saan kami nagbubunot ng uban. Dahil malapad ang hugis na mga 'to, noong bata pa kami ay nakaimbento kami ni Barbara ng laro gamit ang mga 'yon.
Kunyaring gumagawa kami ng tore sa pamamagitan ng pagpatong-patong sa mga bato. Pataasan kami. Kanino man ang natutumba ay nakakatikim ng malupit ng pitik sa kamay—minsan ay sumasali rin si Frankie.
Binuntong hininga ko na lang ang namimigat kong damdamin dulot ng mga alaala ng masayang nakaraan. Sa dami ng nangyari, mukhang malabo na kaming makabalik sa gano'n. Hanggang do'n na lang siguro—hanggang sa alaala na lang ang lahat.
Inipit ko ang mga labi at pinagpatuloy ang paglalakad—hindi pwedeng mag-inarte, bawal. Ayokong maabutan ni Kuya sa ganitong kalagayan—iyakin pa rin.
Binilisan ko ang paglalakad. Gusto ko lang masiguro na mahaba lang itong kalsada at hindi ako na-engkanto.
Pero dalawang beses ko ng nadaanan ang isang pobreng kahoy na nakatayo sa kanang bahagi ng daan. Hindi ko pinansin no'ng una, pero hindi na maiwasang ipagwalang bahala ang pangalawa. Namumukod tangi lang kasi ito na parang nakalusong sa dagat ng bougainvilla.
Pwede rin naman na pasadyang tinanim ang mga 'to na malalayo ang agwat. Pero hindi na yata matatawag na sinadya ang nakausling puti at pulang bulaklak sa halamang bakod mga ilang hakbang bago marating ang naturang kahoy.
Nag-aalangan na akong tumuloy o tumingin sa kanan. Nanlamig lalo ang namamawis kong palad at diretsong pumihit ako patalikod nang pamilyar ang namataan kong sanga-sangang anino sa unahan.
Pero parang nabuhusan ako ng malamig na tubig. Nagsitindigan ang mga balahibo ko sa leeg, gumapang hanggang braso nang nakabungad sa harap ko ang kahoy. May parteng madilim at parteng may liwanag sa mga sanga nito na parang nakikipagtitigan sa 'kin.
Matagal akong natuod sa kinatatayuan. Nanatiling nanlaki ang mga mata ko habang paisa-isang nilingon ang kabilang dako. Malayo man tingnan, pero nando'n ito—nakatayo—nangungutya gamit ang kaunting liwanag na nagpapagalaw sa anino nitong tila sumasayaw sa gitna ng kalsada.
Lalong napako ang mga paa ko sa bato-batong kalsada. Binalot ako ng lamig na 'yong tipong humihiwalay na ang kaluluwa ko sa katawan.
Namanhid at hindi ko na maramdaman ang sarili. Pero kahit na gano'n ay nagawa akong protektahan ng sariling katawan. Kumuyom ang aking mga kamao, at 'yon ang napanghawak ko para pigilan ang sarili na takasan ng malay.
Nang bumabalik na ang pakiramdam ko sa katawan ay hindi ko na makita ang kahoy. Nilingon ko pa ang likuran pero wala talaga ro'n.
Handa na ang mga paa kong tumakbo—malalang klase ng guniguni na ito. Ngunit muli akong natigil nang may malamlam na liwanag ang kumalat sa langit. Mula sa likod ay para itong umaandar at hindi ko napigilan ang sarili kundi ang tumingala.
Hindi pa ako nahimasmasan doon sa pobreng kahoy pero ito't tumama ang ang paningin ko sa dambuhalang buwan.
Hindi ko malaman kung malapit lang ba ang langit o sobra na ang pagod ko at kung anu-ano na ang nakikita ko. Mas malaki pa kasi sa batya ang buwan na ultimo lubak-lubak nito sa pisngi ay kitang-kita na.
Ang pinakamalupit sa lahat na nagpatigil sa aking paghinga ay nang mapansing may mukha ang buwan.
Ang mga buhangin nito ay anyo ng isang matandang lalaki. Makapal at dikit-dikit ang mga gatla nito sa noo habang may mga pinong kulubot ang paligid ng bibig.
Mahabagin ang mata niya, pero ang paraan ng mga tingin niya ay kasingkatulad ng kay Aling Maria—puno ng kaalaman. Parang nakapaloob doon ang mga istorya ng pagsubok at aral ng mga dumaang panahon.
Hindi ko maialis ang tingin sa kan'ya. Sa hindi malamang dahilan ay wala akong maramdamang takot habang naglalakbay siya sa maaliwalas na kalangitan.
Ngumiti siya. Ang mga mata niya ay parang nakatuon sa kalawakan—sa kawalan—parang gumugunita ng isang alaala.
Ilang segundo ang lumipas ay biglang tumawa ang buwan. Walang boses, walang kahit na anong ingay—pero ang tawa niya ay madamdamin. Lalong nagsidikitan ang mga linya niya sa mukha at parang arko na lang ang mga mata niya. Tapos ngumiti na naman siya, matapos ay tumawa ulit.
Dahil nasa buwan pa rin ang mga mata ko ay hindi ko malaman kung humawi ang halamang bakod at ang mga bulaklak habang tinatahak ko ang landas paalis ng kalsada. Hindi sumabit o sumagi man lang ang mahaba kong saya sa matitinik na sanga ng bougainvilla.
Pero wala na rin 'yon sa isip ko—ang mahalaga lang sa 'kin ngayon ay ang buwan.
Parang kailangan kong makita ang pagngiti at ang pagtawa niya. Nakanganga, nakatulala habang sinusundan ang pagbaba niya sa guhit-tagpuan.
Hanggang sa papalubog na siya at kalahati na lang ang nakikita sa kan'ya. Hindi nagbago ang ginagawa niya na pagtawa at pagngiti pero bumabagal ang pagbaba niya na wari'y nagpapaalam. Sa hindi malamang dahilan ay hindi ako nakaramdam ng lungkot na baka hindi ko na siya makikitang muli. Sa katunayan ay parang basyo ng bote ang aking damdamin—walang laman. Wala akong maramdaman.
Hindi ko maintindihan.
Habang kumalat muli ang dilim sa kalangitan, natauhan ako sa hagikgik ng isang batang babae. Napapangiwi ako sa bawat pagtawa nito dahil parang tinutusok ng karayom ang tainga ko sa sobrang tinis.
Tumilamsik ang mga butil ng tubig sa damuhan sa mabibigat kong paghakbang. Mabilis kong sinundan ang pinagmulan ng boses. Nakakairita. Kahit tinakpan ko na ang tainga pero pumapasok pa rin ang tawa niya na parang mga linta at dumikit na pati sa utak ko.
Ginalugad ko ang paligid na napalibutan pa rin ng halamang bougainvilla. Panay ang paghila ko sa tainga sa tuwing sumasabay sa hangin ang hagikhik niya—nakakarindi.
Hanggang may natagpuan akong mga punit-punit na bulaklak at sira-sirang sanga ng halaman. Nagkalat ito sa damuhan na parang binunot at inapak-apakan.
Napamaywang at nagsalubong ang dalawa kong kilay. Hindi lang isang parte ng halaman ang nasira kundi isang hilera na parang dinaanan ng bagyo.
Dahil hindi sapat ang natirang liwanag ng buwan, ang mga pulang talutot ang mas naaninag ko sa dilim. Iyon ang ginawa kong pantanda habang binabaybay ang mga piraso nito.
Habang naglalakad ay lalo akong nakukumbinse na ang may kagagawan ng kalapastanganan sa mga halaman ay ang may-ari ng hagikhik na umaalingawngaw sa paligid. Lumalakas kasi ito nang lumalakas habang dumadami nang dumadami ang nakikita kong kalat sa paligid.
Hindi nga ako nagkamali nang may namataan akong gumagalaw sa bandang unahan, at hindi rin ako nagkamali na isa itong batang babae dahil mabukadkad ang palda ng suot niyang damit.
Napaigting ang panga ko at mabilis itong nilapitan. Ano bang problema niya at mukhang tuwang tuwa pa siya habang tinalon-talunan ang kumpol ng halaman.
Naabutan ko siyang nakatalikod sa 'kin. 'Tsaka ko lang napansin na may hawak pala siyang dalawang patpat—nagkagutay-gutay ang mga bulaklak nang walang habas niya itong pinagpapalo.
Tumigil ang bata at tumingala sa langit. Tumawa na naman siya. Nahaplos ko ang nagsitayuang balahibo sa braso nang sumigaw siya na parang nasisiraan ng bait. Sinundan pa ng paghagikhik na kasingtunog ng isang tiyanak.
Nagdadalawang isip na tuloy akong patigilin at pagalitan siya. Sa kilos pa lang ay mukhang wala itong sinasanto—baka nga mas kaya ako nitong saktan kaysa sa ako sa kan'ya.
Aatras na nga sana ako nang biglang tumigil ang bata sa pagtawa, bigla rin siyang lumingon at humarap sa 'kin.
"Anong ginagawa mo dito?" maliit ngunit agresibo ang boses niya. Mahigpit ang pagkahawak niya sa patpat habang naglalakad papalapit.
"Pa'no ka nakarating dito? Ano ang ginagawa mo dito?"
Hindi ako makasagot—naunahan ng takot dahil mukhang hindi nagbibiro ang nanlilisik niyang mga mata.
Napaatras ako. Kahit mukhang kayang pumatay ng tao ang hitsura niya pero bakit kamukha ko siya no'ng bata pa ako. Iba man ang haba ng buhok niya sa buhok ko dati—parang bunot sa iksi ang sa kan'ya habang lagpas baywang ang sa 'kin—pero ang bilog ng mukha at ang ma-umbok ng pisngi—parehong pareho.
"Ano nga ang ginagawa mo dito?" Gumaralgal ang boses niya sa huling salita. Hindi ako makasagot. Bukod sa wala akong maisip na sagot, napatanga rin ako dahil parang kaharap ko lang ang sarili.
"Issa!"
Bigla akong natauhan sa pagtawag niya sa pangalan ko. May galit ang maliit nitong boses pero bakit parang himig ito sa pandinig. Gusto ko sanang marinig ulit pero mas nangibabaw sa 'kin ang katanungan kung bakit niya ako kilala.
Padabog nitong binagsak ang kaliwang patpat nang tumigil siya sa harap ko. Napatda at nanlaki ang mga mata ko sa kapirasong kahoy na patayong nakatusok sa lupa. Hindi ko maisip-isip kung bakit gano'n siya kalakas sa kaliit-liit niyang bata.
Napakurap ako nang lalong bumaba ang kurba ng bibig niya at inangat pa ang libreng kamay—mukhang sasaktan ako nito.
"Sagot!"
Hindi ulit ako nakasagot. Napakurap ulit ng isa..dalawa...tatlong beses—nagtataka at sinisiguro kung bakit malapad na dibdib na itong nakikita ko sa harapan.
Lalo pang nanlaki ang mga mata ko nang makitang nagkalat at mukhang naligo ito sa dugo—halos maitim na tingnan ang malapot na likido sa dilim.
Sinubukan ko ring sumagot, pero lalo lang umurong ang dila ko nang mabigat na dumapo ang kaliwang kamay niya at humigpit ito sa braso ko. Wala man akong balak pero nagkusa ang sarili ko na tumingala at doon sinalubong ang mga mata ko sa mata ni Jack na nabalot na ng itim.
"H-indi ko..." nagkusa lang itong lumabas sa bibig ko, pero hindi ko alam kung ano ang idudugtong. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko rito. Hindi ko sinasadya na mapunta sa lugar na 'to. Hindi ko alam.
"Putang!"
Bahagyang umatras si Jack. Ang patpat na hawak kanina ng bata ay itim na gulok na ngayon sa kanang kamay ni Jack. Mabilis niya itong sinuksok sa kaluban na nakasabit sa kaliwa nitong baywang.
Tulala akong pinagmamasdan siyang yumuko at binunot ang pangalawang gulok na patayong nakabaon sa lupa kung saan nando'n nakatusok ang isa pang patpat kanina. Katulad ng sa dibdib, sa braso, sa leeg, sa buo niyang katawan, ang patalim ay nabalot din ng pulang likido. Tinaktak at pinahid niya pa ito sa suot na pantalon.
"Tangina! Nasa'n sila? Bakit hinayaan kang mag-isa?"
Hindi ko na namalayan ang pagdampot niya sa kamay ko. Basta na lang akong natangay sa paghila niya habang hindi ko matanggal ang tingin sa paligid.
Ang kaninang akala ko ay mga bulaklak ng bougainvilla, ngayon ay kasinghitsura ng dambuhalang bituka—umaakyat-baba ang paggalaw nito na parang humihinga.
Napakapit ako sa braso niya, pilit na winawaksi ang rindi at pinigilan ang sarili na masuka sa mga gutay-gutay na lamang-loob na nagkalat sa nadadaanan namin. Ang mga talutot ng bulaklak na sinundan ko kanina ay tilamsik pala ng dugo—napapikit ako dahil sa pagkangilo nang may naapakan akong malamig at malapot sa paa.
************
Nawindang ka ba? Ako rin 😂😂😂
Yoko na magtanong kung ano ang tingin n'yo sa chapter na 'to. Kasi kahit ako napagod ang utak 😂
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro