43 » ang natatanging karet sa mundo ng mga issa
And this too is dedicated to Dimasilaw_101 Salamat sa walang sawang pagsuporta sa kalokohan nitong lima kong alaga.
May dinagdag pala ako sa chapter 28, andon ang kadugtong/simula vice-versa nito. Mas malilinawan ka sa nangyayari sa ating ilusyunada.
Back to topic, ito na ang kalahating sagot. This has a lot of switches, so here goes nothing.
************
-- Noong ikadalawampu't dalawa ng Mayo, taong 1994 --
Maugong ang tunog ng alon sa may kalayuan. Pero pahina ito nang pahina habang papalapit ang tubig at mahina itong humampas sa paa, sa hita--tinangay nito ang mga hibla ng buhok ko na nakalatag sa buhangin.
Magaspang ang buhangin, sa 'di malamang dahilan ay mas lalong kong nagustuhan ang manatiling nakahiga, nakatunganga habang tinatantiya kung gaano katagal maghihiwalay ang naglalakbay na ulap sa itaas.
"Hoy, Issa, tawag ka ng nanay mo!"
Tumingala ako sa direksiyon ng tunog ng naaapakang buhangin. Dahil mas malapit ito sa tainga ay mas malakas ito kaysa sa sigaw ng tumawag sa 'kin.
"Bakit daw?" tanong ko kay Kuya--nakatayo siya ng ilang hakbang sa may ulunan ko kaya baligtad ang tingin ko sa kan'ya.
"Ewan..." maiksi nitong sagot habang nakapamaywang at nakatingin sa dagat. Dumaan at humampas ang malakas na hangin sa alon, sa puting kamiso na suot niya, sa nang-aalat kong balat. Pumikit ako habang sumasayaw pa ang hangin at tinatangay nito ang sama ko sa loob.
"Oi, tawag ka nga! Tayo na!"
Minulat ko ang mata at napansing nakatayo na siya sa may gilid ko, nakasimangot at nakapamaywang pa rin.
Hindi ko pinansin si Kuya at binalik ang tingin sa langit. Umusli ang nguso ko sa dismaya dahil ang ulap kanina ay nagkawatak-watak na--hindi ko man lang nakita kung pa'no 'yon nangyari.
"Kuya, narinig mo na ba ang musika sa alon?" tanong ko sa kan'ya nang maramdamang naupo ito sa tabi. Naramdaman ko ring bahagya siyang lumingon sa 'kin bago nito binalik ang tingin sa dagat. "Nakakahumaling. Kaya siguro ayaw umuwi ni Tatay, nahumaling sa alon." Nagsimulang bumigat ang dibdib ko at letseng bumalik ang sama ng loob ko.
"Galit ka pa rin?" tanong niya.
Imbes na sumagot ay ginalaw-galaw ko ang nguso para pigilan ang sarili na maiyak. Kahit nakumbinse ko na ang sarili na ayos lang 'yon, kailangang lumaot ni Tatay para may pantustos sa pang-araw-araw naming gastusin. Pero hindi ko pa rin mapigilan ang sarili.
Pang-ilang pangako na ba 'to na uuwi raw siya sa kaarawan ko? Magdidiwang daw kaming tatlo--ako, siya, si Nanay.
Pito. Pitong pangako na napako simula no'ng pitong gulang pa lang ako.
Ang lupit ni Tatay.
Gano'n pa man ay ito akong tanga na umaasa pa ring makasama siya. Umaasang uuwi siya. Umaasang maging kompleto kami kahit ngayon lang sana.
Pero anong napala ko? Wala. Lagi na lang nauuwi sa pangingimbita ng pamilya nina Kuya at Barbara sa kanilang bahay-bakasyunan na dalampasigan ang harapan. Dahil daw gustong gusto ko ang dagat. Dahil daw pamilya na ang turing nila sa 'min at kaarawan ko naman.
Buti nga sila, iniisip nila ako. Simpleng hapunan lang naman sana ang balak namin ni Nanay, pero mapilit sila.
Mabuti pa sila, and'yan lagi ang nanay at tatay--kompleto sila lagi. Buti pa sila.
"Yaan mo na, maganda naman dito, 'di ba?" pampalubag-loob ni Kuya.
Malalim na buntong hininga ang naging sagot ko na humalo sa matinis na hiyaw ng mga tagak sa may 'di kalayuan. Isang mapait na ngiti ang hinarap ko sa kan'ya bago ko tinuon ang atensiyon sa bagong kumpol ng ulap na nakapaskil sa bughaw na langit.
Nakakaaliw.
Kusa na lang kumurba ang mga labi ko paakyat. Ang ganda rin talaga sa tabing dagat. Parang lahat ng nandito mula sa buhangin, sa maalat na hangin, sa tunog ng alon--tinutunaw ang lahat ng hindi maganda sa kalooban. Tinatangay sa malayo nang hindi na mahagilap pa. Kung pwede lang na ganito na lang ako hanggang gabi--kung pwede lang na dito na lang ako matulog.
"Hindi ka ba nilalamig? Kanina ka pa nakahiga r'yan," tanong ni Kuya. Salubong ang kilay kong napatingin sa kan'ya.
"Pa'no lalamigin? Tirik ang araw, ang init oh!" Sumalok pa ako ng tubig at lalong binasa ang katawan dahil masakit na sa balat ang dampi ng sinag nito.
Napalingon ako sa katabi dahil nakakaduda ang pananahimik niya. Kadalasang hindi ito nagpapatalo kapag pabalagbag ko itong sinagot.
"Problema mo?" Pinanlakihan ko ng mata si Kuya nang maabutan ko siyang nakatitig sa 'kin. Ang aliwalas ng mukha niya--kahit parang tuwid na guhit ang porma ng mga labi niya pero ang ningning ng mata niya--parang nakangiti.
"Wala..." mabilis nitong sagot sabay iwas ng tingin. Pero wala pang ilang segundo ay pasulyap niya rin namang binalik sa 'kin. "Para kang naluging dikya r'yan."
Sa inis ay napadampot ako ng isang kamaong buhangin. Gigil ko itong binato--lumagapak at kumalat sa likod niya na parang mamasa-masang ipot ng higanteng kalapati.
Imbes na magalit ay humagalpak lang nang tawa si Kuya. Mabilis kong sinundan ang pagtayo niya dahil alam kong may kasunod pa ito.
"Ilan ba, Manang, ang hindi pa nakabayad sa pautang mo?" natatawa niyang sabi bago kumiripas nang takbo.
Naipadyak ko ang paa sa gigil. Dalawang kamay na ang pinandakot ko ng buhangin bago siya sinundan at pinaulanan ng hawak ko.
"Kuya! Pag naabutan talaga kita!"
Malayo na ang agwat ni Kuya dahil paminsan-minsan akong tumitigil para dumakot ng panibagong puting buhangin.
Gumalaw papasara ang mga ulap habang palayo nang palayo ang dalawa sa paningin. Gumagapang at kumikislot ang lilang kuryente na tinatawag naming kidlat sa kristal na garapon kung saan nakapaloob ang naturang memoria.
Muli kong hinaplos ang sisidlan. Gamit ang kidlat na nananalaytay sa aking katawan, binalot ko nito ang garapon upang mapanatiling buhay at gumagalaw ang mga alaala. Kung papalarin man na ito'y sariwain ng may-ari ay mas titingkad ang kulay na animo'y bago at kagagawa pa lamang.
Ako ay isa sa mga Issa--ang tagapangalaga at nangangasiwa ng mga alaala sa isang babae na nagngangalang Isabelle.
Ako at ang aking mga kapatid--lahat kami ay kawangis niya, hango sa palayaw niya.
Pare-pareho ang aming hitsura, ang haba ng aming buhok, ang bilog sa mga mata, sa liit at sa balingkinitang katawan. Kahit ang malaking nunal sa kaliwang balikat na binansagan ng kuya ng Isabelle na naligaw na kulangot--mayroon kami.
Matapos kong masiguro na sapat ang kidlat upang tumagal ang memoria ay maingat ko itong tinaas. Kusa itong gumalaw, lumutang palayo sa aking mga palad, at umakyat patungo sa gitna ng ire. Kasama ng iba pang sisidlan dikit-dikit ang mga ito sa itaas at ito ang nagsisilbing bubong sa amin.
Nagsimula na rin akong maglakad patungo sa kasunod na garapon na nakahiga sa lupa. Sinasalamin nito ang sumasayaw na kulay ng bahaghari na nanggagaling sa gumagalaw na memoria sa bawat sisidlan na nakasabit sa itaas.
Ngunit hindi kagaya sa iba, itong bagong garapon ay walang kulay, walang buhay, walang laman. Mayroon lamang puti at maliit na liwanag ang namumuo sa looban nito--palatandaan na magsisimula pa lamang ang memoria.
Gumalaw paakyat ang mga labi ko. Batid kong ngumiti ako dahil sa kakaibang guhit na dumaan sa aking dibdib.
Ang mga kapatid ko ay hindi marunong ngumiti. Batid ko na wala sa kanila ang may kakayanin nito dahil ni minsan ay hindi ko nakitang nagbago ang galaw ng kanilang mga mukha. Ni minsan ay hindi ko nakita ang pagkurba paakyat ng kanilang mga labi na katulad ng kay Isabelle. Marahil dahil sa mabusising pagsasaayos ko ng mga memoria ay nagawa kong gayahin ang kan'yang pagngiti.
Hindi ko matandaan kung kailan ito nagsimula. Batid ko lamang na ito ang kasalukuyang nangyayari sa aking pisngi habang pinagmamasdan ang isang bulto ng itim na likido na nakatayo malapit sa naturang garapon.
Isang karet--ang tagapagtanggol ng mga Issa.
Sa ngayon, itong karet ay ginaya ang kasalukuyang hitsura ng kuya ni Isabelle--tatlong kaarawan ang nakalipas magmula doon sa memoria na inalagaan ko kanina--matangkad, magulo ang buhok, matikas ang tindig.
Mas lumapad pa ang ngiti sa aking mga labi. Bagama't wala siyang mukha--hindi pa siguro abot ng kan'yang kakayanan ang komplikadong hugis at emosyon na kalakip dito ay nakakaaliw pa ring isipin na nagawa niya ang isang bagay na karaniwang hindi ginagawa ng mga karet--ang gumaya ng ibang hitsura maliban sa nakasanayang armas pandigma.
Sapagkat ang mga karet ay walang ibang alam kundi ang pumatay--ang sumupil sa kung anumang banta sa aming buhay. Sila ang nagsisilbing panangga sa aming mga Issa--ang aming kalasag.
Ngunit siya ay hindi pangkaraniwang. Siya lang ang karet na nakisalamuha sa amin.
Dahil sa taglay naming kidlat, ito ay nakakamatay sa kanila--nilulusaw ang kanilang katawan. Kung kaya't sila ay nananatili lamang sa itaas--nagbabantay, nagmamatyag.
Kaya naman nakakaaliw. Siya lamang ang tumayo ng ganito kalapit sa akin, ang samahan ako sa pagsubaybay sa bawat memoria na aking inaalagaan.
Nakakamangha ang kan'yang lakas ng loob at ang kan'yang kuryusidad.
Dinampot ng karet ang garapon at inilahad ito sa harap ko. Nakasanayan na sa aming dalawa ang pagbitiw niya rito at ang pagsalo ko nang sa gayon ay walang lumapat na kahit anong parte sa akin sa kan'ya.
Bahagya siyang yumuko--naintindihan ko ang nais niya na panoorin namin ang bagong memoria.
Bagama't nagawa niyang gayahin ang dalawang binti ng lalaki, ang mga tuhod nito ay hindi tumutupi habang naglalakad. Tuwid lang ito at animo'y umaandar sa lupa nang sumabay siya sa akin patungo sa nakasanayang bangko kung saan kami kadalasang naupo.
Nakakatuwa.
Nagawa rin nitong gayahin ang tamang pag-upo. Hindi katulad noong mga nauna.
Anuman ang ginagaya niya noon, mula sa bougainvilla na kinagigiliwang bulaklak ni Isabelle, hanggang sa laruang oso, alagang aso at iba pa--lahat ng ito ay bumabalik lamang siya sa hugis ng likido kapag umuupo--animo'y grasa na paikot-ikot ang daloy habang nakasalampak sa upuan.
Ngunit iba ngayon. Sa katagalan yata ng kan'yang panggagaya ay unti-unti nitong natutunan ang tamang kilos sa mga nakikita niya.
Magkasabay kaming dumungaw sa garapon.
Nagkaroon na ng ulap ang laman nito--humawi at bumungad ang kaliwa't kanang istante ng mga libro. May nagsisulputang mga tao habang umaandar ang memoria. Mga lalaki, babae, nagbabasa, nagkukuwentuhan.
Patuloy ang daloy ng mga tao hanggang sa tumigil ito sa isang lalaki na kilala namin bilang Harold--isa sa mga kaibigan ni Isabelle.
Kasalukuyang katabi nito si Isabelle--abala ito sa pagpili ng mga libro samantalang siya naman ay may hinila gamit ang hintuturo, ngunit wala pang ilang segundo ay padabog niya itong tinulak pabalik.
"Kasama mo pala si Barbs," pabagsak na pagkasabi ni Harold.
Pinatong ko muna ang napiling libro kasama ng iba pa sa kaliwang braso bago ko siya nilingon.
"May isusuli raw siya kaya sumabay na siya sa 'kin. Ayos ka lang?" tanong ko sa kan'ya dahil kanina pa siya nakasimangot, ngayon pa lang siya kumibo, at kanina pa kami paikot-ikot dito sa silid-aklatan pero wala pa siyang napiling hihiramin.
"Ayos lang."
Hindi napigilan ng isa kong kilay ang umakyat. Ayos lang daw, pero parang isang kilo ang bigat ng pisngi, kanina pa padabog ang kilos at pwede ng sabitan ng bayong ang pagka-usli ng nguso. Tumingkayad pa ako para tingnan ang pamagat ng isang libro na hinila na naman niya, pero binalik niya rin ulit agad.
"Ayaw mo no'n?"
Nguso ko naman ang umusli dahil inismiran ako. Ano ba 'yon, parang may regla. Bumalik na naman siya sa walang kibo at sa paghila at pagtulak pabalik ng libro.
Wala ka pa bang...napupusuan?" magiliw kong tanong. Binigyan ko ng diin ang huling salita at sinadyang 'yon ang ginamit dahil masyado itong nawiwili sa malalalim na salita. Baka lang naman makiliti at lumiwanag ang nakabusangot nitong mukha.
"Mayro'n na," walang gana nitong sagot--may hinila ulit siyang libro at may kasamang buntong hininga ang pagbalik niya nito.
"Talaga? 'Asaan?"
Nakataas ang mga kilay niya nang lumingon siya sa 'kin. Hindi ko maintindihan dahil pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Tapos ang talas ng tingin na parang ang laki ng kasalanan ko sa kan'ya.
Pinagwalang bahala ko na lang. Baka masama ang gising--nahulog sa katre--nagutuman. Masaya siyang kasama pero minsan gumaganito siya, lalo na kapag kasama si Barbara, o si Kuya--suplado, walang kibo.
Hinawakan ko siya sa palapulsuhan at hinila--may nagustuhan na pala siya, hindi niya naman sinabi agad. "Alam mo, tara kunin natin. Sa'n ba?"
Pumihit na ako patalikod nang may matinis na boses ang sumakop sa silid. Tinatawag nito si Harold at lahat kami ay napalingon sa kan'ya.
Sabay-sabay din kaming napalingon kay Binibining Alcantara--ang matandang dalaga na nangangasiwa nitong silid-aklatan. Halos lumuwa na ang mga mata nito sa kinalalagyan habang nakatitig sa salarin--si Barbara.
Parang tempo ng isang sayaw na sabay-sabay ring lumipat ang tingin namin sa may sala. Panay kamot ito sa batok habang labas ang lahat ng ngipin niya sa pilit na ngiti. Gumagalaw ang bibig nito ng "Pasensiya na po" doon sa binibini bago lumapit sa amin nang umismid at tumingin na sa ibang direksiyon si Binibining Alcantara.
"H'wag ka kayang maingay!" pabulong at pinanlakihan ko siya ng mata nang tumigil ito sa tabi ko.
"Pasensiya! Pero..." Ang aliwalas ng mukha ni Barbara na parang pwede itong magbigay liwanag sa isang madilim na kwarto. Winagayway niya sa harap ni Harold ang hawak na libro, at kuntodo ang ngiti nito na parang wala ng bukas. "'Di ba ito 'yong gusto mo?"
"Oo nga!" pagsang-ayon ko. Nabanggit ko 'to kay Barbara na nasa pangatlong libro na kami sa limang serye sa kwentong sinubaybayan namin.
Kukunin ko sana ito sa kan'ya at sisimulang basahin ang mga naunang pahina, pero ayaw niyang bitiwan. Ako na lang ang bumitiw na siyang paglahad niya nito sa harap ni Harold.
"Hindi ko 'yan gusto." Malalim ang boses ni Harold habang sinabi niya 'to. Walang gana nitong tinitigan ang aklat na nakatiwangwang sa harap niya.
"Akala ko...sabi mo..." Matalas at nakakasugat na ang nangbibintang na mata ni Barbara. Winaksi niya pa ang buhok kahit wala naman siyang iwawaksi dahil gupit-lalaki ito sa iksi.
Napatingin din tuloy ako kay Harold. 'Yon naman talaga ang inaabangan namin sa silid-aklatan na magkaroon sila ng kopya at hihiramin namin--tapos ngayon biglang ayaw na niya.
'Tsaka ko lang naramdaman na parang naiwan ako sa ire--parang naging wala akong kakampi. Ano pa ba ang kwenta kung wala rin naman akong mapagkwentuhan sa mga paborito at kinaiinisan kong parte ng kwento?
Bagsak ang balikat kong iniwas ang tingin sa kan'ya. "E ano pala?"
"Ikaw."
"Ha?" Si Barbara ang nagboses sa tanong ko. Ang bilis ng pangyayari na nahagip ng tingin ko ang paglaki ng mata niya at pagkuha ni Harold sa kanan kong kamay.
"Gusto kita." Parang sumuot hanggang sa utak ko ang sinabing 'yon ni Harold.
Mukhang nakalimutan ng lahat ng parte ng katawan ko ang kani-kanilang tungkulin. Hindi ako nakapagsalita, hindi ako nakagalaw at hindi ko maialis ang mga mata sa mga mata niya na parang inuutusang akong tumingin dito. Tuluyan na akong na-estatwa nang nilapit niya ang kamay ko at hinagkan ang likod nito.
Mabilis na nagsilabasan na tila nag-aalburuto ang mga lilang kidlat sa braso ko. Mabilis itong gumapang na animo'y mga alupihan patungo sa kamay ko na hawak ng katabing karet.
Tumatagaktak sa lupa na animo'y tunaw na kandila ang mga daliri niya habang sumusuot doon ang mga kuryente. Habang gumagapang din ito sa buo niyang katawan ay mabilis ding nagpalit ang kan'yang hitsura.
Bahagyang lumiit ang panga nito sa mukha, gumalaw ang kamiso na suot niya at humulma ito hanggang sa naghugis polo kasabay ang paghulma ng kurbata pababa.
Sinubukan kong bawiin ang aking kamay, ngunit mahigpit ang hawak niya rito. Paulit-ulit na humulma ang natutunaw nitong mga daliri na nagsisilbing tulay ng aking kidlat.
Ano ba ang maaari kong itawag sa kan'ya upang makuha ang atensiyon nito? Hindi ito maaring magpatuloy--ikakapahamak niya.
Paisa-isa ang kan'yang kilos ng pagyukod habang gumuguhit sa mukha nito ang mga mata, matangos na ilong, bibig. Naialis ko ang tingin sa kan'ya dahil sa isang matinis na hiyaw sa paligid.
Sinundan ng pagbulusok ng isang karet--animo'y itim na pagi itong lumipad at natakpan ang kulay ng bahaghari na nanggagaling sa mga memoria nang dumaan ito sa ibabaw namin. Sinundan ng isa, ng isa, at ng isa pa hanggang dumilim na ang paligid sa libo-libong karet na nagsiliparan sa himpapawid.
Napatayo ako sa kinauupuan nang parami nang parami ang hiyawan, naging mas matinis, palakas nang palakas. Hindi ko mawari kung bakit ganoon na lang makasigaw ang aking mga kapatid.
Saglit kong nakalimutan ang karet na aking kasama, 'tsaka ko lang naalala nang humigpit ang kamay niya sa kamay ko.
Nakatayo na rin siya. Kahit unti-unting natutunaw ang parte sa katawan nito na dinadaanan ng aking kidlat, paulit-ulit niya itong inaayos na ngayon ay nasa hugis at buong hitsura ni Harold.
Habang inaangat niya ang aking kamay ay may gumuguhit sa aking dibdib. Lumalalim at pasikip nang pasikip hanggang dumating sa puntong hinahabol ko na ang hininga.
Nabitawan ko ang sisidlang hawak nang dumampi ang mga labi niya sa likod ng kamay ko.
Hindi ko nagawang sagipin ang memoria na nakapaloob sa garapon. Tulala akong nakatitig sa mga bubog na nagkalat sa lupa--sumingaw ang laman nito at tuluyang naglaho sa hangin.
Samantalang sa harap ko mismo ang pagpalit niya ng tunay na anyo. Malapad, manipis--hugis ng itim na alpombra, kumikinang ang talim sa mga laylayan nito. Bahagyang tumupi ang bandang itaas nito na animo'y pagpapaalam bago pa man niya ako iniwan at dinaluhan ang kan'yang kapwa karet sa himpapawid.
************
Alpombra - carpet
Honestly, nawindang ka ba sa pagpapalit-palit ng POV? If so, which part? Nakakalito? Pangit?
Hindi ko na itatanong kung ayos lang ba ang kinalabasan nito hahaha. Papindot na lang si star--ang sad niya kasi, hindi siya nakailaw.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro