42 » kalayaan
Napatingala si Harold habang tinataas at diniin ko nang husto ang hawak na kubierto na tinarak ko sa ilalim ng baba niya. Mabilis na umatras ang itim na bumalot sa kabuuhan ng mata niya—naipon sa gitna hanggang sa sumilay na ang puti at bumalik na ito sa dating anyo.
Hindi ako nakapaghanda at nawalan ng depensa sa sarili nang hinablot niya sa 'kin ang tinidor at mabilis itong sinuksok sa bulsa. Sinubukan kong tumayo pero mabilis nitong nahawakan ang pulso ko. Para akong naposas ng kamay niya na kahit iangat ko ang sarili ay hindi ko magawa.
"Harold, Hijo!"
Dahil sa galit ay hindi ko namalayan na nasa likuran na namin ang Donya—walang masidlan ang poot na nararamdaman ko at nalingon ko siya nang masama ang hitsura.
"Kanina ko pa pinag-utos na bumalik kayo sa inyong silid!" sigaw ng Donya. Parang tinakbo nito ang kahabaan ng pasilyo dahil hinahabol nito ang hininga habang hawak-hawak ang malusog na dibdib na halos lumuwa na sa hapit at makopang bestida. Naniningkit ang mga mata niya at nagpalipat-lipat ang tingin sa 'kin at dito sa suwail niyang anak. "May problema ba kayong dalawa?"
"Wala naman, Ina," mabilis na sagot ni Harold. Binitiwan niya na rin ang pulso ko at parang walang nangyari na kalmado nitong kinuha ang pantali sa buhok na nakapatong sa lamesa. Kalmado rin itong tumayo at pinupuyos ang buhok habang naglalakad patungo sa Donya. "May mahalaga lang kaming pinag-usapan ni Issa."
"Mas mahalaga ba 'yan kaysa sa buhay ninyo, Hijo?" Bahagyang umatras ang Donya nang akmang makikipagbeso si Harold sa kan'ya. Mag-ina nga sila dahil parang inatake ito ng topak. Hindi ko maintindihan kung bakit mas matalas pa sa kutsilyo ang tingin niya sa aming dalawa. "Hindi ninyo nabanggit na napakahusay gumamit ng armas ang kaibigan ninyong si Barbara. Masyado naman yatang mahusay para sa edad niya. Hijo, pinagkatiwalaan kita." Lumipat ang tingin niya sa 'kin at parang nakakasugat na ang pagdapo nito sa balat ko. "Ang taas ng pangarap ko sa inyong dalawa."
"Maghunos-dili po kayo, Ina." Dinampot ni Harold ang dalawang kamay ng Donya. Hinaharang nito ang sarili sa paminsan-minsang pagsilip ng Donya sa gawi ko. "Hindi man ninyo naitatanong ngunit nakadaupang palad ko na ang ama ni Barbs. Ipinagmamalaki nito ang mataas na katungkulan sa policia...hindi ho malayong mangyari na sinanay niya ang kan'yang Unica Hija sa mga ganiyang bagay," mahabang pagsisinungaling ni Harold—sa tagal na kaibigan ko si Barbara, ang alam ko na paggawa at pagbebenta ng alahas ang negosyo ng pamilya niya.
Tumagal ang usapan at marami pa siyang sinabi. Pero mukhang hindi nakumbinse ang Donya—parang manunuklaw na ahas ang hitsura nito't anumang oras ay ibabaon na nito sa leeg ang makamandag na pangil.
Tumayo na ako at babalik na sana sa kwarto pero parang may pumipigil sa 'kin. Halos pasigaw na ang boses ng Donya, ayaw niya pa ring tigilan ang usapin patungkol kay Barbara. Hindi na rin kaaya-aya ang mga lumalabas sa bibig niya—sandatahan—hukbo.
Mahigpit ang hawak ko sa sandalan ng upuan. Halos lisanin ng kaluluwa ang katawan ko sa hitsura ni Harold na tagilid na ang lagay sa pagtatalo nila. Malumanay at mapangsuyo na ang mga salita niya pero lalo lang tumitinis ang boses ng Donya—panay waksi pa nito sa kamay ni Harold na pilit itong kinukuha.
"T-otoo po ang sinasabi ni Harold, Tita. Totoo po n-a tinuruan si Barbara ng tatay niya," pigil-hininga kong sabi na nagpatigil sa kanilang dalawa. Pinilit kong tumingin nang diretso pero kusang bumababa ang mata ko. Hindi ko kaya—hindi ako sanay—hindi katulad nitong isa na pagsisinungaling na nga yata ang kinalakihan.
"Mija. Mija..."
Parang utos ang pagtawag niya sa 'kin at natuon ang atensiyon ko sa kan'ya. Parang nakalutang sa ire ang pamamaraan ng paglalakad niya dahil hindi gumagalaw ang mahaba nitong saya habang papalapit sa kinaroroonan ko.
"Mija, halika...may maganda akong ibabalita sa 'yo." Kinuha niya ang kamay ko at sinabit rin ito sa braso niya. Parang walang nangyaring pagtatalo dahil naging mas maaliwalas pa sa umaga ang mukha nito. "At Mija, Mama na lang ang itawag mo sa 'kin."
Nanlaki ang mata ko—kahit mainit pa rin ang dugo ko kay Harold ay hindi ko napigil ang sarili na mapalingon sa kan'ya.
Ang tanga ko rin. Umasa ako na kahit kaunting protesta galing sa kan'ya para pigilan ang kahibangan nitong ina niya—pero wala, iniwas niya lang ang tingin at nanahimik sa tabi.
Ano ba kasi ang maasahan ko rito? Baka nga lihim pa itong nagbunyi, baka nga pabor pa sa kan'ya. Tama na nga ang magtanga-tangahan, Issa, kailan ka ba kakampihan niyan?
Pinikit at binuntong hininga ko na lang ang lahat. Binaling ko ang atensiyon sa Donya at kailangan ko rin 'tong tapusin—kailangan ko pang malaman kung nasa loob pa ng mansiyon si Jack.
"Babalik na lang po ako sa kwarto...baka po kasi may insekto pa." Kumalas ako sa Donya at akmang tinaas ang sumayad kong saya. "'Di po ba may dala silang sakit?"
"Siyang tunay, Mija!" Kinuha niya ulit ang kamay ko at sinabit na naman ito sa braso niya. "Ang nakakapagtaka'y hindi sila namamatay sa pagpapausok. At hindi lang basta ang kanilang paglusob, parang may isip ang mga ito! Para bang...para bang may sinusunod sila."
Hindi naman kasi bastang insekto ang mga 'yon—mga gwalltor 'yon.
"Kaya nga kailangan po nating mag-ingat, Tita," pagpupumilit ko. Bahagya akong napaatras nang parang kutsilyo na naman sa talas ang tingin niya. "...este, Ma-ma..."
Hindi kinaya ng sistema ko dahilan ng pagngiwi ng mukha ko. Sumabit sa lalamunan at halos hindi ko malunok ang laway na nasagi ng pangalan na gusto niyang itawag ko sa kan'ya. Nakakasuya—ang sarap na talagang umalis sa pamamahay na 'to.
"Hindi mo na kailangang mag-alala, Mija," sabi niya. Nagsimula na siyang maglakad at natangay ako patungo sa pwesto niya sa hapagkainan. "Napuksa na ng mga tauhan ko ang mga insektong iyan. Maya't maya'y malinis ng muli ang hardin. Nabanggit sa akin ni Harold na ika'y nasiyahan sa mga bulaklak ko roon."
Lumingon siya kay Harold na nakaupo na ngayon sa kabisera—naka-de-cuatro at iniikot-ikot na naman ang kutsarita sa tsaa. Tumaas at umarko nang husto ang isang kilay ng Donya, binuksan ang bulaklaking abaniko at nagsimulang magpaypay.
"Bakit nandito ka pa, Hijo? Hindi ba't marami kang kakausapin ngayon? Hindi ka pa ba aalis?" sunod-sunod niyang tanong dito.
Parang walang narinig itong kaharap namin dahil ang lamya nitong dinampot ang tasa at humigop ng tsaa. Nagpunas pa siya ng labi gamit ang puting panyo bago tumingin sa 'min.
"May matinding takot si Issa sa mga insekto, Ina. Mas maiging nandito muna ako hangga't nasisiguro kong ligtas siya bago ako umalis."
Sinamaan ko siya nang tingin, akala niya naman ay madadaan niya ako sa matamis na salita. Sa huli ay siya na ang umiwas at hindi ako nagpatinag sa pakipagtitigan ko sa kan'ya.
"Mabalik tayo." Humarap ulit sa 'kin ang Donya at sinara ang abaniko na hawak niya. "Nakita mo ba, Mija, ang mga orkidyas sa paligid ng kubo? Nakakaaliw, hindi ba? Katangi-tangi ang bawat isa roon..."
Sumulyap ako sa labas ng bintana—tumataas na ang araw. May nagsipasukan ring mga serbidor sa comedor para maglapag ng agahan sa lamesa. Ang dami ng sinasabi ang Donya at umay na umay na ako sa mga pangalan ng bulaklak na hindi ko naman kilala. Tamad akong nakatitig sa kan'ya—napapapadyak sa ilalim ng upuan—kailan kaya matatapos itong litanya niya?
"Kaya naman, Mija, ako'y nasiyahan na nabanggit nito ni Harold na may hilig ka rin pala sa mga bulaklak. At mabuti na lamang ay may nakuha akong mahusay na guwardiya, itatalaga ko siya para sa iyo nang sa gayon ay makakapamasyal ka sa hardin nang walang pangamba."
Sa pangalawang pagkakataon ay napangiwi. Unang una, saan naman kaya nasagap nito ni Harold ang hilig ko sa mga bulaklak? Pangalawa, ano ba naman 'yan? Nakakasakal na nga na buntot nang buntot sa 'kin si Juanita, dadagdagan niya pa. Aalma na nga sana ako nang kumalansing ang tasa sa pabagsak nitong paglapag sa platito.
"Hindi man lang ninyo ito binanggit sa akin, Ina, nag-usap pa lang tayo kagabi. May itinalaga na ako para kay Issa, hindi n'yo na kailangang dagdagan pa!"
Umikot ang mata ng Donya habang de-numero ang paglingon nito sa anak niya. "Tinataasan mo ako ng boses, Hijo? At sabihin mo nga sa akin, ano ang magagawa ng isang muchacha laban sa mga insekto, aber?"
"Hindi ninyo ako dapat pinangunahan. Ako lang ang may karapatang magdesisyon para sa..."
Pinanlakihan ko ng mata si Harold dahil hindi ko nagustuhan ang sinabi niya. Sa pagkakataong ito ay hindi niya iniwas ang tingin—naging matalim ito na parang tumagos na hanggang sa kaluluwa ko.
"...para sa aking magiging kabiyak," dugtong niya.
Napatayo ako na siyang ikinatigil ng batang serbidor sa paglapag ng bandehado sa lamesa. Kahit ang mga nakahilerang kasambahay ay napalingon sa 'kin.
"Babalik na po ako sa kwarto, nawalan po ako ng ganang kumain," dire-diretso kong sabi sa Donya. Inusog ko ang silya at akmang tatalikod na nang kinuha niya ang kamay ko. Napalingon naman ako sa paghila niya rito.
"Hindi mo man lang ba pakikinggan ang ibabalita ko tungkol sa iyong ama?"
Nakataas ang noo ko habang nakatitig sa Donya—hinahanap sa mga mata nito ang katotohanan sa sinabi niya.
"Sa susunod na linggo ay magkakaroon tayo ng malaking piging," pagsisimula niya matapos kong maupo ulit sa silya. Mabagal niyang pinaypayan ang sarili na parang pagmamay-ari niya ang oras ng mga taong nakapaligid sa kan'ya. "Nais kang makilala ng aking mga amiga, Mija," dugtong niya.
"Ano po ang tungkol kay Tatay?"
Lalong lumapad ang ngiti ng Donya kahit nakasimangot naman ako sa harap niya. Bigla niyang sinara ang abaniko at nangalumbaba sa lamesa.
"Inanyayahan nito ni Harold ang iyong pamilya, at..." Nagningning ang mga mata niya kasabay ang matamis nitong ngiti sa labi. "Nabanggit nga ni Harold na natanggap niya ang sagot kahapon. Bagama't abala raw ang iyong ina, makakarating naman daw ang iyong ama at ang iyong kapatid."
Nahagip sa gilid ng mata ko ang pagdampot ni Harold sa tasa. Ito siguro ang gusto niyang pag-usapan kagabi—at kaya siguro nandito pa 'to ay para ipamukha sa 'kin ang pangimbita niya kay Tatay.
"Ngayon pa lang ay inaasam ko na ang kanilang pagdating. Inaasahan ko na maayos naming mapag-usapan ang napipinto ninyong kasal."
Lumingon siya kay Harold na nakapikit pang humihigop ng tsaa. Palipat-lipat ang tingin ko sa dalawa—hindi maintindihan kung bakit ba nito pinipilit ang lintik na kasal.
"Masaya ka ba, Mija?" tanong ng Donya na binalik ang siko sa lamesa. Isang malapad na ngiti ang naging sagot ko sa kan'ya—walang kasinglapad dahil alam ko namang hindi 'yon papayag si Tatay sa mga gusto nilang mangyari—lalong lalo na si Kuya.
Sinuklian din ako ng Donya ng malapad na ngiti—akala siguro nito na nakikiayon ako sa kan'ya.
Bahagya kong pinagpagan ang damit at magpapaalam na sana nang lumandas ang mala-kandila niyang daliri sa pisngi ko. Nakakiling ang ulo niya habang pinapasadahan nang tingin ang kabuuhan ng mukha ko. Napigil ko ang hininga nang halos bumaon na ang matulis nitong kuko sa balat ko.
"Napakaganda. Mija...bibigyan mo ako ng magandang apo, hane?"
Kumalansing na naman ang tasa sa platito. Hindi ko napigilan ang sarili na mapatingin sa nabasang mantel kung saan nakalapag ang inuman, at sa may hawak nito na naninigas ang panga at nanlilisik ang mga mata.
"Husto na, Ina. Magdahan-dahan naman kayo kay Issa.'
Tumaas lang ang isang kilay ng Donya, ni hindi man lang nilingon si Harold. Nanatili ang tingin niya sa 'kin at ang ngiti nito na parang kakain ng tao.
"Nagkakaintindihan naman tayo, hindi ba?" sabi niya bago inalis ang kamay sa 'kin. Umayos din siya sa pagkaupo bago binuksan ang abaniko at nagsimula ulit magpaypay. "Siyanga pala, matagal pa ba bago malinis ang kalat sa labas? Didang!"
May kumalampag doon sa hilera ng kasambay na nakatayo sa gilid ng hapagkainan. Ang pinakamaliit sa pila ay halos mapada na sa pagmamadali na makalapit sa 'min. Yumuko ito sa harap ng Donya—sa sobrang baba ng pagkayuko niya ay tumakip na sa mukha ang mahaba nitong buhok.
"A-ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, D-onya Matilda?"
"Bakit ang tagal nilang matapos? Tawagin mo si Inigo!"
Bahagya itong napaatras sa lakas ng boses ng Donya. Hindi agad nakagalaw ang kasambahay na nagngangalang Didang dahilan ng paglaki ng mata nitong katabi ko.
"Tonta! Ano pa ang tinatayo-tayo mo riyan?"
"N-andito na po si Inigo, D-onya Ma-matilda." Lalo pang yumuko si Didang at nanginginig ang kamay niya na mahigpit ang pagkakapit sa puting saya.
"Donya Matilda..." bati ng lalaki na ilang minuto nang nakatayo sa likuran niya. Katulad ng mga bantay ng laberinto ang suot nito—kulay abo mula taas hanggang baba. Ang kaibahan lang ay ang malaking selyo na nakaborda sa kaliwang bahagi ng damit niya. Wala rin itong suot na salakot at takip sa mukha kaya naman kitang-kita ang mga butil ng pawis sa noo nito.
Bahagya itong yumuko—hindi malapit at hindi rin malayo sa kaliwang tainga ng Donya. Ang bilis ng galaw ng bibig niya pero sobrang hina ng boses na kahit isang salita ay wala akong masagap. May kahabaan din ang binulong niya na paminsan-minsan ang pagtango ng Donya.
"Bueno..." sabi ng Donya nang tumuwid na si Inigo. "Mija, maiwan ko na muna kayo't marami akong lalakarin. Huwag kang mag-alala, malinis na ang lugar at...pinasiguro kong ngayon mismo magsisimula ang itinalaga ko para sa iyo."
Hindi umimik si Harold pero halatang nagtitimpi dahil sa pagtangis ng bagang niya. Sabay-sabay kaming tatlo na tumayo at dinampi ng Donya ang pisngi niya sa pisngi ko.
"Bueno, mauna na ako't hinihintay na ako ng inyong ama, " pagpapaalam ng Donya matapos din nitong idampi ang pisngi niya kay Harold. Napatingin ako sa labas ng bintana, baka sakaling mabawasan ang pangingilo sa braso ko sa sinabi niya. Kadiri. Nakakasukang isipin na magiging ama ko 'yong mukhang palaka. Taragis!
Walang ano-ano'y tumalikod na rin siya. Para na naman itong nakalutang sa hangin habang naglalakad patungo sa malaking pinto. Samantalang lumabas sa kabilang pinto ang mga serbidor, sina Didang, Inigo at ang tatlo pang kasambahay na nakahilera kanina ay nakabuntot sa Donya palabas.
"Nais mo na bang bumalik sa iyong silid? Ihahatid na kita," basag ni Harold sa katahimikang bumalot sa paligid. Kami na lang ang naiwan pero parang ang sikip-sikip nitong comedor para sa aming dalawa.
"H'wag mo 'kong hawakan!" Napaatras ako nang akma niyang abutin ang kamay ko.
"P-atawad. Patawad kanina. Nadala lang ako sa bugso ng..." mabilis nitong sabi at humakbang palapit sa 'kin.
"H'wag kang lumapit!" Lalo kong nilayo ang sarili, 'tsaka ko lang namalayan na hinarang ko ang dalawa kong kamay sa dibdib.
"Palabas lang 'yong sinabi ko kanina," halos pabulong na ang boses ni Harold habang luminga-linga siya sa paligid. "Maniwala ka, palabas lang 'yon."
"Palabas? Palabas 'yon!" Nasigawan ko siya dahil hindi ko makalimutan ang determinasyon sa mata niya habang sinasabi niya ang salitang kabiyak kanina.
May takot sa mata niya nang luminga-linga na naman siya at wala na rin akong pakialam kung may nakarinig man sa usapan namin. Para saan pa't darating naman si Tatay, kukunin niya ako.
"Mapagkakatiwalaan pa ba kita?" Hindi ko inalis ang tingin sa kan'ya—taos-puso ang tanong ko dahil kahit papano ay isa pa rin siya sa mga karet.
"Issa, patawad. Hindi ko sinasadya."
Napailing ako—natawa ako. Hindi sinasadya. Lahat pala ng kinilos niya ay hindi sinadya.
Inipon ko sa kamao ang kumpol ng mahaba kong saya bago ito tinaas. Padabog ko siyang tinalikuaran at tinahak ang palabas ng silid-kainan.
"Isabelle!" Naging malat at maugong ang sigaw ni Harold na sumakop sa kabuuhan ng comedor. Dahil sa lakas nito ay hindi ko napigilan ang mapalingon sa kan'ya.
"Kahit kaunti, wala ka bang naalala?" panimula niya matapos ang ilang segundo na nakatanga lang sa harap ko. "Kahit kaunti...noong unang panahon, ako at ang Issa na kaharap ko. Kahit kaunting alaala, wala ba?"
May kung anong kirot ang mga salitang binitiwan niya. Parang pinipiga ang puso ko sa pamumula at panunubig ng mata ni Harold. 'Tstaka ko lang namalayan na may nananalaytay ng luha sa pisngi ko, kasabay ng mga luha niya na malayang dumaloy at hindi man lang niya pinigilan.
Mabilis kong pinunasan ang pisngi nang may pumasok na serbidor sa silid. Hindi ko na inalam kung ano ang sinagot niya do'n sa bata nang tanungin siya nito kung maayos lang siya—natangay na ako ng mga paa ko palabas ng comedor.
Hindi ko rin alam kung paano ko pa nagawang tumakbo nang maayos sa mahabang takong. Ang alam ko lang ay ang kagustuhang makalayo sa kan'ya at sa letseng kasinungalingan niya.
Hindi kasi totoo 'yon. Peste! Gawa-gawa niya lang 'yon.
Panay punas ko pa rin sa pisngi habang binabagtas ang kahabaan ng pasilyo. Letse, bakit kasi ayaw tumigil ang pag-agos nitong mga luha. Imbes na mabawasan ay lalong bumibigat ang loob ko habang lumalayo ang agwat ko sa lalaking 'yon.
Tangina!
Hindi ko na maramdaman ang sarili. Parang akong tuyong dahon na nagpatianod kung saan man tangayin ng malakas na hangin.
Ang gusto ko lang naman ay ang makalaya. Makalaya sa mga kaguluhan. Makalaya sa mga gusot, sa mga pesteng kasinungalingan.
Gusto ko ng umuwi.
Gusto ko ng umuwi sa bahay, kahit bunganga ni Nanay ang gigising sa 'kin sa umaga. Kahit maging tipaklong ulit si Jack at kahit sampung beses ko pa siya ihahatid-sundo doon sa pinangingisdaan niya. Kahit habang buhay na lang akong magbubunot ng uban—hindi na ako magrereklamo.
Napansin ko ang pagtawag ni Juanita nang marating ko ang salas. Patilapon kong hinubad ang sapatos at iniwan ito sa silid na halos kasinlawak na ng isang bulwagan.
Paulit-ulit at naging pasigaw na ang pagtawag niya nang dumiretso na ako sa pinto at pababa sa mataas at malapad na hagdan.
"Pakiusap, pakitawag na si Señorito Harold!"
Nanlamig ang buo kong katawan sa sinigaw ni Juanita at kung sino man ang sinigawan niya. May mga bantay na ring pasalubong sa 'kin na nanggagaling sa baba ng hagdan.
Mas tinaas ko pa ang saya at binilisan ang pagtakbo. Iniba ko ang direksiyon papunta sa gilid para iwasan ang puting karwahe na nakaparada sa baba ng hagdan. Base sa pananamit, ang Donya 'yong nakapula na nakatayo sa may pintuan ng sasakyan, si Inigo ang kausap niya at may isang bantay itong katabi—bahagyang gumalaw ang suot nitong salakot sa pag-angat ng tingin niya sa gawi ko.
"Mija?"
Nanlaki ang mga mata ng Donya nang ilang hakbang na lang ako sa harapan nila. Hindi maipinta ang mukha niya nang lumipat ang tingin niya sa nakayapak kong mga paa.
"Mija! Anong nangyayari dito?" natatarantang tanong ng Donya nang napaligiran na kami ng mga bantay, si Juanita ay ilang baitang na lang ang agwat sa 'kin at naguguluhan ang Don na sumilip sa labas ng karwahe.
Hindi ko sila pinansing lahat. Dali-dali kong binaba ang hagdan at bago ko pa man sila malagpasan, sa hindi malamang dahilan ay napalingon ako sa katabi ni Inigo. Nahuli ko ang mga mata niya na parang kanina pa nakatingin sa 'kin. Parang tumango siya—parang masaya siya nang bahagyang nanliit ang mga mata niya.
Frankie. Kahit kailan, ang mga gusto niyang iparating ay sa pamamagitan lang ng mga tingin niya.
"Ano pang ginagawa ninyo, mga tonto! Inigo! Ikaw, Gregorio, hindi ba? Sundan siya!"
Matulin kong tinakbo ang ginintuan at matangkad na tarangkahan sa harapan. Hindi na pinansin ang nanghahapding talampakan dahil sa mainit na semento. Wala na akong pakialam—kahit and'yan pa si Frankie—gusto kong mapag-isa.
Narating ko ang tarangkahan at na napatigil sa dalawang guwardiya na naka-krus ang hawak nilang sibat sa harapan ko. Maingay sa likuran at nangunguna si Frankie sa mga bumuntot sa 'kin.
"Señorita, hindi ho kayo maaaring lumabas," matigas ang pagkasabi no'ng isang guwardiya at mahigpit akong hinawakan sa braso.
"Bitiwan mo 'ko!" banta ko habang tinatanggal ko ang kamay niya sa braso ko. Mas lalo akong nagpumiglas nang lumapit din ang isa nitong kasama at hinawakan ako sa kabila. Halos umangat na ang mga paa ko sa lupa sa sapilitan nilang pagpihit sa 'kin pabalik sa pinanggalingan ko.
"Bitiwan n'yo nga ako sabi!"
Nagawa kong apakan ang paa no'ng nasa kanan. Pero parang hindi siya nasaktan dahil tiningnan lang ako. Napasigaw na lang ako nang mas lalo niyang hinigpitan ang pagkahawak sa braso ko. Pinabigatan ko ang sarili at pilit na dinikit ang paa sa lupa para maantala ang pagdarag nila sa 'kin kahit wala na rin yatang kwenta ang pagpupumiglas ko—ilang dipa na lang ang agwat ni Frankie at ang iba pang mga bantay na nasa likuran niya.
"Bitiwan mo na nga ako!" inis kong sabi. Umigting ang bagang ko sa kaisipang ang dami na nga nila at mag-isa lang ako, pero ang turing nila sa 'kin ay parang tatakas na kriminal—sinigaw ko ang sakit na parang nalalamog na ang braso ko sa pagkahawak nitong dalawa.
"Gregorio!" sigaw no'ng inapakan ko ng paa kanina. Kinakaladkad nila ako palapit kay Frankie na ang hahaba rin ang hakbang palapit sa 'min. "Hindi ba ikaw ang naatasang magbantay kay Señorita? Gawin mo nang maayos ang trabaho mo!" dugtong niya at patulak nila akong binitiwan.
Hindi ako nakagalaw ng ilang segundo nang nakalapit na si Frankie at diretso ang kamao niya do'n sa mukha ng guwardiyang nakatayo sa kanan. Duguan ang ilong nitong napaupo sa lupa at kisapmata lang ang pagitan na bumagsak ding duguan ang nasa kaliwa ko.
Hindi pa rin ako nakagalaw habang dinampot ni Frankie ang dalawang sibat ng mga guwardiya. Panay atras ng dalawa patungo sa mga kasamahan nila habang tinutok ni Frankie ang patalim ng sibat sa kanila.
Pumwesto siya sa harap ko habang humawi ang gitna ng pulutong ng mga sibat at itak. Sumulpot do'n ang isang lalaki na parang kasing ranggo ni Inigo—malaki ang selyo sa kaliwang bahagi ng damit niya at wala itong suot na salakot.
Hawak ang mahabang sibat sa kanang kamay, mabilis itong naglalakad palapit sa 'min at galit nitong sinisigawan si Frankie. Panay ang tanong nito kung kasapi si Frankie sa kilusan laban sa mga Montecristo habang nakatuon din ang patalim niya sa harap namin.
Nang maiksi na lang ang agwat nila ay walang pag-aalinlangan na hinataw ni Frankie ang bantay ng kabilang dulo ng sibat na walang patalim. Lumagutok at nayupi ang panga nito nang tumama doon ang kahoy, tumilapon at nasalo ito ng mga kasamahan niya sa likod.
Hindi ko namalayan na napatago ako sa likod ni Frankie nang sunod-sunod na sumugod ang pulutong. Nakakabingi ang mga hiyawan—napapaatras kami habang walang tigil ang pagsalag niya sa mga patalim gamit ang dalawang sibat. Paatras kami nang paatras hanggang dumating sa punto na nakalagpas na kami sa tarangkahan. Bahagyang tumigil ang mga bantay sa pag-atake at nagkatinginan sila habang ginamit ko ang pagkakataong 'yon para habulin ang hininga.
"Señorita, bumalik na po kayo. Kagagalitan ho kami ng Señorito Harold," lakas-loob na pakiusap no'ng isa. Walang isang segundo na tumilapon siya at tumama sa sementong poste ng tarangkahan nang hambalusin siya ni Frankie ng kanang sibat.
"Kararating lang nina Lab. Mauna ka na, susunod ako," mahina pero sapat na marinig ko ang lahat ng sinabi niya.
Hindi ko sinayang ang pagkakataon nang si Frankie na mismo ang sumugod sa mga kaharap namin. Walang pasabi akong kumaripas nang takbo—tinahak ang malawak na kalye at hindi na lumingon pa.
Pahina nang pahina ang mga sigawan habang papalayo ako sa mansyon. Binibingi ang sarili dahil ayoko nang isipan man lang ang letseng pamamahay na 'yon.
Babalik na ako.
Babalik na ako sa bahay, sa dalawa kong unan at higaan sa dalampasigan. Babalik na ako kina Nanay at Tatay, kina Aling Maria, kay Frankie—sa dati.
Uuwi na ako.
************
Update bago mag-Noche Buena. And yup, I'll be pantsing after this.
Merry Christmas everyone.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro