41 » ang hari at ang kaharian
Hindi ko maintindihan kung bakit ako naglalakad sa isang mahamog na kalye. Kanina lang ay nakahiga ako sa sofa at naghahanap ng butiki sa kisame-sa pagkalawak-lawak ba naman kasi nitong kwarto, wala man lang akong nakita kahit isa.
Ginalaw-galaw ko ang balikat para ayusin ang sukbit na bag. Hindi ko na inalam kung ano ang laman, pero may kabigatan ito at mukhang importante dahil napagtyagaan kong bitbitin kahit nakukuba na ang likod ko.
"Anong gusto n'yong panoorin?"
Magkasabay ang paghawi ng hamog at ang pagliwanag sa paligid ang paglingon ko sa kaliwa kung saan nanggaling ang boses. Hindi agad rumihestro sa utak ko kung bakit kasabay ko si Frankie maglakad-lumingon siya sa 'kin, at tumaas ang dalawang kilay.
"Ikaw, anong gusto mong panoorin?" pabiro niyang ginulo ang buhok ko. Nanatili akong nakatitig sa kan'ya. Magaling din talaga siya magdala sa sarili. Simpleng polo at itim na pantalon, at kahit kahel pa ang kulay ng sukbit nitong bag-ang kisig niyang tingnan.
"May bagong palabas, Kuya, barilan, maganda 'yon!"
Tinagilid ko ang sarili at nasilip ko si Barbara ang nasa kaliwa ni Frankie. Puti at mahaba ang manggas ng suot nitong pantaas, itim na lagpas-tuhod ang palda-at ngayon ko lang napagtanto na pareho ang tabas at kulay ng suot naming damit.
"Ikaw, gusto mo bang 'yon ang panoorin natin?"
Napigil ko ang hininga. Hindi dahil sa alikabok na natangay ng humarurot na sasakyan sa kalsada o sa dumaang manong na umalingasaw ang amoy putok nito sa kilikili-kundi dahil sa pagdapo ng kamay ni Frankie sa balikat ko-at ngumiti siya-at ang sinabi nitong natin. Anong klaseng natin ba 'yan?
"Kuya, gusto ko 'yong may aswang, 'yon na lang!" Dumiretso ang kamay ko sa bibig para takpan ito. Hindi ko alam kung saan ako nabigla, sa pagtawag ko sa kan'yang kuya o sa kawalan niya ng reaksiyon dito. Hinintay kong magalit siya, o sumimangot man lang-pero wala talaga.
"Mukha ka na ngang aswang, 'yan pa rin ang gusto mo?" Nilingon ako ni Barbara at tinaasan ako ng kilay. Kaninang naglalakad lang kami sa kalye, pero ngayon ay nasa loob na kami ng isang gusali.
Nakaharap kami sa dingding na may nakapaskil na malalaking litrato. Isa sa tinitingnan namin ay ang larawan ng isang aswang na naligo sa dugo habang nakalabas ang pangil, at ang katabi nito na litrato ng isang lalaki na may hawak na baril, nakataas ang noo at may babaeng maganda na nakapulupot sa braso nito.
"Kuya, 'yong barilan na lang, mas maganda 'yon!" dagdag ni Barbara.
"Panay habulan lang 'yon, ano naman ang ikinaganda no'n?" Inipit ko ang bibig at hindi ko maintindihan kung bakit ako nakipagsagutan kay Barbara. Ang kadalasan na pumapayag naman ako agad kung ano ang gusto niya, pero ngayon ay nakipagtigasan ako sa kan'ya.
"Hay naku, kalahi mo kasi..." Umismid siya at inikot pa ang mata.
"Ang sabihin mo naiinggit ka..." Tinaas ko ang isang kilay at sinadyang ipakita sa kan'ya ang pagsuklay ko ng buhok gamit ang mga daliri-dahan-dahan mula sa anit hanggang sa dulo na lumagpas sa baywang-kung makaaswang 'to!
"Ayan na naman kayo, tigil na," saway ni Frankie at hinilang bahagya si Barbara paharap sa 'kin. Inismiran ko rin ang hitsura nito na nakatingin sa malayo't nakausli pa ang nguso. "Ganito...bato bato pik na lang para wala nang away."
Nagkatinginan kami ni Barbara-parang nakasanayan na na magkasabay naming pinatong ang kamao sa kabilang palad.
"Bato, bato, pik!" sabay naming sabi.
Nakaisang puntos agad si Barbara sa gunting niya laban sa papel ko. Puntos ko ang pangalawa dahil bato na ang pinalabas ko at gunting pa rin ang sa kan'ya.
"Bato, bato, pik! Bato, bato, pik!"
Bumibigat ang hangin, nawala ang ingay ng mga tao na nakapaligid sa 'min. May nanalaytay na ring pawis sa noo ko habang pabilis na pabilis ang kamao namin na pinupukpok ang palad.
Parehong apat na ang puntos namin at lalong tumatagal dahil lagi kaming tabla. Ang hindi alam ni Barbara ay pinapagod ko lang siya. At kapag napagod na siya ay napipikon siya, at kapag nangyari 'yon ay ilalabas na niya ang walang kamatayang gunting.
Ito na nga at nalukot na ang mukha niya na parang natatae. Matalas na ang tingin nito sa kamay ko at mas mabilis na ang pagpukpok ng kamao niya sa palad, pagkakataon ko na...
"Bato, bato, pik!"
"Ha ha! Panalo ako!" sigaw ko matapos kong ilabas ang pinakamalupit na bato laban sa kawawa nitong gunting. Pinadyak niya ang isang paa at marahas na kinamot ang tainga.
"Dugas! Isa pa!"
"Ayan! Panalo ako, Kuya, ha! Malinis!" taas-noo kong sambit sa harap ni Frankie.
"Oh, panalo na si Issa, tara na't magsisimula na!" Inayos ni Frankie ang sukbit na bag. Ngayon ko lang napansin na medyo bata-bata pa siya. Hindi pa gano'n kahalata ang lalagukan niya, hindi pa gano'n kalapad ang balikat nito at-nakakapanibago na palangiti siya-malayong malayo sa nakasanayan kong Frankie na parang pasan lagi ang mundo.
"Teka, isa pa! Uy, nandugas ka e. Isa pa, mananalo na 'ko." Hinawakan ako ni Barbara sa braso at pinagbintangan pa.
"Magsisine ba tayo o magbato-bato pik na lang kayo?" May inip na sa boses ni Frankie habang nakasimangot sa 'ming dalawa ni Barbara. Nakapwesto na ang mga kamay namin sa isa pang laban. Magsisimula na sana kami nang napalingon ako sa mahinang pagtapik sa balikat ko.
"Isabelle?"
Sabay-sabay ding lumingon ang dalawa para usisain kung sino ang nagsalita.
"Isabelle, ikaw nga!"
Hindi ako nakapagsalita agad na si Harold ang nasa harap ko. May sukbit din itong bag, pero mas maganda ang suot niya. Itim ang kurbata na nagpatingkad sa puti nitong polo-may nakaborda pang selyo na parang agila sa may dulo nito-halatang mayaman.
"Ay, Harold, ikaw pala," bati ko sa kan'ya. Ang lapad ng ngiti nito na parang pwede na gawing pansalok ng tubig sa lalim ng biloy niya sa pisngi. Gumawi ang tingin ko sa pagtikhim ni Barbara-pinanlakihan ako ng mata pero nakangiti-ang sagwa tingnan.
"Ah, si Harold nga pala. Nagkakilala kami sa bagong bukas na silid-aklatan." Napakamot ako sa batok, medyo naaasiwa ako dahil sa linis at tuwid ng damit nito-mukhang basahan ang hitsura ko kumpara sa kan'ya.
"Barbara..." Walang paligoy-ligoy na nilahad ni Barbara ang kamay niya kay Harold. Pinanlakihan siya ng mata ni Frankie pero hindi niya ito pinansin.
"Harold..." Bahagyang tumango at tinanggap nito ang kamay ni Barbara, pero binawi niya rin agad. Bumalik siya sa 'kin at parang natangay ng hangin ang ngiti nito nang pinatong ni Frankie ang kamay niya sa balikat ko-kung makatingin pa sa katabi ko, mula ulo hanggang paa. "Nobyo mo? Señorita?"
Ha? "Bakit señorita ang tinawag mo sa 'kin?"
Parang walang narinig si Harold, hinawakan niya ako sa braso at naaalog ako sa malakas na pagyugyog nito sa 'kin. "Señorita?"
Napapaatras ako sa paglalim at pag-ugong ng boses niya na parang nagsasalita siya sa loob ng kweba. Lalong lumakas ang pagyugyog niya sa braso ko na kung nakapatiwarik siguro ako ay nataktak na ang lahat ng lamang loob ko.
Gusto ko nang tumakbo-paulit-ulit ang pagtawag niya habang paugong nang paugong ang boses nito na parang tinatambol na ang loob ng tainga ko.
"Señorita!"
Bigla akong napadilat at bumugad sa mukha ko ang nanlaking mata ni Juanita-nakayuko siya at hawak ang braso ko.
"Ikaw lang pala..." sabi ko habang dahan-dahan na umupo sa maliit na sofa. Ginalaw-galaw ko ang leeg at hinihilot ang nananakit kong balikat-mali yata ang naging pwesto ko.
"Señorita, sabihin nga ninyo sa akin.." Nakapamaywang ito sa harap ko at ang lalim ng pinakawalang buntong hininga. "Ano ang ginagawa ng Señorito Jack sa inyong higaan?"
Tamad kong sinilip ang kama na naharangan ng katawan niya. Wala namang kakaiba, si Jack lang naman na nakahilata at naghihilik. "Natutulog?"
"Batid kong natutulog, Señorita, ngunit bakit dito? May sarili ho siyang silid!"
Napakamot ako sa ulo, kakasilip pa lang ng araw sa kalangitan sermon na naman ang inabot ko.
Hindi rin naman siya maniniwala kahit magpaliwanag ako na binabantayan ako ni Jack, at ayoko rin itong mawala sa paningin dahil baka ipadampot na lang bigla ng Donya.
'Yon nga lang, ito lang yata ang bantay na mas nauna pang nakatulog sa binabantayan-ang arte pa, ayaw matulog sa sofa at hindi raw siya magkasya.
"Hindi kasi ako makatulog ng walang kasama," palusot ko. Hindi yata nakumbinse dahil salubong pa rin ang kilay niya.
"Sana'y pinatawag na lang ninyo ako kung kailangan pala ninyo ng kasama. Señorita, hindi magandang tingnan!"
"Pinsan ko baga 'yan," bigla kong nasabi dahil wala na akong maisip na ibang palusot. Salamat kay Harold, kahit panay sakit ng ulo ang binibigay nito sa 'kin, ayos din naman ang mga diskarte niya.
Halos tangayin na ako sa lakas ng pagbuga ng hangin nitong kaharap ko. Lumingon siya do'n kay Jack at umiling-iling. "Hindi pa rin magandang tingnan. Siyanga pala, kailangan na po ninyong gumayak para sa agahan."
"Pwede naman akong mag-agahan dito sa kwarto, 'di ba?"
Hinawakan niya ako sa palapulsuhan at hinila patayo. Pumwesto rin siya sa likod ko at tinutulak ako patungo sa banyo.
"Nais kayong makasabay ng Donya, Señorita. Habang maaga pa ay dapat masanay na kayo. Para saan pa ba't doon din naman kayo pupunta."
Nilingon ko si Juanita at sinamaan siya nang tingin. Ang lakas talaga ng tama ng mga 'to.
Bahagya siyang natigil pero ilang segundo ay tinuloy niya ang pagtulak sa 'kin. May katangkaran at kalakasan siya at naging walang kwenta ang pagpabigat at pagmamaktol ko.
Wala na naman akong nagawa-haharapin ko na naman ang mag-anak.
Nag-iwan na lang ako ng maliit na suklay sa kamay ni Jack habang tulog-mantika ito bago ako lumabas ng kwarto. Napag-usapan namin 'yon kagabi para hindi mag-aalala ang maiwan.
"Kumusta ang tulog mo?"
Nilingon ko si Harold na katabi ko na ngayon sa harap ng hapagkainan-napaaga yata ang pagpunta ko at kaming dalawa pa lang ang nakaupo sa napakahabang lamesa.
Sasagutin ko na sana siya pero natingga ang tingin ko sa mata niya, namumungay at bahagyang namamaga ang mga talukap nito-mukhang pagod at parang kulang sa tulog.
"Kumusta kayo ni..."
"Marami akong aasikasuhin ngayong araw," pinutol niya ang sinasabi ko nang hindi man lang tumingin sa 'kin. Patuloy nitong inikot-ikot ang kutsarita sa puting tasa kahit hindi naman yata kailangang ihalo ang tsaa. "Kung maaari ay h'wag muna kayong lumabas ni Jack," dugtong niya.
"Nagkausap na kayo ni Barbara?" pangungulit ko-gusto ko lang naman sanang malaman kung nagkaayos na sila.
"At ano naman ang pag-uusapan namin, Isabelle?"
Natahimik ako sa tabi. Siya pa tuloy ang may ganang magalit samantalang siya naman ang may kasalanan. Hindi ko maiwasan ang mapasulyap sa kan'ya. Hindi talaga kaaya-aya tingnan na nakabagsak ang balikat niya-kung hindi sila nagkausap ni Barbara, ano kayang problema nito't parang pinagsakluban ng langit at lupa.
"Nag-aalala ka ba sa 'kin?" Pumihit siya sa kinauupuan paharap sa 'kin.
"Ako? Hindi ah!" Mabilis kong iniwas ang tingin. Bukod sa nakakaasiwa ang pwesto niya, nanunuot na naman sa ilong ko ang halimuyak ng dagat.
Gumapang sa balat ang inis ko sa sarili. Bakit kasi gusto ko ang amoy ng pabango niya? Sinubukan ko ring pigilan ang hininga, pero hindi ko kinaya't naubusan ako ng hangin.
"Maaari ko bang...hawakan ang iyong kamay?"
Hindi ko maiwasan ang lingunin siya. Ano kaya ang nakain nito at nagpaalam? Nahulog kaya 'to sa higaan-nabagok? Natauhan kaya sa sinabi ni Jack kagabi?
Hindi pa ako sumagot ay kinuha na niya ang kamay ko. Pumihit ako paharap sa kan'ya at binabawi ko 'to pero ayaw niyang bitiwan.
"Sa maiksing panahon na nandito ka, maaari bang hayaan mo naman ako?"
"Na?" Pumiyok ang boses ko nang ikulong niya ang kamay ko sa mga palad niya.
"Hayaan mo akong pagsilbihan ka."
"'Di ba karet ka naman, 'yan na 'yong ginagawa mo 'di ba?"
"Salamat."
Bigla akong nagduda sa pagpapasalamat ni Harold. Parang patibong 'yong tanong niya at ako naman itong tanga na nabitag. Gusto ko sanang bawiin 'yong sinabi ko pero nilalapit niya ang kamay ko at lumapat na ang labi niya sa likod nito.
Hindi ako nakagalaw, tumuwid na siya at napako ang mata ko sa mata niya.
Bakit lagi niya 'tong ginagawa-ang hagkan ang kamay ko. Gumala ang mata niya sa kabuuhan ng mukha ko-mabilis kong binaba ang tingin.
Ayokong mabasa niya na ramdam ko ang malambot nitong palad-na umiinit ang pisngi ko. Lalo akong napayuko-bakit bumibilis ang pagtibok ng puso ko? Bakit ganito? Tumigil ka, tigil!
"Tapos mo na?" bigla niya na lang tinanong.
Kahit hindi ko gusto ay napatingala ako sa kan'ya. Hinahanap sa mukha niya kung may iba itong kahulugan. "Ang alin?"
"Alin ang alin?" Tumaas ang pares ng kilay ni Harold at nakatigil siya sa gano'ng posisyon.
"Tinanong mo 'ko kung tapos ko na."
Luminga ako sa paligid at hinanap kung saan nanggaling ang mga tawanan. Hindi naman nag-uusap ang mga kasambahay na kasama namin. Diretso ang tingin nila na parang mga estatwa na nakahilera sa gilid ng hapag-kainan.
"Issa, dito ka, tumingin ka sa 'kin," utos niya.
Dumapo ang kamay ni Harold sa pisngi ko at pinihit ito paharap sa kan'ya.
Bumibigat ang mumunting bituin na pinalamuti sa buhok ko at unti-unti itong dumadausdos. Lumipat ang kamay niya do'n kasunod ang pagdaloy ng init na nanggaling sa palad niya-mabilis itong kumalat sa anit at sa mga hibla ng buhok ko.
"Tumingin ka sa 'kin. Isabelle, tumingin ka sa mata ko," may punto na ang bawat salitang binitiwan niya. Kahit ang kabila niyang kamay ay nasa pisngi ko na rin at nagsilbi itong harang para hindi ko maigalaw ang ulo.
Pero iba na ang nakikita ko.
Nawala na ang mahabang hapagkainan, napalitan ng napakalawak na damuhan-masyadong malawak at maliit sa paningin ang mga kalalakihan na nagtatakbuhan habang hinahabol ang isang may sinisipang bola.
Ang kisame ng comedor ay napalitan ng bughaw na langit-may kataasan ang araw at maalinsangan ang dumaang hangin.
"Tapos mo na?" tanong niya ulit. Pero ibang Harold ang nakikita ko. Salungat sa Harold na kilala ko na laging nakapuyos ang hanggang balikat nitong buhok, ito naman ay maiksi at malinis ang gupit. Katulad no'ng nasa panaginip ko na puti at mahaba ang manggas ng polo, kasama ang itim na kurbata sa suot niya
"Hindi pa, kakasimula ko pa lang e," pasigaw kong sagot habang magkaharap kami sa isang bilog na lamesa. 'Tsaka ko lang napagtanto na ang tawanan kanina ay nanggagaling sa grupo ng kababaihan sa kabilang lamesa-para kaming nasa palengke sa lakas ng kwentuhan nila. "Pero nando'n na 'ko...'yong nakatulog 'yong magiging hari ng isang linggo," dagdag ko.
"Tapos nakatulog din 'yong mga tangang nagpainom sa kan'ya ng pampatulog...inumin ba naman 'yong pinainom nila," sabay hagalpak nang tawa si Harold. Narinig ko rin ang sarili na tumatawa habang pinagmamasdan siyang hawak-hawak na ang dibdib-sa sobrang kaputian nito ay kasing pula na ng kamatis ang mukha niya.
Naramdaman ko na lang na may humaplos sa aking pisngi, kasunod ang huni ng mga bubuyog na bumubulong sa tainga ko-luminaw nang luminaw hanggang naging boses na ng karet na Harold.
Issa, bumalik ka!
Biglang nagpalit ang paligid. Nakaupo ulit ako sa comedor at bumugad sa harap ko ang natataranta niyang mga mata.
"Makinig ka, parating na sina Ina...matutunton ka ng mga Neri...kailangan mong itigil itong memoria."
"P-ano?" Nauutal kong tanong nang sumisiksik sa utak ko ang lahat ng sinabi niya.
Baka mas masahol pa sa pagdududa ang kahihinatnan namin kapag naabutan ako ng Donya sa ganitong sitwasyon.
At isa pa na kung totoo ang sinabi ni Jack na namugad ang mga gwalltor sa labas, hindi kakayanin ng tatlong karet ang isang barangay ng halimaw.
"Harold, pa'no?" mabilis kong tanong nang namataan ko ang mga batang lalaki na pumasok at inayos ang mga kubiertos sa kabisera at sa pwesto ng Donya. Bumalik ang malakas na kwentuhan at tawanan sa paligid na parang nanggaling sa dingding ng comedor.
"H'wag mo silang pansinin." Pinihit niya ulit ang mukha ko paharap sa kan'ya. Napigil ko ang hininga nang mas lalong uminit ang kamay niya sa ulo ko-kaunti na lang mapapaso na ako rito. "Tumingin ka sa mata ko."
Sinunod ko ang utos niya, pero hindi ko magawa nang maayos. Para akong hinihigop sa boses ng isang Harold-magkasabay silang nagsasalita pero magkaiba ang sinasabi.
Napahawak ako sa kamay niya nang kumikipat-kipat ang imahe nito sa harap ko-nagawa kong tumitig sa mata niya-pinilit na h'wag siyang mawala.
Pero wala na akong nagawa nang tuluyan na siyang naglaho. Pumalit ang isang Harold sa harap ko-nagsasalita ito pero hindi ko masyadong maintindihan-sinasapawan ng boses ng karet na kasama ko-umalingawngaw sa utak ko na parang do'n na niya ako kinakausap.
"Mag-isip ka ng isang magandang nangyari sa 'yo."
Mabilis kong kinalkal ang kaban na nasa kasuluk-sulukan ng utak ko upang maghanap ng magandang alaala. Pero hindi ko rin magawa nang maayos-sumisiksik sa tainga ko ang malalakas na tawanan ng mga kababaihan. Gumuguhit na rin sa balat ko ang maalinsangang hangin na alam kong galing sa memoria.
Harold...
Hindi ko maiwasan ang tawagin siya. Isinantabi ko muna ang inis sa kan'ya dahil sa ngayon ay wala akong ibang makakapitan kundi siya lang.
"Issa..." Kahit hindi ko nakikita ay ramdam ko ang paghigpit ng kamay niya sa pisngi at ulo ko. "Naalala mo ba? Naalala mo ba 'yong mga bituin sa Pangalawang Lagusan?"
Alam kong sinubukan niya ring tumulong, gumana naman dahil kusa na lang akong napangiti. Hindi maipagkakaila na napakaganda ng mga bituin na namukadkad sa itim na kalangitan sa gabing 'yon. Nagmistula itong sinaboy na mga diyamante sa ibabaw namin at ito ang naging gabay namin palabas ng lagusan.
Pero sumagi rin sa isip ko ang pakikitungo niya sa 'kin sa gabing 'yon. Bumalik ang inis nang nanumbalik sa 'kin ang una niyang hinagkan ang kamay ko at bwisit na wala man lang itong paalam.
Parang lumala ang sitwasyon dahil umibabaw na ang hiyawan sa paligid. Tuluyan nang naging malinaw ang damuhan, ang mga nakahilerang bilog na lamesa na ang bubong ay korteng payong-ang mga kalalakihan sa patag na kanina lang ay nagtatakbuhan, ngayon ay nagtatalunan at nagsisigawan.
"Bilisan mong tapusin, mas magugustuhan mo ang kamalasan ng hari sa pangalawang libro." Naging malinaw na ang boses ng isang Harold-nahimasmasan na ito sa kakatawa pero nando'n pa rin ang pamumula sa pisngi nito." Nakulong ba naman sa..."
"Hep!" Nakita ko na lang ang sarili na pinapatigil siya sa pagsasalita. Tinugunan niya ito ng pagtaas ng kamay at pagpakita sa pagsara niya ng bibig.
Pansamantala akong natanga. Bakit nawili ako sa mga kilos niya?
Naramdaman ko na lang na kumurba paakyat ang aking mga labi nang ginalaw-galaw niya ang leeg habang niluluwagan ang kurbata. Kahit ang pahapyaw na pagpunas niya sa noo gamit ang palad...bakit iba?
"Salamat ha." ang sunod na linya ko sa memoria. "Ang mahal kasi ng libro, ako'y isang dukha...walang pambili." Nadagdagan ang pamumula nito sa pisngi at natawa sa sinabi ko-kahit ako ay natawa rin.
"Sus, wala 'yon, ikaw pa, malakas ka sa 'kin e...dito." Bahagya niyang pinukpok ang sariling dibdib gamit ang kamao.
Hindi na ako nakapagsalita. Hindi ko naihanda ang sarili na ang katawan ko ay ibinaba ang tingin sa lupa sabay ipit ng buhok sa likod ng tainga. Diyos ko, bakit ang landi mo?
Naitagilid ko ang ulo nang may mahina na namang bumubulong sa 'kin. Palakas nang palakas na parang lupon ng bubuyog. Mariin ko 'tong pinakinggan-alam kong si Harold ito at sinusubukan akong kausapin.
Isabelle! Nand'yan ka? Sumagot ka!
Hindi pa ako nakasagot nang may ugong na umalingawngaw sa paligid. Parang naghahabulang ulan at palapit ito nang palapit.
Harold, nandito ako!
Pilit kong ginalaw ang mga daliri, pero hindi ito umaayon sa nais ko. Ang ugong kanina ay naging malinaw-naging hiyawan ng parang mga kinakatay na baboy. Nagsitayuan ang mga balahibo ko-hiyaw 'yon ng mga gwalltor. Naisip ko si Jack-magigising 'yon at baka lumabas na lang nang wala sa tamang katinuan.
Kanina pa kita tinatawag. Isabelle, bumalik ka na!
Naalala kong kailangan kong mag-isip ng magandang alaala, pero nablangko ako...bakit naapektuhan ako sa paggaspang ng boses niya.
Isabelle!
Mas lalo akong nataranta nang may nahagip akong mahinang boses sa hangin-kinakausap siya-sinasabihan siyang may lupon ng insekto sa labas ng mansyon.
Nagpatuloy ang daloy ng memoria. Sa panlabas ay masaya kaming nagkukuwentuhan ng isang Harold-nagtatawanan.
Pero ako na nasa loob-parang nakakulong sa hawla...kinakalampag ang rehas nito habang nabibingi na sa matinis na hiyaw sa paligid.
Hindi ko kaya, tulungan mo 'ko!
Sandaling hindi ko na siya maramdaman. Bumagsak ang balikat ko-parang iniwan niya ako.
Pero bumulusok ang kakaibang hangin-sumasayaw at umaaligid sa 'kin-mahapdi, nakakapaso sa balat. 'Tsaka ko naramdaman ang kamay ko-naalala ko na sa kabila ay nakakapit ako sa kan'ya.
Sa 'kin ka lang makinig...sundan mo ang boses ko, naintindihan mo ba?
Alam kong tumango ako sa kabila-tumiklop nang ginamit na niya ang mga katagang kadalasan niyang sinasabi kapag galit na.
May mga gwalltor na sa labas kaya kailangan mo na 'tong itigil. Makinig ka lang at h'wag kang maligaw.
Naramdaman kong bumuka ang bibig ko at bumigkas ng opo, pero hindi ko na 'yon narinig. Pumipintig ang ulo ko sa magkahalong kwentuhan at hiyawan na parang nababasag na ang loob ng tainga ko.
"May...may isang lalaki," panimula ni Harold. "Nawala sa kan'ya ang minamahal at pagod na rin siyang mabuhay.
Pilit kong binibingi ang sarili sa kwento ng isang Harold tungkol sa bago niyang nabiling libro-pinilit na masasagap ko ang bawat salita ng karet na kapareha nito.
Isang araw may nakita siyang nakapaskil sa dyaryo...binebenta ang isang kaharian na nagkakahalaga ng isang milyon.
Alam kong nakagat ko ang labi sa kabilang ibayo para mapigilan ang pagsiksik ng sigaw ng gwalltor sa tainga ko. Pumasok na naman sa isip ko si Jack-hindi niya 'to pwedeng marinig.
Nakikinig ka ba?
"Nandito ako. Nakikinig ako," mabilis kong sagot nang may nahagip na naman akong kumakausap sa kan'ya-parehong boses kanina-pinapasabi raw ng Donya na bumalik siya sa kwarto dahil may nakapasok na insekto sa mansyon. Hindi ko masyadong narinig ang ibang sinabi nito, pero nahagip ko ang pangalan ni Barbara. Ano pa man ay kailangan ko na 'tong tapusin. Anong kasunod na nangyari?
'Matapos ay binenta noong lalaki ang lahat ng ari-arian upang mabili ang kaharian," mabilis niya rin itong dinugtungan. May pinirmahan itong kontrata na maari siyang umatras...magpasabi lang siya bago matapos ang isang linggong pananatili sa kastilyo.
Alam kong malapit na ako-ang mga hiyawan ng gwalltor ay nagmimistulang ungol na lang. Lumalabo na rin ang imahe ng kaharap ko habang may hinahalukay ito sa loob ng bag na nakapatog sa lamesa.
Tapos, anong nangyari?
Pagdating niya sa kaharian ay nalaman niyang matagal na itong walang namumunong hari, kaunti lang ang mga residente, at nalaman niyang siya ang naaatasang magiging hari.
"Tapos pinainom siya ng pampatulog? Nagising siya matapos ang isang linggo?" dugtong ko sa kwento niya-nakagat ko na naman ang labi nang may pilit na namang sumiksik na ingay sa tainga ko sa sandali niyang pananahimik.
Pa'no mo nalaman?
Hindi ako nakasagot. Hindi ko pwedeng sabihin na ang kwento niya ay ang paksa ng memoria...at paniguradong lolobo ang bilib nito sa sarili kapag nalaman niyang siya at ako ang nakita ko sa memoria
"At iyon nga, may pinainom sa kan'ya upang maging mahimbing ang kan'yang pagtulog." Nakahinga ako nang maluwag nang hindi siya nangulit ng sagot. May mga ingay na parang pinipigil niya ang sarili na matawa...may katagalan bago siya nagsalita ulit. Kaso sumobra ang himbing ng tulog niya.
Hindi nakapagpigil si Harold at napahalakhak na siya-malalim, madamdamin na parang ngayon pa lang niya ito ginawa. Nahawa na rin ako at nasabayan siya. Katawa-tawa naman kasi ang nangyari do'n sa lalaki.
At iyong katiwala ng kaharian ay nakatulog din ng isang linggo, inumin ba naman 'yong pinainom nila.
Lalong tumawa si Harold, kahit ako-mas lalo akong natawa. 'Tsaka ko lang namalayan na ang tawa niya ay sa tainga ko na pumapasok, hindi na sa utak.
"Salamat at nandito ka na...ang akala ko..."
Bumugad sa 'kin ang mga mata niya-nabalot ng itim ang kabuuhan nito na parang katulad ng kay Jack. Bahagya akong napaatras sa hitsura niya-mukha siyang demonyo lalo na't parang bumubuga siya ng apoy-mainit ang hininga niya na tumatama sa mukha ko. Matalas at nanlilisik ang mata nito at ang tingin niya ay parang tumagos na sa kaluluwa ko.
"Issa, ang akala ko...ang akala ko ay hindi na kita maibabalik."
Madilim. Halos magtama na ang mga noo namin dahil nakadungaw siya sa 'kin at natakpan ang mukha namin sa nakalugay nitong buhok. Nanlilisik pa rin ang mga mata niya, pero umawang ang bibig niya na parang nag-aagaw ang ngiti at lungkot dito.
"Ang akala ko..." Inulit na naman niya ang sinabi. Nagsitayuan ang mga balahibo ko nang gumapang ang isa nitong kamay sa batok ko at hinatak ako papalapit sa kan'ya.
Mabilis kong nadampot ang tinidor sa lamesa at tinutok ito sa ilalim ng baba niya nang pumikit siya at nilalapit nito ang mukha sa 'kin.
Nanginginig ang laman ko sa galit, ang sikip ng dibdib ko habang tinarak ng husto ang hawak na tinidor nang sobrang lapit na niya't tumama na ang ilong niya sa ilong ko.
"H'wag na h'wag...mo 'kong pagtangkaan."
************
lalagukan - adam's apple
Halos 4k words ang inabot nito, katumbas ng mahigit na dalawang chapter. Still, okay naman ang naging labas, I'm happy about it.
Watcha think of this chapter?
Pindutin ang bituing walang ningning at wag kalimutang mag-komento.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro