Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

40 » nag-aamok

Bumagsak yata ang langit at ang bigat nito sa likod—halos hindi ako makatayo nang maayos. Parang nanunudyo ang hangin—lalong lumamig ang ihip at tinatangay ang natirang init sa yakap ni Frankie.

Hindi ko namalayan na nakahawak na ako sa braso ni Jack, na lumapat na ang noo ko sa manggas ng suot niya. Wala sa sarili ang paghila ko sa kan'ya, hindi ko na kaya ang sarili at gusto ko na lang magpahinga.

"Jack, t-ara na, bumalik na lang tayo." Hindi na nagpaalam ang mga luha ko na bumuhos. Tinakip ko ang kanang braso sa mga mata—sa lahat, ayokong nakikita niya akong umiiyak.

Ilang minuto niya akong hinayaan. Naging impit ang mga hagulhol na pinilit kong itigil—kahit alam ko namang rinig na rinig niya.

Kahit papano ay nakatulong ang hindi niya pagpansin sa 'kin—nagawa kong patahanin ang sarili. Gamit ang kamay ay pinunasan ko nabasang pisngi, inayos ko na rin ang damit—masabi lang na ayos lang ako.

Huling buntong hininga bago ko haharapin ulit ang Donya, ang nakakasuyang pagmumukha ni Harold, at kung ano pa man sa loob ng letseng mansyon. Malapit na rin at lalabas ako, uuwi ako. "Jack, tara na."

Nangunot ang noo ko nang hindi natitinag si Jack sa paghila ko—ang bigat niya na parang poste na nakabaon sa lupa. Lumipat ako sa harap at inusisa kung ano ang problema niya sa buhay.

"Issa, and'yan ka na pala." Sa malayo siya nakatingin pero bigla niya na lang nilipat sa 'kin. Napaatras ako nang napagtanto kong wala na ang puti sa mga mata niya—sinakop ng itim ang kabuuhan nito at lumalagutok ang leeg niya habang de-numerong tumatagilid ang ulo. "Maglalaro tayo sa labas, gusto mo ba?"

Parang tinatambol ang dibdib ko sa ngisi niya na parang sinapian ng demonyo. "'T-saka na lang, Jack, b-umalik na tayo," pautal-utal ang sagot ko habang lumalayo sa kan'ya.

"Samahan mo ako, maraming kalaro do'n..." Pangingimbita niya. Inabot lang ako ni Jack at ang bigat ng kamay niya na dumapo sa balikat ko. Umaawang ang bibig niya at lumalantad ang pangil na parang gusto na nitong manakmal. "Tara na ba?"

"B-umalik na tayo, h-alika na." Tinapangan ko na kahit nangangatog na ang tuhod ko sa ngisi niya na parang kakain na ng tao.

Tumingala si Jack, rinig ko ang mahabang pangsinghot niya sa hangin. Napahawak ako sa palapulsuhan niya dahil bumabaon na ang kamay niya sa balikat ko. Parang umaamoy siya ng masarap na ulam—nakapikit at nag-aaktong ngumunguya kahit wala naman siyang kinakain.

"Ayaw mo?" Bigla rin siyang dumilat at pinanlakihan ako ng mata. "Tsk, ako na lang."

Walang paalam na tumalikod si Jack, parang may sariling isip ang kamay ko at kusa na lang kumapit sa braso niya. "H'wag! Dito lang tayo..."

Tahasan kong pinikit ang mga mata habang nakayuko—ang bigat ng hangin at parang sumisingaw ang galit ni Jack habang inaalis ang kamay ko.

"Bitiwan mo 'ko!"

Nagawa kong lumapit at pinalibot ang mga braso sa baywang niya—hindi siya pwedeng umalis—alam ko naman kung anong laro na tinutukoy niya sa tuwing tinatakasan siya ng bait.

"Dito lang tayo, baka mapano ka e!"

"Ako? Mapapano?" May halong galit sa halakhak ni Jack. Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkayakap sa kan'ya para hindi siya makawala. "Bitiwan mo 'ko, Isabelle!"

"Wala kang kasama, walang magtitingin sa 'yo, dito lang tayo..."

"Hindi ako bata!" Sumabog sa paligid na laberinto ang sigaw niya. Sa lakas ng angil at mga ungol ng pagpoprotesta, siguro naman ay may nakarinig at tulungan akong awatin 'to.

Natatangay na ako sa kakapumiglas ni Jack at bumagsak na kami sa damuhan. Kahit nanggagalaiti na siya sa galit ay maingat pa rin siya sa 'kin. Ginamit ko ang dahilan na kahit nilamon na ang utak niya ng karahasan ay hindi niya ako magawang saktan.

"Tulong! Tulong!"

Pumapangibabaw ang nakakapanindig balahibo niyang pagtawa sa namamaos ko nang boses. Hindi ko na pinansin na parang ako ang pinagtatawanan niya—kailangan lang na may makakita sa 'min dahil nauubusan na ako ng lakas—hindi ko na siya kayang pigilan pag tumagal-tagal pa kami sa ganito.

Nabuhayan ako nang loob nang may nanunuot na liwanag sa mga maliliit na siwang sa halamang bakod—lihim akong nagbunyi nang may naririnig akong nag-uusap doon at mabilis ding nagbubukas ang harang.

"Ano na naman 'to?"

Nahirapan akong silipin ang pinagmulan ng boses sa ilalim ng pagkadagan ni Jack. Unang bumugad sa 'kin ay ang nakapamaywang na si Barbara—mataray ang hitsura niya sa suot na pulang pulang bestida. Kasunod si Harold na kakatapos lang magpakawala ng buntong hininga, at panghuli ay ang dalawang bantay sa likod nila na may hawak na sulo.

"Barbara..." Sumabay sa boses ko ang mapaglarong pagtawag ni Jack.

"Tulungan mo 'ko!"
"Samahan mo 'ko."

"Gustong lumabas ni Jack."
"Ayaw akong samahan ni Issa."

"Iniwan lang kayo saglit kung anong kabulastugan na ang ginagawa n'yo!" Padabog na lumapit si Barbara—sumasayaw sa likod niya ang liwanag ng sulo na lalong nagpataray sa hitsura nito.

Kusa akong kumalas kay Jack nang hablutin ito ni Barbara at sapilitang pinatayo—binigay no'ng isang bantay ang hawak na sulo sa kasama at tumulong na rin sa pagpigil sa nag-aamok.

Nagawa ko ring tumayo nang dahan-dahan—sa sobrang ngalay ng buo kong katawan, muntik na akong matumba. Hindi ko na namalayan na nasa likod ko na si Harold—hawak ako sa braso.

"Ayos lang ako." Hinablot ko ang braso at lumayo sa kan'ya. Mabuti't hindi naman makulit, pinasadahan lang ako nang tingin habang may binubunot sa bulsa ng pantalon niya.

"Teka, teka, para saan 'yan?" Mabilis ko siyang binalikan nang makita kong isang maliit na garapa ang hawak niya, itim at malapot na likido ang laman nito na binubuhos niya sa puting panyo.

"Pampakalma," maiksi niyang sagot bago tinungo ang kinaroroonan ng tatlo.

Nanlilisik ang mata ni Jack nang sapilitang tinakip ni Harold ang panyo sa ilong nito—sa sobrang galit ay nagawa niyang iwaksi si Barbara—tumilapon ito at napaupo sa damuhan.

Totoo nga yatang pampakalma dahil unti-unting nawawalan ng lakas si Jack—hindi na siya masyadong gumagalaw habang hawak siya ng isang bantay. Pumipikit na ang mata niya hanggang tuluyan na itong nagsara—tuluyan na rin siyang nawalan ng malay at bago pa man siya bumagsak ay tumalikod si Harold para saluin siya.

"Señorito, ako na po." Pagpresenta no'ng bantay at akmang kukunin niya si Jack.

"Hindi, ako na." Sinenyasan niya itong lumayo habang inaayos ang karga sa likod. "Kayo, wala kayong nakita rito."

Nagkatinginan ang dalawang bantay bago ito sumagot, "Opo, Señorito."

"Hindi ko kayo marinig."

"Opo, Señorito!" sigaw no'ng dalawa.

Hindi ko alam kung sa'n ako humugot ng lakas palabas ng laberinto. Ang naalala ko lang ay karay-karay ko ang sarili habang nakasunod kina Harold at Barbara. Hindi ko rin masyadong pinansin si Juanita na sinalubong ako sa bukana. Puro Diyos ko, anong nangyari sa inyo, Señorita ang naririnig ko habang panay tanggal niya ng damo na dumikit sa damit at buhok ko.

'Tsaka ko lang napansin na sa kwarto ko pala ang hantungan namin. Ang akala ko na ako lang ang pwedeng matulog dito, pero binagsak na ni Harold si Jack sa kama—nakadipa pa—mukhang sa sahig ang pwesto ko nito mamaya.

"Babalik ako pag nagkamalay na 'yan," ang sabi niya bago lumabas ng kwarto. Nakabuntot na naman sa kan'ya si Barbara at naiwan akong tinatadtad ng litanya ni Juanita—dinaig pa si Nanay kung makapangaral ng kilos dalagang Pilipina.

***

"Ano bang pumasok d'yan sa mga kokote ninyo? Ikaw naman, Jack, alam mo namang nag-iingat tayo!" bulyaw ni Barbara at nakapamaywang na naman sa harap namin.

Malalim na ang gabi nang magising si Jack. Sa awa ng Diyos ay bumalik na siya sa katinuan—parang walang nangyari.

Magpapahinga na rin sana ako, nakapagpalit na ako ng damit pantulog at dinispatsa ko na si Juanita, pero bumalik nga 'yong dalawa—pinagtabi kami ni Jack sa sofa at ito't sinisermunan ni Manang Barbara.

"Gusto ko lang namang ilayo si Issa sa demonyong 'yan!" Hindi ko naagapan ang pagtayo ni Jack at dinuro-duro si Harold. "Alam mo ba kung ano ang pinaggagawa n'yan? Ha?"

Inaabot ko ang kamay ni Jack pero winawaksi niya lang kaya't mabilis akong tumayo at hinila ko siya pabalik sa pagkaupo—baka may magkasakitan na naman.

"H'wag na nating pag-usapan 'yan. May mahalaga akong sasabihin at tigilan n'yo na 'yan!" saway ni Harold habang papalapit sa 'min.

"At ano, gusto mong pagtakpan ang mga katarantaduhang pinaggagawa mo? Kung hindi ka ba naman haliparot, hindi naman mapupunta sa putanginang kasalan 'yan!"

Napalingon si Barbara kay Harold sa sinabi ni Jack—nakapamaywang pa rin siya, pero bumibigat ang pisngi nito at unti-unting nawawala ang talas sa mga mata niya.

"Magdahan-dahan ka, Jack, sa pambibintang mo! Wala akong masamang intensiyon kay Issa, inaalagaan ko lang siya."

"Inaalagaan?' Magkasabay pa kami ni Jack ng sinabi, pasigaw nga lang ang sa kan'ya. "Pag-aalaga ba ang tawag mo do'n e halos pagsamantalahan mo na!"

Nanlaki ang mata ko sa barubal na pagkasabi ni Jack—nasobrahan niya yata at hindi naman gano'n ang nangyari.

Sinundan pa ng malakas na paglagapak ng kamay ni Barbara sa pisngi ni Harold—umaakyat-baba ang balikat niya sa malalalim na paghinga.

Ang bigat ng hangin na umaaligid sa silid. Nakatagilid pa rin ang mukha, namumula ang parte kung saan dumapo ang kamay ni Barbara. Hindi pa rin siya gumalaw habang nanunubig na ang mga mata ni Barbara—hindi rin nagtagal ay walang paalam itong tumalikod at patakbong lumabas ng kwarto.

'Tsaka lang gumalaw si Harold, tulala at nakipagtitigan naman ngayon sa malaking pinto

"Hindi mo ba susundan?" basag ni Jack sa katahimikan.

Ang sama ng tingin ni Harold kay Jack—kahit ngalay pa ang katawan ko ay hinanda ko na ang sarili at baka magsuntukan na naman itong dalawa.

Para akong nabunutan ng tinik nang tumalikod si Harold at lumabas ng kwarto. Napasandal ako sa upuan sa totoong katahimikan at pwede na rin akong magpahinga sa wakas.

"Nagkausap kayo ni Frankie?" Biglang tanong ng katabi ko. Malapad na ngiti ang sinagot ko sa kan'ya na siyang pagkurot niya naman sa tagiliran ko.

"Sabi niya na kukunin niya ako." Hindi ko namalayan na iniipit ko na ang iilang hibla buhok ko sa likod ng tainga—lalo akong kinurot ng mokong.

"Pero, h'wag ka munang umasa," ang sabi niya matapos ko siyang paluin sa balikat dahil ayaw akong tantanan. "Kanina...narinig ko ang mga bagong silang na gwalltor, parang namumugad sila sa labas. Kailangan namin ng maramig katulong...baka matagalan."

Bumalik ang sakit-sakit ng katawan ko sa sinabi ni Jack—masaya na ako do'n sa babalikan ako ni Frankie, binawi naman agad.

"H'wag mo na ring banggitin ang pangalan ni Frankie mula ngayon."

Napalingon ako sa katabi. Hindi ko alam kung para saan ang nagsalubong kong kilay, sa seryosong tono ng pananalita niya o sa pagbabawal niya sa 'kin kay Frankie.

"Wala akong tiwala sa bruhang 'yon—hindi ko gusto ang mga tingin niya sa 'yo."

"Ano naman ang kinalaman do'n kay Frankie?" usisa ko, nakakagusot ng mukha sa dami ng bawal sa pamamahay na 'to.

"Alam mong wala kaming laban sa kapwa karet. Nagseselos ang bruhildang 'yon kaya gusto niya akong ipapatay. Issa, pag nalaman niya ang tungkol sa inyo ni Frankie..." Hindi kumukurap si Jack at hindi niya inalis ang mata niya sa 'kin. "'Di bale nang kami, kaya naming isakripisyo ang buhay namin para sa 'yo, pero baka ikaw ang mapagbalingan...Issa, hindi ko mapapatawad ang sarili pag may nangyari sa 'yo."

************

Wew, hapdi na ng mata ko. Matutulog na talaga ako hahaha.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro