Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

4 » kina aling maria

Tumatagaktak ang mga patak ng tubig sa sahig na gawa sa kawayan. Nahiya akong tumuloy, ang kintab kasi. Alagang-alaga sa bunot e.

Mabilis ko na lang tinakbo mula pintuan hanggang kusina, siniguradong konti lang ang naiwang bakas sa sahig.

Naabutan ko ro'n si Aling Maria na nagtitimpla ng juice sa isang malaking pitsel. Pula ang kulay dahil s'yempre kamatis na naman 'yan.

"Ala e mukhang gutom ka na, ineng. Kumuha ka na riyan," sabi niya at katulad kanina na ang lapad pa rin ng ngiti.

"Pasensiya na po sa sahig." Pinakita ko sa kanya ang basa kong shorts at bestida.

"Ala e ayos lang, ineng. Kuha na riyan e."

"Opo," sagot ko. Hindi naman mapagkaila dahil sadyang traydor 'tong tiyan ko. Ang lakas ng tunog, ipangalandakan talaga e.

Ang bilis ng mga paa kong naglakad papunta sa isang mahabang lamesa. Hmmm, ang bango ng adobo. May namataan din akong isang bandehado ng pinakbet. Napalunok ako nang wala sa oras.

Hindi lang pala 'yon, kumakaway ang escabecheng isda. Nang-aakit ang usok ng kanin sa isang dambuhalang kaldero. Ginisang sili sa kaliwa at sa kanan. Pyesta!

Nakakapagtaka rin na ang bilis magluto ni Aling Maria, kahit siya lang mag-isa e. Minsan nga ay itatanong ko sa kanya kung ano ang sikreto niya. Ang hirap kasi kay Nanay, hindi ka man lang matutuwa.

"Ineng," tawag ulit ni Aling Maria. Tinakpan na niya ang pitsel na kanina niya pa hinahalo.

"Kumuha ka nire nang kuminis ang iyong kutis." Binigyan ako ng pilyang ngiti na may kasamang kindat pa. Kaloka lang po, umaano kayo e.

"Opo," sagot ko na lang. Alam niya na hindi talaga ako umiinom n'yan, pero ang kulit niya pa rin. Kahit pampakinis pa ng kutis, hindi bale na lang po.

Matapos kong maglagay ng maraming pagkain sa plato ay dumiretso na 'ko sa maliit na sala na kadikit lang sa kusina. Naiilang pa rin ako sa tumutulong tubig galing sa damit ko. 'Di bale, ayusin ko na lang mamaya.

Umupo ako sa dulo ng mahabang sofa na gawa sa kawayan. Paborito ko 'tong pwesto dahil malapit sa bintana. Masarap kayang kumain pag may kasabay na maaliwalas na hangin, tapos may maganda pang tanawin. Busog na ang tiyan, busog rin ang mata.

Nagsimula na akong kumain at wala pa 'yong dalawa. Umusli ang nguso ko, ano pa kaya ang ginagawa nila sa labas?

Nangalahati na ko't kakapasok pa lang ni Barbara. Walang tingin-tingin na dumiretso ito sa kusina. Nakasimangot din, ano kayang problema no'n?

Mayamaya'y tumabi rin siya, hindi ko tuloy maiwasang tumingin sa kanya.

"Ang tagal n'yo yata?"

Binigyan lang ako ng blankong tingin bago pinasakan ng adobo ang bibig niyang malaki. Natanga tuloy ako, bakit parang galit?

"Bakit hindi ka kumuha ng pakbet? Masarap kaya," usisa ko sa kanya.

"Hindi ako mahilig sa gulay!" Lumulubo ang pisngi niya sa sobrang dami ng laman. Parang isang linggo na hindi kumain ah.

"Hindi ka kumuha ng kamatis juice?"

"Hindi nga ako mahilig sa gulay!" padabog niyang sagot. Galit talaga, nagtatanong lang naman.

Bumalik na lang akong kumain, baka pati ako kainin nito.

Naubos ko na ang nasa plato ko't hindi pa ako nabusog. Tatayo na sana ako para bumalik sa kusina nang may narinig akong tawag sa may tarangkahan.

"Aling Maria?"

Sinilip ko ang bintana. Kinawayan ang limang lalaki na nakatayo sa labas ng bakod. May katandaan ngunit brusko ang kanilang pangangatawan. Sumasabay sa hangin ang maninipis at mahaba nilang buhok. Walang tikwas.

"Mang Edgar, pasok na po kayo," yaya ko sa kanila.

"Issa, kumakain na pala kayo. Papasok na kami ha," sabi ni Mang Edgar habang binubuksan ang tarangkahan.

"Sige po, pasok na po."

Pagkapasok no'ng lima ay dumiretso rin sila sa kusina. Sumunod din ako sa kanila.

Sila ang Kamatis Boys ni Aling Maria, at si Mang Edgar ang lider. May malawak na kamatisan kasi sa kabila ng sapa. Sobrang lawak na hindi kakayanin ni Aling Maria ang pag-aalaga at pag-aani ng mga pananim─isa pang matanda na talaga siya. Kaya naman nabuo ang Kamatis Boys niya.

"Frankie boy!" Narinig kong sabi ni Mang Julio na pinakabata sa lima. Magkasundo sila ni Frankie, at ganyan ang batian nila araw-araw. Parang hindi nagkita ng ilang taon e.

Hindi ko pinansin, tumayo ako sa isang tabi. Hinintay kong matapos silang kumuha ng pagkain dahil ang gulo nila, okupado nila ang buong lamesa. Medyo nakakailang lang na nahuhuli kong pasulyap-sulyap si Frankie sa 'kin.

Sabay-sabayna lumabas ang lima at bitbit ang kani-kanilang pagkain. Ang pangit na naiwan kaming dalawa ni Frankie sa kusina. Parang nanunukso ang hangin na umaaligid sa 'min. Imbes na pinakbet sana ang kukunin ko na nasa kabilang dulo ay adobo nalang na nasa harapan ko lang─ando'n kasi siya.

Binagalan ko rin ang pagkuha ng pagkain, naghahanap ng tyempo para magpasalamat man lang sa ginawa niya kanina. Pero nakakailang naman na nakapako ang mata niya sa hawak nitong plato. Ilang beses lang umawang ang bibig ko na hindi matuloy-tuloy magsalita.

Matagal pa rin akong nakatayo, hinintay na lumipad ang tingin niya sa 'kin. Siguro naman pwede na akong magsalita no'n.

Pero hindi ko na nagawa. May umakyat na malamig sa braso ko nang nagtama ang aming mata nang hindi niya yata sinadyang iakyat ang mukha niya. Walang sabi-sabing tumalikod ako sa kanya at lumabas ng kusina.

Ayokong isipin na baka dahil 'to kanina. Wala namang nangyari kanina e. Wala kasi 'yon e.

Ang walang hiya kong labi ay kusa na lang ngumiti nang maalala ko ang malapad niyang kamay na nakasuporta sa ulo ko. Lalo pang lumapad nang naririnig ko na naman ang mabilis na pagpintig sa dibdib niya. Na-letse na, bakit ba ako natuwa ro'n?

Mabilis akong nakabalik sa sala. Pupunta na sana ako sa paborito kong pwesto nang makita ko si Lydia na nakaupo sa hiwalay na upuan. May nakabuklat na blankong kwaderno sa kandungan niya. Tumaas ang kilay ko sa mariin ngunit mabilis na pagkuskos niya ng lapis sa papel, minsan ay sinasaksak niya pa.

"Ano 'yan?" tanong ko nang makalapit. Hindi ito sumagot, hindi rin namansin.

Inasahan ko na rin 'yon dahil ganyan naman siya kanina. Tumahimik na lang akong kumain sa tabi at pinapanood kung pa'no niya paslangin ang papel.

Malapit ko nang maubos ang pagkain ay tsaka ko lang napagtanto na gumiguhit pala itong isa. Unti-unting nabuo ang mukha ni Aling Maria sa magulo at nagkalat na linya. Pati mga kulubot at butlig-butlig ay kuhang-kuha niya.

"Wow! Iguhit mo rin ako." Tinapik ko si Lydia sa braso.

Hindi man lang natinag ang bruha.

Nahiya ako sa sarili, hindi na naman ako pinansin. Nakakarami na 'to ha.

Ang bigat ng paa kong bumalik sa kusina. Nawalan na ako ng ganang kumain. Konti na rin lang naman ang tira kaya nilagay ko na lang ang plato sa lababo. Mabuti't wala na si Frankie, dito kasi sa kusina ang pwesto niya pag kumakain─tapos na siguro.

Huminga muna ako nang malalim. Ayoko ng kulubot sa mukha, kaya ngiti pa rin dapat. Bumalik ako sa sala at panoorin na lang ulit si Lydia. Baka gano'n talaga siya e. Tsaka ngayon lang ako nakakita ng marunong gumihit, manonood na lang ako sa tabi at hindi ko na lang siya papansinin.

Nagulat ako nang wala siya pagbalik ko. Ang bilis namang nakaalis no'n.

"Asan si Lydia?" tanong ko kay Barbara na prenteng nakaupo sa pwesto ko. Titig na titig siya sa hawak niyang saging. Mukhang hindi niya alam kung ano ang gagawin dito.

"Umalis," maiksi niyang sagot.

"Sa'n nagpunta?"

"Ewan, sa kwarto."

Ewan daw, pero sa kwarto raw. Ang gulo nito.

Baka napagod at nagpahinga. Bukas na lang siguro. Makapaglakad-lakad na lang sa hardin at mabisita ang mga paborito kong bulaklak.

Pagkatapos ng kalahating oras ay tinuloy na naming tatlo ang trabaho. Masayang nakipagkuwentuhan si Barbara tungkol sa crush niya. Dati-rati na puro pasyalan kasama ang mga magulang niya ang lagi nitong kwento, ngayon puro Harold na ang naririnig ko. Maputi at pogi raw, halos mangisay na sa kilig ang bruha.

Si Frankie naman ay masyadong malayo sa 'min. Pabor din sa 'kin kung tutuusin. Hindi ko alam, hindi ko na siya matingnan nang diretso. Lintik 'tong ulo ko na kusang bumababa pag malapit siya.

Palubog na ang araw nang umahon kami sa sapa. Balde-baldeng uban ang iniwan namin sa kabilang dako. Ang Kamatis Boys na ang bahala nito bukas. Nalulusaw kasi ang mga 'to at mainam na pampataba ng lupa. Kaya naman hitik sa bunga ang mga kamatis ni Aling Maria.

Pumanhik muna kami sa kubo at kinuha ang tuyong damit na iniwan ni Aling Maria sa sala. Ang bait niya lang dahil nilalabhan niya ang basa naming damit at 'yon ang gamit namin pampalit kinabukasan.

Salitan kaming nagbihis sa maliit na banyo na walang bubong na kadikit lang din sa kubo. Unang beses akong natagalan, ang kulit kasi, bakit ba kasi pumasok sa isip ko na baka masilipan ako.

Matapos ay kumuha kami ng tig-isang supot ng kamatis na iniwan pa rin ni Aling Maria sa sala. Nasa kwarto na kasi siya at tulog na.

"Bukas ulit," Ang layo ng mata ko habang nagpapaalam sa dalawa. Sabay kasi silang umuuwi dahil pareho naman ang dinadaanan nila.

"Sige, bukas ulit," sabi ni Barbara. Kabisado ko na 'yan, tatalikod 'yan si Frankie at iiwanan si Barbara. Kakaway si Barbara tapos hahabol nang lakad kay Frankie.

"Issa, ingat pauwi." Kahit mahina ay rinig na rinig ko ang sinabi ni Frankie. Lumundag ang pobre kong kaluluwa. Kusa akong tumalikod sa kanila at walang sabi-sabing naglakad palayo.

Ano ba 'yon, may lagnat ba 'yon si Frankie? Ni minsan ay hindi siya nagpapaalam, hinding-hindi siya nagsasabi ng ingat pauwi.

Paminsan-minsan kong nilingon ang dalawa. Kahit malayo na ay nakatayo pa rin sila sa kanto kung saan kami naghihiwalay ng landas. Nakakapanibago. Pero kung tutuusin, nakakatuwa na hinahatid ako ni Frankie...este sila pala...hinahatid ako nang tingin.

"Psst, Issa. Kumusta ang araw mo?" bati ni Jack. Nakatayo siya sa puting bato kung saan ko siya iniwan kanina.

"Okay lang," wala sa sarili kong sagot. Binaba ko na ang kamay para makaakyat na siya.

"Nakangiti ka d'yan─" Kumunot ang noo at nagsalubong pa ang kilay ng tipaklong.

"Ha? Hindi...hindi!" Blinangko ko agad ang mukha ko, nakangiti pala ako kanina? Mabuti't hindi na nang-usyoso.

"Tingnan mo, ang dami kong huli ngayon." Presenta ni Jack sa maliit na patpat na may mga nakatuhog na isda.

"Matutuwa nito si Mahal." Ang lapad lang ng ngiti ng tipaklong. Ngumiti rin ako, pero hindi dahil sa dami ng huli niya.

Pero kahit madaldal 'tong si Jack ay nakakatuwa rin. Magaling kasi siyang magmahal, 'yong tipong nakakainggit.

Lagi na lang kasing para sa mahal niya. Kamuntik pa siyang matigok dahil hinabol siya ng pusa na nagbabantay ng kamaisan. Hindi pa natuto, inulit pa talaga. Babatukan ko na e. Pero sabi niya na gusto daw ng mahal niya ang mais. Hay.

Hinatid ko na rin si Jack sa bahay nila. Ilang hakbang lang kasi ito sa paanan ng bangin.

"Andito na tayo, boss." Binaba ko ang kamay sa gilid ng nakataob na balde.

Umalis si Jack sa palad ko at pumasok sa bilog na butas ng balde. May tumunog na switch na siyang nagbigay liwanag sa loob at sumabog din sa makulimlim nang paligid.

"Umalis na naman si Mahal," sabi ni Jack na nakasilip ang ulo sa butas.

"'Di bale, sa susunod na lang," sabi ko. Gusto niya kasing ipakilala sa 'kin ang mahal niya. Hindi ko lang talaga naaabutan.

"Sige, Issa, salamat."

"'Ge, bukas na lang ulit."

"Uy, ingat pauwi ha."

"Opo, boss!"

********************

This chapter is dedicated to alitaptap- Thank you po for the nice and comprehensive critique. Nabawasan ang kasabawan ng akda ko. Thank you very much po talaga.

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro