Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

38 » do'n sa laberinto

Natalo ang galit ni Jack ng kumakalam niyang sikmura at wala siyang magawa kundi lantakan ang pagkain na pinakuha ko kay Juanita.

Wala rin kaming magawa kundi ang manatili sa kwarto na nakalaan sa 'kin dahil kahit umuusok na ang ilong nitong kasama ko, kahit labag sa kalooban niya, pero itong silid lang ang pinakaligtas na lugar.

Gaya nga ng sinabi niya na nabalot ng karet ni Harold ang loob at hindi namin maipagkakaila na iyon lang ang may kakayahan na magkubli sa kinaroroonan ko para hindi matunton ng mga halimaw.

"Gago 'yon, ipapakasal ka do'n? Tangina!" Panay mura niya pa rin kahit lobong lobo na ang pisngi sa dami ng pagkain na pinasak niya sa bibig.

"Narinig mo lahat 'yon?" Binaling ko ang tingin sa katabi ng sofa. Minsang naiinis din ako kung bakit naging paborito ko na itong upuan na nasa gilid ng bintana. 

"At hahalikan ka pa ng gago!" Tumalbog ang pagkain sa mga bandehado sa malakas na paghampas ng kamao niya sa lamesang de-gulong. "Tangina!"

"Ano ka ba, Jack, tipaklong ka ba o paniki?" Nakatukod ang siko ko sa tuhod na nakapanglumbabang nakatingin sa kan'ya.

"Nakikialam ka e sa 'yon ang kaya kong gawin." Binalik niya sa pinggan ang hita ng manok na sumakabilang plato sa paghampas niya kanina. Nanginginig pa rin ang kamay niya sa sobrang gutom kaya't pinili nito ang magkamay dahil nadadagdagan lang ang inis niya na nahuhulog ang pagkain sa kutsara.

"Si Harold ba, nakakabasa ba 'yon ng isip?"

Parang isang baldeng sampalok ang nakain ni Jack at ang asim ng mukha ang hinarap sa 'kin. "Hindi ah, ano siya Diyos?"

"E bakit parang naririnig niya ang iniisip ko?"

Tumigil ito sa pagnguya, lumingon at tinaasan ako ng kilay. "Nalalaman niya sa kilos. Ang dali-dali mo kayang basahin."

"E anong gagawin ko, ganito lang?" Blinangko ko ang mukha at hinarap ko 'to sa kan'ya.

Inirapan lang ako ng katabi bago bumalik sa pagkain niya. 

Nagpakawala na lang ako ng buntong hininga, umusog at niyakap ang malambot na harang ng sofa—walang patutunguhan itong usapan pag gutom na karet ang kaharap.

Nakailang balik din ang mga servidor ng mansyon sa kwarto bago nabusog si Jack. Hindi ko na siya sinabayan at wala akong gana.

Kanina pa binabagabag ang isipan ko sa balak ng Donya. Ano bang nakain no'n at bigla na lang—maayos naman siya no'ng una.

Gusto ko sanang panghawakan ang pinangako ni Harold na hanggang bukas ng gabi na lang ang kalokohang pagpapanggap namin. Pero sa sitwasyon ngayon, sa ikinikilos niya, baka pipiliin niya pa ang kagustuhan ng kanyang ina.

Namimigat ang dibdib ko na nilingon ang katabi na kakatayo pa lang sa upuan. "Jack, pwede ba tayong umalis dito? Tayo lang, kahit saan, ilabas mo lang ako rito."

Bumalik siya sa pag-upo at umusog malapit sa 'kin. "Lalabas ako mamayang hapon, titingnan ko ang sitwasyon sa labas at loob ng mansyon."

Parang umalingasaw ang bigat ng nararamdaman ko at tinangay ito ng dumaang hangin. Umusog din ako palapit sa kan'ya at pasimpleng sinulyapan si Juanita na nakatayo sa may pintuan—ayaw kasi nitong lumabas ng kwarto. "Bakit mamaya pa, pwede namang ngayong umaga?" bulong ko sa katabi.

Nagsalubong ang kilay at suminga itong katabi ko na parang ang laki-laki ng kasalanan ko sa kan'ya. "Alangan namang umaga tayo tatakas, syempre gabi. Iba ang bantay sa umaga at sa gabi."

"Sabi ko nga. Sama ako ha…"

'Yon at lalong nagusot ang mukha ng kaharap ko. "H'wag ka nang sumama, madali lang ako."

Matagal kong tiningnan si Jack sa mata. Hindi ko masabi sa kan'ya na natatakot na ako maiwan kasama si Harold—baka lalo sumidhi ang galit nito at sugurin na naman niya at magkagulo na naman, pero..."E, Jack, h'wag mo 'kong iwan...baka kasi…" baka kasi dumating si Harold na wala ka.

Parang naintindihan niya ang hinaing ko at naging kalmado ang mukha nito. Tinapik-tapik niya ako sa tuhod bago nagsalita, "Sige na, isasama na kita."

Maaasahan talaga ang tipaklong na 'to—hanggang tainga ang ngiti ko na pumulupot sa braso niya.

Kaso nagsimula na naman itong magsungit. "H'wag ka ngang dumikit at ang init nito!" Tinatagtag niya ang kamay ko na parang may nakakahawa akong sakit. Mabilis din siyang tumayo at galit na galit na tinatanggal ang butones ng polo. "Bakit n'yo ba ako pinasuot nito?"

"Se-señorito!" Ang hahaba ng hakbang ni Juanita palapit sa 'min, nanlaki pa ang mata na parang nakakita ng multo. "Hindi ho maganda na naghuhubad kayo sa harap ng Señorita!"

Hindi ko mapigilan ang matawa na napatalikod ang dalaga nang tuluyan nang nahubad ni Jack ang pantaas at tinapon pa ito sa tabi.

"Kunan mo nga ako ng matinong damit." Utos niya sa kasambahay na hindi malaman kung lilingon o hindi.

***

Ginintuan ang sinag ng araw na kumalat sa langit at hinawaan ang mga puting ulap at sila ay naging ginintuan na rin.

Kung naging babae lang 'tong kasama ko na naglalakad sa hardin ay baka mas kawawa ako pag dinalaw 'to ng regla—ang sungit at kung ano-ano ang napapansin.

"Ano ba 'yang suot mo, para kang pabo."

Inirapan ko si Jack at inayos ang malalaking balahibo ng kung anong manok na nakadekorasyon sa likod ng damit ko.

Wala naman akong ibang mapili dahil ito lang ang medyo manipis, kaunti ang laso, at mukhang komportable ang tela. 'Yon nga lang, magkahalo ang pula at kulay lila na malalaking balahibo na nakadikit sa may puwetan ng damit, nakatayo pa ang pagkalagay—gaya nga ng sabi niya, mukha akong pabo.

Tumuloy kami sa paglalakad nang naayos ko na ang sarili. Ang dinahilan namin na magliliwaliw sa hardin ay nauwi nga sa pagliliwaliw.

Hindi na nagrereklamo itong kasama ko na mainit ang damit niya. Nadaan sa lamig ng hangin kahit dalawang patong na ang suot nito.

Kahit papano ay panandalian kong nakalimutan ang mga bumabagabag sa isip ko. Naaliw sa mga malalagong bulaklak na magkakatabing pinatubo at nagmumukhang isang malaking plorera ang mga bahagi ng hardin kung saan magkahalo ang iba't ibang kulay at uri ng mga halaman.

Paminsang minsang tumitigil si Jack, pumipikit at may kung anong inaamoy sa hangin—hindi ko maintindihan kung matalas ang pandinig nito o matalas ang pang-amoy.

Pabulong din nitong sinasabi  kung ilan at kung saan nakapwesto ang mga bantay. Ayaw kasi kaming tantanan nito ni Juanita. May kasama pang binatang kasambahay na nakatoka kay Jack, at ang dalawa'y nakabuntot pa rin sa 'min.

"Teka." Bigla siyang tumigil nang matapat kami sa kahoy na bangko. Hinila niya ako do'n at sabay kaming naupo. "May nagmamanman sa 'tin."

Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi ni Jack, napalingon din kina Juanita na nakatigil ng ilang metro ang layo sa 'min—tinuro ko 'yong dalawa. "Sila?"

"Hindi...teka," bulong niya at pumikit ulit. Natanga ako dahil nakanganga siya—itutulak ko na sana ang baba paakyat para matikom ang bibig—baka kasi pasukin ng langgaw.

Nagulat ako nang bigla na lang siyang tumawa. Masyado yatang nakakatawa dahil hawak-hawak niya pa ang tiyan—kulang na lang gumulong sa damuhan sa sobrang tuwa niya sa buhay.

"Anong nakakatawa?" Siniko ko siya na pilit nitong pinapakalma ang sarili.

"Pinapaimbestigahan tayo ng bruha kung totoong magpinsan tayo." Lalo pa siyang natawa sa sinabi niya.

"Kung makabruha ka naman sa Donya. E ano naman kung hindi?"

Humalakhak na si Jack na parang rinig na sa kabilang kanto. "Ipapapatay daw ako."

Kinurot ko na siya sa tagiliran habang luminga-linga sa paligid—baka may makarinig.

Ayaw magpatinag ni Jack, sumuko na lang ako at hindi siya magkamayaw sa kakatawa. Hindi niya siguro naintindihan kung gaano kabigat ang sitwasyon. Nagawa na silang saktan at wala man lang silang kalaban-laban. Hindi niya ba naintindihan na kayang kaya siyang damputin ng mga 'to, at walang kapangyarihan ang boses ko para pigilan sila.

"Oh, bakit parang nalugi 'yang mukha mo?" Tumigil din siya sa wakas—ang barubal nitong pinunasan ang luha na nasa gilid ng mata niya.

"Hindi mo ba naisip na kaya nilang gawin 'yon?"

"Sus, para 'yon lang. H'wag kang mag-alala, aalis na rin tayo dito." Umakbay siya at naalog ang ulo ko sa kakayugyog niya sa balikat ko. "Kailangan lang nating makarating malapit sa bakod, pakiramdaman ko ang labas ng mansyon."

Kusang umakyat ang gilid ng labi ko sa sinabi ni Jack. Napayuko ako nang napalakas niya ang paggulo-gulo sa buhok ko. "Oh, h'wag ka nang malungkot. Pangit mo pag nakasimangot ka."

Tinanguan ko siya. Sininghap ang bagong pag-asa na magiliw na nakalutang sa hangin. Nilingon ko si Jack at katulad ko na nakangiti habang nakatingala sa langit. "Ano nang gagawin natin?"

"'Lika, iligaw natin." Mata lang ang pinagalaw niya habang tumitingin-tingin sa paligid. Tumigil ito sa malaking kahoy na may kalayuan sa kaliwa namin. Tinaasan niya 'yon ng kilay habang kinuha ang kamay ko at sinabit ito sa braso niya. "Magpaa ka."

Palihim kong tinapunan nang tingin sina Juanita—nanlaki ang mata nito habang hinuhubad ko ang sapatos. Nagsimula na itong maglakad at ang hahaba ng hakbang nang sinipa ko ang sapatos sa ilalim ng upuan.

"Saan tayo?" tanong ko sa katabi.

"H'wag ka munang lumingon. Papasok tayo sa laberinto sa likod."

Tumango ako nang maraming beses. Alam kong may laberinto sa likod dahil nakita ko na kanina 'yong matangkad na bakod na gawa sa sanga-sangang halaman.

"Señorita!" sigaw ni Juanita at kasabay ang kasama niya na ilang dipa na lang ang layo sa 'min. "Señorita, hindi ninyo maaaring gawin 'yan!"

"Tara!'

Sabay kaming tumayo ni Jack, iniwan ang upuan at diretsong pumasok sa malawak na entrada ng laberinto.

Malamig at malambot ang mamasa-masang damo sa talampakan ko. Tama nga si Jack na kailangan kong magpaa—nakakatakbo ako nang maayos dahil ang isang hakbang niya ay dalawa ang katumbas sa 'kin.

"Señorita, maliligaw kayo r'yan!" sigaw ng kasambahay na nakatayo lang sa bukana. Nakakaligaw nga siguro dahil kahit sila ay ayaw pumasok. Huli kong natanaw ang nag-aalala nitong mukha bago ako hinila ni Jack sa isang paliko at tuluyan nang nawala sa paningin ang dalawa.

***

"Te-ka!" Bumitiw ako kay Jack at nakalabas na ang dila ko habang hinahabol ang hininga. Nakapamaywang itong kasama ko na halos nakakaladkad na ako sa bilis maglakad. "Ano na, nailigaw na ba natin?"

"Aba s'yempre! Ako pa!" Nakataas ang noo nito at galing na galing sa sarili. Mariin siyang pumikit at kumunot ang ilong na parang may inaamoy sa hangin. "Malapit na tayo sa bakod ng mansyon."

Magsasalita sana ako nang may kumaluskos sa paligid. Kitang kita ng dalawang mata ko na ang isang parte bakod ay gumalaw at sakto ang haba nito para maharangan ang daanan sa harapan namin. Diretso ang mata ko sa likuran nang umulit ang parehong ingay doon. Katulad ng sa harapan, isang parte ng bakod ang gumalaw at hinarangan ang dinaanan namin kanina.

"Jack! Nakita mo 'yon? Gumalaw…" Hindi ko maituloy ang sinasabi't hindi ko alam kung pa'no ipaliwanag habang nakaturo sa berdeng bakod na parang nakulong na kami maliban sa kaliwang parte na 'yon lang ang pwede naming daanan.

"Ngayon mo lang napansin? Kanina pa 'yan gan'yan." Gamit ang manggas ng puting amerikana, pinunas niya ito sa pawis sa noo. Nakikinita ko na ang nakangiwing mukha ng dalawang kasambahay sa dumi na nakakalat sa suot niya.

“Tara na, bilisan na natin." Walang ano-ano'y nagpatiuna na siya at dumiretso sa likuan.

"Teka lang naman!" Nagkandarapa ako na sinundan ang tinahak niya. Gumapang ang inis at kaba sa dibdib ko nang wala akong naabutan do'n.

"Jack! Hoy, 'asan ka?" Lumiko ako sa kanang daanan. Mismong pagliko ko ay and'yan na naman ang kaluskos. Inikot ko ang katawan at 'yon na nga—ang dinaanan ko kanina ay may harang na.

"Jack naman e!" Pagmamaktol ko. Walang direksyon ang mga paa ko habang pasikip nang pasikip ang dibdib ko. Pakiramdam ko sinasadya akong ikulong nitong maysa-demonyong bakod na 'to e.

Hanggang napadpad ako sa isang kuwadrado—walang ibang lagusan kundi ang nasa likuran ko lang. Tinakbo ko ang daan pabalik nang namataan kong may gumalaw na naman. Habang papalapit ay lalong bumilis ang paggalaw ng bakod at hindi ko na naabutan—nakahon ako sa gitna nito.

Lumubo ang saya ng damit ko nang napaupo ako sa damuhan. Binaba ko ang tingin sa lupa dahil ang mga bakod ay parang nakadungaw at sumisikip itong kinaroroonan ko.

Ginawa ko ang dahan-dahan na pagsinghap at pagbuga ng hangin—paulit-ulit hanggang kaunti na lang ang natirang kaba sa aking dibdib.

Kaso ang natirang kaba ay napalitan ng inis—napabunot ako ng halamang ligaw nang sumagi sa isip ko na iniwan lang ako basta ng tipaklong na 'yon. Akala ko ba 'yong nagmamanman lang ang ililigaw namin, bakit pati ako?

Tinapon ko sa harapan ang nabunot kong damo nang biglang gumalaw ang bakod do'n. Mabilis akong tumayo at balak ko itong takbuhin para makalabas sa kuwadrado.

Hinanda ko na ang sarili habang lumalaki ang daanan na parang pinto na nagbubukas. Natigilan lang ako nang may nakatayo sa kabilang dako. Kahit kalahati pa lang ang nakikita ko sa kan'ya ay alam kong isa siya sa mga bantay ng mansyon.

Tuluyan nang nahawi ang bakod. Tama nga ako na isa siya sa mga bantay dahil sa kulay abo nitong kasuotan na kapareho sa nadaanan namin ni Jack kanina.

Hindi niya pa siguro ako nakita dahil nakayuko siya at natakpan ang mukha ng suot nitong salakot—baka pwede akong sumimple sa gilid at baka sakaling hindi niya ako mapansin.

Pero hindi ako nakagalaw. Tinatantsa ko kung bakit may kakaiba sa kan'ya.

Parang sa paraan ng pagkahawak niya sa nakatayong sibat, sa itim na bota na lumubog sa damuhan dahil sa tikas ng tindig—napakapamilyar.

"Magandang Binibini." Nanlaki ang mata ko sa buong buo nitong boses. Para akong binalyahan ng malamig na tubig at natuod sa kinatatayuan habang naglalakad siya papalapit sa 'kin. "Hindi ho ligtas ang mamamasyal mag-isa sa loob ng laberinto."

"Frankie?" pabulong kong tanong nang huminto siya sa harap ko.

Bahagya niyang inangat ang mukha at bumugad sa 'kin ang pulang panyo na nakatakip dito—gumalaw ang tela na parang ngumiti siya.

"Ipagpaumanhin ho ninyo, ngunit hindi 'yan ang pangalan ko."

Bumagsak ang balikat ko at ang tagal kong hindi nakaimik. Hinilig ko ang ulo para silipin ang nasa likod ng salakot, bahagya siyang umatras sa ginawa ko. Napausli tuloy nguso ko—kahit sa kilos, kahit saang angulo ko tingnan ay ayaw matinag ang paniniwala ko na siya talaga ang nasa harap ko.

"E kung gano'n, ano palang pangalan mo?" Lakas-loob kong tanong sa kan'ya. Kung mali man ang hinala ko at ibang tao 'to ay siguradong kakaladkarin ako nito papunta sa Donya o kay Harold—pero hindi pa naman niya ginagawa.

"Ah...ang pangalan ko...ang pangalan ko? Greg...gorio." Nilipat niya muna sa kabilang kamay ang hawak na sibat, bago niya nilahad ang libreng kamay sa harap ko.

"Bakit parang hindi ka sigurado?" Pahapyaw kong tiningnan ang kamay niya bago ko binalik ang atensyon sa nakatakip nitong mukha.

"Sigurado naman ako, Binibini. Ikaw, pwede ko bang malaman ang iyong pangalan?"

Inipit ko mga labi para pigilan ang sarili na matawa sa bako-bako nitong paggamit ng malalim na salita. Siningkitan ko siya ng mata bago ko tinanggap ang kamay nito. "Isabelle…"

Hindi na ako nakaimik sa paghigpit ng kamay niya—maingat at nangsusuyo ang mainit nitong palad. Naninikip ang dibdib ko dahil kilalang kilala ko ang paghawak na 'yon.

Pinananatili kong nakadikit ang mga paa sa lupa para pigilan ang sarili na lumapit at magkulong sa ilalim ng yakap niya, sabihin sa kan'ya na ang tagal-tagal niya't malapit na akong magtampo.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi, nagawa ko ang maghunos-dili sa gitna ng matinding pananabik—hindi ko alam kung bakit kailangan niyang magpanggap ng ganito.

Muling gumalaw ang pulang tela, alam kong mapait ang ngiti niya sa likod nito. "Ikinagagalak kitang makilala, Isabelle."

Naging mapait din ang naisukli kong ngiti habang niyuyugyog ko ang kamay niya. "Gano'n din ako. Ikinagagalak kitang makilala, Gre-gorio."

************

Hindi ko akalain na maging ganito 'to kahaba, pero natapos ko rin, whew!

I am on to the next!

Watcha think of this chapter?

The usual, kung nagustuhan po ninyo ay maari lamang na pindutin ang bituing walang ningning. Talamat!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro