37 » kasal?
"Kailan mo ba balak ituwid iyang buhay mo?"
Tinaas ni Harold ang noo na parang sasagupa sa isang hamon, nakakainis lang na sinampay na naman nito ang kamay sa upuan ko.
"Sa pagkakaalam ko ay matuwid naman ang tinatahak kong daan, Ama. Aanhin ko ba ang karangyaan kung galing naman sa kabuktutan?"
Pabagsak na nilapag ng Don ang kutsara sa plato na parang may tumalsik yatang tipak. "Anong sinabi mo?"
"Narinig n'yo naman siguro ang sinabi ko, Ama." Sumandal siya sa upuan at ginagalaw-galaw ang nakapatong na paa.
Hindi na maipinta ang hitsura ng matanda, parang nadaanan ng tren at nayupi nang husto ang mukha.
"Hernando, Harold, Hijo, may bisita tayo." Sumulyap sa 'kin ang Donya habang maingat nitong nilapag ang panyo sa lamesa. Maingat din nitong dinampot ang tasa na may kape at pumikit siya nang dumampi ang inuman sa labi niya.
"Mi amore, pinagsasabihan ko lang naman itong si Harold. Nasa tamang edad na siya para..."
Naputol ang sinasabi ng matanda sa biglaang pagtitig ng Donya sa kanya. May halong pangungutya ang mahinang tawa ni Harold at nilalaro na naman ang buhok ko. Pasimple kong hinahawi ang kamay niya pero ayaw magpatinag ang tanga.
Nag-igting ang mga bagang ko. Buong pwersa kong hinawakan ang palapulsuhan nito at padarag ko itong binaba sa hita niya.
Hindi ko na 'yon binitiwan kahit lumipat na sa 'min ang mata ng Donya. Isipin na niya kung ano ang gusto niyang isipin basta't pumirmi lang sa isang lugar ang kamay ng unggoy na 'to.
"Mahal naman..." Inayos niya pa na nagmukha kaming magkahawak-kamay sa ilalim ng lamesa. Binantaan ko siya sa tingin na lalo lang ikinalapad ng mapang-asar nitong ngiti.
"Siyanga pala, Hijo, kailan ninyo balak magpakasal?"
Parang umalis ang kaluluwa ko sa tanong ng Donya. Natanga ako sa kinauupuan at walang mabuong salita para depensahan ang sarili.
"Ina, masyado naman po yatang maaga para pag-usapan ang mga bagay na 'yan."
Nakahinga ako nang maluwag sa sinabi ni Harold. Binawi niya ang kamay na nakalimutan kong hawak ko pala.
"Katulad nga ng sabi ng iyong ama, nasa tamang edad ka na...at, Hijo, ngayon lang kita nakitang masaya," pagpupumilit ng Donya. Ang hirap tantsahin kung seryoso siya dahil wala man lang emosyon sa mukha niya.
"Sang-ayon ako sa iyong ina, nasa tamang edad ka na Harold. Kailangan mo nang ituwid iyang buhay mo."
Napasandal ako sa upuan sa paglapag ni Harold sa nakakuyom niyang kamao.
"Ina, pag-usapan na lang natin 'to sa ibang panahon. Wala pa sa isipan namin ang mga bagay na 'yan."
Naging matalim ang tingin sa 'kin ng Donya—naniningkit na parang nanunuot sa kaluluwa at hinuhusgahan ang pagkatao ko. Naiwas ko ang tingin dahil hindi ko kinaya ang mga titig niya.
"Mija, mahal mo ba ang anak ko?"
Nanlaki ang mata ko sa tanong niya—bumara sa lalamunan ang hangin sa paghinga ko.
Gusto kong tumayo, tumakbo—malayong malayo na walang nakakakita o nakakaalam kung nasaan ako.
Pero hindi ko magawa, hindi ko maigalaw ang katawan. Kahit ang pagkuha ni Harold sa kamay ko at pinulupot niya ang ang mga daliri niya sa pagitan ng mga daliri ko ay hindi ko mabigyan ng pansin.
"Oo naman, Ina, kami po ay..."
"Hindi ikaw ang tinatanong ko, Hijo."
Hindi ako makapagsalita. Alam kong kunyari lang 'to, pero hindi ko magawang bitiwan ang mga salitang gusto nilang marinig. Hindi ko kayang lokohin ang sarili kong damdamin.
"Mija?" Matigas ang boses ng Donya na parang pinaparatangan ako ng kasalanan.
"Opo, mahal ko po ang anak ninyo." Nanginginig ang boses ko na sinagot siya. Nakuha niya na ang gusto niya, h'wag lang nilang galawin sina Barbara.
"Tigilan na natin 'to, Ina. Hindi pa kami handa sa usaping 'yan!" Nagulat ako sa pagtayo ni Harold at sa pagsuntok niya sa lamesa. Pahapyaw kong pinunasan ang mga nakatakas na luha sa mata ko.
"De pota! Anong karapatan mong magtaas ng boses sa pamamahay ko?" Umalingawngaw sa comedor ang sigaw ng matanda. Nagsiyukuan ang mga kasambahay na magkakatabing nakatayo sa likuran ng Donya.
"Hernando..." Inabot ng Donya ang kamay ng asawa, at gano'n lang ay parang buhangin na hinipan ng malakas na hangin ang galit sa mukha nito—naging kasing-amo na ng sa tuta habang parang kitikiti itong kinikilig sa kinauupuan. "Maupo ka, Hijo."
Pabagsak na umupo ang katabi ko. Isang segundo lang ang pagitan nang may kaluskos sa kabilang pinto kung saan ako pumasok kanina. Lumipad ang lahat ng mata do'n.
Unang niluwa ng pinto si Jack. Itim na kurbata at puting polo sa ilalim ng puting amerikana ay lakad-takbo ang ginagawa nito papalapit sa 'min. Maayos na ang hitsura niya—gumaling na ang malaking bukol niya sa labi at nakalantad na ang matutulis nitong pangil sa umaangil niyang hitsura.
Tumayo si Harold at tinapik niya ako bago siya naglakad patungo sa pinto. Alam kong sinadya 'yon ni Jack na banggain ang balikat ng kasalubong niya nang nagpang-abot sila sa gitna—kahit hindi siya pinatulan ay sinundan niya 'to ng matalim na tingin.
Walang pasintabi na hinila ni Jack ang upuan sa tabi ko at umupo na parang walang ibang tao sa lamesa. Sa ilalim ng nanlulumo nitong mata, dinampot niya ang dalawa kong kamay at nagpakawala ng malalim na buntong hininga. "Kumusta?"
Parang may napigtas sa dibdib ko na gustong kumawala ang lahat ng sama ng loob ko sa ilalim ng yakap niya. Gusto kong magsumbong, ibuhos lahat ng inis at galit.
Pero pinigil ko ang sarili—kinagat ko ang babang labi para hindi tuluyang bumuhos ang nagbabadyang unos sa gilid ng mata ko—nakakapaso na ang tingin ng Donya—para na kaming sinisilaban nang buhay.
Dumating si Harold na inaalalayan si Barbara sa upuan katabi ni Jack. Katulad ng katabi niya ay magaling na rin siya—ang liwanag ng mukha niya habang hawak ni Harold ang kamay nito. Binaling ko ang tingin sa lumalamig nang sopas sa plato—ayokong makita ang paulit-ulit na pagpapaasa ni Harold sa kanya.
"Ah, nandito na pala ang iba nating bisita. Hindi mo ba sila ipapakilala sa 'min, Hijo?" Lalong tumigas ang boses ng Donya at hindi na inalis ang mga mata niya sa 'min ni Jack.
"Si Barbara po, Ina, matalik naming kaibigan ni Issa," sabi ni Harold na nakapwesto na sa likuran ng dalawa.
"At..itong ginoo?" Umabot na sa kisame ang tinaas ng kilay ng Donya.
"Si Jack po, Ina, pinsang buo ni Issa."
"Ah, mabuti naman kung gayon." Inalis na niya ang tingin sa 'min, binaba ang tasa at dinampian ng panyo ang labi. "Bueno, maiwan na namin kayo't marami pa kaming aasikasuhin. Harold, Hijo, hihintayin kita sa aking tanggapan, pag-uusapan natin ang inyong kasal."
Namigat ang pisngi ko sa sinabi ng Donya—humigpit ang kamay ni Jack na parang madudurog na ang buto sa mga daliri ko.
Walang nagsalita. Naging tahimik ang pagtayo ng Donya sa kinauupuan. Parang isang reyna na lumuluhod ang lahat kahit ang pulang alpombra na nakalatag sa kabuuhan ng sahig. Nakasunod ang tatlong kasambahay na nasa likuran niya kanina habang ang matanda—
May isang mataas na kahon na may gulong ang pumasok sa silid. Tulak-tulak ito ng dalawang kasambahay at huminto ito sa tabi ng kinauupuan ng Don. Tumayo siya sa silya at lumipat sa bagay na 'yon.
Nakipagtagisan ng titig si Jack do'n sa matanda—kahit si Barbara ay masama din ang tingin dito habang dumadaan ang sinasakyan nito na tulak-tulak ng dalawang kasambahay sa bandang likuran.
Nanatili ang mabigat na hangin at nakakabinging katahimikan sa comedor kahit nakalabas na ang mag-asawa sa maarkong pinto. Nabasag lang sa pagtayo ni Jack. Nakatiim ang bagang niya na nilapitan si Harold at walang ano-ano'y tumama ang malakas na suntok sa panga ng kaharap.
"Tangina mo ka!" Sinundan niya gamit ang kabilang kamao na siyang pagsigaw ni Barbara.
"Jack, ano ba? Tama na!" Hila-hila ni Barbara ang laylayan sa mahaba na bestida habang pumagitna sa dalawa.
"Kakampihan mo pa ang gagong 'yan?"
Mabilis akong tumayo at hinarang ang sarili sa harap ni Jack. Natigilan ako at nasaktan sa pagtabig niya sa 'kin—wala naman akong kinakampihan sa kanila, ayoko lang ng gulo.
"Ano, ha! Masaya ka na sa pinaggagawa mo? Gago ka!"
"Tama na nga sabi!" Malakas ang pagkatulak ni Barbara na nagpaatras kay Jack ng ilang hakbang. Ginamit ko ang pagkakataong 'yon para yakapin siya sa baywang.
Patuloy ang pagpupumiglas ni Jack. Hinubad ko na ang sapatos para hindi matangay sa pagpupumilit na tanggalin ang braso na pinalibot ko sa kanya. "Tangina! Issa, bitiwan mo ko!"
Sumuko din siya nang napagtanto niyang wala akong balak na pakawalan siya. Pabagsak niyang binaba ang kamao sa harap ni Harold na nanatili sa kinatatayuan nito.
Gamit ang hinlalaki ay pinunasan ni Harold ang kumawalang dugo galing sa sugat niya sa labi at sinenyasan ang mga papalapit na lalaking kasambahay na h'wag makialam.
Sumakop na naman ang nakakabinging katahimikan habang nakapamaybang si Barbara at isa-isa kaming tiningnan nang masama. Nagpakawala siya ng buntong hininga bago lumapit kay Harold at tinulungan ito na ayusin ang suot na amerikana at kurbata.
Napasulyap ako sa gawi nila—mukhang iritado si Harold sa pagtulong ni Barbara sa kanya. Iniwas ko ang tingin nang sinubukan nitong hulihin ang mata ko.
"Issa," Malalim ang boses niya na parang isa na itong kautusan na ibaling ko ang tingin sa kanya.
"Putang!" Nagpumiglas na naman si Jack. Hinigpitan ko na naman ang pagyakap sa kanya dahil sinusubukan na namang alisin ang braso ko.
Ilang segundo rin na hinintay ni Harold ang sagot ko—ang lingunin siya na hindi ko ginawa.
"Marami pa akong gagawin, maiwan ko na kayo."
Dumaan sa gilid ng mata ko ang mabilis na pagtalikod ni Harold at ang hahaba ng hakbang nito patungo sa malaking pinto. Natuod si Barbara sa gitna at palipat-lipat ang tingin sa 'min at do'n sa papalayo.
"Barbs!" Pahabol ni Harold na hindi man lang huminto o lumingon.
Walang pag-alinlangan na tinaas ni Barbara ang mahabang tela ng saya at patakbo nitong sinundan si Harold.
************
More than a week bago ko natapos 'to hahaha. Okay, on to the next!
Watcha think of this chapter?
H'wag kalimutan maglapag ng malupit na komento at pindutin ang bituing walang ningning.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro