Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

36 » pamilya montecristo

Ito na naman tayo at gumegewang-gewang sa kadang-kadang na sapatos. Habang hawak-hawak ni Juanita ang kaliwa kong kamay ay bitbit ng kanan ko ang ibang tela ng napakahabang bestida—binabagtas ang kahabaan ng pasilyo papunta sa silid-kainan.

Nakipagtalo pa ako sa kanya kanina. Sana 'yong kulay kahel na lang—'di-hamak na mas mababa ang takong no'n. Pero pinilit talaga ako sa puti, hindi naman daw bagay ang napili ko sa kulay asul na damit. Kahit hindi naman nakikita sa sobrang haba ng saya ay talagang pursigedo siya—parang pamimilit lang ng amo niya sa mga bagay na hindi naman dapat.

Sa huli ay pumayag na lang ako—mapapagalitan daw siya ng Donya pag hindi magkasundo ang mga kulay na ginamit—kasalanan ko pa kung malatigo 'to nang wala sa oras.

Hindi rin ako mapakali. Kahit maganda ang malawak na hardin sa labas ng maarko at matatangkad na bintana. Kahit makukulay ang mga bulaklak na nakaayos na parang entrada ng isang palasyo—hindi ko masyadong mabigyan ng pansin. Hindi mawala sa isip ko, nagalit kaya ang unggoy na 'yon?

Kahit naman wala akong gusto sa kanya, pero wala sa ugali ko ang manakit ng damdamin. Kaya ko nga hindi sinabi, kahit papano ay hindi nanggaling sa'kin—bahala siya sa buhay niya. Kaso—dati pa talaga akong nagduda, kanina ko lang napatunayan na naririnig niya ang mga iniisip ko.

Pakiramdam ko tuloy isang hukuman ang pupuntahan ko.

Parang nadadagdagan ang bigat nitong sapatos habang palaki nang palaki ang maarkong pinto na ang tangkad ay halos sukdulan na ng kisame. Para itong may mga galamay na kahit hindi ako gumalaw ay pupulupot ang mga 'to sa katawan ko at hihilain ako papasok sa loob. At do'n sa loob ay may impakto na mamumukpok ng ulo at mang-uusig ng konsensiya.

Bakit nga ba ako ang natatakot e sila nga 'yong may kasalanan sa'kin? At bakit ba kailangan ko pang gawin 'to? Pwede naman siguro na sila-sila na lang ang mag-agahan—ayos lang naman kung sa kwarto na lang ako kumain. Hay. Bahala na nga.

Binaba ko ang hawak na tela at tinaas ang noo nang makalagpas na kami ni Juanita sa malaking pinto. Hindi basta-basta ang mga makakasalo ko at ayokong magmukhang basang sisiw sa harap nila.

Umawang ang bibig ko sa nang nasa looban na kami. Itong tinatawag nilang comedor ay tatlong beses ang laki at haba sa tinutulugan kong kwarto. Parang pinasadya para sa pangmaramihang tao dahil walang ibang muwebles kundi ang napakahabang hapag-kainan na nakabalandra sa gitna ng silid. 

Masyadong mahaba ang lamesa na maliit sa paningin ang tatlong nakaupo sa kabilang dulo. Hindi ko masyadong maaninag ang nasa kabisera at ang nasa kaliwang bahagi nito—pero napansin ko ang pagtayo ni Harold na galing sa pagkaupo sa kanang kamay ng kabisera. Suot ang itim na amerikana ay patakbo niya kaming tinungo. Nakakaduda ang liwanag ng mukha nito at ang ngiti na abot hanggang tainga.

"Mahal…" Kinuha niya kay Juanita ang kamay ko at sinabit ito sa bisig niya.

"H'wag mo nga akong matawag-tawag niyan at naiirita ako." Dumikit ako sa kanya para kaming dalawa lang ang nakakarinig. Kaso pinaningkitan ako ng mata. Nanatili ang mapang-asar nitong tingin sa nakadikit kong katawan sa tagiliran niya. Mabilis kong inusog ang sarili para nagkaro'n ng awang sa gitna namin. Letse, lahat yata ng ginagawa ko ay binibigyan ng malisya nito.

Sa iba ko na lang tinuon ang pansin habang binabaybay namin ang kahabaan ng lamesa. Hindi ko mapigilan ang sarili na mapasulyap sa mga obra na nakapaskil sa dingding. Iba-iba ang sukat, makukulay ang pagkapinta, at lahat ng mga 'to ay guhit ng mga tanawin. 

Takipsilim sa isang dalampasigan, apat na magkakatabing duyan sa isang parke, isang bangin sa gilid ng dagat, at may marami pa.

Hindi lang maalis-alis ang mata ko doon sa pinakamalaki. Isang kapatagan kung saan katulad na katulad ang hitsura nito sa baba ng bangin kung saan ako nakatira. Nando'n ang nagkalat na kulay dilaw at lilang bulaklak. Nando'n ang punso na tinubuan ng mga ligaw na damo, at kung lalakihan pa ng konti ang obra ay masasama na ang bahay ni Jack na katabi lang mismo nito. Hindi maalis-alis sa isip ko kung saan nila nabili o kung sino ang nagpinta ng obra.

Bahagyang ginalaw ni Harold ang braso, 'tsaka ko napansin na nasa kabilang dulo na pala kami ng lamesa. Napansin ko ang pagtayo at napatinga ako sa isang babae na parang dyosa.

"Isabelle, Mija…" Hindi ako nakaimik nang dumampi ang pisngi niya sa pisngi ko, kasabay ng pagdampi ng matamis na halimuyak ng mga bulaklak sa ilong ko.

Nang tumuwid siya ay napako ang mata ko sa mahaba nitong pilikmata, ang mga mata niya na bagama't malalalim na katulad ng kay Harold ay parang naglalaman ng napakaraming bagay. Litaw na litaw ang mapupula niyang mga labi sa mala-gatas nitong kutis—hindi ko na matanggal ang tingin sa kanya.

Pumihit si Harold at napaharap ako sa nakaupo sa kabisera. Isang lalaki na may katandaan ang nakaupo do'n, nakalahad ang makulubot nitong kamay sa harap ko.

"Aking prinsesa," sabi niya na ikinangiwi ng mukha ko—ang kapal, si Tatay lang ang may karapatan na tumawag sa'kin niyan.

Unang tingin ko pa lang ay mainit na ang dugo ko sa kanya. Ang haba ng hiwa ng bibig na parang pinaglihi sa palaka. Nakasalampak ang maliit nitong katawan sa mas matangkad na silya na may dalawang andana.

Ginalaw-galaw niya ang mga daliri na parang gusto niya na tanggapin ko 'to.

Tiningnan ko lang 'yon, sa hindi malamang dahilan ay ang bigat ng loob ko sa kanya—kahit anong gawin ko ay hindi ko siya mabigyan ng respeto.

"Dito tayo, Mahal…" Hinila ako ni Harold. Hindi na ako nag-atubiling magpatangay sa kanya at wala akong pakialam kung naiwang nakatiwangwang ang kamay ng matanda sa ire.

Pinaupo niya ako sa katabing silya kung saan siya nakaupo kanina. Hindi ko inaasahan na napakakomportable sa pwet ang kutson ng upuan—natanggal ang pananakit ng binti ko na kagagawan ng mataas na takong ng sapatos, pati ang sandalan ay binigyan ng ginhawa ang nananakit kong likuran.

Naupo na rin si Harold—tinaasan ko ng kilay ang pagsampay niya ng kamay sa sandalan ng upuan ko. Sinubukan ko rin 'tong tanggalin, kaso nangungutya ang tingin niya pag napapahawak ako sa kamay niya. Letse, gumaganti yata 'to e.

"Sa'n kayo nagkakilala nitong anak ko, Mija?" Panimulang tanong ng Donya. Dumapo ang mala-kandila niyang mga daliri sa isang ginintuang kampana at pinatunog niya ito ng tatlong beses.

Kailangan ko pang pigilan ang sarili na h'wag kamutin ang ulo, wala namang makati at hindi magandang tingnan. Kaso hindi ako nakapaghanda at hindi ko inasahan na may ganyang tanong. 

Lumipad ang tingin ko sa nakailaw na kandila sa ginintuang kandelabra. Alam kong mababaw ang dahilan kung bakit nakasindi ito gayong sapat naman ang pumapasok na liwanag ng araw sa matatangkad na bintana—at hindi ko mahanap do'n ang kasagutan.

"Sa isang palengke sa malayong baryo ng San Juan, Ina. Kasalukuyan akong naghanap ng bagong sangkap na magagamit sa kusina ng cafeteria. Nabigo man ako ngunit mas maganda naman ang natagpuan ko doon," si Harold ang sumagot para sa'kin.

Napangiti ako sa kasinungalingan nitong katabi ko—parang totoo.

Totoo naman na isang baryo lang ang San Juan kung saan ako nakatira, pero walang palengke doon—sa bayan binibili ang lahat ng pangangailangan—at lalong hindi kami do'n unang nagkilala.

Mukhang napaniwala niya ang Donya dahil sa pagngiti nito—pati ang mga mata nito ay umarko sa tuwa. Ang ganda niya talaga, pati ang mahaba at alon-alon na buhok na pasadyang nakalugay sa balikat. Halos namana ni Harold ang lahat ng magandang katangian niya—at walang inambag itong nakaupo sa kabisera.

"Kumusta ang mga sugat mo, Hija?" Parang naipit na palaka ang boses ng matandang hukluban. Mabigat ang pisngi ko na sinulyapan siya.

"Mabuti-buti na po," matipid kong sagot. 

"Mabuti naman kung gayon. Sinalakay pala kayo ng mga tulisan, Hija. Mabuti na lamang at napadaan ang mga tauhan ko sa kalsada ng Santa Catalina at napuksa nila ang mga umatake sa inyo, kung hindi ay baka napano na kayo."

Halos matawa ako sa isa pang kasinungalingan. Ganito pala ang agahan nila, naglolokohan sa isa't isa. "Oo nga po, mabuti nga po e," pagsang-ayon ko. Natawa ako sa sarili sa pagsali sa kalokohan nila.

 Hindi ko na nailabas ang nalanghap kong hangin at nakuyom ko ang mga kamao sa ilalim ng lamesa. Matapos nilang pahirapan sina Jack at Barbara ay haharapan ako ng kasinungalingan. Ang sama ng ugali. Magbabayad kayong mga hayop!

Nalukot nang husto ang saya sa ilalim ng nakakuyom kong kamao. Tinuon ko ang atensyon sa ibang bagay para pigilan ang sarili na hindi maibato itong plato doon sa nakaupo sa kabisera. Pinikit ko ang mga mata para hindi ko madampot ang tinidor at itusok ito sa kamay niya.

Natigil na lang ako sa may bahagyang paggalaw sa likod ko. Napalingon ako sa katabi na naabutan kong nakadungaw sa'kin. May laman ang mga tingin niya, at ang paraan ng paglaro ng mga daliri niya sa buhok ko—may kung anong mahika na tinutunaw ang tensyon sa nag-aamok kong damdamin—inuutusan akong kumalma.

Napasandal ako sa upuan, natangay sa pagpapaikot-ikot ni Harold sa iilang kumpol ng buhok ko sa pagitan ng kanyang mga daliri. Unti-unting bumalik ang dating ritmo ng aking hininga, lumuluwag ang nakakuyom kong mga kamay at nang mahimasmasan ay tinigil din ni Harold ang ginagawa niya—sinampay niya ulit ang kamay sa sandalan ng upuan. Pinabaunan pa ako ng isang mariing pagsulyap na parang nagsasabing walang anuman bago niya binalik ang mata sa harap.

"Mabuti na rin at nandito kayo, Mija," sabi ng Donya. Magsasalita pa sana siya nang may pumasok na tatlong batang lalaki na galing sa kabilang pinto sa bandang likuran.

Lumalapit sila sa'min na nakapila. Namukhaan ko 'yong nasa unahan. Ito 'yong masungit na naghatid sa'kin ng pagkain sa kwarto—itim ang kulay ng palayok na nakapatong sa bandeha na hawak niya.

Maingat niya itong nilapag sa lamesa sa pagitan ng Don at Donya. Tumabi siya at pumalit ang nasa likod niya na laging nakayuko. May dala-dala itong bandeha na ang nakapatong lang naman ay isang malalim na sandok. Gamit ang sandok na 'yon ay maingat itong nagsalin ng sopas sa malalim na plato na nakahanda na sa lamesa.

Walang ginawa ang pangatlong bata, nakasunod lang sa dalawa. 

Nang matapos ay lumipat sila sa'min at gano'n din ang ginawa. Napansin ko ang pagsulyap no'ng pangalawang bata kay Harold.

Yumuko ito lalo nang napansin niya ako na nakatingin sa kanya. Ang layo niya no'ng plato ko na ang sasalinan niya ng sopas—hindi kasing-ingat na katulad ng sa mga amo niya, parang nagmamadali siya.

Isasantabi ko na lang sana, naisip ko na parang may problema ang mga servidor nila sa'kin, kaso may gumuhit sa balat ko nang lumagpas silang tatlo sa'kin—mahina na parang daplis sa hangin. Nasundan ko nang tingin 'yong pangalawang bata—hindi ako maaaring magkamali, isa iyong enerhiya ng karet—isa siyang ganap na karet.

"Mabuti't nandito kayo, Mija. Ligtas kayo rito sa mga gumagalang insekto sa labas." Pagpatuloy ng Donya nang makalabas na ang tatlo.

"Sinigurado ko naman, Ina, na hindi makakapasok ang mga peste rito sa mansyon. Kaya ligtas ka rito." Sa'kin nakatingin ang unggoy habang nagsasalita.

Hindi ko siya pinansin at bumaling ako sa kaharap. "Ano pong insekto?"

"Naku, Mija, hindi ka pa ba nakakita? Kasing laki ng mga kamao ang mapupulang lamok. Marami ang haka-haka na iyon ang nagdadala at nagkakalat ng sakit na nararanasan ngayon ng karamihan."

Lamok? Sakit?

Kung ang mga lamok na kasinlaki ng kamao ay ang mga gwalltor, gano'n na ba kalala ang gutom nila at nagsilabasan na sila sa lungga? Papano sila nagkakalat ng sakit, naaapektuhan ang mga karet ng sakit?

"Ah." Nagulantang ako at napakurap sa sinabi ni Harold.

Pinanlakihan ko siya ng mata nang napansin ko ang kutsara na may sopas na nakatapat sa bibig ko.

"Ah..." Binuka niya lalo ang sariling bibig at nilapit lalo ang kutsara sa'kin.

Itutulak ko na sana ang kamay niya palayo, pero ang Donya na nasa harapan namin—habang maingat nitong dinadampian ng panyo ang mga labi ay lumiliwanag ang mapangsuring mata.

Akala ko na kakampi ko na 'tong isa dahil sa ginawa niya kanina, pero heto't ginagalit na naman ako. Pikit-mata kong binuka ang bibig dahil ayokong makita ang pagmumukha niya habang sinusubo sa'kin ang sopas.

Pagkatapos ay pakurot kong hinila ang braso ni Harold. Binaba niya muna ang kutsara sa plato bago tumagilid para ilapit ang sarili. "Ano 'yon, Mahal?"

"Masyado mo yatang ginagalingan ang pagpapanggap mo?" pasimple kong tanong habang hindi nakatingin ang Donya.

Nilapit niya nang husto ang mukha na ikinangiwi ko. Nilalayo ko ang pisngi pero hindi siya tumigil hanggang tumatama na sa tainga ko ang hininga niya. "Hindi ko naman kailangang magpanggap, Isabelle." 

Sa sobrang inis ay nakurot ko pa siya lalo.

"Oh, h'wag kang manggigil, baka iisipin ko na nagustuhan mo na ako."

Natulak ko siya pabalik sa upuan niya. Ang sarap tusukin ng tinidor ang nanunudyo nitong mata habang ginagalaw-galaw niya ang leeg para ayusin ang suot na kurbata.

"Siyanga pala, Hijo, kailan mo ba balak bisitahin ang mga negosyo natin sa Santa Catalina? Kailangan mong pag-aralan kung papano ang mangasiwa sa mga ito habang nandito pa ako."

Natigil si Harold sa pagpupumilit na kunin ang kutsara na nilalayo ko sa kanya. Nakakainis na nag-aasal bata ang tanga, at mukhang tuwang tuwa pa sa pinaggagawa niya.

"Batid naman ninyo na ako ay abala sa cafeteria, Ama. Wala na akong oras para diyan." seryoso niyang sabi—sumandal siya sa upuan at pumuwesto na naka-de-quatro.

"Ano ba ang napapala mo sa kainan na iyan? Ngayong pinakilala mo na sa amin ang iyong…" Bahagyang lumipat sa'kin ang tingin ng matandang hukluban bago ito binalik sa kausap. "...napupusuan, kailan mo ba balak ituwid iyang buhay mo?"

************

Ang goal ko lang dati ay 1k words at most per chapter. Pero dumadami na ang pangyayari, hindi na bumababa sa 2k ang per chapter.

Anyway, kumusta ang kalandian ni Harold? 😅

Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro