Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

35 » wala akong pakialam

"Noong unang panahon…"

'Yan ang laging panimula ni Tatay noong bata pa kami ni Kuya Lab. Tuwing gabi ay nakahilata kami sa isang kumot na nilatag sa sahig. Nakaupo si Tatay malapit sa'min at sa sumasayaw na ilaw ng lampara ay nakatuon ang atensyon namin sa kanya—nasasabik sa mga kwentong inimbento niya.

"...may isang matsing na nakatira sa malaking puno." Nilakihan ni Tatay ang mata niya at pinakita ang mga kamay na parang mangangalmot. Ako naman itong matakutin ay sumiksik kay Kuya at tinakpan nang husto ang mukha.

"'Tay, ang gulo ni Issa, wala pa nga!"

Imbes magalit ay tumawa lang si Tatay. Maliit pa kami noon ni Kuya na ang kamay ni Tatay ay halos masakop na ang ulo ko habang tinapik ako nito. "Walang aswang sa ikukwento ko, 'Langga."

Tinanggal ko ang pagkatakip ng kamay ko sa mukha at lumayo kay Kuya—sinisipa na ako ng dalawang paa niya sa likod.

"Ang matsing na 'to ay walang ibang ginawa kundi ang manakit ng ibang hayop sa gubat," pagpatuloy ni Tatay habang hinahaplos-haplos niya ang noo ko. "Natutuwa siya kapag nagagalit sa kanya ang mga hayop na binabato niya. Kinakantyawan at pinagtatawanan ng pilyong matsing.

Hindi nakatiis ang malaking puno sa masamang ugali ng matsing. Kaya isang gabi, noong tulog na tulog na ang lahat ay binunot ng puno ang kanyang mga ugat at nagsimula siyang maglakad papunta sa ilog.

Palapit nang palapit, at nang nandon na ay ginalaw niya ang sanga kung saan natutulog ang pilyong unggoy. Ginalaw niya nang ginalaw hanggang nahulog ito sa malalim na tubig. Nagising ang matsing, dahil hindi siya marunong lumangoy ay sumigaw siya. Tulungan n'yo ako! Tulungan n'yo ako!

Pero walang tumulong sa matsing. Pinanood lang siya at pinagtawanan ng mga hayop sa gubat. Hanggang napagod na lang at nalunod ang kawawang unggoy."

"Buti nga sa kanya," sabi ni Kuya na naghihikab na. Nakasimangot ako na nakatingin sa kanya. Hindi ko masabi na naawa ako sa matsing kasi alam kong magagalit siya. Kahit naman masama ang ugali no'n pero nalungkot ako na sa huli ay walang tumulong sa kanya.

"Kayong mga bata, magpakabait kayo lagi. H'wag kayong nang-aaway para walang magagalit sa inyo." Pangaral sa'min ni Tatay.

Kaya kaming dalawa ni Kuya ay lumaking mabait. Ayaw naming matulad do'n sa matsing na hinulog at nalunod sa ilog—takot kaming dalawa dahil pareho kaming hindi marunong lumanggoy.

Pero sa kwento ni Tatay ay parang nabuhay ulit ang matsing at ngayon ay nasa katauhan ni Harold.

Kaligayahan siguro no'n na nakikitang umuusok ang ilong at tainga ko. Pa'no ba naman kasi na nagising na naman ako sa malaking kwarto. Nalaman ko pa kay Juanita na kinarga ako ng lalaking 'yon pabalik sa silid.

Makulimlim pa ang paligid at kakatilaok pa lang ng manok ay nanggagalaiti na naman ako sa galit, nataasan ko na naman ng boses si Juanita. Sino ang nagbigay sa kanya ng karapatan na kargahin ako?

Mamaya pa ang agahan kasama ang Donya, pero napaaga ang pagligo ko—nagbabakasakali na sumingaw ang init ng ulo ko. Pero ayaw mawala, lalo ko lang naiisip ang lintik. Lalong nangangati ang kamay ko at gusto ko siyang sabunutan. Hay. Tatanda ako nang maaga nito.

"Señorita, kung mamarapatin po ninyo, maaari po ba akong magtanong?" Nasa harap na naman kami ng tokador at maingat na sinusuklay ni Juanita ang buhok ko. Hindi ako sanay na may nag-aayos sa'kin pero malaking tulong na rin ang ginagawa niya dahil parang wala ako sa sarili sa lugar na 'to—lagi na lang akong galit. "Hindi n'yo po ba mahal ang Señorito?"

Diyos ko, kung makatanong naman 'tong isa, syempre hindi. Pero hindi ko siya sinagot, tiningnan ko si Juanita sa salamin—tinitirintas niya ang ibang bahagi ng buhok ko—nagtataka kung bakit masyado yata siyang nanghihimasok sa buhay ng amo niya.

"Mabait naman po si Señorito Harold, may pagka…'

"Juanita," pinutol ko pagsasalita niya—kahit anong pagpapabango ang gagawin niya ay wala akong pakialam. "Hindi mangyayari 'yang iniisip mo dahil mayro'n na akong…"

Naputol din ang sinasabi ko nang may kumakatok sa pinto. Pinatong ni Juanita ang suklay sa tokador bago tumalikod para pagbuksan ang nasa labas ng kwarto.

"Magandang umaga, Señorito."

Tumaas ang kilay ko sa narinig. Inaasahan ko naman na darating siya dahil makapal ang mukha niya, dahil akala niya kung sino siya.

"Iwan mo muna kami."

Napatayo ako sa sinabing 'yon ni Harold. Hindi ko inaasahan na palalabasin niya si Juanita. Kanina ko pa naihanda ang mga isusumbat ko sa kanya, pero hindi ko naihanda ang sarili na ako lang mag-isa sa labang 'to.

Tumalikod ako sa tokador para harapin siya. Seryoso ang mukha niya na naglalakad papalapit sa'kin. Polo na may mahabang manggas na naman ang suot niya, itim na kurbata, makinang na sapatos, at nakatali na ngayon ang alon-alon niyang buhok—masyado naman yata nitong pinaghandaan ang agahan namin kasama ang mga magulang niya.

Tumigil siya na may kalayuan pa rin sa'kin. Ilang beses na lumubak ang biloy niya na parang sinusubukan din niyang magsalita. Nakataas ang noo ko na palipat-lipat ang tingin sa mukha niya at sa kahon na nakausli sa nakakuyom niyang kamao

"Maniwala ka sana na ginawa ko ang lahat para sa kaligtasan natin." Tumigil siya do'n at hindi niya inalis ang mata sa'kin na parang inaaral ang lahat ng kilos ko.

"Natin? Natin? Pa'no mo maipaliwanag na sa ating apat ay ikaw lang ang walang galos? Nakita mo ang 'yong likod ni Barbara? Nakita mo ba ang kalagayan ni Jack? Hindi sila nakipagbugbugan, Harold, pinahirapan sila! Tapos ikaw? Ikaw? Wala ka man lang kahit isang gasgas. Harold...pakana mo ba 'to?" Parang pinipiga na ang puso ko habang sinasabi ko 'to sa kanya. Nanlulumo ang mga mata niya habang mabilis siyang naglalakad palapit sakin. "Pakana mo ba 'to para mailayo mo sa'min si Frankie?"

Tumigil si Harold ilang dipa sa harapan ko. Bumagsak ang balikat niya kasabay ng pagbaba ng mataas na tingin niya sa sarili.

"Hinding hindi ko isusugal ang kaligtasan mo kapalit sa isang kapritso, Isabelle. Ginawa ko ang lahat..." Naging matigas ang mukha ni Harold na parang nagsara ang lahat ng pinto at bintana sa katauhan niya. "Ginawa ko ang lahat at dumating sa punto na ginamit kitang dahilan."

Lalong tinaas ko ang noo na nakamasid sa onti-onting pagtamlay ng hitsura niya.

"Isa akong suwail...suwail! Kinamumuhian ng sariling ama dahil sa pagkasira ng iniingatan nilang negosyo. Biruin mo bang nagbebenta sila ng mga musmos, walang kamuwang-muwang, walang kalaban-laban bilang alipin?" Tumawa si Harold nang napakalakas. Nagsitindigan ang mga balahibo ko sa paghampas ng maugong niyang halakhak sa mga dingding ng kwarto.

"Inakala nilang nagbuo ako ng pag-aalsa noong mga panahon na nawala ako. Biruin mo ba 'yon? Noong panahon na ako ay naging isang ganap na karet, pinagbibintangan nila!" Lalong lumakas ang pagtawa ni Harold habang umiiling-iling at sapo-sapo ang noo.

Bumaba ang noo ko na nakatingin sa kanya. Tumatawa siya, pero iba ang sinasabi ng mga mata niya—humihiyaw, nagsusumigaw ng saklolo.

Parang yelo sa ilalim ng araw na natunaw ang galit ko sa kanya. Kung siya man ang matsing na hinulog ng puno sa malalim na ilog—kahit mali sa mata ng lahat, ako ang unang maghagis ng lubid para makakapitan niya.

"Anong ibig mong sabihin na ginamit mo akong dahilan?"

Natigil si Harold sa kakatawa. Tumuwid siya sa pagtayo. Gamit ang isang kamay ay inayos niya ang nagusot sa polo at ang isa ay ang hindi niya mabitiw-bitiwan na kahon.

"Pinarusan nila sina Jack at Barbara. Issa, wala akong ibang maisip na paraan. Nasabi ko na binisita kita sa inyo...na tayong dalawa…" Nanlaki ang mata ko. Nagsimulang tumambol ang dibdib ko at kung pwede ko lang takpan ang bibig ni Harold para hindi niya maituloy ang sasabihin. "...nagmamahalan."

Nahilamos ko ang kamay sa mukha—gusto ko na siyang itulak at ihulog sa veranda. "Diyos ko po, nababaliw ka na ba? At ang tanga naman ng tatay mo na 'yon at naniwala siya do'n!"

Biglang baling ng seryoso niyang mukha sa'kin, tumatalas ang tingin na kung kutsilyo lang ito ay kanina pa nagkasugat-sugat ang pisngi ko.

"Napaniwala ko si Ina, siya lang ang kailangan kong kumbinsihin at napaniwala ko siya." Iniwan niya ang kinatatayuan. Iniksian niya ang pagitan namin hanggang sa nakatingala na ako sa kanya. Masyadong maiksi na tumama na ang dulo ng sapatos niya sa suot kong sandalyas—nasinghap ko pa nang wala sa oras ang malakas na amoy ng pabango niya.

Nakakainis. Gusto ko 'tong iluwa. Nandiri ako sa sarili dahil nahalina ako sa halimuyak na akala ko ay parte ng memoria—ninanamnam ko pa talaga—letse pabango niya pala 'yong naamoy ko kagabi.

"Hindi ka ba masaya na nailigtas mo kaming lahat?" Sinundan ko ang kamay niya na dadapo na naman sa buhok ko.

"Oh, oh, 'yang kamay! Kahapon pa naliligaw ang kamay na 'yan ha! Pwedeng dito lang 'yan?" Tinulak ko 'yon sa tagiliran niya—kung pwede ko lang lagyan ng pandikit ay ginawa ko na kanina pa.

Napatingala na naman ako sa kaduda-dudang pananahimik ni Harold. 'Yon pala ay nakangisi na nakasunod sa lahat ng pinaggagawa ko. Palipat-lipat ang tingin niya sa'kin at sa kaliwa niyang braso kung saan nando'n ang kamay ko. Nabitiwan ko siya—kahit sa pag-atras ko ay nakasunod pa rin ang mata niya.

"Totoo ba 'yong mga sinabi mo?" tanong ko sa kanya matapos kong lagyan ulit ng distansiya ang pagitan namin.

"Gising na si Jack, siguradong narinig niya ang lahat, itanong mo sa kanya."

Medyo nalito ako. Pano'ng narinig ni Jack ang lahat kung pinapahirapan ang dalawa at itong isa ay nakipagnegosasyon sa mga magulang niya—siguradong magkaibang lugar 'yon.

Pinanlakihan ko siya ng mata dahil gumalaw na naman ang kamay niya papunta sakin. "Oh, 'yang kamay!" Sinundan ko ang paglagpas nito at ang paghila niya sa upuan na nasa likuran ko.

"Maupo ka." Nilahad niya ang maliit na kahon na kanina niya pa hawak. Binuksan niya 'yon at tumambad sa harap ko ang isang napakagandang pang-ipit. "May ilalagay lang ako sa buhok mo."

Kung may pagpipilian lang ay hindi ako papayag. Natuwa na nga ako kanina na wala na sa buhok ko ang una niyang nilagay—walang kwenta naman pala, may nakita pa rin akong memoria. Pero kung sa kaligtasan namin, ayokong makipagsapalaran. Wala akong nagawa kundi ang maupo at humarap sa salamin ng tokador. 

"Kailangan pa rin nating magpanggap hanggang sa makaalis tayo rito." Pinatong ni Harold ang kahon katabi ng suklay at hinawi niya ang kumpol ng buhok na tumakip sa mukha ko.

"Hanggang kailan?"

"Bukas ng gabi," walang emosyon niyang sagot. Pinagmasdan ko siya sa salamin at parang pinaglalaruan lang naman ang buhok ko.

"Bakit kasi hindi kayo lumaban? Ang gaganda ng armas niyo e."

Tiningnan niya ako sa salamin bago binalik ang sarili sa ginagawa niya. "Sa tingin mo ba ay pumapayag 'yon si Jack na natatalo sa isang laban?"

Kanina niya pa binabanggit si Jack—gagamitin pa yata nito ang tipaklong para makuha ang loob ko—ang tuso talaga ng matsing na 'to.

Pero tama rin naman siya. Gustong gusto 'yon ni Jack ng gulo, ng mga bumubulwak na dugo, ng mga nagkapira-pirasong bahagi ng katawan. Nagtaka rin ako sa gabing 'yon, sa halip na lumaban ay pinili nilang tumakbo, ni hindi ginamit ni Jack ang dalawang gulok para depensahan ang sarili.

"Kaming mga ganap na karet ay nasa ilalim ng isang batas. Hindi namin pwedeng paslangin ang kapwa karet. Samantalang sila…" Nakatigil ang mga daliri ni Harold sa gitna ng kumpol na buhok na kanina niya pa sinusuklay. Tumigas at gumalaw ang mga bagang niya, at sa larawan ng salamin gumuhit ang galit sa mukha niya. "Kaya nilang kitlin ang buhay mo...at ang karet ko, ang karet namin ay walang silbi laban sa kanila."

Lalong tumigas ang bagang niya habang nakatayo sa likod ng upuan. Ang ginintuang sinag ng umaga na dumapo sa malaking paso na katabi ng tokador ay dumilim—natakpan ng anino ng poot ni Harold.

Natuon ang mata ko sa sahig. Naintindihan ko ang galit niya. Naintindihan ko ang pakiramdam ng walang silbi sa harap ng taong gustong mong proteksiyonan—dahil ako, gusto ko rin silang proteksiyonan pero lagi akong walang silbi.

Nanatili ang mata ko sa sahig. Wala akong ibang magagawa kundi hintayin na humupa ang rumaragasang delubyo sa kalooban niya—hintayin na panandaliang maglaho ang awa ko sa sarili. 

Hindi nagtagal ay gumalaw din ang kamay ni Harold. Tinuloy niya ang pagsuklay sa buhok ko bago niya dinampot ang pang-ipit na nasa kahon.

Maingat niya itong pinuwesto sa kanang bahagi ng ulo ko. Dati ay hindi ko nakita kung pa'no niya nilagay 'yong unang pang-ipit. Pero ngayon ay kitang kita ko ang mala-tintang likido na kusang dumaloy sa gitna ng palad niya. Gumalaw ito na parang goma—bumanat—humiwalay na parang mga itim na sintas at kusa itong pumulupot sa pang-ipit, dumikit at humalo sa mga hibla ng buhok ko. Mainit sa pakiramdam ang pagkalat at pagdikit nito sa anit ko.

Tiningnan ko sa salamin ang pang-ipit na animo'y mga bituin na litaw na litaw sa itim kong buhok—kumikislap ang mga 'to dahil sa maliliit na diyamante na nakadekorasyon dito.

Pinagmasdan ko rin si Harold—kumikinang ang ngiti sa mata niya habang inaayos ang pang-ipit—sayang, kung sa iba niya na lang sana tinuon ang oras niya.

"Gusto ka ni Barbara, hindi mo ba nakikita?" tanong ko sa kanya.

Ang lalim ng pinakawalan niyang buntong hininga. Bumaba ang mga mata niya at wala sa sarili na inayos ang maliliit na tirintas na ginawa ni Juanita kanina. "Noon pa man ay sinabi ko na kay Barbara na hindi siya ang bituin na tinitingala ko sa langit."

Ang lalim, parang nasamid yata ako do'n ah. Pero inikot ko ang mata dahil hindi naman 'yan gumagana sakin. "Kaibigan ko si Barbara, nasasaktan ako tuwing nakikita ko na nasasaktan siya. Hindi ba pwedeng…"

"Kaibigan ko rin siya, Isabelle." Pinutol niya ang sinabi ko—nakahawak ang isa niyang kamay sa dibdib habang ang isa ay mahigpit sa sandalan ng upuan. "Kung pagbibigyan ko siya, papano naman ang nararamdaman ko?"

Inikot ko ang mata dahil wala naman akong pakialam sa nararamdaman niya.

"Wala kang pakialam?"

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko naman sinabi 'yon. Sigurado akong hindi 'yon lumabas sa bibig ko.

"Wala kang pakialam..." Nakataas ang noo niya habang nakadungaw sa'kin.

Nanigas ang katawan ko nang tumalikod siya nang wala man lang paalam. Nakita ko na lang sa salamin na binuksan niya ang pinto at do'n nakayukod si Juanita sa labas nito.

"Juanita, pakihatid ang inyong señorita sa comedor, hinihintay na kami roon."

************

comedor: dining room

Ang cool sa Threads, sabi ng isang author na nirereport niya lang ang kabulastugang ginawa ng mga characters niya hahaha.

In fairness nakaka-relate ako. Lumilihis sa outline ang mga pasaway 😭

Anyway, watcha think of this chapter?

Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro