34 » jack
Nagpatiuna na si Juanita nang napansin niyang hindi ako gumalaw sa kinakatayuan. Nanatiling nakaawang ang bibig ko sa harap ng pinto na animo'y bukana ng kadiliman. Nilamon nito ang buong katawan ng kasama ko at ang natira ay ako—natuod sa gitna ng pasilyo, nakikipagtitigan sa karimlan na nakanganga sa harapan ko—nagdadalawang isip din kung kailangan ko rin bang magpalamon dito.
"Señorita…" Natauhan ako sa pagtawag ni Juanita—umalingawngaw ang boses niya na parang nasa loob siya ng kweba. May tunog din na parang may hinihilang gamit sa sahig. Nakahinga ako nang maluwag, kahit papano ay hindi butas na papunta sa kung saan ang likod nitong pinto.
Isinantabi ko na ang pagdududa, isinalang ko na ang isa kong paa. Sa mismong pag-apak ko ay mabilis na sumugod ang dilim—parang kumot na may sariling buhay, binalot ako nito—piniringan ang mata.
Dahil sa bilis ng pangyayari ay kusang pumasok ang isa ko pang paa—hindi na ako nabigyan ng oras para umatras.
Sa sandaling nagtabi na ang dalawa ay mabilis din na nagsiatrasan ang kadiliman—para itong hinigop paakyat. Kung gaano ito kabilis na sumakop kanina ay gano'n din itong nawala. Naiwan na naman ako na nakatayo sa isang lugar.
Isang lugar na ang bubong ay ang itim na kalangitan. Tahimik na kumikislap ang mangilan-ngilang butuin na nakapalibot sa natutulog na buwan.
Nakatungtong ang itim kong sapatos sa sahig na gawa sa kahoy—kwadrado ito—madulas na parang ilang ulit itong pinasadahan ng bunot. Pero ang mga gilid nito ay napalibutan ng mga punong kahoy. May mga nakausling matatabang ugat at ang iba ay pumatong na dito. Parang may nakaisip lang na maglatag ng sahig sa gitna ng gubat, at naisip din nito na gawin itong pahingahan.
Hindi na ako nag-atubili pa na lapitan ang dalawang kama na ilang hakbang lang ang layo sa harap ko. Bumibigat ang mga paa ko habang onti-onti kong naaaninag ang nakatagilid sa kanan na higaan—kinumutan siya ng puting tela pero nakalantad ang buong likuran. Bumibigat ang pisngi ko nang naabot na ng paningin ko ang kalunos-lunos na hitsura ng likod ni Barbara.
Umikot ako sa kinahihigaan niya at doon lumantad ang mga sariwang sugat, latay, at bugbog niya sa katawan. Halos wala nang espasyo ang likod—puro na lang hiwa at pasa.
"Barbara…" Hindi ko na napigilan ang mga luha na nag-uunahang kumawala sa mata ko. Hindi ko mapigil ang panginginig ng kamay habang dinadama ang mainit na lapnos sa balat niya. Barbara..anong ginawa nila sa'yo?
Umikot ako sa harapan at maingat na naupo sa silya na inayos ni Juanita.
Kinuha ko ang kamay ni Barbara—ikinulong ko ito sa dalawa kong kamay at dinikit sa mukha. Mahimbing ang tulog niya, pero nakakunot ang noo dahil sa iniindang sakit. Napipisil ko ang kamay niya sa bawat malalalim niya na paghinga, nagbabakasakali na mabawasan man lang ang paghihirap na nararamdaman niya.
Sino ba ang may kagagawan nito? Bakit parang nilatigo si Barbara?
Gumagalaw ang dibdib ko sa mabigat ko na paghinga. Nananalaytay ang maraming luha sa pisngi ko at nagsibagsakan sa puting kombre-kama. Walang mapaglagyan ang galit ko sa gumawa nito sa kanya—walang awa.
Lalo kong nadikit ang mga kamay namin sa mukha—hinayaan na lunurin ng mga huni ng kuliglig ang poot na umuugong sa buo kong katauhan.
"I-issa…" Napaupo ako nang tuwid sa tumawag sa'kin. Maingat kong binaba ang kamay ni Barbara at hinila ang upuan sa kabilang kama.
"Jack, anong nangyari sa inyo?" Katulad ni Barbara na nakatagilid din siya sa pagkahiga, natakpan ang katawan ng puting tela at nakalantad din ang likod. Lalo akong nanlumo dahil sa dami ng tama niya sa mukha—putok ang mga labi at mata—halos hindi ko na mamukhaan si Jack.
"I-ssa, dito ka lang." Naabot niya ang pulso ko at mahigpit niya itong hinawakan—kahit pumipikit na ang mata niya ay pilit niya itong nilalabanan.
"Oo, dito lang ako…" Umupo ako sa silya at pinatong ko ang isa kong kamay sa kamay niya. "Magpahinga ka na…"
Kinurap-kurap ni Jack ang mata nang hindi niya na ito napigilang pumikit. "Dito ka lang, baka...baka anong gawin nila sa'yo." Pautal-utal ang pagsasalita niya sa pagitan ng malalim na paghinga.
"Dito lang ako…" Hiniga ko ang ulo sa kama at hinigpitan ko ang kamay ko sa kamay niya para malaman niya na hindi ako aalis.
Ilang minuto ang lumipas na nanatili kaming gano'n nang may lumagutok sa paligid. Napaupo ako nang may lumitaw na kasambahay sa pwesto kung saan ako pumasok kanina. Sinuyod ng mata niya ang paligid bago tinuon ang atensyon kay Juanita na naglalakad papalapit sa kanya.
Nag-usap ang dalawa at mayamaya pa'y tumalikod ito at bigla ring nawala. Lumapit din sa'min si Juanita at yumukod.
"Señorita, nand'yan na po si Señorito Harold...pinapasundo po kayo."
Lalong humigpit ang kamay ni Jack sa pulso ko. Nanatili akong nakaupo at walang ganang sumagot. "Pakisabi na dito muna ako."
"Ngunit, Señorita…" Lalong bumaba ang pagyuko ni Juanita.
Nadagdagan ang galit ko sa pangungulit ni Juanita. Pinapasundo? Ano ba ang akala niya sa'kin, pagmamay-ari niya? "Pakisabi na dito muna ako!"
Ilang minuto na nanatiling nakayuko si Juanita—hinihintay niya siguro na magbabago pa ang isip ko. Hiniga ko ulit ang ulo sa kama para malaman niya na wala akong pakialam sa amo niya—at mananagot 'yon kung bakit hinayaan niya na mangyari 'to sa dalawa.
Tumuwid din si Juanita nang nilapit ko ang kamay ni Jack at ginawa ko 'tong unan. Narinig ko na lang ang papalayong yabag ng sapatos at isang malutong na lagutok sa paligid.
Iniba ko ang pwesto ng ulo para mapaharap kay Jack—bumibigay na ang talukap ng mata niya pero nilalabanan niya pa rin ang antok. "Magpahinga ka na.."
Humigpit ang kamay niya at naintindihan ko na hindi siya sumang-ayon sa sinabi ko. Kahit kalunos-lunos na ang sinapit nito, kapakanan ko pa rin ang iniisip niya.
Hinayaan ko na lang si Jack. Walang patutunguhan pag pipilitin ko pa siya—no'ng nagsaboy ang Diyos ng katigasan ng ulo, isang tonelada ang sinalo niya. Ang mahalaga lang sa'kin ngayon ay panatag siya—kanina niya pa siguro ako hinintay.
Hinayaan ko na rin na malunod sa mga huni ng kuliglig, sa paminsan-minsang ihip ng malamig na hangin na sinasayaw ang mga dahon ng puno, sa hamog ng gabi na sumusuot sa makapal na tela ng bestida at pinapawi ang pananakit ko sa katawan.
Napako ang tingin ko sa tusok-tusok na buhok ni Jack—dahil sa basa ng pawis ay kumikinang ito sa sinag ng buwan—pati ang bahagi ng pisngi niya na nadapuan ng liwanag.
May kung anong impluwensiya ang malamlam na liwanag ng buwan—bumibigat ang talukap ko. Sinasabayan ng mga pagaspas ng dahon—magaan sa tainga—nakakaantok.
Lumuwag ang kamay ni Jack sa pulso ko, napansin ko rin nakapikit na siya—mabuti naman—ako na ang magbabantay sa kanila.
Kaso ang bigat na talaga ng talukap ko—kahit anong gawin ko sa pagkurap-kurap ay kusa siyang sumasara. Naisip ko rin na tumayo at maglakad-lakad, pero baka magising si Jack pag tinanggal ko ang kamay ko.
Nanatili ako sa gano'ng pwesto. Tinuon ko ang mata sa puting unan kung saan lumubog do'n ang ulo ni Jack—kaso mali yata ang naging desisyon ko.
Maysa-maligno talaga ang buwan, sa kakatitig ko sa liwanag nito na nakadantay sa unan ay lalo akong inaantok—ni hindi ko mabigyan ng pakialam ang pagbigat ng pang-ipit na pinulupot ni Harold ng karet niya. Hindi rin pinansin ang init na nanggaling dito, gumagapang at kumakalat sa mga hibla ng buhok ko—para akong henehele. Hindi ko na napigilan ang sarili, tuluyan nang nagsara ang mata ko at naglaho ang lahat ng ingay sa paligid.
Naalimpungatan ako nang maalala kong hindi pala ako dapat matulog. Napaupo ako nang tuwid at natagpuan ko na lang ang sarili na nakaupo sa gitna ng malawak na disyerto.
Naging malabo ang paligid dahil sa mga alikabok at buhangin na natatangay ng hangin. Kahit ang langit ay mahirap maaninag.
Sa hindi malamang dahilan ay wala akong maramdaman. Mag-isa lang ako sa patag na buhangin pero wala lang ito sa'kin. Wala ang takot, wala ang pangamba. Wala akong maramdaman sa dibdib. Kung and'yan man ang puso ay parang hindi ito pumipintig—ganito siguro ang walang diwa.
Tumayo ako at iniwan ang upuan. Tinatangay ng umuugong na hangin ang buhok at mahaba kong bestida. May ilang butil ng buhangin na napadpad sa mata ko, kahit mahapdi ay hindi ko ito pinansin.
Dire-diretso ang mga paa ko na parang alam kung saan tutungo. Kahit ang mga mata ko ay diretso lang sa harapan, kahit nakita ko naman ang paparating na ipoipo ay hindi ako tumabi o tumakbo at maghanap ng matataguan. Dire-diretso ang mga paa ko, handang sagasaan ang umiikot na hangin.
Unang humampas ang bulto ng hangin sa mukha ko. Parang libo-libong matatalas na kutsilyo ang dumaan sa balat ko. Alam kong may mga bahagi ng pisngi ko ang nahiwa at dumugo dahil mas matindi ang hapdi sa bahaging 'yon—pero wala ang emosyon sa kaloob-looban ko para gumawa ng kahit na ano para protektahan ang sarili.
Naging marahas ang paghampas ng hangin, ang bestida ko na kulay ng araw ay natatangay at nagkagutay-gutay. Maliit na lang ang natira sa saplot ko, pero nagmukha itong malaki dahil onti-onting lumiliit ang katawan ko. Paiksi ako nang paiksi hanggang tumigil ito sa isang paslit na pangangatawan.
Onti-onti ring humihina ang ipoipo, nagkawatak-watak ang mga buhangin sa iba't ibang direksyon.
Tsaka ko na lang namalayan na nakatayo ako sa isang bakuran. Nakahilera ang mga halaman na may makukulay na dahon sa may gilid nito, malago ang berdeng damo na nakalatag sa harapan—katulad ito sa bakuran ng unang memoria na nakita ko—kina Barbara.
Tsaka din may namuong init sa kaibuturan ng dibdib ko. Dumaloy ito at kumalat, nakaramdam ako ng pangingilo sa braso, ang mahinang pagpiga sa puso ko, naramdaman ko ang pag-angat ng pisngi—naramdaman ko ang buhay.
Inangat ko ang ulo sa langit, nagbabakasakali na may makita akong butas. Kailangan kong umalis, kailangan kong itigil 'to—isa itong memoria, matutunton ako ng mga gwalltor.
Pero wala akong kontrol sa katawan, parang iba ang may hawak ng manibela at pasahero lang ako. Kahit anong pihit ko patungo sa tarangkahan ay hindi ito sumusunod. Ang mura kong katawan ay umikot at naglakad palapit sa isang paso ng bougainvilla.
"Barbara, tingnan mo may insekto," 'Yon ang sinabi ko habang nakaturo sa nakadapo sa sanga ng halaman.
Si Barbara ay isang paslit din na nakatayo tabi ko. Nilapit niya ang ulo para tingnang mabuti kung saan ako nakaturo. "Tipaklong 'yan, hindi mo alam?" Hindi niya inalis ang mata do'n sa insekto pero nakasenyas ang kamay niya sa likod. "'Di ba, Kuya, tipaklong 'to?"
Napaigting ako sa biglang pagsulpot ng mukha ni Frankie sa gitna namin. Paslit din siya, patpatin, lamang lang ng konti ang tangkad niya sa'min.
Bata ako, isang musmos, pero ramdam ko ang bigat ng kamay niya sa balikat ko, ang mukha niya na masyadong malapit sa mukha ko.
"Oo, tipaklong 'yan, nangangagat 'yan."
Nagsalubong ang kilay ni Barbara sa sinabing 'yon ni Frankie, tumalim din ang mga mata niya. Noon pa man ay tumatapang ang hitsura ni Barbara kung kailan niya gugustuhin. "H'wag kang maniwala d'yan kay Kuya, sinungaling 'yan."
Kung may kontrol lang ako sa katawan ay binatukan ko na 'to si Frankie, hindi naman nangangagat ang tipaklong. Pero ang kasalukuyan kong kamalayan ay sa isang musmos. Nilapit ko nang husto ang mukha do'n sa insekto, naaliw sa malaking mata na nakaluwa sa kinalalagyan nito—parang nakikipagtitigan din sa'kin.
"Issa, kagatin ka n'yan!" Napatalon ako sa gulat sa biglaang pagkiliti ni Frankie sa tagiliran ko. Hinarap ko siya, di-magkamayaw at hawak-hawak niya pa ang tiyan sa kakatawa.
Alam kong nakasimangot ako dahil namigat ang pisngi ko—do'n ko lang napansin na may hawak akong laruang bola, sa inis ay binato ko 'to sa kanya.
Tumalbog lang ang bola sa braso niya. Alam kong nakasimangot pa rin ako at umusli na ang nguso dahil hindi pa rin siya tumigil sa kakatawa.
Lumagpas sakin si Barbara na hawak ang isang tsinelas. Pinalo niya ito sa hita ng kaharap namin, paulit-ulit—umaaray na si Frankie sa bawat pagdapo nito.
Dinampot ko na rin ang isa kong tsinelas at do'n nagkandarapa sa pagtakbo si Frankie.
Paikot-ikot kaming tatlo sa bilog na lamesa. Inabangan ni Barbara ang kuya niya at nang naabutan ay pinagkaisahan namin ito. Panay sangga ni Frankie sa mga tsinelas at napagulong na siya sa damuhan.
Napuno ang bakuran ng musmos naming tawanan. Napakagaan.
Sinuot ko na ang tsinelas dahil naawa na ako kay Frankie—sa sobrang gigil ni Barbara ay dalawang kamay na ang hinarang ni Frankie sa mukha dahil ito na ang pinupuntirya nitong isa.
Nanatili ang ngiti sa labi ko habang pinagmamasdan ang dalawa—masaya sila—masaya kami. Kung pwede na manatili na lang dito, at sa mga kasunod pa. Pero isa lamang itong memoria—isang piraso ng alaala.
At do'n nga ay nagsimula na ang kinaaayawan ko. Lumalabo ang tawanan ng dalawa. Nagkapiraso-piraso ang lamesa na parang mga bubog ng baso—umaakyat ang mga piraso sa ire at do'n sumabog at naging pulbos na lang. Gano'n din ang nangyari sa bakod, sa mga halaman—isa-isang hinihigop sa taas.
Lalapitan ko na sana sila nang umalon ang kinatatayuan ko. Mabagal akong natutumba habang sa kulay abo at maulap na kalangitan ay may lumitaw na isang patak ng itim na likido.
Para itong may sariling buhay, mabilis itong kumalat at nilalamon ang bawat liwanag na nadadaanan nito.
Magkasabay ang pagkawala ng lahat ng ilaw at ang pagbagsak ko sa isang lapag—hindi lapag, nakaupo ang pwesto ko—umuugoy, isa itong duyan.
Sinundan pa ng pagdaan ng isang halimuyak. Ang una'y mahina na parang natangay lang ng hangin. Pero dumarami at sumasayaw na ito habang pumapalibot sa'kin. Ang bango ng amoy—ang sarap langhapin—para akong dinuduyan nito sa pagitan ng langit at dagat.
************
Natapos din, on to the next.
Watcha think of this chapter?
Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro