33 » sikretong malupit
Kung nakakapagsalita lang ang dalawa kong kilay ay malamang nagtsitsismisan na sila, nagpopompiyangan at kung ano-ano pa.
Kanina pa silang nakasalubong dahil sa pagkahaba-haba nitong pasilyo na binabaybay namin ni Juanita. Kanina pa kami rito at hindi ko pa rin makita ang dulo nito.
Makipot at pangdalawang tao lang ang magkasya kung dadaan dito. Tama lang ang pagitan ng hanay ng bombilya sa kisame, pero matamlay ang paligid dahil sa malamlam nitong liwanag.
Sabi ni Juanita na and'yan lang ang kwarto na pinagpahingahan nina Jack, pero kanina pa kami naglalakad at wala man lang akong makitang pinto o awang, o maliit na butas na lang sa nadaraanan.
Tinigil ko ang paglalakad at sumandal sa dingding. Tinaas ko ang laylayan ng bestida para himasin ang nananakit nang binti—at ginawa rin itong dahilan para pasadahan nang tingin itong kasakasama ko.
Katiwa-katiwala naman ang namilog niyang mga mata—dali-dali siyang lumapit at hinilot din ang kabila kong binti.
"Ayos lang ba kayo, Señorita?" Nginitian ko ang nag-alala niyang mukha at sinuklian niya naman ito. Inosente talaga ang mga mata niya—sana mali at walang katuturan ang mga hinala ko.
"Tara na, malapit na ba?" Tumuwid ako sa pagtayo at pinagpagan ang suot.
"Malapit na po tayo." Nakipagpag din siya at inayos pa nang husto ang mga tupi-tupi sa damit ko. "Pinagpabukas n'yo na lang po sana, gabing-gabi na po..."
"Kailangan ko lang silang makita, madali lang tayo," pagsisinungaling ko.
Nagsimula ulit kaming maglakad at lumalagutok na naman sa marmol ang takong ng sapatos na pinasuot sa'kin ni Juanita. Kung hindi lang ako nagmamadali at kung hindi lang nahulog ang goma kong tsinelas ay hindi ko 'to isusuot.
Ayos na sana ang pang-manika nitong estilo, ang sakto ng sukat, at ang malaking bulaklak na palamuti sa gitna. Kaso ang taas ng takong—para tuloy akong nakakadang-kadang. Tumatabingi ang balanse ko sa katawan na naging dahilan para madagdagan pa lalo ang pananakit sa tagiliran ko.
Isabay pa ang makapal at sumasayad sa sahig na bestida—ang daming burda, ang daming patong-patong—ang init. Kung pwedeng mag-ala-Barbara na lang—hindi 'yong nakahubad, syempre 'yong nakamaiksing shorts. Mas gugustuhin ko pa ang gano'n kaysa ganitong ang init—maganda nga tingnan, pero kung mangangamoy kulob naman ako nito sa sobrang pawis, h'wag na lang.
Ang laki ng problema nila sa kaayusan. Ang kinang at ang linis ng mga muebles. Tuwid ang mga kurtina, kombre-kama, kumot, baka nga pati basahan e tuwid din.
"Kailangan po na laging maganda kahit nasa bahay lang," ang kaninang sabi ni Juanita habang sinusuklay niya ang buhok ko sa harap ng salamin ng tokador—huminto siya nang muntikan nang masagi ang nilagay niyang pantapal na may gamot sa sugat ko sa noo. "Gusto po ng Donya na maganda lang ang nakikita niya," dagdag niya pa.
Napangiwi ako. Hindi ko alam kung kailangan ko bang mangilabot o matawa sa kakaibang ugali ng Donya. Kaya pala gano'n na lang ang hitsura ng mga kasambahay na nakasalamuha ko—tuwid na tuwid ang mga damit, pati ang mga buhok.
Pa'no naman kung hindi maganda? Pinapatapon niya kaya?
"Ang ganda n'yo po..." Kusang umakyat ang labi ko sa sinabi ni Juanita habang inaayos niya sa balikat ang iilang hibla ng buhok ko. Alam ko naman 'yan, matagal na. Pero iba pa rin pala pag galing sa ibang tao—may kung anong mahika na kumikiliti sa damdamin at hindi na natatanggal ang ngiti sa labi. "Kaya po siguro nahumaling sa inyo ang..."
"Ay, tsk, tsk, tsk..." Naputol ang pagsasalita niya sa pagkamot ko sa batok—natigil din siya sa pagsusulay at tiningnan ako sa salamin. "H'wag mo nang mabanggit-banggit ang pangalan na 'yan at naaalibadbaran ako."
Hindi na umimik si Juanita at tinuloy na lang niya ang ginawa kanina. Pilit niyang tinatanggal ang bulaklak na pang-ipit na nakadikit pa rin sa buhok ko.
"H'wag mo nang tanggalin 'yan at nilagay 'yan d'yan ni...Harold." Inikot ko ang mata at nakita ko sa salamin ang pagngiti niya. Kung alam niya lang, at kung pwede lang ay ako na mismo ang nagtanggal sa pang-ipit na 'yan. Ayokong may nakadikit sa'kin na kahit na ano na galing kung kanino.
"Siyanga po pala, Señorita," masayang tugon ni Juanita. "Nagbilin po ang Donya Matilda na gusto raw po kayong makasalo sa agahan. Ipipili ko na po kayo ng masusuot bukas." Umalis siya at nagtungo sa mahabang aparador. Binuksan niya 'yon at namili sa nakasabit na magagarang damit.
"Ilang taon na ang kapatid ni Harold?" tanong ko sa kanya nang makalapit ako at nakikitingin din sa makukulay na bestida.
"Mag-isang anak lang po ang señorito, Señorita." Tinutok niya sa harapan ko ang kulay rosas na bestida, kiniling-kiling niya ang ulo, at ilang segundo ay binalik niya rin ito sa sabitan.
"E kaninong mga damit pala 'yan, ba't ang dami?"
Hindi sumagot si Juanita, parang wala itong narinig dahil patuloy lang siya sa pagpili ng damit.
Tatlong damit na ang binalandra niya sa harapan ko ay nagsimula na akong kutuban. Lahat ng kulay ay mapusyaw na bumabagay sa kulay ng balat ko. Pati ang korte at ang haba nito—kahit tingnan ko lang, kahit hindi ko na isuot ay parang pinasadya ang mga 'to base sa sukat ng katawan ko.
Lumapit ako at nilambing ko si Juanita. "'Di ba nga, Juanita, magkaibigan na tayo? Gusto ko rin namang malaman ang tungkol kay Señorito." Halos masuka ako, ang sama ng lasa ng pangalan sa dulo ng dila ko. Pero sa kapakanan ko ay pumulupot ako sa braso niya. "Sige na..."
Tumitig si Juanita na parang binabasa ang lahat ng kilos ko. Ngumiti ako nang pino at sumiksik pa lalo sa kanya.
"Sa atin lang po ito, Señorita..pinagkatiwala po ito ng señorito sa'kin."
"Oo naman, sa'tin lang, tayong dalawa lang ang nakakaalam." Pinakita ko ang pagtikom at pag-zipper ko ng bibig. Nag-alangan pa si Juanita pero ilang yugyog ko lang ay bumigay din siya.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Bukod po sa libro ay nahumaling din ang señorito na bumili ng damit at sapatos na pambabae. Nagsimula po sa isa, dalawa, hanggang sa kumuha na po siya ng sastre upang magtahi batay sa tabas at sukat na gusto niya. Itinago po namin dito sa silid pagka't batay niya na ito ay isang malaking kahibangan."
Natameme ako sa sinabi ni Juanita. Talaga bang may pilantik ang kamay ni Harold? Ang galing niya naman at hindi halata.
Hinila ako ni Juanita para kunin ang bestida na kulay ng langit—natuon ang mata ko sa puting laso na nakadekorasyon sa may baywang nito.
"Bago po siya nawala nang ilang araw ay nabanggit po ng señorito na napagtanto na niya kung para kanino ang mga damit." Napatingin ako sa katabi at sinalubong ako ng nakangiti niyang mga mata. "Pati po itong silid na mahigpit niyang ipinagbabawal na huwag itong galawin...napagtanto niya kung kanino niya ito nilalaan...at kaninang madaling araw po, pinaalam niya sa lahat...na kayo po iyon."
Natuod ako sa kinatatayuan. Parang pinaghalo ang malamig na tubig at malamig na hangin at sabay itong sinaboy sa'kin. Naiwan akong tulala nang kumalas sa'kin si Juanita—lumuhod siya gamit ang isang tuhod at namili ng sapatos na nakahilera sa sahig ng aparador. Marami pa siyang sinabi pero hindi ko na ito masyadong narinig.
"...hindi po siya umalis sa inyong tabi simula po noong hinatid po kayo rito." Nanumbalik ang diwa ko sa sinabi niyang 'yon.
"H-indi siya umalis?"
Lumingon siya at parang natawa sa pagtakip ko ng kamay sa dibdib.
"Tumalikod naman po ang señorito noong bihisan po namin kayo."
Napaupo ako sa malapit na upuan—akala ko—mabuti't matino pa naman kahit papano ang lalaking 'yon.
Hindi ko lang lubos maisip ang pinaggagawa niya—pinangalandakan niya na...! Ang kapal talaga ng mukha, wala namang kami.
Binuga ko ang namumuong ngitngit sa dibdib. Ang dami na ngang problema, dinadagdagan niya pa. Pa'no ko na nito haharapin si Barbara? Napansin ko naman na walang preno ang mga kilos niya—kung ako lang ay kaya ko siyang itulak sa tabi.
Pero si Barbara—natuon ang tingin ko sa halaman ng bougainvilla sa labas ng veranda. Malamlam ang liwanag ng buwan na dumapo sa mga dahon at mga bulaklak nito. Ayoko na ng ganito. Ayoko nang nakikitang nasasaktan si Barbara.
Wala sa sarili na nilakad ko ang kalayuan ng balkonahe. Umaasa na sa pagdungaw ko sa hardin—sa gitna ng mayayabong na bulaklak na masusing nakahanay base sa kulay, sa gitna ng mga hinugis bilog na mga halaman na naliligo sa sinag ng bilog na buwan—umaasa na may nakatayo doon, nakangiti sa'kin, kumakaway sa'kin. Pero lahat nang umasa na nasaktan lang—wala kahit anino na lang sa mapanglaw na hardin. Frankie, nasa'n ka na?
Teka gabi na.
Bakit hindi pa rin nila ako pinupuntahan? Lagpas tanghali na akong nagising kanina, pero bakit nagpapahinga pa rin sila hanggang ngayon? Dapat nga mas nauna silang gumaling kaysa sakin.
Mabilis akong bumalik sa loob at naabutan do'n si Juanita na sinasara na ang makapal na pinto ng aparador.
Hindi siguro makatwiran na pagdudahan ko siya dahil wala naman sa hitsura niya. Pero kanina ko pa gustong puntahan sina Jack at ang dami niyang dahilan para maudlot 'yon.
"Juanita, nasabi kanina ni...ni...Señorito na pwede kong puntahan sina Barbara?" Kahit nakakasuka ay kailangan kong gamitin ang pangalang 'yan dahil napansin kong madaling bingwitin ang kalooban nitong isa sa gano'ng paraan.
"Opo, Señorita, ngunit gabing gabi na po. Maaari naman na ipagpabukas na lang po ninyo."
Ayan na naman. Binilin kaya ni Harold na aliwin ako para mawala sa isip ko ang dalawa?
"Juanita, gusto ko lang malaman ang kalagayan...ng pinsan ko....si Jack." Kaya niya ba sinabi na magpapanggap kaming magpinsan ay para walang magtanong o magduda kung bakit mas malapit ako do'n kaysa sa kanya?
"Señorita, darating na po ang señorito mamaya't maya. Nais niya po kayong makita pagkadating niya."
Nakuskos ko ang mga bagang at hanggang lalamunan lang ang inabot ng hininga ko. "Juanita! Kailangan ko silang makita ngayon din!"
Walang nagawa si Juanita kundi pagbigyan ako dahil kahit anong pagpigil ang ginawa ko ay may nakatakas na luha sa gilid ng mata ko.
Pinilian niya ako ng damit at sapatos dahil hindi ako pwedeng lumabas ng kwarto na nakasandalyas at makadamit pantulog. Mahigpit daw na patakaran sa loob ng bahay na maganda ang ayos—nakaporma sa madaling sabi.
Kahit tumatapilok ako sa mataas na takong, kahit ang init nitong pinasuot sa'kin...antayin n'yo lang ako, Jack. Parating na ako.
Hindi nagtagal ay huminto si Juanita sa unahan. Nakahinga ako nang maluwag, siguradong ito na 'yon—at akala ko na nililigaw niya lang ako.
Humarap siya sa kanang dingding at kinakapa-kapa niya ito. Walang ano-ano'y gumawa ito ng malutong na tunog at sinakop nito ang kahabaan ng pasilyo. Sumunod ang paggalaw nito, umatras ang isang bahagi nang tinulak ito ni Juanita—nagmukha itong isang pinto dahil sa parihaba nitong sukat.
Lumingon ang kasambahay sa gawi ko at nilahad ang kamay sa harap ng pasukan. "Señorita, nandito na po tayo."
************
Things are getting out of hand. Naloka ka ba? Naloka rin ako hahaha!
Watcha think of this chapter?
Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro