Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

30.2 » hilaw na karet

A/N: Binalik ko na kay Issa ang mic--ang gulo ni Jack

********************

Nasubsob ko ang mukha sa likod ni Jack nang bumagsak ang pinto ng kwarto. Ginalaw-galaw niya ang leeg at tinapik ang kamay ko bilang senyas na luwagan ko ang ang mga braso ko na nakapulupot dito.

Pagkatapos na pagkatapos ay wala man lang itong pasabi at lumukso na lang bigla sa bintana. Ang puso ko na parang tumalbog at bumara sa lalamunan. Napigil ko ang paghinga habang nahuhulog kami pababa.

Lalo akong nasubsob sa likod ni Jack nang bumangga kami sa isang parte ng dingding. Hindi ko napansin kung pa'no niya nabunot ang isang gulok dahil nakabaon na ito sa semento at nakalambitin kami do'n na parang isang palamuti sa bahay.

Hindi ko mapigilang tumili dahil nakalaylay ang mga paa ko at gumegewang-gewang kami sa ire.

"H'wag kang magalaw!" bulyaw ni Jack.

"Te--kaa!" Hindi magkandarapa ang mga paa ko na inakyat ang likod niya--hindi pinansin ang nahulog kong tsinelas at kinain na rin ito ng dilim

Nang naayos ko na ang pwesto at ang naayos na rin ang pagkasukbit ng bag ay bigla na lang dinuyan ni Jack ang sarili. Ang una'y mabagal, ngunit pabilis nang pabilis, pataas nang pataas.

Ang kaluluwa ko na parang nahihiwalay sa bawat pagduyan namin pataas, at bumabalik pagduyan pababa.

Mariin kong pinikit ang mga mata. Nabibingi na sa lakas ng tambol sa aking dibdib. Humalo rin dito ang mga kaluskos sa paligid--mga yabag ng sapatos sa semento, mga bagay na nabubuwal.

Alam kong mga tao sila at hindi gwalltor dahil wala ang kadalasang hiyaw ng kinakatay na baboy, at hindi nangangamoy imburnal ang malamig na hangin, pero bakit kami hinahabol?

Masyado nang mataas ang pagduyan namin sa patalim nang may mga matining na tunog sa hangin--biglang dilat ng mga mata ko, hindi napigilan ang umusisa.

Dahil nasanay na ang paningin ko sa dilim ay bumugad sa'kin ang nagliliparang pana at tumatama ito sa semento--'yong isa ay muntikan nang bumaon sa ulo ko.

Binalik ko ang mukha sa pawisan nang leeg ni Jack. Sana hindi na lang ako tumingin--lahat ng palaso ay asintado at naiilagan lang dahil sa maayos na tempo na ginawa niya.

"Kapit!" sigaw niya.

'Yon naman ang ginagawa ko, ano pa ba ang gusto nito?

Lalong tumaas ang pagduyan namin at walang pasintabi na ginamit niya ito para bumuwelo--hinugot ang gulok at lumipad kami nang napakataas.

Ang kaluluwa ko na kanina pa nagrereklamo ay parang gusto nang humiwalay sa katawan, nangilo ang buo kong braso dahil kumapit pa ito sa mga balahibo ko.

Alam kong nasa gitna pa kami ng ire, sinusundan at nagsilagpasan lang naman ang mga pana. Hindi nagtagal ay biglaan din kaming nahuhulog. Namalat ang boses ko sa pagsigaw sa sobrang pangit ng pakiramdam.

Naramdaman kong malapit na naming salubungin ang lupa nang may pumulupot sa'ming dalawa ni Jack. Mula sa baywang paakyat hanggang sa braso, humihigpit at lalo akong nadikit sa likod niya.

Sa pangalawang pagkakataon ang mga mata kong usisera, dumilat ito nang kalahati--may kalahating takot kung ano man ang maaring makita.

Nasilip ko ang itim na bagay na bumigkis sa'min. Binaybay ko ito at napansing buhok ito ni Harold at nakatayo siya sa tumatakbong kariton.

Parang may sarili itong lakas dahil dahan-dahan kaming bumababa papalapit sa sasakyan. Hindi ko mapigilan ang matawa--para kaming saranggola at si Harold ang may hawak nito.

"Tinatawa-tawa mo d'yan?" Nagawa pang magsungit ni Jack sa gitna ng malalalim nitong paghinga. Nagmumura siya habang pumipiglas sa nakatali sa"min.

"H'wag ka ngang magalaw!" Sinigawan ko ang mokong dahil patalbog-talbog kami sa ire sa bawat paggalaw niya.

"Tang-ina hindi ako makagalaw!"

"Malamang, 'di ba!"

Bumagsak kami sa sahig at ang isang paa ko ay lumusot do'n sa butas na nawarak ni Jack noong nakaraang gabi.

"Teka lang, aray!" Reklamo ko habang dali-dali kong inakyat ang isa kong paa na sumayad sa magaspang na kalsada.

Walang pumansin sa'kin. Tumayo agad si Jack pagkatapos kumalas nang kusa ang mga buhok ni Harold sa katawan namin. Tumayo siya sa harang ng kariton at pinagtatagpas palayo gamit ang kambal nitong armas ang animo'y ulan ng pana.

"Harold, hindi ako marunong nito!" sigaw ni Barbara sa harapan. Sabi ko na, siya ang naaninag ko kanina. Bumalik na siya sa katawang tao at ayoko lang isipin na wala siyang damit habang nagmamaneho--nalingon ko Barbara at wala nga talaga siyang saplot. Ayoko na.

Sumipol si Harold nang napakatining, umalingawngaw sa gabi ang pag-atungal ng kalabaw bago ito kumaripas nang takbo.

Sa gitna ng kaguluhan ay nagawa ko pang kapain ang loob ng bag para maghanap ng masusuot ang aming kutsero. Ang dalawang lalaki ay masyadong abala na mapanatili na hindi magkadabutas-butas ang aming katawan. Patuloy pa rin ang pag-ulan ng pana at may humahabol pa rin sa aming likuran.

"Magdamit ka nga!" sigaw ko kay Barbara matapos kong gumapang at pumuwesto sa tabi niya. 

Sinamaan muna ako nang tingin bago niya kinuha ang bestida at shorts na nilapag ko sa hita nito. "Ikaw muna!" sigaw niya at nilagay sa kamay ko ang dalawang tali na ginagamit pagmamaneho.

"Hindi ako marunong!"

"Ako ba marunong!" Sa sobrang bilis ng sasakyan ay malabo pa rin ang mga salita namin kahit na nagsisigawan na kami.

Dali-dali kong hinila ang tali nang nag-iba ang direksiyon ng kalabaw. Sumasadsad kami sa gilid ng kalsada at nakukuskos na ang kanang bahagi ng kariton sa hilera ng puno na nakatayo sa gilid ng daan--sabay pa akong sinigawan nitong Jack, at Barbara.

Buong lakas kong pinihit ang kaliwang lubid para bumalik ang kalabaw sa sementadong landas. Nagsimulang manakit ang mga kalamnan ko sa braso dahil sa sobrang bigat at tigas ng ulo nitong animal.

"Bumalik ka na do'n, delikado ka dito!" sigaw ni Barbara matapos makabihis at kinuha sa'kin ang tali.

"Bakit kasi hindi kayo lumaban!" Kung tutuusin kayang-kaya naman nilang tatlo.

"Hindi pwede, karet sila! Bumalik ka na nga do'n!"

Kumapit ako nang husto sa harang at ginapang ang kariton. Tama naman si Barbara, pwede akong tamaan ng ligaw na palaso sa harapan.

Sumiksik ako sa gilid, siniguradong maliit lang ang espasyo na kinain ng aking katawan--ayokong matamaan at maging pabigat sa kanila.

Napakapit ako sa sahig nang tumalbog ito, biglang umatungal ang kalabaw at kapansin-pansin na mas mabilis ang pagtakbo nito kaysa kanina. 

"Harold, patigilin mo 'to!" sigaw ni Barbara sa harapan. Isang mababang pagsipol ang naging sagot ni Harold pero hindi tumigil sa pag-atungal ang kalabaw at paekis-ekis kami sa daan.

Napansin ko ang pagbaba ni Jack sa harang ng kariton, sinuksok din niya ang dalawang gulok sa kaluban nito at hinila ako patayo. "May tama ang kalabaw, tatalon tayo!'

Na naman!

Tumayo na rin si Barbara sa kinauupuan niya, naaninag ko pa ang onti-onting paghaba ng nguso nito at nagsilabasan din ang mga kaliskis sa pisngi.

Kinuha ni Harold ang kamay niya na parang inalalayan ito pababa. Siguro pareho naming hindi inasahan ang ginalaw ni Harold, pareho kaming natanga ni Barbara--ang kaibahan lang ay naudlot ang pagpalit niya ng anyo, umatras ang nguso at nawawala ang mga kaliskis niya sa pisngi.

Siguro natanga rin si Jack sa mga oras na 'yon dahil natagpuan ko na lang na tumalsik kaming apat sa ire--kasabay namin ang mga pira-pirasong kahoy ng kariton.

Nagawa pang abutin ni Jack ang kamay ko at niyakap ako bago kami bumagsak sa gitna ng daan.

Pagulong-gulong at nang nahinto kami, ang unang tumama sa mata ko ay ang pigura ng paika-ikang kalabaw--karay-karay ang mga iilang piraso ng kahoy na nakatali pa sa kanya.

Tumayo agad si Jack, humakbang sa'kin at tumakbo sa likuran. Inikot ko ang sarili, naaninag ang mga pigura na nakasuot ng itim na balabal, sinasalubong ito ni Jack ng mga kamao niya.

Pinantukod ko ang nanginginig kong braso sa semento. Onti-onti kong naiangat ang sarili pero onti-onti rin na may gumagapang na sakit sa likod ng ulo ko. Palala nang palala hanggang sa nasusuka na ako sa sobrang sakit. Hindi kinaya ng katawan ko at bumagsak ulit ako sa malamig na kalsada.

Nakaramdam ako ng inis sa sarili--napakawalang kwenta ko naman. Si Barbara, sinamahan si Jack--kailan pa siya natutong makipagbuno?

Kinurap ko ang mga mata at pinilit na h'wag takasan ng malay kahit nanlalabo na ang aking pandinig at paningin. Kusang dumapo ang mga kamay ko sa ulo, para na itong mabibiyak sa sobrang sakit.

Kahit mabagal ay nahabol ko pa rin ang hininga. Naaninag ko pa ang dalawang paa na nakatayo sa aking harapan.

Si Frankie--sa ganitong sitwasyon ay siya ang laging nakatayo sa harapan. Siya ang laging sumasangga sa mga parating na banta sa'kin. Siya lagi. Pero hindi ito si Frankie dahil ang suot nitong sapatos, ang suot nitong sapatos ay pares ng sapatos ni Harold.

************

Watcha think of this chapter?

Wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.

And I'm on to the next...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro