Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3 » ang mga pesteng uban

Kahit minsang tinatamad na 'ko ay hindi naman nakakasawang pumunta dito sa bahay ni Aling Maria. Malayo pa lang e nanunuot na sa ilong ang matamis na amoy ng rosas at sampaguita.

Magaling at mahilig kasing magpatubo ng bulaklak itong matanda. Akala mo tirahan ng diwata e. Napakakulay ng paligid. Paborito ko 'yong arko niya ng bougainvilla, pati 'yong koleksyon niya ng rosas. Nakakainggit kaya.

Mahilig din kasi ako sa bulaklak. Pero sila ang walang hilig sa 'kin. Lagi na lang nila akong sinusukuan. Inaalagaan ko naman sila nang mabuti. Nakakasama lang sa loob.

Natigil ako nang mapansin kong sarado pa ang tarangkahan ng bakod. Tahimik din ang paligid. Ano kayang nangyari? Araw-araw ko kasing naaabutan si Aling Maria na nagdidilig ng halaman. Sa'n kaya nagpunta?

"Aling Maria?"

Walang sumagot. Tinalon-talon ko pa ang bakod.

"Aling Maria, andyan ho ba kayo?"

Wala pa ring sagot.

Umikot na 'ko sa likod at sinipat-sipat ang kubo. Mukhang wala talagang kaluluwang gumagalaw sa loob ah.

Uwi na lang kaya ako?

Bumalik na lang ako sa harap ng tarangkahan at naupo sa tabi. Pinag-iisipan ko pa ang balak kong pag-uwi ng maaga. Kung tutuusin kasi pwede ulit akong matulog.

Pero sayang din 'yong bayad na isang kilong kamatis. Magagalit kasi si Nanay pag wala akong dala. Ewan ko nga do'n, ang hilig niya sa kamatis─mukha na nga siyang kamatis e.

Matapos dumaan ang isang oras sa pagpalipat-lipat ko ng pwesto ng pwet, na minsan ay kinakausap ko na lang ang mga nakausling bulaklak sa bakod, pati ang mga insektong naligaw sa kinauupuan ko ay may naaninag na rin akong parating. Hay salamat!

Ang nasa unahan sa kanila ay si Aling Maria. Kuba at uugod-ugod ang kilos. Gumegewang-gewang din habang naglalakad, akala mo matutumba e. Buti na lang at may dala siyang tungkod, disgrasya panigurado kung wala.

'Yong matangkad naman ay si Frankie. Nagmukhang maliit ang dala nitong supot dahil sa laki ng pangangatawan. Kasamahan ko siya sa pag-uuban. Hindi lang talaga mahilig magsalita, nalunok niya siguro ang dila niya.

Ang katabi naman ni Frankie ay si Barbara na may bitbit ding supot. Kasamahan din namin sa pag-uuban. Hindi ko nga alam kung ano ang problema niya sa buhok, paiba-iba kasi ng kulay. Neon green kahapon, tapos neon pink na ngayon ang gupit bunot niyang buhok. Hindi naman bagay.

'Yong isang babae naman ay hindi ko kilala. Hirap na hirap siya sa dalawang bag na bitbit niya.

Iniisip ko rin kung may kinakain pa siya. Kapansin-pansin kasi ang lubak niya sa balikat. Talagang naka-sleeveless pa siya sa lagay na 'yan. Maganda sana, kaso lubog ang pisngi at suso. Kulang na kulang sa nutrisyon.

"Nariyan ka na pala ineng," bati ni Aling Maria. Tumayo ako para magmano.

"Pasensya ka na, ineng, dinala ko 'tong dalawa sa bayan. Sinundo ko kasi aring apo ko."

"Okay lang po 'yon."

"Ari nga pala ang aking apo, si Lydia." Todo ang ngiti ng matanda, parang ang saya niya lang.

"Ay paborito kong apo ire."

Ah, kaya pala.

Syempre dahil masaya si Aling Maria ay nahawa rin ako. Nilahad ko agad ang kamay ko kay Lydia.

"Kumusta? Ako nga pala si Issa."

Ilang segundong nakatiwangwang ang kamay ko, walang reaksyon 'yong Lydia. Ang lagkit ng tingin nito na sinuri ako mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay nilagay sa kamay ko ang isang bag na hawak niya. Aba!

"Ay pagpasensyahan mo na aring aking apo, ineng." Kinuha ni Aling Maria sa 'kin ang bag. Mabigat para sa kanya dahil nabagsak niya ito sa lupa.

"Ako na lang po." Binawi ko sa kanya, kawawa naman e.

"Nako, salamat, ineng. Pasensiya ka na ulit." Hinilot-hilot ni Aling Maria ang likod niya. Pagkatapos ay binuksan na ang tarangkahan. 'Yong Lydia naman ay diretso lang pumasok na parang walang nangyari. Grabe 'to, pa'no kaya naging apo 'to ni Aling Maria e wala namang modo.

"Utoy, ineng, alay ilapag n'yo na laang supot sa kusina." Utos ng matanda kina Barbara.

"Dali at simulan n'yo na mag-uban, at ako nama'y magluluto ng tanghalian."

"Opo," sabay kaming tatlong sumagot.

Matapos kong ilapag ang bag sa loob ay dumiretso na ako sa likod ng bahay. Tinali ko muna hanggang baywang ang laylayan ng bestida. Inayos ko rin ang maong kong shorts dahil kinain na ng pwet.

Tsaka ako nagtungo sa mga patong-patong na baldeng de lata na nakataob sa mamasa-masa pang damuhan. May katabi itong malaking kahon, at gaya ng dati nakatayo na si Frankie sa tabi nito. Pinilian na ako ng guwantes na nasa loob ng kahon. Gutay-gutay na kasi ang karamihan sa mga 'to kaya kumakain din ng oras sa pagpili pa lang.

"Salamat," sabi ko habang nakatingala sa kanya, bakit kasi ang tangkad niya.

Pinagpagan niya muna ang guwantes na gawa sa makapal at magaspang na tela bago ito inabot sa 'kin. Nakasanayan na dahil araw-araw ba namang ganito. Hindi ba siya nagsasawa nito? Paulit-ulit, walang bago.

Nginitian ko siya nang sunod niyang inabot ang itak na galing din sa kahon. At nakasanayan ko na rin na wala talagang balik na reaksyon galing sa kanya.

Mayamaya pa'y dumating na si Barbara. Namili rin ng guwantes at itak.

"Ano, tara na?" tanong ko sa kanila.

"Tara na!" sagot ni Barbara. Tumango lang si Frankie.

Sabay-sabay naming sinuot ang guwantes sa kaliwang kamay. Bitbit ang itak sa kanan ay taas-noo kaming naglakad papunta sa sapa na nasa aming harapan. Kami ang tatlong sundalo na inatasang lupigin ang kalaban. Kami ang sundalong─

Malinaw ang sapa. Kitang-kita ang mga isdang kinakalaban ang agos ng tubig. Pati ang mga maliliit na hipon na kumakapit sa makikinis na bato. Ang sarap magtampisaw. Pero hindi─

Dahil dito rin naninirahan at dumarami ang mga pesteng parauban o uban sa madaling salita. Mukha silang pipino na may maraming galamay sa kabilang dulo. Iyon kasi ang ginagamit nilang panglakad, pangkalkal, at pangkuha ng pagkain. Mahilig sila r'yan, magtago at kumain.

Lumusong na kaming tatlo sa tubig. Kanya-kanyang tusok sa buhangin at bato. Ito na ang simula ng misyon, kailangang makahuli kami ng marami.

Kakaiba rin kasi ang mga 'to. Kahit busog na ay walang habas pa rin kung kumain. Lahat ng gumagalaw sa sapa ay talagang walang takas. Isa pa na parang kuto na ang bilis dumami. Ang masama pa ay nakakarating sila sa dagat pag hindi naagapan. Kahit siguro pating ay papatulan ng mga 'to.

"Issa!" sigaw ni Barbara na may sakal na uban. Nabitawan ko tuloy 'yong sa 'kin, buti na lang at nahulog ito diretso sa balde.

"May problema 'yong Lydia na 'yon," sabi niya.

"Parang may sayad 'no?" pagsang-ayon ko.

"Oo nga e. Nakipagkamay din ako kanina, tinitigan lang ako," sabi ni Barbara. Tinapon niya sa balde ang nakuha niyang uban. Yumuko siya at tinusok-tusok ulit ang buhangin.

"Talaga? Sa'n kaya galing 'yon?" Kumunot ang noo ko, may nahawakan akong isang uban at tatagpasin ko na sana. Kaso dumulas sa guwantes at maliksing kumalkal sa buhangin.

"Sayang din 'to," sabi ni Frankie. Hindi ko napansin na nasa gilid ko na pala siya, nahuli rin niya 'yong nakatakas sa 'kin.

"Oh, nagsasalita ka pala?" biro ko.

Hindi ko alam kung bakit natutuwa ako pag nagsasalita si Frankie. Baka sa mababa nitong tono, o baka minsan ko lang talagang naririnig. Pero may iba talaga e. Hindi ko alam kung bakit kusa na lang akong napapangiti.

Kaso hindi naman ako pinansin. Tinalikuran lang ako at nagtungo sa balde niya na nakapatong sa isang malaking bato.

"Hoy, suplado!"

"Hayaan mo na, ganyan talaga 'yan," sabi sa 'kin ni Barbara.

Hmpp! Tama si Barbara, wala talaga akong mapapala rito kay Frankie.

Winaksi ko ang buhok at tumalikod. Sa kaartehan ko ay nadulas ang paa ko sa bato. Nabitawan at lumipad sa taas ang hawak kong itak.

Bumagal ang pangyayari, nanlaki ang mata ko sa patalim na bumabagsak sa natutumba kong katawan.

Hindi ko matukoy kung malikmata lang, ang alam kong malayo na 'yon si Frankie. Pero pa'nong hawak na niya ang itak sa isang kamay at nasalo na ako sa kabilang bisig. Ilang beses akong kumurap at pilit inaalala ang lahat.

Humawak ako sa baywang niya para makabwelo sa pagtayo. Kaso gumalaw siya na parang napaso sa kamay ko. Nawalan kami pareho ng balanse at tuluyang bumagsak sa malamig na tubig.

Ang sakit sa balakang nang tumama ang pwet ko sa bato-bato ng sapa. Ang tagal kong hindi nakagalaw dahil para akong kinuryente at gumapang pa paakyat sa likod.

Tsaka na lang ako natauhan nang may narinig akong malakas na dagundong─nalulunod ako sa sobrang bilis.

Natagpuan ko na lang ang sarili na nakayakap pala ako sa malapad na katawan ni Frankie. Sapo-sapo ng isang kamay niya ang ulo ko, at walang hiyang nakadikit ang mukha ko sa dibdib niya.

Sinubukan ko siyang itulak, pero lalo niya pa itong dinikit na mas lalo pa akong nadaganan sa bigat ng katawan niya.

"Ayos lang kayo d'yan?" Nanlamig ang buo kong katawan nang makita ko si Barbara na nakapameywang malapit sa 'min. Nakakahiya ang hitsura naming parang tanga.

Tsaka na lang gumalaw si Frankie at hinila ako hanggang sa mapaupo kaming dalawa.

"P-pasensiya na─" Ang bilis nitong tumayo at naglakad ng sobrang layo. Naiwan akong nakatanga, hindi pinansin ang nagsitayuan kong balahibo sa pag-ihip ng hangin sa basa kong katawan.

"Utoy, ineng! Parine na kayo't tayo'y mangain!" sigaw ni Aling Maria.

"Opo!" si Barbara ang sumagot at iniwan na rin ako.

Wala sa sarili na kinuha ko ang itak na naiwan ni Frankie sa tabi. Wala pa rin sa sarili na pinagmasdan ang malaking bato na nasa likuran ko lang. Nabagok na siguro ako kung hindi niya pala nasapo ang ulo ko.

Tulala akong umahon sa sapa. Hinubad ang guwantes at iniwanan ito kasama ng itak sa tabi ng mga balde na puno ng kumikislot na uban.

Wala pa rin sa sarili na nauna na ako sa kanila at nagtungo sa kubo.

********************

Ito po ay isang geoduck (gooey duck). D'yan po naka-base ang hitsura ng parauban, but the qualities ay gawa-gawa ko lang; 'lam n'yo na, imagination mo lang ang limit. 

To add, mayro'n daw nito sa Camarines Norte and Catanduanes. Buto-buto raw ang tawag nito.


Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro