Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

28 » hindi simula, hindi rin wakas

This chapter is dedicated to Dimasilaw_101 Nandito ang kalahating sagot sa iyong mga katanungan 😎

************

Damian

Walang habag.

Umigtad ako sa sakit na dulot ng hagupit ng latigo sa aking likuran. Ang mga tuhod ko'y wala na ang lakas sa walang humpay na paghataw ng berdugo na tila wala ng katapusan. Tanging ang kadena na lang ang nagpanatili sa akin na nakatayo at hindi malugmok sa duguan at malamig na sahig.

"Ako ay nauubusan na ng pasensiya, Damian!" sigaw ni Don Hernando--sa sobrang galit nito ay mas kinakapos pa ang kaniyang paghinga kaysa sa akin.

Naubo ko ang dugo sa biglaang pagtarak ng kahoy na tungkod sa aking lalamunan. Ginamit din ito ng Don upang iangat ang aking mukha upang pumantay ang aking paningin sa kaniyang mga mata. "Saan nanunuluyan si Harold at itong babaeng Isabelle?"

Sa kabila ng panlalabo ng aking paningin ay naaaninag ko ang nakatiim nitong bagang. Ang bibig nito na hanggang tainga ay nakabagsak, umaagos ang laway na paminsan-minsang dinadampian ng puting panyo ng babaeng utusan.

"Saan nanunuluyan ang suwail kong anak?" sa lakas ng pwersa ng pagsigaw niya ay tumilamsik ang laway nito sa aking pisngi.

Lalong idiniin ng Don ang tungkod sa kawalan ko ng tugon sa kanyang katanungan. Muli akong naubo na lalo nitong ikinagalit nang nawisikan ng dugo ang seda nitong kasuotan.

"Tonto!" Binawi ng Don ang kanyang tungkod, nanggagalaiti na kinatok ang kahoy sa marmol na sahig. Umalingawngaw ang ingay nito sa malawak na bulwagan kung saan hinahamak ang mga katulad kong isa lamang alipin.

Inihanda ko ang sarili sa hagupit ng latigo. Sa pangalawang pagkakataon na hinampas ng Don ng kanyang baston ang siya rin ang paghataw ng berdugo.. Napahiyaw ako sa sakit, napapaigtad sa bawat pagdapo nito sa mura kong katawan.

Hindi ko na halos mahabol ang paghinga. Hindi ko na maramdaman ang sarili. Panay ang pagsuka ko ng dugo at sa pakiwari ko ay hindi na ako magtatagal.

"Ikaw ba'y hindi magsasalita, ha, Damian!"

Inangat ko ang ulo at hinarap ang Don. Umilaw ang kanyang mga mata at lumaki ang butas ng kaniyang ilong--inakala siguro na magbibitiw na ako ng salita pagkatapos ng pananakit at pananakot nila sa akin. "Ipagpaumanhin po ninyo, ngunit ang katapatan ko ay para lang kay Señorito Harold."

"Walang silbi!" Lalong sumidhi ang galit ng Don at hinampas niya sa aking mukha ang hawak na tungkod.

Hindi pa nakuntento at inangat niyang muli ang baston sa ire, tahasan ko na pinikit ang aking mga mata--pinilit na gawing manhid ang katawan.

Nang umugong ang pagbukas ng higanteng pinto ng bulwagan. Sinundan ng mga malulutong na lagatok ng takong ng sapatos. Hindi ko man nasilayan ay batid ko na ito ay ang Donya.

"Hernando, ano ang nangyayari dito?" Huminto siya sa aking harapan. Nadungisan ng pula ang laylayan ng trahe de boda na karaniwan nitong kasuotan.

Nahagip ng aking paningin ang dalawa pang babae na alipin--tinutulak ang kahoy na hagdan na may tatlong andana. Huminto ito sa harapan ng Donya kung saan masigasig na umakyat doon ang kabiyak.

"Mi amor…" ang tugon ng Don nang makaakyat na siya sa huling baitang. Kinuha niya ang kamay ng Donya at ito ay kaniyang hinagkan. "Ako ay nangalap lamang ng impormasyon patungkol dito kay Harold, at ang babaeng 'di umano'y kasa-kasama niya.."

"At ano itong ginagawa mo kay Damian? Hindi ka ba naawa sa bata?"

Nakaramdam ako ng pag-asa nang inaangat ng Donya ang aking mukha sa dulo ng kaniyang abaniko. Tinagilid niya ang aking ulo upang suriin ang aking kalagayan.

"Ang sutil na iyan ay pinagtatakpan ang iyong anak. Napag-alaman ko na may kaalaman 'yan sa kinaroroonan nito!"

Tinanggal ng Donya ang abaniko at tinalikuran na niya ako. Naupos ang kakarampot na pag-asa na aking pinanghahawakan.

Natawa ako sa sarili--isa akong hangal.

Isang hangal na naniniwala na mayroon akong halaga sa kanila. Sa kanila na ang mga katulad ko na alipin ay pinagmamalupitan.

Bumaybay ang mga butil ng pawis sa mga natamo kong mga sugat sa katawan. Inungol ko ang pumipintig na kirot nito. Inaalala kung papaano ko nakayanin dati ang mga latigo bago pa man ako nabili ng señorito, pinahalagahan at pinadama na ako ay isang tao rin.

"Hernando, sabihin mo nga...ano ba ang mayroon sa Isabelle na ito at masyado mo yata itong pinagtutuunan ng oras?"

"Mi amore...batid mo naman na ang lahat ng ginagawa ko ay para lamang sa 'yo.." Kinuha na naman ng Don ang kamay ng kaniyang asawa. "Napag-alaman ko lamang na ang babaeng ito at ang suwail…"

Walang anu-ano na tumahimik ang paligid. Kahit ang berdugo na nakatayo sa aking likuran ay hindi ko na marinig ang kinakapos na paghinga sa ilalim ng makapal na maskara. Hindi ko man alamin ngunit batid ko na ang kaganapang ito ay dahil sa pagtaas ng isang kilay ng Donya.

"Magdahan-dahan ka ng pananalita, Hernando. Anak ko iyang tinutukoy mo…."

"Mi amore, napag-alaman ko lamang na si Harold at itong Isabelle ay may binabalak na masama. Talagang kinakalaban ako nitong…" Natigil ang pagsasalita ng Don sa matalim na titig ng Donya. "Mi amor, nais ko lang naman na tumigil na siya sa kahibangan niya, nasisira ang ating negosyo…"

Tama, ang negosyo nila na mangdukot ng mga walang muwang at ibenta bilang alipin. Sa likod ng pagkakawang-gawa at pagmamalasakit sa kapwa ikinubli ang baluktot nilang gawain.

Humihina at nanlabo na ang aking paningin. Animo'y isang panaginip kung saan ako ay nakalutang habang may isang lalaki na humahangos at kinakausap ang Don.

Malabo na sa akin ang kanilang usapan. Ngunit batid ko pa rin  ang sinasabi noong lalaki. Namataan niya kung saan nagtungo ang inutusan ko na magdala ng pagkain para sa mga kaibigan ng señorito. Alam na nila.

Kailangan kong makaalis dito. Kailangan kong mapuntahan ang señorito.

Pinilit kong buksan ang namimigat ko nang talukap. Hindi ito maaring magsara dahil batid ko na kapag ako ay nakatulog ay hindi na ako muling magigising pa.

Malalabong yabag ng mga sapatos ang umaalingawngaw sa malawak na bulwagan. Pahina nang pahina hanggang sa tuluyan nang nawala.

Gano'n na lang at iniwan nila akong mag-isa.

Kailangan kong makaalis, babalaan ko ang señorito.

Ngunit papaano? Hindi ko matagpuan ang lakas upang igalaw kahit ang daliri ko man lang.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay inangat ko ang aking ulo. May tumatawag sa aking pangalan--boses ng isang babae, malamig at malambing. Walang nagsasalita ngunit malakas ito sa aking isipan.

Hanggang nasilayan ko na siya, papalapit sa akin.

Ang mga paa niya na walang saplot ay hindi gumagawa ng ingay--animo'y naglalakad siya sa hangin. Nag-aagaw ang ngiti at pighati sa kaniyang mga mata--siya na marahil ang anghel na susundo sa akin?

Huwag mo muna akong kunin, pakiusap.

Hindi ko nagawa pang tumutol nang sapuhin niya ang aking mukha. Ang mga palad niya ay mainit, banayad na tila haplos ng isang ina.

May kung anong damdamin ang namuo sa aking dibdib. Isang matinding damdamin na gustong kumawala.

Nagawa kong igalaw ang aking mga daliri. Ang malakas na bugso sa aking damdamin ang nagtulak sa aking mga paa na tumayo.

Nakaramdam ako ng isang matinding kasiyahan, kasiyahan ng pangarap kong kalayaan.

Tumingala ako sa babae, nagtatanong kung kaya niya akong pakawalan. Ngumiti lamang siya--kilala ko siya, kilala ko ang ngiti niya.

Sa mga oras ding iyon ay may kung anong kumikislot sa aking kalamnan, animo'y mga bagay na may buhay.

Hindi ko mawari kung bakit hindi ako nahintakutan sa mala-tintang likido na nagsilabasan sa aking braso--kumakawag-kawag at nagsigapangan sa buo kong katawan.

Ang mga hapdi at kirot ng mga latay ko sa likuran ay unti-unting naglaho habang bumabalot ang mga itim na bagay dito. Buong lakas kong hinila ang kadena paibaba at lahat ng ito ay nawasak.

Napaluhod ako sa marmol na sahig, sinuri ang kabuuhan ng aking braso.

Ang mga tila itim na likido na bumalot sa aking mga kamay ay humulma na kawangis ng mga  kuko ng agila. Matutulis, at mas matalas pa sa kutsilyo na ginagamit namin sa kusina.

Doon din nagsimulang dumilim ang paligid. Nilamon ng kadiliman ang lahat ng liwanag.

Kasunod ay ang pagsakop ng nakakarinding hiyawan, nagsusumiksik na tila binabasag ang aking pandinig.

Natagpuan ko na lang ang sarili na nakatayo sa tigmak ng dugo, at may mga pira-piraso ng katawan na nagkalat sa paligid.

Hindi ko masilayan ang langit--nabalot ng sanga-sangang ugat--pumipintig, kumikislot sa kinalalagyan nito.

At ang sanga-sangang ugat ay namumulaklak ng dambuhalang mata. Namumula at kasinglaki ng mga nakagawiang pinto. Nakadilat, nakadungaw sa kahindik-hindik na sinapit ng mga--

Dalagang pare-pareho ang hitsura. Naghalo ang dugo at putik sa nagkapunit-punit nilang bestida. Nakakarindi ang kanilang mga palahaw sa kagustuhang makatakas sa mga halimaw--

Na hayok ang sikmura na tila walang kabusugan. Kasingpula ng dugo ang katawan ng higanteng gagamba, nag-aapoy na mga mata at lumalagutok ang kanilang bibig habang nginunguya ang kapirasong katawan ng isang pobreng dalaga.

Sa gitna ng kaguluhan ay ang nagsisiliparang mga itim na nilalang--malapot na likido na kasing-itim ng krudo.

Sa harapan ko mismo ang pagpapalit-palit ng anyo ng mga ito. Karamihan ay nasa anyong karet, walang habas ang pagtagpas na animo'y inaani ang mga halimaw.

Ngunit ang iba ay mas pinili ang ibang kaanyuhan. Isang malaking palaso ang bumagsak at bumaon sa mata ng isang halimaw. May sarili itong buhay na kusang kumawala sa humihiyaw na biktima. Nagpalit-anyo't naging matalim na espada--wala itong pag-aalinlangan na paghiwalayin ang ulo sa katawan ng kasuklam-suklam na halimaw.

Ang itim at higanteng martilyo ay walang pakundangan na pitpitin ang hukbo ng mapupulang insekto. Ang nag-anyong punyal na paulit-ulit na tinarak ang sarili sa tiyan ng dambuhalang gagamba. Walang tigil ang mga ito sa pagsupil sa mga halimaw. Ngunit sadyang napakarami ng mga kalaban at walang katapusan itong nagsilabasan sa gitna ng mga dambuhalang mata. Hanggang ang natira na lang ay ang--

Dalawang dalaga, paparoon sa gawi ko. Ang isa'y hila-hila ang paika-ikang kapatid--dumadaloy ang sariwang dugo galing sa tama nito sa binti.

May kung anong matatabang galamay ang mabilis na gumapang sa lupa. Pumulupot sa binti at nahuli ang sugatang dalaga.

Isang itim na gulok ang bumagsak at tumagpas sa pulang galamay. Mabilis na kumislot ang halimaw at nagpakawala ng nakakarinding paghiyaw.

Walang sinayang na oras at mabilis na inalalayan ang kapatid upang makatayo. Ngunit ang panandaliang kaligtasan ay naging walang saysay.

Isang matulis na paa ng dambuhalang gagamba ang bumaon muna ulo at nahati ang katawan ng sugatang dalaga.

Nanumbalik sa akin ang lahat sa pagluhod ng…

Kahuli-hulihang Issa. 

Ang pagkawala ng buhay sa mga mata niya habang naligo ito sa dugo, at sa harapan niya mismo ay pinagpiyestahan ng mga halimaw ang bangkay ng kapatid.

Tulala at nawalan na nang gana pang mabuhay habang ang mga galamay ay mabilis na gumapang sa kinaroroonan niya.

Isa sa itim na nilalang ang nagpalit ng anyo--naging itim na alpombra. 

Nagkabutas-butas ang katawan nito nang tumarak ang mga matutulis na kuko ng halimaw nang iharang nito ang sarili para protektahan ang dalaga.

Nanumbalik sakin ang lahat--isa ako sa kanila--isa akong karet.

Dahil sa hinagpis, ang kidlat ng Issa na nananalaytay sa kanilang katawan ay napupundi hanggang sa tuluyan na itong naglaho.

Sa sandaling iyon, ang nag-anyong alpombra ay humagibis sa kinaroroon ng Issa--sinakluban at tuluyang binalot ang dalaga.

Nagpalit ng anyo ang karamihan--lumipad at nagpatong-patong hanggang nagmistula na itong malaking bola.

Nanumbalik na sakin ang lahat. Isa ako sa nagpalit ng anyo--isang makapal na kumot upang ikulong ang namamaos nitong paghihinagpis..

Nanumbalik sakin ang lahat.

Tinakas namin ang Issa, kasama ang memoria--ang mga alaala na inaalagaan nila.

Bumalik ang hitsura ng bulwagan. Ang kadenang bakal na nagkalat sa sahig, kailanman ay wala na itong kapangyarihan na ako'y alilain.

Sumilay sa aking mga labi ang tuwa--walang masidlan ang nag-uumapaw kong kagalakan--dahil ang babaeng nasa aking harapan--ang Mutya--ang tagapangalaga ng mga karet at ng mga Issa.

Dinaluhan niya ako sahig. Sa pagkakataong iyon ay nagsalubong ang aming mga mata.

"Mahal kong karet...pinakamamahal kong karet…"

********************

Ano kaya yung nakain ko dati at napagdiskitahan ko na gawing malalim ang pananalita ng mga alipores ni Harold? Hahaha! Nasimulan na kaya kailangang mapanindigan ko to 😭

Binigay ko nga muna sa iba ang mic dahil pagod na si Issa kaka-explain hahaha. Namamaos na raw siya 😂

Watcha think of this chapter? Pindutin ang bituing walang ningning.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro