27 » mahal
Naisubsob ko na naman ang mukha sa pitpit nang higaan. Pati ang nag-iisang unan ay tinakip ko na rin sa ulo. Nakakainis!
Tinahaya ko ang sarili. Ang unan ay natakip at dinikit ko pang lalo sa mukha.
Kaso kahit anong gawin ko ay nakikita ko pa rin si Frankie. Ang pagpikit ng mga mata niya, ang naestatwa kong sarili nang dumampi ang labi niya.
Nanatili akong nakatingala. Natigil ko ang paghinga. Hindi maproseso ng utak ko ang nangyari. Tuluyan na rin itong bumigay nang gumalaw ang mga labi ni Frankie. Mabagal, madiin bago siya bumitiw.
Narinig ko na lang na nagbukas at nagsara ang pinto.
Hindi ko rin namalayan kung gaano ako katagal na nakatayo. Ang mga paa ko na lang ang nagsariling sikap, tinakbo ang hagdan at umakyat sa kwarto.
Napatagilid ako sa higaan, bumaluktot at niyakap ang unan.
Bakit kasi gano'n? Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maproseso ang nangyari. Lintik bakit ba ayaw tumigil nitong labi ko ang ngumiti?
Naidikit ko na naman ang mukha sa nalalasog nang unan. Hindi pinansin ang nagrereklamo at kumakalam ko nang sikmura.
Ang totoo'y kanina pa ako nagugutom. Pa'no ba kasi na halos wala akong nakain kaninang tanghalian.
Kanina pa lumubog ang araw at umilaw ang bombilya. Gusto ko lang naman sanang tanungin kung papano ang hapunan namin.
Pero pa'no ba, ayokong bumaba. Gusto ko na lang matunaw at sumingaw.
Anong mukha ba kasi ang ihaharap ko?
Pwede kaya na kunyari walang nangyari? Kunyari nakatingin silang lahat sa kung saan at hindi nila nakita 'yon. Ang hirap naman e.
Lalo kong nabaluktot ang sarili. Kinuskos ang nangingilo kong braso. Nakikita ko na kasi sa isip ang mga titig nila na nanunudyo.
"Pssst!"
Napabalikwas ako sa kama. Sa pagkataranta ay naiupo ko ang sarili at kusang lumipad ang tingin sa may pintuan kung saan nakatayo doon si Jack. Nakabusangot at may bitbit na supot.
"Pagkain..." sabi niya nang makapasok at isinara ang pinto.
Binaba ko ang mga paa at pumwesto sa may katamtamang espasyo para sa kanya. Naupo rin si Jack at nilatag ang supot sa gitna namin.
May umihip na malamig na hangin na nanggaling sa bintana. Dinagdagan lang nito ang nakakailang na katahimikan. Hindi kasi nagsasalita si Jack?
Tinuon ko na lang ang atensyon sa mga gasgas sa sahig habang binubuksan niya ang supot.
Sinubukan ko rin na magsimula ng usapin, pero nauudlot lang. Sinubukan ko rin na hulihin ang tingin niya, pero hindi niya inalis ang mga mata sa kasalukuyan na ginagawa. Hindi ako sanay na ganyan si Jack sa'kin.
Walang sabi-sabi na inabot niya sa'kin ang isang bilao. Malaki ito ng konti sa plato at nakaumbok ang sinasabi niyang pagkain sa ilalim ng takip nito na dahon ng saging.
Sinubukan ko pa rin na hulihin ang mga mata ni Jack habang kinukuha ko ang pagkain. Pero wala talaga. Yumuko na lang ako dahil ayaw niya talagang tumingin sa'kin.
Kahit ang nag-eeskandalo kong tiyan ay hindi niya pinansin. Kalimitang may pang-aasar siya sa mga ganitong sitwasyon. Pero wala, matamlay kong kinuha ang inaabot niya na tinidor at kutsara.
Suminghap ako ng hangin at pinakawalan ang namumuong paninikip ng dibdib. Binaling ko na lang ang atensyon sa bilao na pinatong ko sa kandungan. Inalis ko na rin ang takip nito.
Sa gilid ng mata ko'y inantay ko na maalis ni Jack sa supot ang pangalawang bilao. Katulad ko na pinatong niya rin ito sa kanyang kandungan at inalis ang nagmamantikang takip na dahon ng saging.
Walang sabi-sabi at nagsimula na siyang kumain. Wala rin akong ibang magawa kundi ang sumabay.
Ang hamonado na ang linamnam tingnan ay mapait ang lasa. Ang maliit at makulay na puto na dinampot ko katabi ng kanin, hindi ko mahanap ang tamis nito.
Natagilid ko ang katawan at napasulyap sa bintana na nasa likuran namin. Pasimpleng inaninag ang mapanglaw na kalsada.
Walang kabuhay-buhay. Ang mga kabahayan ay walang kailaw-ilaw--katulad no'ng pagdaan namin kaninang madaling araw. Tanging ang malamlam na liwanag na nanggaling sa poste ng kuryente ang nagsisilbing gabay sa dilim.
Naituwid ko ang pagkaupo nang may gumalaw na anino sa gilid ng daan. Sinigurado ko pa, mga tuyong dahon lang pala na inanod ng hangin.
Malungkot na umusli ang nguso ko at binalikan na lang ang pagkain. Namataan ko pa na nakatingin pala sa'kin itong katabi ko. Sinamangutan ko siya bago ko tinusok ng tinidor kapirasong lumpia.
Hindi talaga sinasadyang napapasulyap na naman ako sa bintana. Mga tuyong dahon na naman--at nahuli na naman ako ni Jack sa pinaggagawa ko.
Walang ano-ano'y kinurot ako ng mokong sa tagiliran. Natapik ko ang kamay niya ng akmang uulitin niya pa. "H'wag ka nga d'yan, kumakain ako..."
Tumigil din si Jack at bumalik siya sa pagkain.
May kung anong hangin ang dumaan at tinangay nito ang mabigat na nararamdaman ko kanina. Tahimik kong nginunguya ang hamonado na nasobrahan sa kapal ang pagkahiwa. Tsaka ko lang nalasap ang tunay na lasa nito.
Ang kaso ay napalingon na naman ako sa bintana. Ang kulit ng ulo ko, sinabing h'wag lumingon e.
Hindi ko na rin nasangga ang pagkurot ni Jack sa tagiliran ko...na naman. Nakakaloko ang ngisi niya na gusto ko itago ang mukha ko sa kung saan.
"Yiee...Frankie..."
"H'wag ka nga d'yan, tusukin kita nito!" Binantaan ko siya gamit ang tinidor. Hindi naman siya natinag, sa halip ay kinurot na naman ako. 'Ang kulit mo!"
Tumawa ang mokong, inuusli pa ang nguso na kunyaring humahalik. Nadampot ko ang unan at hinampas ito sa kanya. "Jack, nakakainis ka na!"
Nasalo pa ni Jack ng kabilang kamay ang bilao na muntikan nang mahulog sa kandungan ko, habang ang kabilang braso ay ginagawa niyang panangga sa umaatakeng unan. Humahalakhak na ang mokong habang nililigpit ang dalawang pinagkainan sa tabi niya.
Sinamaan ko siya nang tingin dahil ayaw niya talagang tumigil. Tinumba ko ang katawan sa kama at tinakip ang unan sa mukha.
"Psst...Frankie.." Naitagilid ko ang katawan sa hindi matigil-tigil na pagkurot niya sa'kin.
Gusto kong tumakbo at iwanan si Jack sa kwarto, kaso hindi naman ako pwedeng bumaba--andon sina Harold at Barbara. Lintik gusto nang maglaho na parang bula.
Pilit kong binibingi ang sarili, pilit na winawaksi ang pagtawa niya. Paulit-ulit pa na sinasambit ang pangalan ni Frankie. Ang sarap tirisin, nakakagigil.
Hindi nagtagal at tumigil din ang mokong. Ilang minuto rin na mas naririnig ko ang tsk tsk tsk ng butiki sa kisame. Nanatili ang katahimikan hanggang sa napansin ko na lang ang paglubog ng kutson sa tabi ko.
"Malayo ba 'yong lagusan?" tanong ko sa kanya.
"Baka bukas pa 'yon...at h'wag kang mag-alala, may mga bantay do'n," ang layo ng sagot ni Jack.
Katahimikan ulit. Tinanggal ko na rin ang unan dahil kinakapos na ako ng hangin.
Huminga ako ng malalim at dahan-dahang itong pinakawalan. Katulad ng katabi ko sa higaan, nakadikit ang mga mata sa kisame--sa may kalumaang bombilya.
Bahagya kong nilingon si Jack, inaral ang naging seryoso niyang hitsura. "Mali ba?"
Tiningnan lang ako nang saglit bago niya binalik ang mga mata sa kisame.
"Jack, mali ba?"
Hindi sumagot si Jack. Hindi na rin ako umasa ng sagot, naisip ko na 'yon ay tanong para sa'kin.
Pagkatapos ng lahat ng 'to, babalik na sila sa dating anyo--walang diwa, walang emosyon. Sina Barbara, si Jack, ang mga pinagdaanan namin, ang mga nabuo naming alaala.
Natawa ako sa kalupitan ng tadhana. Kahit nagsimula nang mamigat ang dibdib ko ay natatawa pa rin ako. Pagkatapos ng mga magagandang alaala, pagkatapos nang 'yon, kukunin na lang nang gano'n.
Namigat ang pisngi ko, nagbabadyang bumagsak ang mga namumuong luha.
Tinakip ko na naman ang unan sa mukha--ayokong makita ni Jack.
Sadya kong kinagat ang kakahilom pa lang na sugat sa labi. Natuon ang atensyon ko sa kirot na dulot nito at dagling nakalimutan ang namumuong sama ng loob.
Sa ilalim ng unan pilit kong kinakalma ang sarili. Lalo ko pang kinagat ang sugat, kahit pa dumugo ulit 'to--ayokong makita niya akong umiiyak.
Hinayaan ako ni Jack. Hinayaan na ang malalalim ko na paghinga ang umalingawngaw sa nakakabinging katahimikan.
"Naalala mo ba no'ng mag-aani sana ako ng mais?" pag-iiba niya sa usapan. Tinanggal ko ang unan sa mukha at hinampas ito sa kanya.
"Pagnanakaw ang tawag do'n, hindi naman sa'yo 'yon e." Pahapyaw ko na pinunasan ang basa sa ilong at gilid ng mata--minasa-masahe ko rin ang pisngi.
"Oo nga..katarantaduhan ko dati." Napalingon ako sa madamdamin niyang pagtawa--nakakapanibago.
"Baliw ka rin e..'
Tumawa na naman si Jack, nasa kisame pa rin ang mga mata niya. "Naisip ko noon na baka gusto mo rin ng mais, hati sana kayo ni Mahal."
"Sigurado ka ha? Baka guni-guni mo lang 'yang mahal mo. Araw-araw kaya kitang hinahatid dati, kahit isang beses hindi ko talaga naabutan."
Tumagilid sa pagkahiga at hinarap ako ni Jack. Gusot ang mukha at salubong pa ang kilay--hindi talaga ako nasanay sa ga-tuldok na itim sa mata niya. "Anong akala mo sa'kin, baliw?"
"Oo, gano'n.." Natawa ako sa pagpalo niya sa'kin, ang sarap pala ng pakiramdam pag nang-aasar.
"Baka hindi mo alam, siya ang pinakamagandang paruparo sa balat ng hangin," pagmamalaki pa ni Jack.
"E bakit nga hindi ko nakikita?"
"Gabi lang po siya dumadapo, señorita..." Tumaas ang isang kilay ng mokong. Napangiti ako nang lihim dahil nagawa ko siyang asarin.
"Gabi? E 'di gamugamo 'yan..."
"Pa'nong gamugamo kung makulay ang pakpak, aber?" Tumigil muna siya na kunyaring nag-iisip. "Parang marmol na nag-aagaw ang puti at itim sa pakpak. Sige nga, sabihin mo nga kung gamugamo 'yan?"
"Sa gabi dumadapo...kumakain ng isda at mais...hindi ko naabutan nang maaga..." Paisa-isa kong binilang ang daliri sa bawat nabanggit. "...aswang yata 'yan e," dagdag ko pa. Walang nagawa si Jack, siya na ngayon ang namalo ng unan. "Gamugamong aswang...sigurado ka Jack na hindi ka pinagtangkaang kainin no'n?"
"Tang-ina nito..." Nalakasan ni Jack ang pagpalo ng unan, halatang-halata sa mukha niya ang panggigil. Lalo akong humagalpak sa pagtawa. Inulit-ulit ko pa ang salitang gamugamong aswang, naligayahan sa pangpipikon sa kanya.
Kinakalma ko na rin ang sarili dahil nakabusangot na si Jack. Tumalim ang kanyang titig habang pinagmamasdan akong tumatawa.
"Ayan na, titigil na po," maluha-luha kong sabi.
Kahit hindi pa natinag ang inis sa mukha niya ay binuksan nito ang kanyang mga braso at inanyayahan ako doon. "Halika nga, payakap..."
Umusog ako at sumiksik sa tabi niya--tsaka niya ako niyapos at pareho kaming nilamon ng kani-kaniyang isipan.
"Bati na kayo ni Barbara?" tanong ko matapos ang ilang minutong katahimikan. Niyugyog ko pa ang braso niya dahil mukhang nakatulog na.
Sinagot lang ako ni Jack ng isang malutong na tsk bago siya kumalas sa pagkayap. "Gago 'yon, dikit nang dikit sa'kin."
"Si Barbara?"
Hindi siya sumagot at tiningnan lang ako nang masama.
"Si Harold?"
Inikot ni Jack ang mata at sumama na naman ang timpla ng hitsura niya.
"May gusto yata sa'yo, pansinin mo kasi..."
"Gago, wala akong panahon makipagbiruan sa kanya..."
********************
Naisulat ko rin sa wakas, makaka-move-on na ako sa mga susunod na ganap. Iniisip ko rin kung kailangan ko na ba talagang maglalagay ng trigger warning. Ang dami nang mura dito hahaha~
Watcha think of this chapter? If you enjoyed it, a star is very much appreciated.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro