Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

26 » tensyonado

a/n: Nilagyan ko na ng terminilogies starting on this part onwards. Madali lang naman intindihin dahil similar names lang sa previous chapters. Once matapos ko na 'to at magsimula ko na ma-edit ay ilalagay ko na ang terminologies para iwas sa lituhan hihi.

note to self: Wag muna mag-edit hangga't hindi pa tapos, parang awa mo na hahaha!

Anyway, here goes.

********************

Magulo.

Masakit sa ulo.

Kahit anong gawin ko ay hindi ko malagyan ng tiwala si Harold. Lagi siyang may pasaring, tinatalo si Frankie.

Nang dahil sa kaganapan no'ng batang paslit ay napaaga ang pag-uwi namin. Walang imikan ang apat habang naglalakad sa kalsada. Si Frankie ay hindi na binitawan ang kamay ko hanggang sa makarating kami sa tinutuluyang bahay.

Pagkapasok ay gano'n pa rin. Ang bigat ng hangin.

Hindi mabawas-bawasan ni Jack ang tensyon kahit anong pinambabato niyang biro kay Barbara. Hindi niya ako malapitan, kasi itong si Frankie ay wala na nga yatang balak umalis sa tabi ko. Ang mga tingin niya ay parang umaangil na leon, mananakmal sa isang maling galaw. Kawawa naman si Jack, nadamay.

"Señorito, Señorito Harold?" Malakas ang sunod-sunod na pagkatok sa pinto. Lahat ng mga mata ay natuon do'n.

Hinatid ako ni Frankie sa may hagdanan na paakyat ng kwarto. Tsaka lang binitawan ang aking kamay at nagtungo sa harapan habang binubuksan ni Harold ang pinto.

"Señorito, magandang tanghali..." bati ng isang lalaki. Mukhang isa siya sa mga ginising na karet base sa suot niya na puting kamiseta. Ang seryoso niyang hitsura ay bahagyang ngumiti nang mapansin niya si Barbara na nakatayo sa likod ng kaharap niya, "Señorita, magandang araw..."

Kahit na nakatalikod sa'kin si Barbara ay halatang-halata ang pamumukadkad ng nararamdaman niya. Biruin mo ba naman na tawagin siyang señorita sa harap ni Harold. May pahawi-hawi pa siya ng buhok niya na gupit lalaki--nagrambol din ang kulay nito.

"Magandang araw din sa'yo," bati ni Barbara pabalik.

"Kumusta ang lagusan, Ali?" tanong ni Harold. Pumasok muna 'yong lalaki at ito na mismo ang nagsara ng pinto.

"'Yan nga ang sadya ko, señorito. Natanggal na namin ang harang, kaso..."

"Kaso?" tanong ni Frankie. Nakadungaw siya kay Ali na hindi nabiyayaan ng katangkaran. Mali ako no'ng akala ko na matatangkad ang lahat ng karet. Buti na lang hindi, may hustisya pa rin kahit papano.

"Kaso isang memoria ang gitna ng lagusan. Mahihirapan tayo," sabi ni Ali na kay Frankie na nakaharap. Umiling-iling din siya at bumalik ang pagiging seryoso ang mukha.

Dumaan ang katahimikan. Nilamon ang lahat ng kani-kanilang isip. Pati ako ay napatanong. Saang kangkungan ba kami pwedeng dumaan na walang aberya? Buwis-buhay na lang lagi, makikipagpatintero na naman kay Kamatayan. Nakakapikon na ang mga gwalltor na 'yan e!

"Kung maghuhukay ng ibang lagusan, ilang araw ito matatapos?" basag ni Frankie. Nakahinga ako nang maluwag dahil naging mahinahon na ulit ang boses niya. Kalmado na ulit ang postura niya. Siya na ulit ang Frankie na kilala ko.

"Kukulangin ang dalawang linggo, ginoo..." mungkahi ni Ali na may pag-aalinlangan pa sa isinagot niya.

"Sa tingin ko naman ay sapat ang nilagay kong karet sa pang-ipit ni Issa. Mapipigilan nito ang pagdaloy ng memoria. Hindi na natin kailangan maghukay ng panibagong lagusan," singit ni Harold. Sa hindi malamang dahilan, sa gitna ng seryosong usapan, pinuyos niya ang itim at hanggang balikat nitong buhok.

"Kung inyong mamarapatin, señorito, ngunit baka hindi kakayanin ng inyong karet ang pabugso-bugsong pagdaloy ng memoria ng Issa lalo na't napakalaki ng lugar..."

Ngumiti si Harold, malapad ngunit peke. Lumapit siya kay Ali at ang kanyang mabibigat na kamay ay dumapo sa magkabilaang balikat ng lalaki.

"Ali, Ali, Ali...hindi pwedeng magtagal si Issa rito, naintindihan mo ba?"

"O-opo, señorito..."

"Ngayon, kailangan namin na ilabas siya sa lugar na 'to sa lalong madaling panahon, naintindihan mo ba?"

"N-aintindihan ko po, s-enorito..."

"Mabuti naman kung gano'n. Ngayon, ano ang sinasabi mo na hindi kaya ng aking karet..."

"Harold!" Sa pangalawang pagkakataon ay sinuway ni Frankie si Harold. Malakas, madiin na nagpatigil sa katopakan na naman nitong isa.

Peke pa rin ang ngiti ni Harold habang binaling ang tingin kay Frankie. Tinapik-tapik niya muna ang balikat ng pobreng si Ali bago nagtungo sa isang tabi at sumandal sa dingding.

"A-no ang iyong pasya, ginoo?" nauutal pa rin si Ali kahit si Frankie na ang kaharap niya.

Lumingon si Frankie sa'kin. Nangungusap ang mga mata niya, nagtatanong. Matipid na ngiti ang sinagot ko. May tiwala ako sa kung ano man ang magiging desisyon niya.

"Sang-ayon ako kay Harold," sagot niya kay Ali. Ngumisi si Harold, tumango si Barbara, si Jack ay sinugod ang dalawa na nakatayo sa may pintuan.

"'Tol, mapapahamak si Issa. Baka pwedeng pag-usapan muna natin 'to."

"Ano ba ang ginagawa natin, nag-uusap tayo 'di ba?" biglang singit ni Barbara na nakisandal din sa dingding sa tabi ni Harold.

"Ikaw ba ang kausap ko? Ha?"

Ayan na naman ang aso't pusa.

"Tumigil na kayo!" suway na naman ni Frankie. Napangiti ako. Kahit kailan ay hindi kumupas ang boses niya na may awtoridad. 'Yong tipong oo at opo lang ang maisasagot ko sa mga iuutos niya.

"Ginoo, paiba-iba ang hitsura ng lagusan. Muntikan na kaming maligaw, kung kakailanganin ninyong tumuloy..."

"'Tol, kung nabalot ng karet ni Harold itong bahay, baka pwede na..."

"Singit ka nang singit d'yan, narinig mo naman 'yong kanina 'di ba? Hiyaw ng gwalltor? Jack, h'wag ka ngang tanga!"

"Iniisip ko lang ang kapakanan ni Issa!" Sumabog na si Jack.

Iniwan ko ang hagdanan at tinungo ang berdeng nilalang na nanggagalaiti na sa galit. Winawaksi niya pa ang kamay ko nang hawakan ko ang braso niya. Ilang beses ko rin 'tong inulit bago ko siya nahila palayo sa nandidilim na kapaligiran.

"Akala mo naman kung sinong magaling..."

"Woi, ito naman, tama na kasi..." Napaupo ko si Jack sa baitang ng hagdan. Tumabi na rin ako at hinigpitan ang pagkahawak sa braso niya. Pag umalma pa ay hilahin ko lang para makaupo ulit.

Wala na namang imikan. Ang mga mata ay nakatuon sa mga walang kinalamang bagay. Hindi matingnan ang isa't isa. Kahit ako ay natuon ang atensyon sa kulay kahel ko na tsinelas.

"Ali," si Frankie na naman ang bumasag sa katahimikan. Hinintay niya na maging komportable ang kaharap. Mukhang nalaglag kasi ang mata nito sa sahig, kanina pa nakayuko.

"Ah, ginoo...pasikot-sikot ang lagusan, kailangan ng isa na magsaulo ng daan."

Malakas ang buntong hininga ni Frankie. Rinig na rinig ko kahit may kalayuan ang agwat namin.

"Harold, kaya mo ba 'tong dalawa?"

Napatayo ako sa sinabi ni Frankie. Ang hahaba ng mga hakbang ko palapit sa kanya. "Anong sinasabi mo?"

"Babalik din ako agad." Kinuha niya ang isa kong kamay, nakakailang ang nanlaki at nagtatanong na mga mata ni Ali.

"Bakit ikaw?"

"Babalik ako agad," inulit niya lang ang sinabi niya kanina.

Bumitiw si Frankie, hindi na lumingon at nagtungo sa isang sulok kung saan nakaparada ang dambuhala at itim na batuta. Matapos damputin ang sandata ay nagtungo rin sa kinaroroonan nina Harold at Barbara.

"Harold, maiwan ko muna sa'yo 'tong dalawa" sabi ni Frankie. Bahagya siyang tumingin kay Jack na masama pa rin ang timpla. "Hintayin n'yo akong makabalik. At si Issa..."

Inilapit ni Frankie ang mukha niya sa kaliwang tenga ni Harold.

Ang maaliwalas na tanghali ay siyang kabaligtaran sa loob ng bahay. Madilim, nag-aalburuto ang tensyon.

Kitang-kita ang pagkuyom ng kamay ni Harold at pagtiim ng bagang niya habang may sinasabi si Frankie. Iniwan siya nito na natuod at matigas ang mukha.

Itatanong ko sana ulit kung bakit siya mismo ang pupunta nang papalapit na siya sa gawi ko. Kaso parang may malaking harang at hindi tatagos ang kahit na anong salita na ibabato ko.

Tumigil si Frankie sa harap ko. Dumapo ang libre niyang kamay sa baba ko na siyang napatingala ako sa kanya. Walang ano-ano'y lumapat ang labi niya. Mainit sa labi ko.

********************

Watcha think of this chapter?

Simulan ko na siguro maglagay ng trigger warning dahil napaparami na ang curse words dito hahaha!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro