Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

25 » ganda ka po

Gusto lang palang kumain, bakit ang sungit?

Nagpatangay na lang ako sa paghila ni Frankie habang gumagala ang mata ko sa paligid. Ang daming tao, siksikan sa magkabilaang bangketa. Ilang beses akong napapasunod nang tingin sa mga nakakasalubong namin.

Lalo na do'n sa malaking ilong na naglalakad, may maliit na binti sa magkabilaang butas at may maliit na braso sa magkabilaang gilid. Tumagilid 'to habang naglalakad, siguro napansin nito na nakatitig ako sa kanya.

May nadaanan din kaming tatlong tumatalbog na kalabasa sa kalsada. Malaki na 'yong nasa unahan na pwedeng-pwede na sa kusina, habang ang dalawang nakasunod ay putot pa─ano kaya kung mag-iina 'tong mga 'to?

Ibang-iba pala talaga ang bayan. Ito 'yong laging kinukwento sa 'kin ni Barbara na ayaw akong payagan ni Nanay pumunta. Magulo raw.

Magulo na nga kung sa magulo, pero ang saya pala. Napadaan kami sa isang bangketa na may tabi-tabing tolda, parang tindahan na nakalatag at 'yong iba ay nakasabit ang iba't ibang produkto. Kanya-kanya ring sigaw ang mga tindero.

"Mansanas, mansanas! Matamis na, masarap pa!"

"Pantalon, pantalon kayo r'yan! Kasyang-kasya kahit sa lolo n'yong kalbo!"

"Ayyy bili-bili na mga suki! "

Liliko na sana kami sa isa na namang kanto nang inagaw ang atensyon ko sa isang tolda na ang daming nakakumpol sa harap. May sumisirkong sisiw sa ire, at lalong nakuha ang atensyon ko dahil sa pulang tela na nakatali sa leeg ng sisiw.

Tumigil ako at nagpabigat sa humihila sa 'kin. Sa wakas ay napalingon ko si Frankie. Hmmp, kahit na hind na naman mabasa ang mukha niya ay hinila ko siya sa kabilang bangketa. Dalawang kamay na ang ginamit ko dahil ang bigat niya.

Nakisiksik ako sa unahan, hindi ko pinansin ang mga nagrereklamo. Bahala kayo r'yan, hindi ko naman kasalanan na maliit ako.

Walang magawa si Frankie kundi ang makisiksik din, ayaw bitawan ang kamay ko e. Ayun, panay hingi ng paumanhin sa mga taong nahaharangan niya.

"Woooah!" sabay-sabay ang sabi ng mga batang nasa harap.

Inusisa ko agad kung ano ang mayro'n. Napa-wooah din ako nang tumambad sa harap ko ang patong-patong na mga sisiw. Parang hagdan na nakapatong sila sa balikat ng isa't isa. Ang kulit na kinakampay-kampay nila ang mura nilang pakpak para mapanatili ang balanse.

"Hep!" sabi no'ng matabang pusa na nakatayo sa likod ng mga sisiw. Nakatayo ito sa dalawa nitong paa, may suot na sumbrerong gawa sa dayami, at ang nakakatuwa pa ay ang pulang tela na nakatali rin sa leeg niya─katulad ng sa mga sisiw.

Dinampot ng pusa ang nag-iisang sisiw sa tabi niya, tinaas niya ito at─

"Hep!" Malakas nitong binato ang sisiw sa taas. Ilang beses na sumirko-sirko ang sisiw sa ire bago ito marahang bumagsak sa ibabaw ng hagdan-hagdang ng sisiw. Kinakampay-kampay nito ang murang pakpak habang hinahanap ang balanse bago nagpakawala ng napakaliit na tweet.

Masigabong palakpakan ang umugong mula sa nanonood, pati ako ay napapalakpak din.

"Ang galing 'no?" Napatingala ako kay Frankie at pinatong niya ang kamay sa kaliwa kong balikat. Matipid na pagtango lang ang sinagot niya. Naaliw din siguro siya dahil maaliwalas na ulit ang mukha niya.

"Tara na, hinihintay na tayo." Inakay niya ako palayo sa kumpol. Nalingon ko pa nang nilatag ng pusa ang suot nitong sumbrero sa kalsada. Yumuyuko ito sa tuwing may naghuhulog do'n ng barya.

"Sinong nag-aantay sa 'tin?" tanong ko kay Frankie nang makarating kami sa maluwag-luwag na kalsada.

"Kailangan nang kumain nina Jack, at Barbara."

Natahimik naman ako do'n. Kanina pa pala 'yon nagrereklamo si Jack. Kaya siguro pinagkatiwala kami ni Tatay kay Frankie. Kahit tahimik lang siya ay iniisip niya ang kapakanan ng lahat.

"Alam ba nila kung nasaan tayo?"

Hindi niya ako sinagot, pero tinanggal na niya ang kamay niya sa balikat ko. Kinuha ang kanan kong kamay at ang hahaba na naman ng hakbang.

Para lang kaming dumaan na hangin sa bilis naming maglakad. Hindi ko na napansin na nakarating na kami sa isang lugar na ang mga gusali ay parang mga tore na gustong abutin ang langit. Hindi abot ng tanaw ko ang tuktok, sa tingin ko nga na kahit ibon ay hindi rin ito kayang abutin.

Mas naging mabilis kami dahil konti na lang ang ang mga taong naglalakad sa kalsada. Nakakamangha na malinis din ito, may mga hala-halaman pang dekorasyon sa tabi ng dinadaanan namin.

Hanggang sa makarating kami sa harap ng isang magarang bahay. Parang barko sa sobrang haba, ang daming matatangkad na bintana na gawa sa salamin. Nakakasilaw lang ang pagkaputi nito, at wala na rin siguro silang alam na kulay kundi 'yon lang.

Naglakad kami sa entrada nilang arko ng mga rosas. Hindi mapigilan ng bibig ko ang ngumiti, ang lulusog ng mga bulaklak at iba-iba din ang kulay. Napako na ang mata ko sa asul na rosas na nakalaylay sa itaas na bahagi ng arko. Ang akala ko na kompleto na 'yong koleksyon ni Aling Maria, maling-mali pala ako.

Umakyat pa kami ng ilang baitang sa marmol na hagdan bago marating ang matangkad na pinto na gawa sa salamin. Ang gara na kusa rin itong nagbukas nang tumigil kami sa harap nito.

"Maligayang pagdating mahal naming panauhin," bati ng isang batang lalaki na nakatayo sa may pintuan. Ang ganda ng ngiti niya bago yumuko nang bahagya.

"Ginoo, nais n'yo ba sa hardin?" sabi niya ulit matapos ilagay sa likuran ang isa niyang kamay. Nakakasilaw din ang pagkaputi ng damit niya. "Ang mga ibon at nagsisibulang bulaklak ay magsisiawitan sa kagandahang taglay ng binibining nasa inyong bisig, ginoo."

Naibaba ko ang ulo dahil hindi ko na alam kung ano na ang hitsura ko. Pati puso ko ay namumukadkad sa batang 'to. Ki bata-bata ang galing magsalita. Base sa hitsura niya ay mukhang sampu hanggang labingdalawang taong gulang lang siya, pero tinalo niya pa si Tatay sa lalim ng mga salitang ginamit.

"May mga kasama kami," sagot ni Frankie na nagtitingin-tingin sa paligid.

"Kayo po ba ang kasama ni Señorito Harold?"

"Nasa'n sila?" tanong ni Frankie.

"Sumunod po kayo, ginoo." Yumuko ulit ang batang lalaki bago nagpatiuna sa 'min.

Lumangitngit ang goma kong tsinelas sa marmol na sahig. Dumaan kami sa gitna ng napakalawak na bulwagan. Ang daming puting lamesa na halos okupado ng mga bisita.

Nahiya ang suot kong bestida, ano ba kasi 'tong nagmukha kaming uhugin na naligaw sa isang palasyo. Napakagara ng suot nila. Matingkad na seda na may laso pa sa laylayan ang karamihan na suot ng mga babae. Dagdagan pa ng palamuti nila sa buhok na kadalasan ay perlas at makinang na hiyas. Ang sa mga lalaki naman ay tuwid na tuwid na barong.

Patuloy kaming naglakad habang napako na ang mata ko sa hanay ng mga aranya. Parang diamante ang mga ilaw nito na nang-aakit na at ayaw nang kumalawa ang tingin ko.

Napansin ko na lang na dumaan na kami sa gilid at namataan ko na ang tatlo. Si Barbara ay nakaupo at kumakain na sa kanan ng kabisera. Hindi ko alam kung anong problema no'ng dalawa dahil nakatayo pa rin sila.

"Señorito," sabi no'ng batang lalaki bago yumuko nang bahagya sa harap ni Harold.

"Salamat, Damian." Kinumpas ni Harold ang kamay niya at umalis din 'yong bata.

"Bakit hindi pa kayo naupo?" tanong ni Frankie.

"Ewan ko sa mga 'yan," sagot ni Barbara na hindi man lang tumingin sa 'min. Lobong-lobo ang bibig, parang hindi kumain ng ilang araw ah.

Hinatid ako ni Frankie sa kaliwa ng kabisera at kusa na rin akong umupo rito. Nagulat lang ako kay Jack sa pagmamadali niya na umupo sa tabi ko. Wala ring pasintabi na kinuha ang platera ng litsong manok at nilagay ito sa harap niya, tapos kumain na katulad ni Barbara. Bakit mukhang patay-gutom ang mga 'to?

Tahimik na umupo sa Frankie sa kabisera. Si Harold naman ay naupo na rin sa bakanteng upuan sa tabi ni Barbara.

Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang kilos ng dalawa, para talaga silang nagutuman. Hindi kaya pati si Frankie?

At tama nga ang hinala ko, halatang tinatago niya pero hindi maipagkakaila ang panginginig ng kamay niya. Napasinghap ako sa mukha niya na parang namumutla.

Mabilis kong kinuha ang bandehado ng kanin at nilagyan ang plato niya. Kumuha rin ako ng hita ng manok sa plato ni Jack, bakit ba kasi kinuha niya lahat? Loko na tinapik pa ang kamay ko, sinamaan ko siya nang tingin. Inunahan ko na rin si Barbara sa pansit na nasa harap namin, nilagay ko lahat sa plato ni Frankie.

"Alam mo bang kailangan namin ng maraming pagkain sa tuwing nagpapagaling?" sabi bigla ni Harold. Nilalaro niya ng tinidor ang kapirasong patatas na natira sa adobong inubos ni Jack.

"H'wag kang mag-alala, ang lugar na 'to ay pagmamay-ari ng aking ina. Susundin nila ang lahat ng iuutos ko," sabi ni Harold, nabasa niya siguro sa mukha ko ang pag-aalala na mukhang kulang 'tong pagkain na nasa lamesa namin.

Walang imikan ang tatlo habang kumakain, kahit gutom na rin ako ay hinayaan ko na lang sila. Mukhang may darating pa naman mamaya, hintayin ko na lang.

"Alam mo ba, Issa, lahat ng nandito ay mga karet?" panimula na naman ni Harold. Lumihis ang tingin niya sa likod namin bago nagsalita ulit. "Ang batang paslit ay panlabas lamang na kaanyuan ng isang mandirigmang nabuhay para sa walang hanggang digmaan."

Nilingon ko ang lamesa sa likod kung saan siya nakatingin. Nahanap ko ang batang paslit na sinasabi ni Harold. Halos hindi pa nito naaabot ang hapagkainan sa sobrang liit nito, winawasiwas ang eroplanong laruan habang sinusubuan ng pagkain ng kanyang ina.

"'Di ba si Lydia ang gumigising sa kanila? Bakit hindi niya gawin ngayon?" Binalik ko ang tingin kay Harold.

"Issa," Tumawa nang mahina si Harold, tumaas ang isa kong kilay dahil wala namang nakakatawa.

"May naging masaya na sa kani-kanilang hiram na buhay, may iba na masyado nang komportable. Alam mo ba kung ano ang ginagawa ng mga taong ginagawa ang mga bagay na labag sa kanilang kalooban?"

Napasandal ako sa upuan, parang hindi ko gusto ang pinatutunguhan ng usapang 'to.

"Nagrerebelde..." pagpatuloy ni Harold. Nakangisi siya na parang tinutusok ang balat ko sa matalim niyang tingin. "Hindi natin alam kung sino-sino ang mananatiling tapat sa 'yo, at kay Lydia. Hindi natin alam na 'yong iba ay pinipilit ang ma..."

Hindi na natapos ni Harold ang sinasabi sa malakas na pagpalo ni Frankie sa lamesa. Napapikit ako sa mga kumalansing na kubiertos sa hapagkainan. Parang gusto ko na lang umuwi, nakakatakot si Frankie.

Dumaan ang nakakarinding katahimikan, naglaho ang kwentuhan at tawanan sa paligid. Nakakailang na parang lahat ng mata ay nakamasid at nanghuhusga sa 'min.

"Harold," Umigting ako sa pagsalita ni Frankie. Parang kasalanan ko kahit hindi naman ako ang tinawag.

Pigil-hininga akong dumilat, dahan-dahang bumugad sa harap ko ang mga nakataob na mangkok at mga nakahandusay na pagkain sa puting mantel. Kahit ayoko ay napatingin ako kay Frankie, mahinahon pa rin ang hitsura niya habang patuloy na kumakain sa bitak niyang plato.

"Ano ang sitwasyon ng pangatlong lagusan?"

Malakas na pinitik ni Harold ang daliri niya bago nagsalita. "Mga dalawa o tatlong araw pa bago matanggal ng mga bantay ang harang. Sapat ang..."

Natigil siya nang may lumapit na batang lalaki sa lamesa namin. Katulad no'ng bumati sa 'min kanina na puti rin ang suot, kasing-edad din kaso mukhang masungit.

"Señorito..." sabi no'ng batang lalaki na nakasimangot. Ang sama ng hitsura habang pinasadahan kami isa-isa nang tingin.

"Pakipalitan," maiksing utos ni Harold.

Nakasimangot pa rin 'to habang binabalot niya ang lahat ng laman sa lamesa gamit mismo ang mantel na nakatakip dito. Tinali niya ito sa gitna na parang supot tsaka sinukbit sa balikat.

Hindi pa siya nakaalis ay may dumating namang tatlo pa. 'Yong isa may hawak na nakatuping mantel, ang kasunod ay may hawak na mga nakasalansang plato, mabuti itong isa ay nakangiti habang hawak ang isang platera na may takip.

Parang sanay na sanay talaga sila sa ginagawa nila, tinapon lang ng bata sa ire ang mantel, kusa itong nabuklat at bumagsak sakto na lumatag sa lamesa. Pati 'yong may dalang plato, pinaghahagis niya lang ang mga 'to at saktong tumigil sa harapan namin.

May tatlo pa ulit na dumating, may kanya-kanya silang bitbit na platera. Maingat nila itong nilatag sa hapag bago yumuko at umalis din. Ang dalawa naming kasama na halatang gutom pa rin ay walang sabi-sabing binuksan ang mga nasa harap nila.

"Jack, pahingi ako," Pasimple kong siniko ang katabi. Kinuha niya kasi ang tatlong dinaing na bagus sa platera. Gusto ko lang naman sanang makakain ulit ng laging niluluto ni Nanay. Kahit papano ay matikman ko ang tunay na lasa nito na hindi sunog.

Sinamaan niya muna ako nang tingin, hinati niya pa talaga 'yong isa at 'yon ang nilagay sa plato ko. Damot!

Susubo na lang ako nang tumikhim si Harold. Sana umayos naman siya, akala ko nga kasi na naging malapit 'to kay Barbara, bakit parang kontra-bulate naman siya?

"Sapat ang panandaliang proteksyon sa tinutuluyan natin ngayon. Mas maiging pansamantala tayong manatili habang binubuksan pa ang lagusan," pagpatuloy niya sa naudlot na talumpati kanina.

"Marami ang madadamay, walang kubo na malapit sa lagusan?" tanong ni Frankie na naglagay ng ilang pirasong lumpia sa plato ko.

Ang totoong gusto ko ring tusukin ang mata ni Harold. Ano kaya ang problema nito? Ang talim lagi nang tingin, kung hindi sa 'kin, kay Jack naman. Hindi siya diretsong tumitingin kay Frankie, at parang pinagtutulakan niya si Barbara. Maayos naman siya kagabi ah. Ano kaya kung tinotopak na naman 'to?

"Sa tingin ko ay sapat ang karet na nilagay ko para pigilan ang daloy ng alaala ni Issa," sabi niya at nanalumbaba pa sa lamesa. "Bagay din sa kanya."

"Maganda rin sa 'kin?" Bumaling si Barbara sa katabi niya. Sumandal din siya na parang pusang naglalambing.

"Oo naman, bagay na bagay sa 'yo, Barbs." Gusto ko na talagang hilamusan ng pansit palabok ang pekeng ngiti ni Harold kay Barbara. Minsan talaga makakatikim 'to sa 'kin.

Susubo na sana ulit ako nang biglang tumayo si Barbara. Galit siyang nagtungo sa pwesto ko, tsaka ko lang napansin ang batang paslit na nasa tabi rin ng upuan ko. Nakatingala ito sa 'kin at aktong hahawakan ang braso ko.

"Ate, ganda," sabi ng bata habang hawak na ni Barbara ang palapulsuhan nito. Tumayo rin si Frankie at nagtungo sa tabi ko.

"Ano ba kayo, bata lang 'yan."

"Ate, ganda mo po."

Tumayo rin ako at sinubukang alisin ang pagkahawak ni Barbara sa bata. Pero humarang si Frankie at tinabig ako sa likod niya. Si Jack ay tumayo rin.

"Nasa'n ang mga magulang mo?" tanong ni Barbara, mas hinigpitan niya pa ang pagkahawak sa bata.

"Ganda ka po," sabi na naman no'ng bata.

Halos ipagtulakan na ni Barbara ang bata. Naawa ako na para itong inaalipusta habang napapahawak sa mabigat na kamay ni Barbara.

"Bebe!"

Nabaling ang atensyon namin sa isang ginang na humahangos papalapit. Hawak-hawak niya pataas ang saya niyang sumasayad na sa sahig.

"Pagpasensiyahan n'yo na, ginugulo ba kayo ng anak ko?" Kinuha ng ginang ang bata kay Barbara.

"Naku, hindi naman po," sabi ko sa kanya. Nakaharang pa rin ang braso ni Frankie sa harap ko.

"'Di ba sabi ni Mama na h'wag kang umalis sa upuan?" Kinarga niya ang bata na hindi pa rin maalis ang tingin nito sa 'kin.

"Gan-da ni-ya po."

Kumunot ang noo ko. Maayos naman nagsalita ang bata kanina, bakit naging pautal-utal at parang walang buhay.

"Pasensiya na kayo, hijo, hija, may pagkapilyo kasi itong bebe ko." Ngumiti nang pino ang ginang habang hinahaplos-haplos ang likod ng anak niya.

Naasiwa rin siguro ang ginang dahil seryoso pa rin ang hitsura ng mga kasama ko, si Harold lang talaga ang parang wala lang at nakapanalumbaba pa.

"Pa'no, pasensiya na ulit ha, hijo, hija." Yumuko at tumalikod na rin siya papunta sa lamesa nila.

"Gan-da ka po," inulit na naman no'ng bata na nakadungaw sa balikat ng nanay niya.


********************

H'wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro