24 » gagong umaga
"Mabubusog tayo n'yan?"
Naalimpungatan ako sa lakas ng boses ni Jack. Binaling ko ang ulo, nakatulog din pala ako kahit papano.
"Jack, tara, balik tayo." Yumanig nang bahagya ang sahig na kinahihigaan ko sa lakas din ng boses ni Harold. Teka, si Jack ang narinig ko kanina. Si Jack ang kausap niya?
Binalibag ko ang manipis na kumot na binalot ko sa sarili. Mabilis din akong umupo at inikot ang katawan para tingnan ang kama. Naging isang magandang tanawin ang maayos nang higaan, wala na do'n si Barbara!
Mabilis akong tumayo at iniwan ang kumot sa sahig. Halos liparin ko na ang limang baitang ng hagdan. Ayaw bumaba ang nakakurba kong labi nang naabutan ko ang apat na nakakumpol sa maliit na espasyo ng unang palapag. Konti na lang at malapit nang sumagi ang ulo nila sa kisame.
"Uy, magaling na kayo!" Medyo humapdi ang sugat ko sa labi nang nabanat ito sa pagsigaw ko. Inipit ko na lang sa loob ng bibig dahil dumugo ulit.
"Anong problema n'yo?" Lumukot din ang mukha ko sa sabay-sabay na paglukot ng mukha nila, mabuti't hindi naman kay Frankie─pero kahit na. Bigla kong tinakip ang isang kamay sa bibig, baka kasi nagsasalita ako na parang bampira─may dugo-dugo pa sa labi. Kung tutuusin, gano'n din pala ako kagabi. Hay.
"Ang baho mo, Issa. Maligo ka nga!" bungad sa 'kin ni Barbara, inipit niya rin ang ilong niya.
Biglang bumaba ang mata ko sa suot kong damit. Ang kalagayan kong parang lumangoy sa krudo at pinabayaang natuyo ang krudo, nagkabitak-bitak na. Akala ko kung sino ang amoy imburnal, ako pala.
"E 'di ikaw na nga ang tapos maligo!" sigaw ko pabalik. Ang totoong gusto ko na lang magpalamon sa kinatatayuan ko sa sinabi niya. Lantaran talaga e. "Sa'n ba ang banyo?"
"Samahan kita," sabi ba naman ni Harold. Kasabay ng pagsama ng timpla sa mukha ni Frankie, at ni Barbara ang paglahad ni Harold sa kamay niya.
Natuod ako nang tapikin 'yon ni Barbara, sabay ang peke nitong ngiti na tinutulak si Harold papuntang pinto. "'Di ba bibili pa kayo ng pagkain? 'Di ba, Jack?"
Ngayon hindi ko na maintindihan kung bakit matalas ang tingin ni Jack kay Harold. Tinulak niya rin 'to palayo na parang may nakakahawang sakit. Hawak ng isang kamay niya ang kaluban na nakasabit sa gilid ng baywang ay marahas na pinihit ng kabila niyang kamay ang hawakan ng pinto. "Hindi na! Kaya ko na!"
Umigting ako sa pabagsak na pagsara nito ni Jack. Hindi naman nagpaawat 'tong si Harold at sumunod talaga. Umigting ulit ako sa pabagsak din niya na pagsara sa pinto. Sumunod din si Barbara.
Napakamot ako sa ulo, anong mayro'n?
"Issa, d'yan ka maligo." Tinuro ni Frankie ang puting pinto na kaharap mismo sa hagdanan. Hindi ko na tinanong kung may ginamit silang tuwalya, mukhang wala e.
"Salamat." Nakatakip pa rin ang kamay ko sa bibig, pero nginitian ko siya. Sapat na ang matipid niyang pagtango bago ako umakyat pabalik ng kwarto.
Naabutan kong nakatiwangwang ang bag sa sahig nang nakabalik na 'ko sa silid. Hindi man lang sinara ng bruhang 'yon matapos kunin ang damit niya. Pasalamat nga siya at ang galing talaga nitong bag na bigay ni Tatay, hindi man lang dumikit ang mabahong amoy dito.
Magaan ang loob ko nang wala akong naabutang tao pagkababa. Walang maingay. Hindi na rin ako nagtataka, ang init kasi. Baka nga pugon 'to dati na binago para magmukhang bahay.
Nakangiti akong pumasok sa banyo. Sinabit ko muna ang bag sa pako na naka-usli sa dingding.
Natuwa naman ako sa puting tuwalya na nakasabit sa katabing pako. Mukhang hindi 'to nagamit dahil tuyong-tuyo pa. May kulay pula rin na sabon na nakapatong sa lagayan, mukhang hindi rin 'toginamit dahil tuyo at bagong-bago pa. Puno rin ang tubig sa balde, may kumikinang pang pulang tabo. Si Barbara siguro ang nag-iwan ng mga 'to. Kahit masungit 'yon, mapagmalasakit din naman kahit papano.
Hindi na ako naghubad at diretso na akong nagbuhos ng tubig. Sumingaw lahat ng alinsangan na naramdaman ko sa katawan nang dumampi na ang malamig na tubig sa balat ko. Ang mga itim na mantsa ay lumambot at natangay ng tubig kasama ang mga gumugulo sa nilulumot kong utak.
Mga lumot na tinatakpan ang tunay na ako, lumot na hindi ko na gusto ang sarili, hindi na ang dating masayahing ako. Lumot na sa ilang araw kong pananahimik at pag-iwas sa mga taong importante sa 'kin, pare-pareho kaming nasasaktan. Pare-pareho kaming nahihirapan. Salamat kay Harold, kagabi ko lang naisip na pwede naman ang bahala na. Kung anuman, bahala na.
Nangamoy rosas ang loob nang hinagod ko na sa braso ang makapal na sabon. Masyadong mabula na lumulutang na sa ire ang iba. Parang bumalik ako sa pagkabata na tuwang-tuwa habang napapalibutan ng makukulay na bula.
Madalas kaming naglalaro nito ni Kuya, napupuno namin ang buong sala. Hinahabol pa namin pag masyado nang marami. Na nauwi lang sa pareho kaming may palo sa pwet. Galit na galit si Nanay, dinumihan at binasa lang daw namin ang sahig. Hay. Kumusta na kaya si Nanay? Kumusta na kaya si Kuya, tsaka si Tatay. Sana maayos ang kalagayan nila ngayon.
Muntik ko nang mabitawan ang sabon nang may narinig na naman akong maingay sa labas. Hindi ko alam kung umalis nga ba si Jack o masyado lang akong naaliw sa mga bula. Naririnig ko na naman kasi ang boses niya.
Mabilis na lang akong nagbanlaw, hinubad at kinusutan ang basang damit. Sinabit ko na rin ito sa pwesto ng tuwalya. Mamaya ko na lang isampay nang maayos. Mukhang kailangan ko nang labasin ang mga maiingay e.
Pagkabihis ay diretso na rin akong lumabas ng bahay. Hindi naman uso ang magsuklay dahil walang suklay sa 'min, binalot ko na lang ang buhok ko ng tuwalya.
"Jack, tulungan mo 'ko," ang bumugad sa 'kin na sabi ni Harold. Nakatayo siya sa nakabukas na tarangkahan na ilang hakbang sa pintuan. May nirorolyo rin siyang itim na sinulid sa kung ano man ang hawak niya.
"Bakit ako? D'yan ka magpatulong oh!" Nginuso ni Jack ang katabi niya.
"Ako na lang."
"Kaya ko na, Barbs," sabi ni Harold na hindi man lang tumingin kay Barbara. Itong isa naman na ayaw paawat, yumakap sa balikat ni Harold.
"Tulungan na kita, sige na..."
"Mabigat ka, Barbs."
Kaya pala maingay e. Mas malakas pa sa halakhakan sa katabing bahay, pati sa nagkonsiyerto sa banyo.
Kung tutuusin, buhay na buhay ang paligid. Maganda ang sikat ng araw, naghalo ang iba't ibang amoy ng ulam sa hangin. Hindi katulad no'ng dumaan kami kaninang madaling araw, parang patay ang lugar. Ibang-iba talaga.
Hindi ko na sila pinansin, kaya na nila 'yan. Naglakad ako papalapit sa kinaroroonan ni Frankie. Nakasandal siya sa makalawang na bakal ng bakod, malayo ang tingin. Pero mahinahon ang hitsura niya ngayon, hindi katulad dati na blangko at parang laging may problema. Kung tutuusin, may ngiti sa mata niya habang hinahawi ng hangin ang tikwas-tikwas niyang buhok.
"Anong tinitingnan mo?" Nagulantang siya sa pagsalita ko. Sinundan ko rin kung saan siya nakatingin kanina.
Nahanap ng mata ko ang dalawang ibon na nakadapo sa kable ng kuryente. Magkatabi ang mga 'to na parang hindi naman nagpapansinan. Matagal ko itong pinagmasdan. Nakakatuwa lang ang pananatili ng dalawa sa pwesto kahit ilang beses nang inuga ng malakas na hangin ang kinauupuan nila.
"Nakakatuwa..." sabi ko matapos ilipat ang tingin sa kanya.
"Masakit pa ba?" Hindi na 'ko nakagalaw nang dumapo ang daliri ni Frankie sa gilid ng labi ko. Namanhid ang nanghahapdi kong sugat. Wala akong ibang maramdaman kundi ang dulo ng daliri niya na nakadampi rito.
"K-konti na lang." May sariling isip ang kamay ko na napahawak at naibaba ang malaki niyang kamay. Halos lumipad na ang pobre kong kaluluwa nang kumapit pa siya sa ilang daliri. Ano na naman at ayaw na naman niyang bitawan?
"Nakangiti ka d'yan." Sapilitan kong nahablot ang kamay ko sa pagsalita ni Jack. Nakangisi pa siya sa tabi ko. Ang kamay kong may sarili pa ring isip, napalo ko ang mokong sa balikat.
Ang loko na pinalo din si Frankie. "'Tol, pinalo ako ni Issa. Alam kong para sa 'yo talaga 'yan."
"Nakakainis ka na, Jack!" Hinablot ko siya sa buhok at inalog-alog ang ulo. Pang-asar ang lakas pa ng tawa.
"Aray, aray! Biro lang!"
"Pag nag-anyong tipaklong ka talaga, titirisin talaga kita!"
Lalo pang lumakas ang tawa ng mokong, nakakagigil.
"Ayos, tapos ko na." Natigil ako sa pagsalita ni Harold. Lumapit din siya sa 'min at tinanggal ang tuwalya na binalot ko sa ulo.
"H'wag ka munang gumalaw," sabi niya.
Tumingin ako kay Frankie habang sinusuklay ng daliri at hinahawi ni Harold ang buhok ko. May naramdaman akong singaw sa kamay niya. Pero hindi ako mapakali sa mata ni Frankie na nakamasid sa bawat galaw ni Harold. Dagdagan pa ang pag-ali-aligid ni Barbara. Kasintalas na ng mata niya ang gulok ni Jack. Para na akong binabalatan nang buhay.
"'Yan, tapos na," sabi ni Harold na parang may diniin sa ulo ko. "Binalot ko ng karet para wala ka munang makita."
"Hay salamat, pwede na tayong kumain. 'Yong iba kasi d'yan, sabing bumili ng pagkain," sabi ni Jack na tinaasan ng kilay si Barbara. Nakakatuwa talaga 'to, mas mataray pa sa kilay ko pag kumurba na paakyat.
"Gamit na nga ni Issa, aangal ka pa? Ha?"
Kinapa ko ang mabigat na bagay sa gilid ng ulo ko. Parang hugis ng maliit na bulaklak na kasintigas ng metal. Ang tangkay ay parang nabalot ng manipis na sinulid at nakapulupot sa mga hibla ng buhok ko. Ito na 'yong pinag-awayan nila kanina, pang-ipit?
Tiningnan ko rin ang buhok ni Barbara, siguro hindi ko nakita kanina dahil nasa kabilang gilid ng ulo niya, pero may suot din pala siya. Mas malaki ang kulay pulang rosas na palamuti ng pang-ipit. Metal na katulad din siguro ng sa 'kin, pero hindi nabalot ng sinulid. Kung tutuusin ay bumagay sa itim na buhok na napili niya ngayon.
"Barbara, ang ganda pala niyan," sabi ko na natigil si Barbara sa diskusyon niya kay Jack.
"Talaga?" Lumiwanag ang mukha ni Barbara habang kinapa rin ito. Nagningning ang mala-pusa niyang mata, ngumiti ang pula at maninipis niyang labi. Maganda naman talaga si Barbara, minsan lang talaga ay nasasapawan sa kasungitan niya.
Magsasalita pa sana ako nang dinampot ni Frankie ang kamay ko. Ang hahaba ng hakbang na hila-hila ako palayo. "T-teka..."
"Tara na," sabi ni Harold na may kalayuan na. Ewan ko, parang tinapon niya yata 'yong tuwalya na hawak niya kanina. "Jack, tara na."
"Psst, hunyango, bilisan mo na!"
Hindi ko na makita ang tatlo dahil lumiko kami sa isang kanto. Lakad-takbo ang ginawa ko dahil ang isang hakbang ni Frankie ay dalawa't kalahati sa 'kin.
"Frankie, galit ka ba?"
Hindi siya umimik, basta lang siya nagpatuloy sa paglalakad.
"Teka, sa'n tayo pupunta?"
Hindi siya tumigil at hindi rin lumingon na halos natatapilok na 'ko sa bangketang nilalakaran namin. Nahalughog ko tuloy ang utak kung ano ang nagawa ko para maging ganyan siya.
"Frankie..." Inalog-alog ko ang kamay niya, hindi ako sanay na malamig siya sa 'kin. "Sa'n ba tayo pupunta?"
"Kakain."
********************
H'wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro