23 » que sera sera
"Ikinagagalak kong makita kang muli."
Binawi ko agad ang kamay ko kay Harold. Nakakailang ang kakaiba niyang ngiti, kahit ang mata niya na kaninang maamo ay hindi ko na gusto. Mapaglaro ang pagtawa niya na lalo pang nadagdagan ang pagkaasiwa ko habang katabi siya sa maiksing upuan.
"Alam mo bang simula no'ng nagkaro'n ako ng anyo ay may masakit dito?" Mahigpit niyang hawak ang dibdib.
"Kahit anong gawin ko ay ayaw mawala. Habang tumatagal, lalong sumasakit. Naintindihan mo ba?"
Umiling-iling ako at naidikit ko na ang sarili sa kahoy na harang.
"Hindi ko maintindihan kung bakit masakit. Ginawa ko na ang lahat, ngunit ayaw matanggal. Naintindihan mo ba?"
Masyado na siyang malapit at kusang dumapo ang dalawa kong kamay sa balikat niya at natulak siya nang malakas. Nagulat din siguro siya dahil nanlaki ang mga mata niya. Pareho kaming hindi nakagalaw ng ilang segundo.
"Naintindihan ko na...naintindihan ko na!" Napaigting ako sa kinauupuan sa pagsigaw ni Harold. Umupo siya nang maayos pagkatapos at tumingala sa kawalan.
"Naintindihan ko na..." Ngumiti siya ulit, maamo, katulad no'ng una kong nasilayan sa kanya, walang halong malisya. Tumango-tango rin siya na parang kausap na naman ang langit.
Inayos ko rin ang pag-upo, pero pinanatili ang agwat sa pagitan namin sa abot ng aking makakaya. Hindi ko alam kung ano ang naintindihan niya, pero hindi ko naintindihan kung ano ang nangyari sa kanya. Kanina ang bait, tapos naging parang may-sapi, tapos naging mabait na naman. Normal ba 'to sa mga karet, bigla-bigla na lang tinotopak. Parang si Frankie lang yata ang hindi ganito.
"Alam mo ba ang unang librong nabasa ko? Isang kwento ng isang batang lalaki na galit na galit sa hangin. Nagalit siya dahil hinipan daw ng Haring Hangin ang mga butil niya ng bigas..."
Parang katulad kanina na laging sinisimulan ni Harold ang sinasabi ng alam mo ba. Hinayaan ko siyang magkwento at sa katagalan ay mukhang maayos naman siyang kausap.
Unti-unti ring nawala ang pagkaasiwa ko nang nagkwento na siya tungkol kay Barbara. Kinuwento niya kung pa'no sila nagkakilala at kung saan sila nagkikita tuwing pumupunta sila sa silid-aklatan. Mahilig din daw sa libro si Barbara. Nakakaduda, baka nga naghilig-hiligan lang si Barbara sa libro dahil sa kanya.
Kinuwento niya rin ang mga ginawang pagtakas ni Barbara na sa isang banda ay naikuwento rin ni Barbara sa 'kin. Pilya rin talaga 'tong kaibigan ko.
Nag-ambag din ako ng kwento sa kanya. Patungkol sa trabaho namin, sa mga handang pagkain ni Aling Maria. Tuwang-tuwa siya sa parauban. Masaya din naman palang kausap, h'wag lang talagang tinotopak.
Mahaba pa ang gabi nang narating namin ni Harold ang sinasabi niyang Ikalawang Bayan. Medyo nagdududa rin ako kung bayan nga ba ito o sementeryo.
Bukod kasi sa ilaw ng poste na nakatayo sa bawat kanto, itong dalawang lampara lang na tinali niya sa magkabilaang gilid ng kariton ang nagbibigay ng liwanag sa dinadaanan namin.
Sementado at magagara ang mga magkakatabing bahay. Matatangkad at gawa sa salamin ang mga bintana, naaninag ang looban ng bahay pag natatamaan ng ilaw namin.
Karamihan sa mga bakod ay may disenyo, magara na may mga estatwa pa ng batang anghel ang iba. Pero ni isa sa mga bahay ay walang nakabukas na ilaw. Walang init, walang kabuhay-buhay, parang walang nakatira.
Atungal ng kalabaw at tunog ng gulong ng kariton sa sementadong kalsada ang umaalingawngaw sa paligid. Ni huni ng kuliglig na inaasahan ko dahil malayo pa naman ang umaga ay wala talaga. Bayan ba talaga 'to? Ang lungkot.
Huminto kami sa likod ng isang maliit na bahay na dalawa ang palapag. Katulad ng nasa paligid, wala rin itong nakasinding ilaw sa loob. Mukhang hindi rin ito naalagaan, matatangkad ang mga ligaw na damo na umuukupa sa maliit na bakuran nito.
Mabilis na bumaba si Harold sa sasakyan at tinungo ang maliit na pinto ng bahay. Sinusian niya ito at sinipa-sipa hanggang sa nagbukas. Binuksan niya rin ang ilaw at mabilis din siyang bumalik diretso sa likod ng kariton.
"Issa, tulungan mo 'ko kay Frankie."
Mabilis akong bumaba ang nagtungo sa kanya. Medyo nalito ako kung anong klaseng tulong ang gagawin ko.
Pakamot-kamot ako sa ulo habang tinitingnan si Harold na hirap na hirap sa pag-akay kay Frankie. Pa'no ba ang gagawin ko't hindi nga abot ng ulo ko ang balikat nitong isa.
"Ako na lang," sabi niya nang sa wakas ay naibaba niya si Frankie sa kariton. Nanatili na lang ako sa gilid ng sasakyan habang nililipat ni Harold si Frankie sa bahay.
Binuhat niya lang si Barbara pagbalik niya. Wala ba talagang pakialam 'tong mga 'to kung may suot o wala? Parang wala lang kasi sa kanya habang karga niya si Barbara.
Medyo nagdududa lang ako nang ililipat na niya si Jack. Ilang beses niyang kinamot ang ulo. Inutusan din akong balutin nang husto si Jack.
Kaya nirolyo ko na lang si Jack sa itim na kumot na hindi kasama ang balikat para maakay niya. Sinubukan ko ring bitbitin ang batuta na nakalapag sa sahig ng kariton─mabigat pala. Hindi ko man lang nagalaw, parang mas mabigat pa pag pinagsama-sama ang timbang nilang apat.
"Ako na n'yan." Tinawanan pa ako bago siya humakbang nang paisa-isa habang akay-akay si Jack.
Nagpaiwan na lang ulit ako para bantayan ang mga gamit. Tsaka sayang 'tong kalabaw, baka nakawin.
Sumama na rin ako nang bumalik si Harold at binitbit ang natirang gamit. Kahit siya ay bigat na bigat habang hinihila ang batutang armas ni Frankie. Siguro dahil hindi naman talaga 'to sa kanya.
"Nasa taas si Barbara, magpahinga ka na," sabi niya nang nakapasok na kami.
Nakahinga ako nang maluwag nang makitang malinis naman ang loob. 'Yon nga lang ay wala talagang kagamit-gamit. Si Jack, at si Frankie ay magkatabing nakahilata sa makinis na semento. Nilapag naman ni Harold ang bitbit niya malapit sa dalawa.
"Ito pala ang damit ni Jack, pakibigay naman paggising niya." Inaabot ko sa kanya ang nakatuping damit na kinuha ko sa bag.
"Lagay mo lang d'yan." Tinuro ng mata niya ang pwesto ng dalawa habang nirorolyo ang itim na lubid paikot sa kamay at siko.
"Mauna na 'ko sa taas ha," sabi ko matapos nilapag ang damit sa ulunan ni Jack. Matipid na ngiti at pagtango lang ang ginawa niya bilang sagot.
Walang sabi-sabing inaakyat ko ang makipot na hagdan na nakadikit sa dingding. Mga ilang hakbang lang at narating ko agad ang maliit na pinto ng pangalawang palapag.
Dahan-dahan akong pumasok sa silid. Namataan kong nakahiga si Barbara sa isang maliit na kama. Maliit dahil siya lang ang nagkasya. Mabuti't kinumutan naman siya ni Harold. Pumapasok kasi ang malamigna hangin sa bintanang basag-basag ang salamin. Sana gumaling na siya,hindi ako sanay na hirap na hirap ang hitsura niya.
Nilapag ko ang sukbit kong bag sa isang tabi at kinuha ang isang puting kumot na nakatupi sa paanan ni Barbara. Sinapin ko na lang 'to sa kahoy na sahig at sinubukan ko na lang maging komportable rito.
Kahit sa nanlilimahid kong katawan ay hiniga ko na lang. Sa dami ng nangyari sa 'min, pati ang utak ko hapong-hapo na rin. Pero hindi ako makatulog. Ayoko ring matulog. Baka kasi kung ano na naman ang makita ko, hindi pa magaling ang tatlo.
Hindi ko alam kung pa'no ang h'wag mag-isip, baka kung saan na naman mapunta. Hindi ko kayang kontrolin kung kailan lumalabas ang kakaiba kong nakikita at naririnig.
Pero hindi ko rin talaga maiwasang mag-isip. Bakit kasi gano'n? Wala ba talaga akong sariling kuya? Ano pala si Kuya Lab, bakit alagang aso ko lang siya sa nakita ko?
Tsaka, magkapatid si Frankie at si Barbara? Nakiki-kuya ako kay Frankie? Totoo kaya 'yon? Gano'n lang ba ang tingin ko sa kanya, hindi ba nagbago?
Akala ko ba que sera sera? Pero ang Frankie na tulog sa baba ay hindi ang totoong Frankie. Hiram niya lang ang mga alaala. Baka nga katulad ni Harold na galing na sa sarili niya ang pinapakita niya. Hindi na base sa natanggap niyang alaala. Ano bang gagawin ko, baka iba ang tingin ko sa totoong Frankie.
Hinablot ko ang kumot at binalot nang husto ang sarili.
Akala ko ba que sera sera? Pero naguguluhan na naman ako. Ayokong iwanan ang karet na Frankie. Ayokong bawiin sa kanya ang mga alaala na nabuo namin.
Akala ko ba que sera sera na tayo, Issa?
********************
H'wag kalimutang magkomento at pindutin ang bituing walang ningning.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro