22 » ang karet at ang issa
"Bakit hinahabol pa rin tayo?" Narinig kong natatarantang tanong ni Barbara. Tumalbog at bukod sa ulo ko na parang nakahiga sa isang unan, bumagsak ang katawan ko sa matigas na lapag.
"May nakikita pa rin si Issa!" sigaw ng isang lalaki na parang nasa ulunan ko lang.
Hindi na gumana ang pagkagat ko sa labi. Kahit masakit na masakit na at nanghahapdi sa bawat pagtama ng hangin ay puting kwarto pa rin ang nakikita ko. Para akong nakatihaya at nakatitig sa puting kisame na masyadong maliwanag ang puting bombilya.
"Hindi kakayanin ng kubo!" paos na sigaw ni Barbara.
May dumapo sa pisngi ko, kasunod ang pagdilim ng paligid. Unti-unting bumugad sa harap ko ang nakapikit at hindi maipintang hitsura ni Frankie. Parang mga uod na mabilis gumapang ang mga matatabang kuryente sa mukha niya.
"B-arbara..." nauutal kong sabi. Hirap na hirap akong tanggalin ang kamay ni Frankie sa pisngi ko. Malakas pa rin ang pwersa niya kahit pinaparalisa na siya ng kuryente na pilit niyang inaagaw sa 'kin. Kahit ang kabila niyang kamay na mahigpit na nakahawak sa braso ko para mapanatili akong nakahiga sa balikat niya.
"Barbara...tulungan mo 'ko." Ginalaw-galaw ko ang katawan para makawala sa isa.
"Ibigay mo muna kay Frankie, masisira ang kubo." Lumingon sa 'kin ang hubo't hubad na si Barbara. Nakatayo siya sa paanan namin at nakahawak sa harang ng parang kariton na kinalalagyan namin. Nag-aagaw din sa harap niya ang hitsura ng puting kwarto at ang dambuhalang mata na nakadungaw sa 'min.
"Barbara...hindi kaya ni Frankie!"
May tunog ng parang natutumbang gusali kung saan. Kasunod ang pagtalbog ng sinasakyan namin, tumagilid sa kaliwang bahagi na nagsubsob sa 'min ni Frankie sa gilid.
Gumewang ang lamang-loob ko nang tumagilid nang husto ang kariton. Ilang segundo pa ay gumulong kami sa gitna ng sahig nang bumalik ang balanse ng muntikan nang tumaob na sasakyan.
"Harold, bilisan mo!" sigaw na naman ni Barbara. Ginalaw-galaw ko ang kamay dahil namamanhid na't pwersahan ang pagkahawak ni Frankie sa palapulsuhan ko. Dinikit niya ang braso ko sa taligiran, sigurista rin dahil hindi ko magawang bawiin sa kanya ang kuryenteng nag-aalburto sa katawan niya.
"Harold!" sigaw na naman ni Barbara kasabay ang pagtalbog at pagtagilid na naman ng kariton.
"Wala pa si Jack!" sigaw din no'ng lalaki.
"Tarantadong tipaklong, inutusan ko lang na balikan ang karet ni Frankie."
Walang ano-ano'y may kung anong mabigat na bumagsak sa gilid namin. Nawarak ang sahig at ang isang paa ko ay lumaylay na sa butas. Kahit gano'n pa man ay nabunutan ako ng tinik nang marinig ko ang maysa-demonyong pagtawa ni Jack.
"Gago ka, h'wag mong sirain ang kubo!"
"Barbara..." mapaglarong pagkasabi ni Jack. Humagikhik siya na parang sinapian ng sampung demonyo. Nakita kong napapaatras si Barbara at may parang tumatagaktak na likido sa paa ko.
Pero bilib din ako sa babaeng 'to dahil naibalik niya agad ang tindig niya. Nahila niya sa buhok si Jack nang nalingat ito sa bumulusok na halimaw.
"Gago, h'wag kang magwala dito!" Hila-hila niya pa rin ang may-saping naligo na sa dugo at tinulak ito sa 'min. Bumagsak si Jack sa gitna namin ni Frankie. Nangisay at hindi na niya maitayo ang sarili dahil sa mabilis na pagdaloy ng kuryente mula sa 'min ni Frankie papasok sa katawan niya.
Sumasakit na ang mata ko sa kanina pang pagkurap-kurap ng kapaligiran. Pabalik-balik ang puting pintura ng dingding at ang itim na kawalan na halos mabalot na ng pulang buhok ng mga gwalltor.
Gumapang ang sakit hanggang sa ulo at batok, dagdagan pa ng umaalingasaw na amoy imburnal na galing sa 'ming tatlo, gusto ko nang maduwal.
"Barbara..." Hindi ko alam kung narinig niya ang pagtawag ko. Nilalamon lang ng mga hiyaw ng halimaw at nagbabagsakang hindi ko alam, masyadong malakas para hindi ko mapansin. Inangat ko ang ulo para makalanghap ng hangin.
"Barbs, malayo pa tayo. Tulungan mo na sila," sabi no'ng lalaki na nasa ulunan namin.
"S-sige. Ikaw nang bahala?"
"Ako nang bahala."
Humiga si Barbara sa likod ko. Kung sanang ginalaw niya muna si Jack para maalis naman 'tong nakadagan sa 'kin. Pero hindi niya ginawa at sukang-suka na 'ko sa parang binibiyak kong ulo.
Naramdaman ko na lang ang paglapat ng kamay niya sa braso ko. Lalo pa tuloy bumaligtad ang sikmura ko. Parang umikot-ikot ang paligid, sabayan pa ng pagtalbog-talbog namin sa kariton. Ano bang klasing tulong 'to?
"Tulog na," sabi ni Barbara. Malambing at mahinang-mahina na halos naging kaboses na niya si Ginang Hunyango.
May kung anong salamangka ang pagkasabi niya, bahagyang nawala ang pagkahilo ko. Pero bumalik lang din nang tumalbog na naman kami.
Gusto ko ring itanong kung pa'no ako matutulog sa umiikot na paligid. Mabilis at nakakangilo ang lagitik ng kuryente na lumalatay sa aming apat na mukhang si Barbara ang may pinakamasama ang epekto. Napapasubsob siya sa likod ko, at kahit hilong-hilo na ako ay mas nangingibabaw ang sakit sa mahigpit na pagkapit niya sa braso ko.
Sa sobrang pangit ng pakiramdam ay unti-unti akong tinatakasan ng malay. Hanggang sa nawala na at napundi na ang ilaw.
"Issa..."
May tumatawag sa pangalan ko. Ang labo na parang nagsasalita sa ilalim ng tubig. Biglang luminaw. Paulit-ulit. Mahina, malakas.
"Issa..."
Naalimpungatan ako sa mahinang pagtapik sa balikat ko. Kinurap-kurap ko ang namimigat ko pang talukap habang inaaninag ang malabong pigura ng lalaki na nakaluhod sa isa niyang tuhod.
"Kumustang pakiramdam mo?"
Bumalikwas ako sa kinahihigaan at natagpuan ko na lang ang sarili na nalibing sa tatlong tore. Mabuti na lang at natakpan kami ng itim na kumot dahil itong dalawa ay naramdaman kong wala pa ring saplot.
"Pasensiya ka na, hindi ko muna kayo ginalaw... " sabi no'ng lalaki habang tinutulak ko ang walang malay na si Jack.
"Harold nga pala." Inabot niya sa 'kin ang kanan niyang kamay na nabalot ng itim na guwantes. Hinila niya rin ako para mapaupo.
"Nasa'n na tayo? Ang mga halimaw...nasaan!"
"Naligaw ko na, ligtas tayo sa ngayon."
Luminga-linga ako sa paligid, hindi na nga magulo. Wala akong nakikitang pulang hibla o dambuhalang mata, sa halip ay mga bituin. Hindi ko mapigilang ngumiti, nakatigil kami sa isang itim na lugar. Punong-puno ang itaas ng bituin na halos wala nang espasyo. Ang ibaba naman ay parang tubig na sinasalamin ang namumulaklak na ilaw sa taas.
"Dulo ng Pangalawang Lagusan, maganda ano?" sabi ni Harold.
Tumingala ako sa kanya. Lumubak ang biloy sa kanan niyang pisngi nang ngumiti siya. Tumango lang ako at binaling ang tingin sa tatlong tulog pa rin.
"Hayaan mo muna, nagpapagaling pa sila."
Gusto ko sanang isipin na magiging maayos din sila mamaya, pero hindi ko pa rin maiwasan ang mag-alala. Kahit na tulog ay nakakunot pa rin ang noo nila. Parang matindi ang iniinda nilang sakit at paminsan-minsang umuungol si Barbara.
"Halika, mas maganda ang tanawin dito sa harap," yaya ni Harold.
Tinitigan ko ang itim na guwantes na nakalahad na naman sa harap ko. Sumabay ang manipis at mahabang buhok ni Harold nang yumuko siya nang bahagya. Wala pa ako sa wisyo na tumingin-tingin ng magandang tanawin pero nakakadala ang mapangumbinsi niyang mata. Parang ang gaan lang sa kanya ang lahat. Parang wala lang 'yong kanina na nakipagpatintero kami kay Kamatayan.
Kinalas ko ang makapal na lubid na nakatali pa rin sa dibdib ko. Ngayon ko lang napansin na itim din pala ang kulay nito. Pagkatapos ay tuluyan kong tinulak si Jack at bumagsak sa harap ni Frankie. Inayos ko rin ang kumot para matakpan sila hanggang balikat bago ko tinanggap ang kamay ni Harold.
Nanliit na naman ako sa sarili nang makatayo na ako sa harap niya. Bakit ba kasi pinagkaitan ako ng katangkaran? Hindi ko rin maiwasan na ikompara ang balat ko sa kanya, bakit mas maputi siya? Kung tutuusin ay nagmukha siyang multo dahil parang maliwanag ang pagkaputi niya. Gusto ko ring hanapin ang nawawalang hustisya.
"Dito," sabi niya habang maingat na dumaan sa gilid ng Barbara. Hinintay din niya akong makarating sa harap bago siya umupo sa kahoy na upuan.
"Dito ka maupo," sabi niya habang tinatapik-tapik ang espasyo ng upuan. Nang naayos ko na ang sarili sa tabi niya ay nagpakawala siya ng napakatining na pagsipol.
Napahawak ako sa sandalan nang gumalaw ang kariton. Tsaka ko lang din napansin na may kalabaw palang nakatali sa harap ng sasakyan. Umatungal muna ito bago naglakad nang mabagal.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya ulit.
Pinasadahan ng daliri ko ang ulo hanggang batok, pati na rin ang ibang bahagi ng katawan.
"Nalamog ni Barbara ang braso ko," sagot ko sa kanya habang hinahaplos ang nagkapasa-pasang parte.
Tumawa si Harold, malalim at madamdamin. Pati ako napangiti sa nakakahawa niyang tawa.
"Ganyan talaga si Barbs, hindi marunong magpigil."
Ang landi, may Barbs pa siyang nalalaman.
"Para sa'n 'yang guwantes?" tanong ko sa kanya. Bukod sa kamiseta at pantalon na hindi ko alam kung wala na ba talaga silang ibang alam na suutin, hindi bagay ang halos abot hanggang siko ang suot niyang guwantes.
"Ahh...ito? Proteksyon laban sa 'yo."
"Laban sa 'kin?"
Tumawa na naman siya, nakakainis na napapako ang mata ko sa biloy niya. "Baka lumipat sa 'kin ang kidlat mo."
"Kidlat? 'Yong kuryente?"
"Oo, tinutunaw ang lamang-loob namin."
Napalingon ako sa likod, sinasabi ko na't masama ang kalagayan ng tatlo.
"H'wag kang mag-alala, ayos lang sila. Hinihigop ng kumot ang natitirang kidlat." Sumipol na naman si Harold na siyang dahan-dahan ang pagliko ng kalabaw sa kaliwa.
"Isa pa, mabilis maghilom ang mga sugat namin."
"Pansin ko nga," sabi ko habang napako ang mata sa dalawang bulalakaw na magkasunod ang pagbagsak.
"Harold..."
"Hmm?"
"Bakit walang epekto sa 'kin ang kidlat?" Bigla kong natanong. Mukhang siya ang magaling at maayos magpaliwanag sa mga bagay na tungkol sa kanila.
"Hindi sinabi sa 'yo?"
Umiling ako nang bahagya. Nagkibit-balikat naman siya bago nagsalita.
"'Yan ang gamit ng mga Issa para mapanatiling buhay ang mga alaala. Noong hindi pa sumakop ang mga Neri, nasa paligid kami para bantayan kayo."
Sumipol siya ulit at lumiko sa kanan ang kalabaw.
"Karet ang tawag sa 'min kung hindi rin sinabi sa 'yo. Hindi ko rin sila masisi, sa tagal ng panahon, nasanay na kami sa ganitong anyo. Samakatuwid, may balak akong magtayo ng isang silid-aklatan. Pupunuin ko ng libro, iba't ibang klaseng libro."
Lumingon ako sa katabi, nasa bituin ang mga mata niya na parang ito ang kinakausap niya. Bigla rin siyang huminto sa pagsasalita at tinawanan sa sarili. "Biruin mo 'yon, ang isang karet na katulad ko ay nangambisyong mangarap."
Huminto ulit sa pagsasalita si Harold. Bumaba ang tingin niya at sumipol ulit.
"Tanggap ko na rin na may hangganan ang lahat. Noong una'y nagalit ako kay Lydia. Parang sapilitan akong ginising sa isang mahimbing at magandang panaginip..."
Hindi ko na narinig ang ibang sinabi ni Harold. Ngayon ko lang lubos na naintindihan ang sinabi ni Tatay. Sa tagal ng panahon, nagkaroon sila ng sariling buhay, ng sariling pangarap, ng sariling pag-asa. Alam kong ngayon ay ginagawa lang nila ang tungkulin nila, pero sa kabilang banda, katulad kong hirap na hirap din sila. Siguro katulad ko rin na naliligaw at nalilito ang damdamin, hindi rin alam kung saan tutungo.
"Alam mo, mas maganda kung h'wag na nating isipin ang nagpapalungkot sa 'tin. Que sera sera."
Kumunot ang noo kong lumingon kay Harold. "Ha? Ano 'yon?"
Tumingin din siya sa 'kin na nakangiti, siguro hindi uso sa kanya ang problema.
"Narinig ko lang, ibig sabihin na hayaan mo lang kung ano ang darating."
Ako naman ngayon ang natawa sa sarili. Sa tingin ko ay tama siya. Pinahirapan ko lang talaga ang sarili. Hindi naman magbabago ang dadaanan namin, bakit hindi ko na lang hayaan kung anuman ang darating. Basta't walang mapapahamak, basta't ligtas kami hanggang sa dulo, masaya na 'ko.
"Alam mo, hinintay ko 'yang ngiti mo." Napaatras ako sa biglang paglapit ni Harold. "Kanina ko pa hinihintay ang ngiti ng Issa."
Lalo akong umusog palayo nang tanggalin niya ang guwantes sa kamay. Baka may gumapang na kidlat sa kanya, hindi ako marunong magmaneho ng kalabaw.
Tumigil ang pagpintig ng puso ko nang kunin niya ang kamay ko. Tuluyan na akong hindi nakagalaw nang tingnan niya ako sa mata at hinalikan ang likod ng aking palad.
"Kinagagalak kong makita kang muli..."
********************
This chapter is dedicated to jean-23- thank you for always stopping by :D
H'wag kalimutang magkomento ang pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro