Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

21 » sana ako rin

Madilim.

Makipot.

May karapatan ba akong magreklamo?

Pero kakapalit ko lang e. Tuwang-tuwa pa naman sana ako rito sa bago kong bestida na binigay ng kakilala ni Tatay. Malambot ang tela at mahaba ang mangas. Saktong-sakto pa ang sukat na parang pinasadya.

Pero lintik, gasgas na gasgas na ang mangas sa siko sa haba ng ginapang namin. Pati tuhod ko ay nanghahapdi na rin.

At ang akala kong tapos na ang kalbaryo dahil nakarating kami sa parte na parang sementado na ang lagusan, wala na ang mga tipak at nakausling bato. Kaso may tumutulo, kadiri naman nitong para akong lumalangoy sa mala-sipon na likido. Ang lapot at umuunat-unat pa, tapos amoy imburnal din. Ano ba 'tong napasukan namin?

Ginalaw ko ang balikat para ayusin ang pagkapatong ng dumausdos nang bag sa likod. Kahit gawa sa balat at mukhang hindi naman tinatagos ang loob, kailangan pa ring ingatan. Magwawala kasi 'yon si Barbara pag nadumihan ang damit niya.

Pagkatapos kong masiguro na maayos ang kalagayan ng bag ay tumuloy na ako sa paggapang. Nahinto na lang ako nang tumambad sa harap ko ang daan na nahati sa dalawa. Parehong walang bakas ng liwanag sa lampara na bitbit ni Jack, pareho ring walang kaluskos. Ang bilis naman ng tipaklong na 'yon.

Tinaas ko ang kamay kung saan nakatali ang reserbang lampara sa palapulsuhan ko. Napangiti ako. Si Frankie ang nagtali.

Nanumbalik ang isang mahabang pagyakap kung saan lumuwag ang naninikip kong dibdib. Kung saan sa isang banda ay pareho kaming naging kalmado. Kung saan kusa niya akong binitawan kasabay ang pag-aliwalas ng mukha niya.

Kahit walang salita sa pagitan namin ay hinayaan ko siyang halughugin ang bag at kunin do'n ang lampara. Hindi ko maintindihan kung maiinis ba ako o patatawarin ko na lang ang sarili. Para akong lumulutang sa alapaap nang pinupulupot niya ang tali ng lampara sa palapulsuhan ko. Tulala at hindi na ako nakagalaw sa ngiti niya pagkatapos.

Hay, bakit ang hirap?

Natigil ang saglitan kong pagmuni-muni nang tinapik ako ni Frankie sa paa. Ginilid ko ang lampara para maaninag siya sa likod. Nagkibit-balikat ako sa nagtatanong niyang hitsura, malay ko ba kasi kung nasaan na 'yon si Jack.

Binalik ko ang tingin sa harap, sigurado namang babalik 'yong mokong pag napansin niyang hindi na ako nakasunod sa kanya.

At hindi nga ako nagkakamali dahil may patalon-talong liwanag mula sa kanan na daan. Tinaas ko ang lampara para makita nang maayos si Jack. Seryosong-seryoso ang hitsura ng tipaklong na parang hindi kayang tibagin ng kahit ano.

Hindi rin ako pinansin ni Jack at dumiretso siya papunta kay Frankie. Hindi ako mapakali't lumingon ako sa kanila.

"'Tol, nahanap na ni Barbara ang kubo. Naglagay na rin siya ng palatandaan."

Nakahinga ako nang maluwag, ibig sabihin may direksiyon na kami sa ligtas na lugar.

Binalik ko na ang tingin sa harapan, masakit na sa leeg kakalingon sa kanila. Inilawan ko rin 'yong dinaanan ni Jack kanina, parang gumagalaw 'yong tubo.

"Sige," narinig kong sabi ni Frankie. "Sa unahan ka na, h'wag kang masyadong malayo kay Issa."

Hay, walang pahintulot na naman ang mga labi ko na kumurba pataas. Bakit ba kasi ganito sa tuwing nababanggit niya ang pangalan ko.

Muntik ko nang masubsob ang mukha sa malapot na likido dahil patalon-talon na si Jack papunta sa harapan. Ayoko talagang inaasar niya ako kay Frankie. Hirap na hirap na nga akong apulahin ang apoy, siya naman 'tong paypay nang paypay.

Mabuti na lang at hindi lumalabas ang kakulitan niya pag ganitong mga kaganapan. Siguro nangingibabaw ang pagiging mandirigma nila.

"Issa, kailangan mong maging tahimik," sabi ni Jack nang huminto na siya sa harap ko. Nakaturo din ang libre niyang kamay sa noo.

"Maraming gwalltor sa paligid, hindi natin kaya pag nagising sila."

Sapilitan kong nalunok ang bumarang laway. Umurong ang dila ko at ayaw nang gumalaw. Napatango na lang ako nang maraming beses.

"Diretso lang ang tingin. H'wag na h'wag kang sumilip sa labas ng tubo," paalala niya.

Tumango ulit ako kahit hindi ko naman naintindihan ang ibig niyang sabihin. Wala naman akong nakitang butas kanina pa, pa'no ako sisilip?

Bahala na, basta diretso lang daw nang tingin.

Tumatalon-talon na si Jack papunta do'n sa kanan na daan. Nanlaki ang mata ko, umalon nang bahagya 'yong tubo. Akala ko malikmata ko lang 'yong gumalaw kanina.

Nakarating na si Jack sa dulong bahagi kung saan may palikong kanto. Sumesenyas na rin siya sa 'kin para umabante.

Dahan-dahan akong gumapang. Nakatatlong abante pa lang ako nang biglang lumubog ang isa kong siko nang ilapat ko ito. Sa gulat ay binawi ko 'to agad. Lumipad ang tingin ko kay Jack. Hindi ko makumbinsi ang sarili sa pangungumbinsi niyang ayos lang yan.

Pero kailangan ko 'tong gawin. Huminga ako nang malalim at tumango kay Jack.

Nilapat ko ulit ang siko kasabay ang buo kong timbang. Tuluyan nang lumubog ang tubo na parang goma. Kusang dumapo ang dalawa kong kamay sa bibig para pigilan ang sarili na tumili. Ang puso kong sumabay sa pagtalbog-talbog ng katawan ko.

Bukod sa pagiging malambot ay manipis din ito. Lalo ring kumipot ang lagusan dahil nakadikit na 'to sa katawan ko. Katulad na katulad talaga ng goma na nababanat sa bawat paggalaw.

Lalo pang lumubog nang marating ni Frankie sa parteng 'yon. Sinikap kong sapat ang agwat namin para hindi kami makulong sa isang lugar.

Diretso raw nang tingin.

Pero hindi maiwasan ng mga mata ko ang gumala. Naintindihan ko na kung bakit nasabi ni Jack na h'wag sumilip. Dahil nga manipis, naaninag ko ang mga bagay na nasa labas nito.

Umawang ang bibig ko sa parang ugat na napakalago at ang daming kabit-kabit na sanga. May lumalatay na kuryente dito, mula sa kulay nitong matingkad na pula ay nagiging berde tapos lila habang dumadaloy ang mga 'to sa mga sanga.

Pero mas nakakaagaw pansin ang animo'y pulang bubong sa itaas ng sanga-sangang kuryente. Nanlaki ang mata ko nang mapansing kumikislot at pumipintig ang mga 'to. Lalo pa nang may namataan akong dambuhalang mata. Hindi lang isa, ang dami, nagmumukha itong mga bunga na nakalaylay sa mga pulang hibla.

Mabilis kong binaba ang ulo nang gumalaw ang talukap ng mata sa kaliwa namin. Tahasan akong pumikit at pinigil ang paghinga, baka sakaling makatulong para hindi ako mapansin.

Pero hindi ko rin maiwasang dumilat. Kahit dahan-dahan ay gumulantang sa 'kin ang mas marami pang mata sa ibaba ng tubo. Nakakabit sa mas makapal na hibla at nakasalansan pababa hanggang sa naglaho na sa paningin sa sobrang lalim.

Tinapik na naman ako ni Frankie sa paa. Hindi magawang lumingon ang naninigas kong leeg. Kahit ano pang pagpigil ko sa paghinga ay na nakakalunod na ang mabilis na pagsuntok ng puso ko sa kinalalagyan nito. May gumapang na lamig sa balat ko nang sumagi sa isip ko ang pagbuka ng lahat ng 'to at gutay-gutayin ang mura kong katawan.

"Malapit na, Issa." Natauhan ako sa sinabi ni Frankie. Bakit ba kasi masyadong malakas ang boses niya, gayong halos pabulong na nga ito. Kayang-kaya akong itulak.

Inangat ko ang ulo at namataan ko ang nag-aalalang hitsura ni Jack. Kahit nasa tipaklong siyang anyo ay kitang-kita ko ang pagtaas-baba ng dibdib niya. Lalo akong kinabahan, konti na lang at malapit nang manlisik ang mga mata niya.

Alam kong malakas sila, pero sa sobrang dami ng nasa paligid─tama ang sinabi niya kanina na hindi nila kakayanin. Kailangan ko lang maging matatag. Ayokong mapahamak sila dahil sa 'kin. Para sa 'min 'to, kaya ko 'to.

Binuga ko ang kaba at tinaas ang noo, inutusan ang sarili na kumalma. Kailangan lang na wala akong iisipin. Kailangang blangko.

Blangko.

Biglang pumasok sa isip ko ang blangkong kwaderno ni Lydia. Mali!

Inalog ko ang ulo ko at mahigpit ring pinikit ang mata. H'wag blangko, at h'wag kwaderno.

Ngunit ibang kwarderno ang nakita ko sa dilim. Maliit lang pero makapal. Blangko.

Mabilis kong binuksan ang mga mata. Hindi dahil sa pagtapik na naman ni Frankie, kundi sa malakas na sagitsit mula sa taas. Kusang natuon ang tingin ko sa kuryente na bumilis ang pagdaloy. Lalo ring tumingkad ang kulay nito na nagbigay ng karagdagang liwanag sa paligid.

Tinuon ko ang atensyon kay Jack, sa kanya na lang ako titingin para hindi na magliwaliw kung saan. Binilisan ko ang paggapang. Sinadya kong magpabigat para lumubog ako nang husto. Nakatulong ang malapot na likido na bumalot sa damit ko sa pag-usad ko nang maayos.

Pero kahit sapilitan ko nang dinilat ang mata ay nakikita ko pa rin ang kwaderno. Lumilinaw nang lumilinaw kasabay ang pag-aalburuto ng kuryente sa taas.

Natigilan ako nang masyado na itong malinaw. Nakabuklat ito sa harapan. Klarong-klaro ang mga bulaklak at dahon na dekorasyon nito sa taas ng pahina.

Bigla na lang naging puti ang paligid. Naging nakadapa ako sa malambot na higaan na nabalutan ng bulaklaking kobrekama. Tanging titig lang ang nagawa ko sa isa pang pares ng braso na sumulpot sa kinalalagyan ng orihinal kong braso─mas maliit at mas payat. Ang kanang kamay nito ay may hawak na lapis, at ang kaliwa naman ay nakadapo lang sa pahina. Plinantsa muna nito ang papel bago nagsimulang magsulat.

Dear Diary.

Nanlaki ang mga mata ko sa nakita, kailan pa ako natutong magbasa?

Nagsulat ulit ang kamay.

Nagalit si kuya, ang kulit ko raw.

Bumalik ang dating hitsura ng paligid nang nasubsob at tuluyang nabaon ang katawan ko sa mala-gomang tubo.

Una kong napansin ang higanteng kamay ni Frankie sa harapan. Ginalaw ko ang katawan, natagpuan ko na lang ang sarili na nakakulong sa nakatukod niyang braso. Hindi ako makapagsalita sa mga maninipis na kuryente na lumalagitik habang gumagapang sa balat niya at sumusuot sa mga butas nito.

"M-mauna ka na..." nauutal niyang sabi bago pa tuluyang bumagsak ang katawan niya sa likod ko.

Buong pwersa kong tinulak si Frankie sa gilid. Ang bilis din na nakalapit ni Jack. Kapansin-pansin ang pagtitimpi niya sa sarili.

"Halika na." Nagawa pang magsalita ni Jack sa gitna ng isa-isang paglagutok ng talukap ng mga mata sa paligid. Tinaliman ko nang titig si Jack na malapit nang takasan ng katinuan.

"Jack, ayoko! Alam mo 'yan!" Alam kong alam na alam niya na hindi ko kaya at hindi ko magawang iwanan si Frankie.

Naisip ko rin na idikit si Jack kay Frankie para mangisay din siya. Pero tumalikod na siya at tumalon palayo. Alam niya na hindi niya 'ko kayang brasuhin sa anyo niya. At alam kong hindi siya pwedeng magkatawang tao dahil madadagdagan ang bigat namin. Malaki ang posibilidad na mabutas itong tubo at lalo kaming malagay sa peligro.

Lalong lumalakas ang lagutok sa paligid. Ang ibang hibla ay isa-isang gumagalaw at nagpipigtasan na parang naghahanap ng makakapitan.

Hindi ko na pinansin ang nagsitayuan kong balahibo, mabilis kong kinuha ang kamay ni Frankie at sinampay ang braso niya sa balikat ko.

Sisimulan ko na sanang gumapang nang nangilo ang kanan kong kamay kung saan hawak ko ang kamay ni Frankie. Nagsilabasan sa balat niya ang mga kuryente at gumapang sa mga daliri ko. Parang maninipis na uod na pumapasok sa balat ko.

Walang pasintabing naging puti na naman ang paligid. Marami na ang nakasulat sa kwaderno ngunit ang ibang letra ay malabo sa paningin.

Lumabas na naman ang isang pares ng braso at nagsulat ulit.

Kuya raw ako nang kuya.

Kinagat ko ang tunay kong kamay para magising. Bumugad sa 'kin ang namumuong bulto ng kuryente sa ibabaw namin.

"Letse! Wala akong pakialam sa sinusulat mo!" Naisigaw ko ang nasa isip. Kailangan ko lang ilabas, tutal nagigising na rin naman ang mga gwalltor, wala nang rason para maging mahinahon.

Hinayaan kong dumaloy ang kuryente na kanina pa iniinda ni Frankie. Wala itong epekto sa 'kin bukod sa pagkurap-kurap ng paligid. Kinagat ko nang paulit-ulit ang ibabang labi hanggang sa malasahan ko na ang lansa ng dugo. Ito lang ang paraan para manatiling kasalukuyan ang nakikita ko.

Pinilit ko pa ring gumapang habang hila-hila si Frankie. Nang biglang tumagilid pababa ang tubo. Hindi magkandaugaga ang isa kong kamay na maghanap ng makakapitan sa mabilis naming pagdausdos.

Sa kabutihang palad ay nakagalaw na si Frankie. Nabunot niya agad ang batuta at binalagbag ito sa tubo. Nakalambitin kaming dalawa habang dumadami ang pumupulupot na hibla sa kinaroroonan namin.

Sabay kaming napatingala sa malakas na sagitsit ng kuryente. Suminghap ako ng maraming hangin habang pinagmamasdan ang kulay lilang sumasayaw na boltahe sa taas. Hinanda ko ang sarili, dahan-dahan kong pinakawalan ang naipon kong hangin hanggang sa wala na akong maibuga pa.

"Ikaw nang bahala sa 'kin." Tinaas ko ang kamay na siyang pagdapo ng nakakangilong boltahe sa mga daliri ko. Nginitian ko ang nagpoprotestang mukha ni Frankie bago pa man naging puti ang lahat.

May naririnig akong mabagal na musika na nahahaluan ng tahol ng aso. Nakita ko na naman ang pares ng braso na nagsusulat sa letseng kwaderno.

Nakakaingit naman si Barbara.

Kumunot ang noo ko. Bakit ako naiinggit kay Barbara? Mababaw lang 'yong inggit ko no'ng pumunta ako sa kanila. Pero tapos na 'yon. May iba pa ba?

Bumalik na naman ang dating paligid nang may kung anong humigpit sa dibdib ko. Dumapo ang tingin ko sa makapal na lubid na tinali ni Frankie rito. Nakapatong din si Jack sa lubid at may maliit na tela na nakapiring sa mata niya.

Kumurap ang paligid. Pero hindi nakatakas sa paningin ko ang pagtulak ni Frankie at dinuyan ako ng lubid palayo sa kanya. Kinagat ko ang labi na saktong nakalambitin pa rin siya sa nakabalagbag na armas.

"Frankie, magagalit ako sa 'yo!" Nagpabigat ako sa tali at inidayog ang sarili papalapit sa kanya. Nahagip ko ang bisig niya kahit namumuti na naman ang paligid. "Panget mo, h'wag kang magpaiwan."

Mahigpit ko siyang niyakap. Pinulupot ko pati ang mga binti sa baywang niya para hindi siya makawala. Kahit ibang kapaligiran na naman ang nakikita ko ay tumatama ang mabilis na hangin sa balat ko.

Sana ako rin

Malapit na sa dulo ng pahina ang sulat. Lumalabo nang lumalabo ang mga letra nang may dumapong malapad na kamay sa likod ko. Humihigpit at alam kong yakap iyon ni Frankie.

Pero gusto kong malaman kung ano ang nakasulat sa dulo. Pumikit pa ako nang husto, bakit sana ako rin? Gusto kong malaman, bakit sana ako rin?

Sana nga ay hindi ko na lang hiniling. Biglang kumislap sa dilim ang dalawang salita na lalong nanggulo sa magulo ko nang utak.

...may kuya.


********************

H'wag kalimutang magkomento ang pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro