Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

20 » sino ang masarap?

"Sigurado ka?" Pangatlong tanong na ni Barbara kay Kuya at pati akong nakikinig ay naumay na rin.

"Hindi ko nga nahagip ang amoy ni Harold do'n." Nahampas ni Kuya ang lamesa bago siya bumaling kay Tatay. "Hindi ligtas ang tumuloy sa Pilak Na Kalsada, 'tay. Masama talaga ang amoy."

Palipat-lipat ang tingin ko sa kanila habang pinapasok sa bag ang mga dadalhin naming gamit. Hindi ko na naman alam ang pinag-uusapan nila kaya tumahimik na lang ako sa tabi.

"Masangsang din ang amoy sa kabilang lagusan, delikado sa kanila," dagdag ni Kuya.

Tumahimik ang lahat, tanging matining na tunog ng gulok ang umalingawngaw habang hinahasa ito ni Jack.

"Wala nga nga tayong ibang pagpipilian, ang bagong lagusan na lang na nakita niyo kanina." Umiiling-iling si Tatay.

Nahigpitan ko ang pagkahawak sa bag, tutuloy na talaga kami. Hindi ko na naman makikita si Tatay.

"Parang sinadya itong itago, napakakapal ng mga ligaw na damo. Pero, 'tay, sino ba ang nakakatakas sa ilong ng bayan?" Ang yabang talaga nito ni Kuya. Ang lakas pa ng tawa niya─hindi naman nakakatawa.

Hay. Pati si Kuya ay iiwanan ko na rin. Kailangan ko ba talagang gawin 'to?

"Kung gano'n, Frankie, magpahinga na kayo't madaling-araw pa ang alis n'yo. Lab, manatili ka rito, pupuntahan ko ang sinasabi n'yong lugar."

←---→

"Sigurado ka talaga?" Ayan na naman si Barbara. Umay na umay na siguro si Kuya at matamlay na lang niyang tiningnan ang kaharap bago nagpakawala ng napakalalim na buntong-hiniga.

"Aba ang kulit, wala nga do'n ang Harold mo!" singit ni Jack na tinigil muna ang pagtagpas ng mga ligaw na halaman na nakalaylay sa napakataas na pader sa gilid ng bundok. Ako ang nakatakot sa maliit na tuldok sa mata niya. Kahit malayo sa ugali niya na laging magiliw, mukha siyang mabagsik dahil dito.

"Ikaw ang kausap ko? Papansin ka?"

"Kung tinulong mo 'yang kaka-Harold mo, tapos na sana tayo!"

"Magsitigil na kayo!" saway ni Kuya. Tumigil si Barbara sa nakalabas nang pangil ni Kuya. Padabog itong nagtungo kay Jack at aktong kukunin ang gulok na nakasabit sa kaliwang baywang ng may-ari.

"Anong ginagawa mo?" Tinapik ni Jack ang kamay ni Barbara nang bubunutin na nito ang gulok.

"Tutulong, bakit?"

"H'wag mong mahawak-hawakan..." Napaatras si Barbara sa nanlilisik na mata ni Jack. Umismid na lang ito bago nagtungo sa tabi at nagsimulang magbunot ng ligaw na halaman.

Umihip ang malamig na hangin at napahawak ako sa natangay kong buhok. Hindi ko maiwasan ang tumingin sa kapatagan na nasa ibaba ng bundok na inakyat namin. Nagmukhang tuldok na lang ang tolda ni Tatay na napagitnaan ng ginintuan bukang-liwayway.

Hay. Nakakatampo talaga si Tatay, hindi man lang ako hinatid. Nagpasabi lang kay Kuya na may pupuntahan daw siya ulit. Hindi man lang ako hinintay na gumising o ginising man lang bago siya umalis.

Lagi na lang. Hindi talaga ako mahal ni Tatay, lagi na lang.

Naputol ang pagmuni-muni ko sa malakas na pagbibilang ni Frankie. Sumabay din sina Jack, at Barbara habang hinihila ang kahuli-hulihang ligaw na halaman. Seryosong matigas dahil tatlo na silang nagtulong-tulong.

Hindi nagtagal ay parang umulan ng mga bato at lupa mula sa taas ng pader. Bumagsak ang halaman kasama ang ugat nito na halos kasinlaki ng matandang punong-kahoy. Tinatagpas ni Jack ang ugat na bumagsak sa tumambad na lagusan, at pinagtatapon ang mga piraso sa tabi.

"D'yan tayo dadaan?" Tinanong ko pa talaga kahit halata namang 'yan talaga ang dadaanan namin. Pero ang liit kasi. Mula sa lupa ay hanggang baywang ko lang ang bilog na butas. Parang basta lang itong kinalkal dahil bako-bako at ang daming naka-usling matutulis na bato. Kakahilom lang ng mga sugat ko e.

Lumipat ang mata ko sa tatlo na nakatingin pa rin sa 'kin, pati rin si Kuya. Tinikom ko na lang ang bibig. Hindi ko rin sila masisi, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin sila pinapansin. Hindi katulad no'ng dati na nakikipagbiruan ako sa kanila. Sa tingin ko nga ay mas mabuti ang ganito. Kung ilalayo ko ang sarili sa kanila, walang masasaktan sa dulo.

"Tabi muna," sabi ni Kuya habang naglalakad papunta sa butas. Pinasok niya ang ulo at inaamoy-amoy ang looban nito.

Tumango-tango si Kuya bago lumabas at hinarap si Frankie.

"Mahina ang lansa sa loob, tulog ang mga gwalltor," sabi ni Kuya. Tumango si Frankie na nakatingin sa butas.

"Mag-ingat kayo." Tinapik ni Kuya ang balikat ni Frankie. Gano'n din ang ginawa ni Frankie na parang nag-uusap sila sa mata.

Sabay din silang bumuntong-hininga at sabay din ang pagtapik na naman nila sa balikat. Silang dalawa lang talaga ang nagkakaintindihan.

Tumingin ako sa lupa nang papalapit na si Kuya sa 'kin. Hindi ko pala siya kayang tingnan sa mata. Hindi ko rin kaya na makita siyang umalis. Akala ko na kaya ko na, akala ko lang pala.

"Issa, mag-ingat ka." Niyakap niya ako nang mahigpit. Kahit ang ganti kong yakap sa kanya ay ang hirap pakawalan.

"Kuya...darating kayo ha, sabi mo ha." Hinahaplos niya ang ulo ko na pansamantalang nabawasan ang bigat sa aking dibdib. Hinigpitan ko ang pagkayakap kay Kuya. Kung sanang pumayag sila na hindi na lang ako tutuloy.

"Darating kami, h'wag ka nang malungkot. Mailabas lang namin si Lydia sa Unang Lagusan, susunod kami agad."

"Kuya...si Nanay, kunin n'yo ha, sabi n'yo ni Tatay."

"Oo na, kaya't tama na 'yang drama mo, pumapangit ka." Lalo ko pa nahigpitan ang pagkayakap sa kanya.

Tinulak din ako ni Kuya nang marahan. Pinahiran niya ang luha na hindi ko namalayan na bumabaybay na pala sa pisngi ko.

"Pa'no..." Nagpakawala siya nang buntong-hininga.

Lumapit sina Jack, at Barbara at tumayo sa likod ko. Mabuti na rin at nanatili si Frankie sa kinatatayuan niya.

"Ingatan n'yo si Issa," sabi ni Kuya, tinapik-tapik niya ang ulo ko na para akong bata.

"Frankie..." tawag ni Kuya. Malamang silang dalawa na naman ang nagkaka-intindihan dahil tumango lang si Frankie.

"Aalis na 'ko. Mag-ingat kayo," sabi ni Kuya atsaka tumalikod. Mabilis siyang tumakbo gamit na ang apat niyang paa at hindi na lumingon pa.

Matagal akong nakatayo hanggang sa nawala na si Kuya sa paningin. Napako ang paa ko sa lupa at nawala na naman ang gana kong gumalaw.

"Halika na." Inakbayan ako ni Jack na may kasamang paghila. Nagpatangay na lang ako sa kanya habang nauna nang naglakad si Barbara sa may pader. Sinisilip-silip din niya ang madilim na butas.

"Mahaba itong lagusan, may mahinang parte." Umalingawngaw ang boses ni Barbara habang nagsasalita na nakapasok ang ulo sa loob. Katulad ng ginagawa ni Kuya na tumatango-tango siya bago hinarap si Frankie. "Hindi kakayanin pag sabay-sabay tayong apat."

"Mauna kayong dalawa. Barbara, hanapin mo ang kubo."

Tumaas ang kilay ni Barbara sa direksyon ni Jack. Itong isa naman ay ayaw magpatalo, aba't marunong din magtaas ng kilay.

"Ikaw, mabigat ka, magtipaklong ka."

"Bakit? Kakainin mo 'ko?"

"Tss, hindi ako kumakain ng basura."

"Aba kung hindi mo alam, ako ang pinakamasarap na tipaklong sa balat ng lupa," sabi ni Jack na nakataas pa talaga ang noo.

"Tumigil na kayo," saway ni Frankie. Sana nagdala ako ng pantakip sa tenga. Ano ba kasi ang mayro'n sa boses niya, nakakatunaw. O ako lang ba?

"Jack..." Tumayo nang tuwid si Jack sa pagtawag ni Frankie. "Kailangan mong mag-anyong tipaklong."

Hindi ko alam kung ano ang sinusunod nilang hanay ng awtoridad, pero itong dalawa ay hindi pumapalag pag si Frankie o si Kuya na ang nagsasalita. Walang nagawa si Jack kundi bumaba ang balikat habang kinakalag ang lubid na nakatali paikot sa baywang niya. Mapanukso naman ang tingin ni Barbara habang maingat na nilapag ni Jack sa damuhan ang dalawang kahoy na kaluban kung saan nando'n ang itim niyang gulok.

"Tsaka mo na 'ko tikman," sabi ni Jack kay Barbara, nakangisi at tinaas-baba pa ang kilay.

"Kadiri..." Pag-aaktong nasusuka naman itong isa. Talaga naman.

"Barbara, ikaw din," utos na naman ni Frankie.

"Pero..."

"Mas matalas ang mata mo pag nag-anyong hunyango ka."

Ang lakas ng tawa ni Jack. Binigyan ni Barbara ng gitnang daliri ang isa habang hila-hila ako patungo sa likod ng malaking puno. Wala na namang pasintabi na naghubad ang bruha.

"Ingatan mo 'yang damit ko," sabi niya habang inaabot sa 'kin ang maong na shorts at blusa.

Tinaasan ko siya ng kilay, lalo niya pa tuloy itong tinulak sa harap ko.

"'Ge na..."

"Kung makautos ka naman," sabi ko habang kinuha sa kanya ang damit. Tinupi ko na rin ito at pinasok sa bag na sukbit ko sa likod. Nagkatawang hunyango na rin siya at naglakad kami pabalik sa dalawang unggoy.

"Bakit hindi ka pa tipaklong?" tanong ko kay Jack. Mukhang seryoso ang diskusyon nila ni Frankie dahil parehong nakakunot ang noo nila.

"Issa, kailangan ko 'yong lampara," bungad ni Jack.

"Lampara?"

"'Yong binigay ni Mang Raffy, nasa bag mo."

Kumunot ang noo ko, wala akong matandaang lampara na pinasok ko sa bag.

"'Yong maliit na parang bola na may tali."

"Ahh, 'yon?"

Hinalughog ko ang kanang bulsa ng bag. Kinapa-kapa ang mga laman nito hanggang natagpuan ng daliri ko ang makinis na bilog at kasya lang sa palad ko. Dinampot ko ang animo'y krystal na bola at inabot ito kay Jack.

"Mauna na kami," sabi ni Jack at isang kisapmata lang na bumagsak ang lahat ng damit niya sa lupa. Nakapatong na siya sa kumpol nito at hawak ang bola na naging kasinlaki niya rin.

Nauna nang gumapang papasok si Barbara. Hindi niya sinabi na pwede niya palang paliitin ang katawan niya. Malaki lang siya nang konti kay Jack na gumegewang-gewang papasok hanggang sa nilamon na siya ng dilim.

Sumunod naman si Jack na unti-unting lumiwanag ang nakalaylay na bola sa hawak niyang tali.

"Ikaw na," sabi ni Frankie habang pinapasok ko sa bag ang tinupi kong damit ni Jack. Inaayos niya rin ang lubid ng kaluban na nakatali palibot sa baywang niya. Mukha lang siyang ewan dahil may nakausli pang batuta na nakatali sa likod.

"Sige na," sabi niya ulit.

"Bakit ako?"

"Babantayan kita." Napangiti ako nang lihim, ang hinahon talaga nito magsalita. Pero tama rin naman siya, wala nga namang tutulong sa 'kin pag may bigla na lang akong hinablot.

"H'wag mo kong silipan!" Pinanlakihan ko ng mata si Frankie.

"Hindi kita sisilipan."

Binantaan ko siya ulit bago tumalikod at tiningnan kung pa'no didiskartehan ang mga matutulis na bato sa butas. Inayos ko na rin ang pagkasukbit ng bag para hindi sumabit kung saan.

"Issa, sandali..."

Hindi ko siya pinansin. Pinagpatuloy ko ang pagsilip sa madilim na lagusan at kunyaring hindi ko siya narinig. Pag mga ganyang may laman ang boses niya, ayokong pakinggan, sa kanya na lang.

Natuod ako nang bigla niya akong hawakan sa siko. Napatingin ako rito dahil kahit anong galaw ko ay ayaw niyang bitawan.

Hinarap ko si Frankie. Pinaningkitan ko siya ng mata habang paisa-isa kong tinanggal ang mga daliri niya sa siko ko. Kahit mabigat sa loob ay mariin ko itong binalik sa kanya. Sinubukan niya pang kumapit sa mga daliri ko, pero hinablot ko sa kanya ang kamay ko.

Hindi ko inaasahan ang paghila niya sa 'kin. Lalo akong natuod nang ikulong niya ako sa mainit na yakap. Ang traydor kong katawan na hindi man lang nagprotesta. Hinayaan lang na matunaw ang kakarampot na resistensiyang pinaghahawakan ko laban sa kanya.

"H'wag mo naman akong itaboy, pakiusap..."

Walang kwenta. Walang saysay ang mga ginawa kong pag-iwas nang kusang gumalaw ang mga braso ko at pumalibot sa baywang niya. Ang mukha kong sumubsob pa lalo sa dibdib niya. Wala ka pala, Issa.


********************

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro