19 » ang puso ng mandirigma
Dahan-dahan kong hinigop ang lumalamig nang tsaa habang pinagmamasdan ang sumasayaw na anino ng kandelabra na nakapatong sa lamesa.
Bumigay na nga yata ang utak ko, ayaw nang mag-isip. Kaya kung saan-saan na lang tuloy natuon ang pansin. Dagdagan pa nitong letse kong dibdib, masyadong maligalig. Nagdududa na tuloy ako rito sa tsaa, talaga bang pampakalma 'to?
Tutuloy na kasi kami bukas.
Pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang tanungin si Tatay ang tungkol sa kanila. Takot akong simulan. Hindi ko alam kung kaya ko nga bang tanggapin. Parang umiiwas din kasi siya na mapag-usapan. Kaso lang, kailangan ko na ring malaman at nang tumahimik na 'tong utak ko.
"'Ga─"
Lumipat ang mata ko sa pintuan. Kakapasok lang ni Tatay at bahagyang siyang yumuko. Sumabog at nagkalat ang pinong alikabok na pinapagpag niya sa buhok, at sa makapal nitong suot.
Binigyan ko ng tipid na ngiti si Tatay nang mapatingin siya sa 'kin. Umusog din ako nang konti para makaupo siya.
Tumango si Tatay at tumabi rin sa 'kin. Pinatong niya ang siko sa tuhod at napako ang mata sa sahig.
Ilang beses nang dumaan ang langaw, ilang beses na rin na may dumaosdos sa natunaw na kandila─at 'yong isa ay malapit nang maupos, pero wala pa sa 'min ang gumalaw.
"Hindi ko maintindihan, 'tay." Ako na ang bumasag sa katahimikan. Bumaling ang mata ko sa tasa na kalahati na lang ang laman. Pinag-iisipan ko rin kung uubusin ko pa 'to.
"Kahit ngayon lang, 'tay, bago kami umalis. Sabihin mo naman sa 'kin kung ano talaga kayo. Gusto ko lang maliwanagan."
Nakahinga ako nang maluwag at nailabas ko rin. Sumandal ako sa sofa at hinanda ang sarili kung anuman ang sasabihin niya. Siguro ayos lang din kahit hindi na niya sagutin.
Hindi na ako nagulat nang sumandal din si Tatay sa sofa. Pero ang pagsandal niya na bagsak ang katawan, katulad no'ng nauupos na kandila sa tansong kandelabra.
"Nahihirapan din kami, 'ga."
Nilingon ko si Tatay na ang mata ay nasa kisame.
"Katulad mo, nahihirapan din kami."
"Ano pong ibig n'yong sabihin?"
Bumuntong-hininga si Tatay na nakapako pa rin ang mata sa kisame. Wala nga talaga siyang balak na tingnan ako sa mata.
"Issa, lahat kami ay mandirigma."
Nahigpitan ko ang hawak ko sa tasa. Mas nagulat pa ako sa pagtawag niya sa pangalan ko na ngayon niya pa lang ginawa, kaysa sa sinabi niyang mandirigma. Siguro nga na simula ngayon ay lagi ko nang ihahanda ang sarili sa mga bigla-biglang ganito.
"Wala kaming hitsura, walang pakiramdam," pagpatuloy ni Tatay.
"Wala kaming pangalan. Nabuhay kami para pumatay lang." Naiusog ko tuloy ang pwet ko sa pinakagilid ng sofa. Pati braso ko naidikit ko sa harang ng upuan.
"Noong panahon na desperado na ang lahat. Noong hindi ka mapakalma, bumitiw ka na sa pag-asa nang ang kahuli-hulihan mong kapatid─" Hindi na natapos ni Tatay ang sasabihin. Alam ko na ang kasunod dahil isa lang naman ang humahabol at gustong pumatay sa 'kin.
"Sinaboy ni Lydia ang iyong alaala, anak. Ginawa niya 'yon para kumalma ka, para hindi ka matagpuan ng mga gwalltor."
Hinarap ko si Tatay, bagsak ang mukha ko na tinitingnan ang mapait nitong ngiti.
"Ang mga alaala mong may buhay, binigay niya sa 'min. Doon kami nagkaroon ng puso, hitsura, ugali...pangalan."
"'Langga─" Malungkot na kinuha ni Tatay ang isa kong kamay. Ngayon ay tiningnan na niya ako sa mata, hindi ko pala kaya na makita ang nanlulumo niyang hitsura.
"Inalis ni Lydia ang alaala namin bilang mandirigma, ito ay para maging makatutuhanan ang galaw namin base sa mundong alam mo. Para...para...hindi ka magduda." Nahigpitan ni Tatay ang pagkahawak sa kamay ko. Katulad ng gawain ni Barbara, pinanatili niyang matigas ang hitsura kahit nagsisimula nang namumuo ang tubig sa mata niya.
"'Ga, sana h'wag mo kaming kamuhian. Alam mong mahal na mahal ka namin ng nanay mo...ng kuya mo. Kahit hiram lang namin sa 'yo 'to." Sumisipa sa kamay ko ang pintig nang idikit ito ni Tatay sa dibdib niya.
Binawi ko ang kamay, tumayo at nilapag ang tasa sa tabi ng kandelabra. Matapos ay humarap ako sa kanya, at niyakap siya sa ulo.
Hindi na napigilan ni Tatay at tuluyan na siyang natalo sa sarili niyang laban. Lahat ng tikas niya sa katawan ay lumagapak sa sahig, natunaw at sumipsip sa mga awang ng kinatatayuan ko. "Alam mong mahal na mahal ka namin, 'ga."
No'ng bata pa 'ko ay tinitingala ko siya dahil brusko at ang lakas niyang tingnan. Hindi lang ako sanay na nakikita siyang mahina.
"Mahirap...sa oras na makatawid ka na, babalik na kami sa dati naming anyo. Wala nang pakiramdam, wala nang alaala. Sana h'wag mo kaming kalimutan."
Ako na ngayon ang humalik sa ulo niya. "Hindi ko po kayo kakalimutan, 'tay. Pangako ko po."
Nilabas ko na lahat ng sikip na kanina pang bumabalot sa dibdib ko habang yakap ko si Tatay. Pero kahit ilang libong luha na ang nasayang, lalo lang naninikip sa tuwing naiisip ko ang ang mga ngiti, ang mga tawa nila.
Si Frankie─
Hindi na niya ako makikita. Maiiwan siya na parang sisidlan na walang laman, maiiwan na palutang-lutang sa gitna ng kawalan. Naisubsob ko ang mukha sa maalikabok na buhok ni Tatay.
"'Tay, dito na lang po ako. Dito na lang po ako─"
Hinila ako ni Tatay para maupo pabalik sa sofa. Inangat niya ang mukha ko at pinahiran ang luha.
"'Ga, mahirap ang magmahal." Kumunot ang noo ko sa pagngiti niya. Pinahiran din niya ang kabila kong pisngi bago siya nagsalita ulit.
"Alam mong hindi ka pwedeng manatili nang matagal. Gugustuhin pa ni Frankie ang maihatid ka, kaysa makita kang unti-unting natutupok."
Napayuko ako sa biglaang pag-init ng pisngi ko. Gusto ko na ring ilibing ang mukha ko sa likod ng makapal kong buhok. Pahamak talaga 'to si Kuya e.
Tumawa nang mahina si Tatay habang ginulo-gulo ang buhok ko. "Tama nga ang kuya mo, dalaga na ang prinsesa ko."
Hindi ko pa rin magawang tumingin sa kanya habang umayos na sa pag-upo si Tatay. Inakbayan at sinandal niya ako sa gilid niya. "H'wag kang mag-alala sa 'min, 'ga. Oras na rin siguro para bumalik na kami sa kung ano kami."
Nagpakawala ako ng buntong-hininga. Maraming beses. Hindi talaga nababawasan ang sikip nitong dibdib ko. Lalo ko lang silang naiisip. Pinabalik ko ulit ang sipon na tumulo. Niyakap ko ang braso ni Tatay, sinandal ang ulo ko sa balikat niya.
Mahabang katahimikan hanggang sabay kaming bumuntong-hininga.
"Paano, titingnan ko lang sina Lab." Tinapik niya ako sa balikat.
"Sige po, 'tay."
Sabay kaming tumayo nang may palakas na palakas na ingay sa labas ng pintuan. Natuod ako sa malakas nitong pagbukas at iniluwa ang hingal na hingal na si Jack. Nagkandakuba ito sa sukbit niyang sako at ang dugyot pa ng hitsura. Parang lumangoy sa alikabok at humalo ang pawis niya rito. Nagmukha tuloy na malaking mapa ang berde niyang katawan.
"Mang Raffy!" Habol-habol ni Jack ang hininga. Kumalansing ang laman ng sako dahil naibagsak niya ito sa sahig.
"'Yong hunyango po!"
"Anong nangyari kay Barbara?" Halos takbuhin ko ang pinto. Inutusan kasi sila ni Tatay na makipagtagpo sa kakilala niya dahil may ibibigay na gamit. Wala naman sanang masamang nangyari.
"'Yong hunyango po, nagwawala!" Sabay hagalpak nang tawa ni Jack. Hay.
Wala pang limang segundo ay kaswal na pumasok si Barbara. Binaba niya sa sahig ang bitbit niyang sako at naglakad sa likod ni Jack.
"Gago!" Nagsitayuan ang balahibo ko sa braso sa malakas na pagsapak ni Barbara sa ulo ni Jack. Halos masubsob na 'to sa sahig.
Ang bilis ding tumayo ni Jack. Nagpaligsahan ang dalawa kung sino ang mas malaki ang mata.
Hay. Iiyak siguro ang araw pag hindi nagkakasakitan 'tong dalawa. Sa lahat naman kasi ng utusan ni Tatay, sila pa talaga. Mabuti nga't pareho silang nakabalik na humihinga.
"Mga bata!" Pumalakpak nang malakas si Tatay. Mataas yata ang katungkulan niya dahil bumusangot na lang ang mukha ng dalawa at tinalikuran ang isa't isa. Nilapitan ko na lang tuloy si Jack at hinila palayo kay Barbara.
Hindi nagtagal ay pumasok na rin sina Frankie, at Kuya Lab. Inutusan din sila ni Tatay na tingnan ulit ang dadaanan namin bukas. Araw-araw nila itong pinupuntahan dahil gusto ni Tatay makasigurong ligtas ito.
Wala na nga yatang atrasan 'to. Siguro nga, ihahanda ko na lang ang sarili pag nakarating na kami sa dulo.
********************
Burn that page for me, I cannot erase the time of sleep
I cannot be loved so set me free
I cannot deliver your love or caress your soul
So turn that page for me
I cannot embrace the touch that you give
I cannot find solace in your words
I cannot deliver you, your love
Or caress your soul
https://youtu.be/pICAha0nsb0
Watcha think of this chapter?
H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro