Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

18 » kumusta, 'tay?

Mahapdi.

Kumikirot.

Halos isang linggo na akong nakabenda. Sa isang linggo na 'yon na dalawang araw daw akong tulog, ang kanang braso ko pa lang ang naigagalaw ko nang maayos. Hindi katulad sa mga kasama ko na parang walang nangyari sa kanila.

Maingat akong naupo sa tuyo at bitak-bitak na lupa. Pinigil saglit ang paghinga sa pagsaboy ng pinong-pinong alikabok na natangay sa dumaang malakas na hangin.

Nagtampo yata ang ulan sa lugar na 'to. Wala man lang akong natanaw na berde sa gitna ng kapatagan na kinaroroonan namin. Kung mayro'n mang nakatayo ay nangingitim at tigang na tigang na─isang pitik na lang e kakainin na ng apoy.

Ang problema ko lang dito ay kung pa'no intindihin na mas malamig pa sa yelo itong kinauupuan ko. Lumulubog pa at may mabantot na tunog pag inaapakan. Gustong sumirko ng utak ko e. Napapaisip din ako na baka kung ano 'to. Baka isang dambuhalang ano at nagpapanggap lang na isang malawak na disyerto.

Pero ayos lang din. Ginagamit ko ang lamig pampamanhid sa mga sugat ko sa katawan. Kung hindi lang dahil sa sobrang alikabok, baka dito na 'ko sa lupa natutulog pag gabi.

Pasalamat din ako at wala pa namang umaatake sa 'min. Sabi sa 'kin ni Jack na tinahi daw ni Tatay nang mabuti ang parte na binaklas nila sa dulo ng Unang Lagusan. Sinigurado daw nila na matibay at walang makakalabas do'n.

Walang hiya 'yan e. Kung una pa lang pala 'yon e 'di marami pa pala ang kasunod. Ano ba naman kasi 'yong dalawa kong kasama na hindi man lang ako sinasabihan. Basta na lang akong kinakaray kung saan. Sa buong pag-aakala ko na tapos na pag natawid na namin ang itim na lugar na 'yon. Mukhang malayo pa pala.

Ayoko sanang patagalin 'to.

Hindi ko na kasi alam kung sa'n ko na ilalagay ang nararamdaman ko. Hindi ko magawang magalit sa kanila kahit panay kasinungalingan na lang nakikita ko. Hindi ko sila magawang sumbatan dahil ano ba ang isusumbat ko─hindi ko alam. Hindi ko rin alam kung bakit nasasaktan ako sa tuwing umaatras at sumusuko na lang ang sinuman na nangahas tibagin ang mataas na bakod na tinayo ko simula no'ng nagkamalay na ako. Masakit sa puso ko ang nakikita silang tumatahimik na lang sa tabi.

Dumapo ang tingin ko kay tatay. Prente itong nakaupo sa bangko na nasa labas ng tagpi-tagping tolda. Mariin at mabagal niyang hinahalo ang kung ano man ang nilagay niya sa maliit na dikdikan. Nahagip siguro ng mata niya na pinagmamasdan ko siya kaya tinaas niya ang ulo at ngumiti sa 'kin.

Umiwas ako nang tingin. Kahit na nagdududa ako sa mga katauhan nila, siya pa rin si Tatay. Siya pa rin ang tumawag sa 'kin na aking prinsesa. Siya pa rin 'yong binabato namin ni Kuya ng bola pag naglalaro kami ng batu-batuhan. Siya pa rin ang umaalo sa 'kin pag pinapalo ako ni Nanay.

Nagtatampo pa rin ako sa kanya.

Sabi niya na mangingisda siya. Sabi niya na marami siyang tinatrabaho. Mukha bang may dagat dito? Mukha bang may pating dito?

Isa pa 'yon si Kuya. Sinungaling talaga sila.

Marahan kong inangat ang ulo para pigilang bumagsak ang namumuong luha. Ayokong umiyak, lalong kumikirot ang sugat ko.

Binuga ko na lang ang sama ko sa loob. Napagdiskitahang sundut-sundutin ang lupa. Inaliw ko na lang ang sarili sa tunog utot nito na humaharang sa ingay ng bangayan nina Jack at Barbara. Simula no'ng nagising ako sa mahabang pagkatulog ay ganyan na sila, parang aso't pusa e.

Natigil na lang ako nang umalon-alon ang kinauupuan ko. Nilipat ko ang paningin sa malayo dahil kahit hindi ko na lingunin ay kilala ko na ang papalapit sa kinaroroonan ko.

Umaalingasaw kasi ang amoy lumot sa makapal niyang kapa. Pumayong din sa 'kin ang malaki at malapad nitong anino.

"'Ga─"

Wala akong imik habang binigay sa kanya ang kanan kong braso. Nilapag niya muna ang dikdikan sa lupa bago niya ito tinanggap.

Nanatili ang mata ko sa maliit na ipo-ipo ng alikabok habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang benda ko sa braso. Wala pa rin akong imik kahit na nararamdaman kong sumusubok din siyang magsalita.

Tumigil siya nang napaigting ako nang konti. Kahit hindi ko siya tingnan, nararamdaman ko ang paghingi niya ng pasensiya sa natuklap na balat na dumikit sa tela.

"Sigurado ho ba kayong mabisa 'yan?" tanong ko nang aktong papahiran na niya ng gamot ang sugat.

Tumawa siya nang mahina.

"'Langga, sana mapatawad mo si Tatay."

Hinigop at pinabalik ko sa ilong ang sipon.

"Alam mo, 'ga, lagi kitang iniisip. Nalulungkot ako pag nagkukwento ang kuya mo tungkol sayo. Malaki ka na raw, hindi ka na raw mahilig sa batu-batuhan."

Tumigil si Tatay, de numero ang galaw niya habang kumukuha ng gamot sa dikdikan gamit ang daliri.

"Gusto ko rin namang umuwi, 'ga."

Tumigil siya ulit. Nahagip sa gilid ng mata ko ang pagtingin niya sa malayo. Matagal siya sa gano'ng posisyon hanggang nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga.

"Kahit hindi mo na 'ko mapatawad, 'ga. Maintindihan mo lang sana na para sa 'yo ang ginawa namin ng kuya mo."

Tuluyan nang bumagyo sa mukha ko. Ang tindi ng ulan at ang lakas ng hangin. Dinikit ni Tatay ang noo niya sa noo ko. Matapos ay hinalik-halikan ako sa ulo.

"Patawad, 'ga─" Kahit siya ay nahawa na rin sa mga luha ko.

"Nakakainis ka kasi 'tay e," nagawa ko pang magsalita sa pagitan ng mga sinok. Inangat niya ang mukha ko para mapagmasdan nang mabuti.

Nangitian ko ang nayupi niyang hitsura na mukhang hindi pa siya umiyak sa buong talambuhay niya. Kahit ang mga puting balbas niya na mukhang mapurol ang ginamit na pang-ahit ay naging asiwa sa pagbaha ng luha.

"Ang laki na ng prinsesa ko." Lalong lumapad ang ngiti ko sa pagtawag niya sa 'kin no'n. Kaytagal bago ko ito narinig ulit.

"I love you, 'tay─"

"Mahal din kita, anak."

***

Matapos malagyan ni Tatay ng gamot ang sugat, mapalitan ng benda, at ang madamdaming usapan ay inalalayan niya akong tumayo para pumasok na sa tolda. Inutusan niya rin si Kuya na papasukin din ang iba.

Sa ilang araw na pananatili ko rito ay hindi pa rin ako nasanay sa tolda nilang maysa-maligno. Ang liit ng hitsura sa labas na parang isang tao lang ang magkasya, pero kasinlaki ng bahay namin ang kabuuhang lawak sa loob. May tatlo ring kwarto na 'yong dalawa ay magkaharap na parang kwarto namin ni Kuya. Ang istruktura ng hindi kalakihang sala na kasabay ang kusina ay parehong-pareho sa bahay namin sa bangin. Pati ang mga muwebles ay parehong-pareho rin. Ang pinagkaiba lang ay kawalan ng bombilya. Mga kandila lang na nakatayo sa kandelabra ang nagsisilbing ilaw sa loob.

"Mananatili kami ni Lab dito, titiyakin naming walang makakalabas," sabi ni Tatay. Nakaupo siya sa binaligtad na silya habang seryoso ang mukha na nakatingin sa mga kausap niya.

"Marami ang kalaban, Mang Raffy. Aaminin kong malalakas ang mga nasa labas ng Unang Lagusan. Baka hindi po sapat pag kaming tatlo ang maghahatid kay Issa," singit ni Jack.

Blinangko ko ang mukha ko. Kahit mukhang seryoso 'to, alam kong sinadya nitong tumabi e. Nakita niyang nagkaayos na kami ni Tatay kaya't magiliw na ulit ang mokong. Naghahanap talaga 'to ng pagkakataon para asarin ako kay Frankie.

"Naisip ko rin 'yan, Jack. Pero kailangan din naming masiguro ang kaligtasan ni Lydia. Hindi pa siya nakakalabas sa Unang Lagusan."

Nagkatinginan silang lahat pagkatapos ay nilamon ng sarili nilang kaisipan na siyang sumipa sa 'kin kung saan na parang hindi naman talaga ako kasali sa usapan.

"Mang Raffy," sabi ng naipit na boses ni Barbara. Nakaupo siya na kaharap namin ni Jack. Napataas tuloy ang kilay ko sa aktong paulit-ulit na pag-ipit nito sa gupit lalaki niyang buhok sa likod ng tenga niya. Wala naman akong nararamdamang panganib, at hindi naman umaalulong si Kuya. Pero ang buhok ng kaharap namin ay parang nagrambol na kwitis.

"Maghihintay daw po si Harold sa entrada ng Pilak Na Kalsada."

"Uyy, 'yong hunyango may nobyo!" ang lakas ng pagkasabi ni Jack. Pati tuloy katawan ni Barbara namula na rin.

"Hindi ah!" ang bilis niyang sagot.

"Uyy, aminin mo! Nobyo mo ano?"

Nagsalubong ang kilay ni Barbara at sinagot si Jack ng matigas na gitnang daliri. Bumulwak naman nang tawa itong isa.

Pumalakpak nang malakas si Tatay. "Mga bata, mga bata, tama na muna 'yan. Balik tayo sa pinag-uusapan natin."

Nakabusangot ang mukha ni Barbara na sumandal sa sofa na kinauupuan niya. Sa lakas nang pagkasandal ay muntik nang makalas ang benda na pinangbalot niya sa suso. Tapos suot na naman niya ang shorts ko. Ang galing at naisalba niya pa pala 'yan sa gitna ng kaguluhang nangyari.

"Mabuti't may isa pa tayo sa hanay. Hindi pa tayo makakaasa ng iba pang makakasama dahil kailangan din ni Lydia ang mag-ingat. Hindi tayo magtatagumpay sa paghatid kay Issa kapag nahuli nila si Lydia." Pinasadahan nang tingin ni Tatay ang mga kaharap niya.

"Poprotektahan ko po si Issa." Lumipad ang mata ko kay Frankie na nakatayo sa gilid ng sofa kung saan nakaupo si Barbara. Mabilis ko rin itong iniwas nang makitang nakatingin din pala siya sa 'kin. Binaba ko ang ulo. Nakakailang. Nakakapaso.

At sana nga hindi na lang niya sinabi, kahit alam ko namang gagawin niya. Para na kasing uod na binudburan ng asin itong katabi ko. Sinisiko pa 'ko. Lintik nasasagi ang sugat ko.

Tapos lumapit pa si Kuya, alam ko ang sadya nito e.

"'Yan ba 'yong iniyakan mo no'ng umuwi ako?" ang lakas niya pang binulong. Letse na, narinig yata ni Tatay.

"Kainis ka, Kuya!" Napalo ko siya sa balikat. Sabay pa silang tumawa ni Jack.

Muling pumalakpak si Tatay na kinatahimik ng dalawang mokong. Sinamaan niya nang tingin si Kuya habang naglalakad ito pabalik sa tabi niya. Ngingitian ko sana si Tatay, akala ko kakampi ko siya. Pero ang mga mata niya na parang natuwa pa, nakakainis.

"Konting panahon na lang at gagalingan na ang mga sugat ni Issa," sabi ni Tatay nang tumahimik na ang lahat.

"Barbara, Frankie, Jack─" Bahagyang huminto si Tatay, tiningnan isa-isa ang mga tinawag niya.

"H'wag n'yong pabayaan ang anak ko." Piniga ang puso ko sa boses niya na may halong pagmamakaawa. Masyado akong makasarili, sarili ko lang ang iniisip ko. Ngayon ko lang naintindihan ang pangungulila niya sa gitna ng mga sakripisyong ginawa niya.

Naramdaman ko na lang ang pagtango ng tatlo sa gitna ng nadudurog kong puso. Hindi ko na alam kung nasa tamang lugar pa 'tong nararamdaman ko. Kung iba ang mundo na paghahatiran nila sa 'kin, hindi ko na alam kung paano ko ihiwalay ang sarili ko sa kanila. Pa'no ko ba iiwanan ang mga taong napamahal na sa 'kin? Pa'no ba?

********************

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro