Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

17 » kuya? nino?

Animo'y manikang basahan na binalibag at pinasa-pasa ng mga gwalltor ang mura kong katawan. Tinigilan ko na ang pagpupumiglas, nasaid na ang lahat ng lakas ko habang libong-libong hibla ng buhok ang pumulupot mula sa braso hanggang sa kamay at nilambitin ako nito pataas.

Nahirapan na akong hanapin ang pag-asa sa bilog na hawla kung saan ako nakulong. Parang buhawi na mabilis umikot-ikot ang mga halimaw at mukhang wala silang balak tumigil.

Pumilig ang ulo ko sa kaliwa, hinahabol ang hininga sa bawat pagkirot ng mga daplos at butas-butas kong sugat sa katawan. Marami nang dugo ang nawala sa 'kin, bawat patak ay parang lakas na isa-isang tumatakas. Napatawa ako nang mahina, balak talaga akong patayin nito nang dahan-dahan.

'Tay─

Pinilit kong binuka ang namimigat ko nang mata. Kahit nanlalabo at nanghahapdi na ay pinasadahan ko pa rin nang tingin sa labas. Baka makita ko silang paparating, may natira pa akong lakas para kumawala.

'Tay─

Nalunok ko ang kakarampot na laway. Mahapdi. Gasgas na gasgas na ang lalamunan ko sa kakatawag sa kanila. Pero mukhang malayo talaga ang kinaroroonan ko. Nilalamon lang din ng mala-higanteng tunog ng motor ang malat ko nang boses. Pero kung sakali, may boses pa akong pantawag sa kanila. Nasa'n na kayo, 'tay?

Inangat ko ang ulo nang maramdamang lumuwag ang pagkagapos sa kabila kong braso. Gamit ang natira kong lakas, pinabigatan ko ang katawan at pwersahang hinila pababa ang halos makawala ko nang kamay. Sinabayan ko ng sigaw ang lalong nanghahapdi kong sugat habang isa-isang napipigtas ang mga buhok.

Nabuhayan ako ng loob nang matagumpay kong nalibre ang isa kong kamay. Lalo ko pang pinabigatan ang katawan para makawala naman ang kabila. Ngunit harap-harapang parang mga ahas na mabilis gumapang sa ire ang panibagong kumpol. Tanging impit na lang ang nagawa ko sa biglaang pagbaon ng mga 'to sa iba't ibang parte ng katawan. Namanhid na at hindi ko na naramdaman ang sakit nang tumagos pa sa kabila ang kasuklam-suklam na nilalang.

Lumalabo at bumabagal ang ugong sa paligid na parang radyong pumapalya na ng baterya. Kahit gusto nang sumuko ang mga mata ko'y pinilit ko pa ring ibuka─konting tiis na lang, darating na sila. Alam kong darating sila, hindi ako papabayaan ni Tatay.

Naawa ako sa sarili na lupaypay na nakalambitin sa isang kamay. Hindi ko na alam kung saan na ilalagay ang sarili dahil masakit kahit ang mismong paghinga.

'Tay, bilisan n'yo po.

Bumagal nang bumagal ang ugong na parang mababang alingawngaw na lang sa ilalim ng tubig. Kahit sa nanlalabong paningin ay naaninag ko pa rin ang isang dambuhalang mata na dahan-dahang binababa ng libo-libong nakakabit na hibla. Wala sa sariling tinititigan lang ang talukap nito na halos kasintangkad na ng pintuan namin sa bahay.

Manhid na ang dibdib at hindi 'ko na naramdaman ang takot nang bumuka na ito nang tuluyan. Kahit sa sumusukong pandinig, hindi nakawala sa tenga ko ang ingay ng kinakatay na baboy habang bumubuka ang itim na bahagi ng mata. Kasunod ang paglabas ng matutulis at mala-lagaring ngipin na nakapalibot dito. Kahit mahapdi sa balat ang nilalabas nitong singaw ay tanging impit lang ang nagawa ko.

Frankie. 'Tay─

Tulala. Para akong patay na daga na inilambitin ng pusa sa ibabaw ng bunganga nito. Hindi ko matanggap na wala na akong magagawa. Hindi matanggap na nasa dulo na ng hangganan ang gutay-gutay ko nang katawan. Konting panahon lang naman.

Sumilay ang mapait na ngiti sa nangmamanhid kong labi nang mabilis na lumuwag ang pagkapulupot ng mga gwalltor sa kabila kong braso. Siguro nga, hanggang dito na lang ako.

Paalam, Frankie. Salamat.

Tuluyan nang kumalas ang mga ito at nahayaan ko na ang sarili na bumagsak sa balon ng matutulis na ngipin.

Para akong nakapiring sa sobrang dilim.

Diretsong lumipad ang kamay ko sa mata, pigil-hiningang kinapa-kapa ang mga 'to. Nakahinga ako nang maluwag nang maramdamang ando'n pa ang umbok sa likod na aking mga talukap. Akala ko kinain na ng mga halimaw. O 'di kaya, ako mismo ang kinain?

Bumaba ang kamay ko sa pisngi, naligaw sa braso, sa dibdib, sa hita. Bakit makinis? Kahit saan ay walang butas-butas o lubak ng latay. Pinasadahan ko ulit pati na rin ang binti, pero makinis talaga. Kung tutuusin ay ang gaan ng pakiramdam ko. Walang kahit na anong sakit.

Patay na ba 'ko? Daan ba 'to papuntang langit?

Umalingawngaw ang buntong-hininga ko sa gitna ng kadiliman.

Dahil siguro sa sobrang dilim ay hindi ko na maramdaman ang nasa dibdib ko. Hindi ko pati marinig ang sinasabi nito. Bakit wala na akong pakiramdam?

Nakikita ko lang sa isip ang malungkot na mukha nina Tatay, at Nanay─pati ang maamong mata ni Kuya. Pero walang panghihinayang, walang lungkot. Walang kurot sa mga masasayang sandali na kasama ko sila.

Pilit kong inaalala ang nararamdaman ko para kay Frankie. Bakit wala? Kahit ang lukso sa damdamin sa tuwing tinatawag ng isip ko ang pangalan niya. Bakit nawala? Parang tuyong-tuyo at walang kalaman-laman ang puso ko. Ganito ba talaga?

Baka nga patay na talaga ako.

Winasiwas ko ang kamay sa paligid. Pinakiramdaman na baka may masagi lang. Kung daan nga 'to papuntang langit, ang alam ko na may susundan akong ilaw. Sigurado akong nandito lang 'yon.

Issa, pahiram ng bike mo.

Napaikot ako sa likod sa biglang pagsalita ng isang batang babae. Kinapa-kapa ang hangin. Wala naman.

Talon na! Sasaluin ka namin.

Ngayon naman ay tinig ng batang lalaki sa kaliwa. Kusang lumipad ang dalawa kong kamay kung saan nagmula ang boses, pero gano'n pa rin─wala pa rin.

Kasunod ay halakhakan ng maraming tao na parang nasa taas ko lang. Para silang nakadungaw at nagtatawanan. Sabi ko na e. Tama talaga ang hinala ko.

Maingat akong naglakad habang nakataas pa rin ang dalawang braso sa harap. Pinapakiramdaman ang bawat pag-apak ko sa malamig na lupa. Baka lang kasi may butas. Baka pag natapilok ako, mahulog ako sa impyerno.

Walang direksyon ang mga paa ko, basta kung saan lang mapadpad. Para sa'n ba't makikita ko rin naman 'yang ilaw na 'yan.

At hindi nga ako nabigo. Sa isang malayong dako ay bigla na lang may sumulpot na ilaw.

Simula sa mabagal na paglalakad ay humahaba ang paghakbang ko at pabilis nang pabilis. Dahil sa maliit na liwanag ay unti-unting kong naaninag ang tinatakbuhan kong parang tubig na may bilog na alon sa bawat pag-apak ko nito.

Habang papalapit ay siya ring pinagbago ng paligid. Animo'y dahan-dahang nagsilagasan ang kadiliman. Bumugad sa likod nito ang tabi-tabing bakuran. Pare-pareho ang lawak at pare-pareho din ang disenyo ng bahay na nasa gitna nito. Kung hindi lang sa pagkakaiba ng kulay ng pintura at ang mga halama't bulaklak na naging dekorasyon nito sa harapan ay mapagkakamalang kinopya lang lahat ang mga 'to.

Napayuko ako sa magaspang na kalsada kung saan do'n na nakatayo ang paa kong nakayapak. Medyo mainit sa talampakan. Napangiti ako, may nararamdaman na 'ko. Ito na siguro ang langit.

Tinakbo ko ang bangketa para salubungin ang dalawang babae na paparating. Nagtatawanan sila habang nagkukwentuhan, siguradong mababait sila.

"Kumusta?" bati ko sa kanila na sinabayan pa ng pagkaway.

Napanis ang ngiti ko at nakatiwangwang ang kamay ko sa dalawang dinaanan lang ako. Lumingon-lingon ako sa paligid. Wala namang nakakakita, ayos lang─baka kasi hindi talaga ako napansin.

Matapos ayusin ang sarili ay nagpatuloy ako sa paglalakad. Nginingitian at kinakawayan ang bawat nadaraanan.

Pero─

Bakit hindi ako pinapansin ng mga 'to? Hindi ba nila ako nakikita? Pati 'yong lola kanina na nagdidilig ng halaman. Hindi man lang humingi ng tawad nang natilamsikan niya ang damit ko ng tubig. Akala ko no'ng una ay mahina lang ang pandinig. Pero ilang beses na akong tumikhim, at nasa harapan lang ako.

Ito na kaya ang langit? Bakit parang hindi ako imbitado?

Nilibot ko ang mata para hanapin ang labasan. Ibang langit yata 'to e.

Nakailang liko na ako sa mga kanto at parang pabalik-balik lang ako. Parehong bahay na may arkong bougainvilla ang lagi kong natutumbok. Hanep na 'yan, naligaw na nga, namaligno pa.

Sinubukan kong lumiko uli t sa kanan. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko 'tong ginawa, pero nagbabakasakali lang. Tsaka kakaiba na ngayon. Kahit pareho pa rin ang hitsura ay walang batang naglalakad dito kanina─ngayon mayro'n na.

Sinundan ko ang batang babae na naglalakad sa bangketa. Dahil nakatalikod ay napansin ko agad ang maiksi nitong buhok. Katulad na katulad do'n sa bata na nasa loob ng may saping kapilya. Kung papalitan lang ng bulaklaking bestida ang suot niyang shorts at sando ay mapagkakamalang siya talaga 'yon.

Siniguro kong tama lang ang agwat sa pagitan namin. Hindi malapit, hindi rin gano'n kalayo. Paminsan-minsan kasi siyang humihinto at inaayos ang kung ano naman ang karga nito.

Binilisan ko ang paglalakad nang lumiko ang bata sa kanto. Hinanap siya agad ng mata ko dahil ayokong mawala ito sa paningin.

"Barbara! Tao po!" sigaw no'ng bata. Nakatayo siya sa labas ng isang bakuran na nakabukas ang bakal na tarangkahan. Kapansin-pansin na namumukod tangi ang bahay na nasa loob nito. Bukod sa ito lang ang dalawa ang palapag sa paligid, may iba't ibang kulay pa ng bato na nakadikit sa dingding nito.

Pumuwesto ako nang medyo malayo sa bata. Sa hindi ko malamang dahilan, ayoko siyang lapitan.

"Barbara!" sigaw niya ulit. Inayos-ayos din niya ang karga nito na mukhang mabigat.

Pero teka, Barbara ba ang sinabi niya?

Hindi nagtagal ay may humahangos na isang batang babae na galing sa likod ng bahay. Parang hinila ang lahat ng lamang-loob ko sa hitsura ng bata. Kahit mahaba ang buhok niya pero nando'n ang mala-pusa at palaban nitong mata. Ang morena sa kulay ng balat niya ay parehong-pareho ng kay Barbara.

Pinagmasdan ko ang batang si Barbara na ang ganda ng ngiti habang tinatakbo ang tarangkahan. Ngunit lalo pang lumapad ito nang bumaba ang tingin niya sa braso ng batang kaharap niya.

"Ayyy, ang cute!"

Wala namang pasintabing pumasok sa bakuran ang sinundan kong bata. Maingat niyang nilapag sa luntiang bakuran ang aligagang itim na tuta.

"Ito na 'yong regalo ng papang mo?" tanong ng batang si Barbara habang hinahayaang niya na dilaan ng tuta ang maliliit niyang mga daliri.

"Oo, ang cute 'no?"

Napangiti ako sa pagtawa nilang dalawa. Masyadong malapit sa puso. Parang kakarampot na init sa isang kandila na unti-unting gumagapang sa kaninang manhid kong sarili.

Nanatili ang ngiti ko sa labi habang pinagmamasdan pa rin ang dalawa. Para itong napakalayong panaginip na inanod ng panahon at ngayon ko lang ulit nahagilap.

Natigil na lang ako nang biglang tumayo ang batang si Barbara at malakas itong sumigaw.

"Kuya!"

Natuod ako sa salitang kuya. May gumapang na lamig sa braso ko na sinundan ng pagtayo ng mga balahibo.

"Kuya!" Hindi siya tumigil hanggang pabagsak na nagbukas ang pinto ng bahay. Iniluwa nito ang nagdadabog at nakabusangot na batang lalaki.

Para na akong binuhusan ng nagyeyelong tubig at mabilis na kumalat ang lamig sa buo kong katawan. Ang pamamaraan ng paglakad niya, ang pagsalubong ng kilay niya, ang pagiging patpatin niya. Hindi ko na namalayaan ang mapait kong ngiti, ganyan na ganyan ang naalala kong Frankie no'ng unang araw ko kina Aling Maria.

"Ang ingay mo naman, ano ba kasi 'yon?"

"Tingnan mo Kuya, may bagong tuta si Issa."

Bakit Issa rin ang pangalan niya?

Hindi ko na napigilan ang pagdausdos ng luha sa pisngi. Mas lalo pa nang lumiwanag ang mukha no'ng batang lalaki. Hindi naman siya nakatingin sa tuta, kundi sa batang nakayuko at tuwang-tuwa na nakikipaglaro sa alaga nito.

"Kuya, sana may tuta din tayo," sabi ng batang si Barbara. Tsaka lang natinag 'yong isa at nakihawak din sa hayop na parang bola na ang katawan sa katabaan.

"Oo nga," wala sa sarili nitong sagot. Nakadikit pa rin ang mga mata nito sa batang tinawag nilang Issa. Ang totoo na gusto ko siyang sipain. Ki bata-bata pa e lumalandi na.

"Oo nga pala, Issa," pasimula no'ng batang kamukha ni Frankie. Kinamot-kamot niya ang ulo na mukhang hindi naman makati.

"Uyy, si Doggie!" sigaw ng batang Issa sabay turo ang tutang masyadong magiliw na pagewang-gewang ang pagtakbo papunta sa likod ng bahay.

"Ako na─" Pagpresenta ng lalaki bago ito tumalikod. Pakamot-kamot pa rin ito sa ulo habang naglalakad palayo.

Sinundan nang tingin ng dalawang batang babae ang isa tumakbo na rin para mahabol ang tuta.

"Hindi umuwi ang papang mo?" tanong ng batang si Barbara nang nawala na sa paningin ang dalawa. Sinagot siya ng kausap niya sa pamamagitan ng pagbaba ng balikat nito. Tumungo din ito na naging dahilan para damputin ni Barbara ang kamay ng katabi niya.

"H'wag ka ng malungkot." Niyuyugyog niya pa ang kamay ng batang Issa.

"Sa susunod na taon na lang daw." Lalo pang bumaba ang tingin nito sa lupa.

"H'wag ka ng malungkot, laro na lang tayo."

Nanatiling nakataas ang nakakurba kong labi sa kamusmusan ng dalawang bata. Napakasimple. Napakagaan. Napakapamilyar. Parang isang napakalayong alaala.

Hindi nagtagal ay bumalik na ang batang lalaki na sukbit na ang tuta sa baywang niya. Maya-maya din itong tumitigil sa paglalakad dahil sadyang malikot ang hawak niya.

"Issa, wala ka pang pangalan sa kanya?" tanong niya nang makalapit na sa dalawa.

"Wala pa, isip ko pa nga."

"Ano kaya kung─" sabi niya habang inaabot ang tuta sa batang Issa. Tumaas ang kilay ko nang halata ang pamumula nito kahit moreno naman ang balat niya.

"Salamat─" sabi ng Issa at hindi naman napansin ang pagbabago ng kulay ng pisngi ng kaharap niya.

"Ano Kuya? Anong naisip mong pangalan?" tanong ng batang si Barbara.

Tumingin ang lalaki sa tuta at hinawakan ang sariling baba na nagkukunyaring nag-iisip.

"Whitey?" sabi niya. Bigla rin itong nagpakawala ng mapang-asar na tawa.

"Ano ka ba kuya, itim 'yan!"

Kumunot ang noo ko nang may naramdaman akong matinding pangangalay. Dumapo ang kamay ko sa pisngi nang bigla na lang itong humapdi.

"Spotty?"

Umigtad ang dibdib ko sa pumipintig na kirot sa likod. Naihakbang ko ang paa paatras nang paisa-isang lumitaw ang mga latay sa kamay at braso. Ang suot kong bestida na kaninang malinis ay naging gutay-gutay at puno ng bahid ng dugo.

"Browney?"

"H'wag ka na nga Kuya!"

"Ayoko ng Blackie ha."

Lalong sumidhi ang kirot sa kaliwa kong braso. Tinakpan ko gamit ang kabilang kamay dahil sa pagbulwak ng sariwang dugo rito. Sumuko ang tuhod ko at bumagsak sa semento. Ang tunog ng bawat paghinga ko ay umalingawngaw sa paligid.

"Alam ko na!"

"H'wag na kuya, pangit mga pangalan mo."

"Ano kaya Issa kung─"

Hindi ko na narinig ang sinabi ng batang lalaki. Unti-unting nandilim ang bughaw na kalangitan. Kasunod ang mabagal na pagtumba ng katawan ko sa pag-alon ng sementong bangketa. Pati ang mga bahay at mga puno ay sumabay din sa pag-alon ng paligid.

Ang kaninang maaliwalas na langit ay napalitan ng nagsilaglagang hibla ng mga gwalltor. Gumuhit sa pagod kong labi ang ngiti sa mala-demonyong halakhak ni Jack. Pati ang mabangis na ungol ng aso ay naging musika sa pandinig.

Naramdaman ko na lang ang bisig na sumalo sa 'kin. Nahuli ang nag-aalala niyang mga mata at tamis ng kanyang ngiti. Hinawakan ko siya sa pisngi.

"Frank─ie"

********************

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro