Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

16 » kadena na paasa

Nasubsob ko ang mukha sa likod ni Barbara nang may tunog bentilador ang humahangos at mabilis na bumagsak sa harapan namin. Dahan-dahan kong inangat ang ulo, hindi alam kung ano ang dapat asahan sa mga tunog sa hangin na parang may tinatagpas na karne.

"Yow, Issa," bati sa 'kin no'ng lalaki na katabi ni Frankie. Tuwid na tuwid siyang nakatayo sa nagkabitak-bitak na sahig. Nalito ako kung saan ako titingin, kung sa mahaba nitong pangil na umusli sa labi nang ngumiti ito na medyo alanganin, o sa pula na bumalot sa kabuuhan ng mata niya na may maliit na tuldok lang sa gitna.

Nanatili akong natanga sa dalawang gulok na hawak niya. Katulad ng kay Frankie na parang yari sa itim na marmol, makinis at kumikinang din sa ilalim ng ilaw. Ang pinagkaiba lang ay ang puting tela na nakabalot sa hawakan nito.

"Psst!" Hindi ko masyadong napansin ang pagsitsit niya dahil bukod sa wala na ngang suot pantaas, hindi ko rin maintindihan kung bakit berde na parang dahon ang kulay ng balat nito.

Kumurap ako ng maraming beses nang umusli ang nguso niya, at ang nguso ay nakaturo kay Frankie─paulit-ulit pa. Nakakainis 'to ah.

"Jack?"

Tipong sasagot na sana siya nang bumulusok ang isang matalas na hibla sa direksyon namin ni Barbara. Ang bilis niya lang itong tinagpas, kasunod ang pagsabog ng sariwang dugo sa naputol na bahagi ng halimaw.

Dapat nga nasasanay na 'ko sa panay dugo na lang ang nakikita ko sa mga nakaraang araw. Pero ang isang 'to ay kakaiba. Bigla itong humalakhak na parang demonyo. Napaatras ako sa nanlilisik nitong mga mata habang kinalat pa lalo ang tumilamsik na dugo sa katawan niya. Kung hindi niya pa siguro napansin na nakatitig ako sa kanya ay akma pa nitong dilaan ang dugo sa isa sa hawak niyang gulok.

"J-jack?"

Halos tumalon ang kaluluwa ko sa biglaang paglingon nito, diretso ang mata niya sa 'kin na parang kakain ng tao. Umakyat ang naramdaman kong lamig mula sa kamay hanggang sa braso nang tuluyan itong humarap at naglakad papalapit. Na-estatwa ako sa bigla nitong paghinto at bigla ring yumuko.

"Ang iyong lingkod, señorita," sabi niya. Natanga sa biglaang pag-amo at pag-aliwalas ng mukha nito nang tumayo na siya nang tuwid.

Umurong na ang dila ko, hindi na nakapagsalita. Ilang beses ring umakyat ang kilay niya, at ilang beses na rin nitong tinagpas ang nakalapit sa 'min na hindi man lang nakatingin. Na-blangko ang utak ko sa paulit-ulit na tanong kung ito ba talaga ang Jack na kilala ko.

Sumuko na rin siguro siya at tumalikod na lang. Pinipiraso-piraso pa niya at gigil na gigil sa mga halimaw na akmang aatake sa likod ni Frankie. Bumabalik ang panlilisik ng mata nito habang nawiwisikan ng pulang likido.

Nahinto ko ang paghinga sa muling paghalakhak ni Jack. Tumindig ang mga balahibo ko nang tumingala pa siya habang tumatawa, nakakakilabot na parang tinakasan na ito ng katinuan.

Hindi ko rin siya maiwasang sundan nang tingin habang patalon-talon ito sa dagat ng mga halimaw. Ang gaan ng katawan niya na parang pinaglalaruan lang ang mga 'to sa pamamagitan ng pagwasiwas sa dalawang gulok.

Mukhang gamay na gamay niya ang dalawang armas dahil nagawa niya itong pantukod, nagawa rin niyang ibato 'yong isa at nahabol din bago pa ito napuluputan ng mga pulang buhok. Hindi pa nakontento si Jack, tumalon pa nang sobrang taas. Mabilis niyang binago ang pagkahawak sa dalawang itak na parang nakapwesto ang talim nito sa likod ng braso niya. Kahit malayo ay nakita ko ang pagguhit ng napakakapanindig-balahibo nitong ngisi bago pa siya bumulusok pababa.

Kasabay ng pagbagsak ni Jack at muli nitong pagtawa ang siyang pagsubsob ko ng mukha sa likod ni Barbara. Hindi ko lubos maisip, bakit gano'n si Jack? Bakit parang hindi ko siya kilala?

"Frankie!" sigaw ng lalaki mula sa taas. Boses talaga 'yon ni Kuya Lab, hinding-hindi ako magkakamali.

"Iakyat n'yo na si Issa!" sigaw ng isa pang lalaki. Pamilyar na pamilyar ang malamig at ma-awtoridad na boses na nabubuo lang sa paglipas ng mahabang panahon.

Tumingala ako sa awang. Masyadong maliwanag kaya anyo lang ng matangkad na aso at taong makapal na damit ang nakadungaw sa 'min. Sigurado akong si Kuya Lab 'yong aso. Pero ang katabi niya, pamilyar ang nakataas na kwelyo sa suot nitong kapa.

Kay tagal ko siyang hinintay na umuwi. Araw-araw akong gumigising ng maaga at umuupo malapit sa bangin─nagbabakasakaling makita ko siya na umaakyat. Araw-araw na tinatanong si Nanay at sinasagot lang ako ng hindi niya alam─marami raw'g ginagawa. Araw-araw hanggang sa napagod na 'ko. Hanggang sa nagtampo na 'ko, baka hindi na niya 'ko mahal.

"'Tay!"

Pinunasan ko ang luha habang mahigpit na nakadapa sa likod ni Barbara. Iniwan na niya ang mga gwalltor at gumegewang-gewang na nagtungo sa dambuhalang angkla.

Mabilis lang niyang naakyat ang kinakalawang na bakal at nagsimula na rin sa bawat piraso ng kadena na halos kasintangkad ko na. Ginawang suporta ng mga paa ko ang magaspang na balat ni Barbara. Nakakalula na ang taas na naakyat namin, at napapalambitin ako sa bawat paggalaw ng kadena. Masyado nang marami ang nasa baba, hindi na magkandaugaga ang dalawang lalaki na pigilan ang mga gumagapang at pumupulupot dito.

"'Ga, ingat!" Tiningala at tinanguan ko si Tatay. Alam kong malapit na kami dahil naaninag ko na ang kabilang dulo ng kadena na paatras nilang hila-hila ni Kuya.

Tumigil si Barbara sa pag-akyat. Hindi ko maipaliwanag pero naintindihan ko pagsenyas niya na gamit ang galaw ng mata niya. Maingat akong gumapang mula sa likod nito paakyat hanggang sa braso niya. Kumapit ako sa piraso ng kadena nang makatungtong na ako sa balikat. Hindi siya gumalaw nang inapakan ko ang nguso niya para maabot ng isa kong paa ang bakal.

Pinulupot ko ang braso sa awang ng bakal nang makatayo na ako rito. Ang akala kong nasanay na 'ko sa mataas na lugar dahil sa pag-akyat-baba ko sa hagdan sa bangin, nagkakamali pala ako. Hindi ko maikalma ang naghahabulang kabayo sa dibdib sa bawat pag-uga ng kadena. Hirap na hirap ang mga namamawis kong palad na hilahin ang sarili paakyat sa kasunod na piraso ng bakal.

Inikot ni Barbara ang katawan at nakaharap na siya sa baba. Sinalubong niya ang dalawa para tulungan at naiwan akong nakatiwangwang sa gitna.

"'Ga, tuloy lang!" sigaw na naman ni Tatay. Alam kong pinapalakas niya ang loob ko, at ayoko rin siyang biguin. Nagpakawala ako ng malalim na hininga bago inakyat ang kasunod na piraso ng kadena. Nagawa ko, at kahit na nakakabingi na ang kabog sa dibdib ko ay nagawa ko ulit sa pangalawa.

Pinulupot ko ulit ang braso sa awang ng bakal at mabilis na pinunas sa damit ang pawis ko sa kamay. Nang masigurong tuyo na ay pinagpatuloy ko ang pag-akyat.

"Malapit na, 'ga," Napangiti ako sa sigaw na naman ni Tatay. Alam kong kaya ko 'to. Nagkaro'n ako ng kumpyansa sa sarili at kumalma nang konti ang dibdib ko. Katulad no'ng kanina na pumupulupot muna ako sa awang at pinupunasan ang pawis ko sa kamay. Pero bakit parang pabalik-balik lang ako dito sa piraso na may puting pintura.

Tumingala ulit ako kina Tatay, parang walang nabago sa agwat namin. Maliit pa rin silang tingnan, at parang parehong layo lang no'ng kanina. Nanumbalik ang panlalamig ng kamay ko, parang naghahabulang kabayo na naman ang dibdib ko.

"'Tay!" namaos kong sigaw. Hindi ko alam kung pa'no, at alam kong hindi niya pwedeng bitawan ang hawak niya. Pero palapit nang palapit na sina Frankie sa paanan ko, nahirapan na silang pigilan ang mga halimaw.

"Tuloy lang, 'ga! Tuloy lang!"

Wala ng ibang paraan, hinugot ko ang natitira kong lakas at hinila ang sarili paakyat. Hindi ko na pinansin ang puting kadena, kahit paulit-ulit─bahala na.

Mahigit sa sampu akong umulit nang napansin kong nakalagpas ako dito. Nabunutan ako ng tinik sa dibdib nang makitang nasa ibaba ito kung saan kasalukuyan akong nakatayo. Lihim akong nagbunyi at pinagpatuloy ang pag-akyat.

Sa hindi malamang dahilan ay biglang umalulong si Kuya. Ayoko sanang pansinin dahil malapit na malapit na ako. Malaki na silang dalawa sa paningin ko. Ngunit nakakabahala ang alingawngaw ng parang tunog ng paniki.

Napansin ko ring hinabol ako nang akyat ni Barbara. Nasa paanan ko na siya at paulit-ulit na nginunguso ang paa ko. Nagmamadali rin naman ako, pero baka mahulog naman ako pag dagdagan ko pa ng bersyon ng pagmamadali niya.

Muntik na akong makabitiw nang lumakas ang pag-uga ng kabit-kabit na bakal. Napakapit ako nang mahigpit at sinikap na h'wag mapatingin sa baba.

"Bilis, Issa!" sigaw ni Frankie. Nasa baba na siya ni Barbara, at kasama si Jack na parang sinapian ng nagwawalang demonyo.

"Akyat na!" Pasegunda ni Kuya. Sa taranta ay nagkandarapa ang mga kamay ko na kumapit sa kasunod na piraso ng bakal. Hindi ko na mahila ang mura kong katawan dahil sa pananakit na ng mga kalamnan.

Hindi ko na rin nagawang umusad nang natuon ang pansin ko sa mga nagliliparang insekto na papalapit sa 'min. Katulad ng mga halimaw sa baba, pulang-pula din ang kulay ng mga 'to─kahit ang mga pakpak nila ay malapot ang pagkapula.

Halos mabasag na ang loob ng tenga ko sa matinis nitong ingay. Pumalibot ang mga 'to sa 'min, sobrang dami at wala na akong matanaw sa labas.

Nanlaki ang mga mata ko nang ilan sa mga 'to ang lumipad at huminto sa mismong harapan ko. Kamukhang-kamukha ito ng lamok na hindi napigilan na hindi napigilan ang paglaki. Halos kasinlaki na ng kamao ang katawan nila─kasinlaki na ng barya ang itim nitong mata na nakatitig at parang kinakantyawan ang buo kong pagkatao.

Hindi na napigilan ng dila ni Barbara ang mga insekto nang sabay-sabay itong sumalakay, dumapo at binaon ang naglalakihan nitong hiringgilya sa iba't ibang parte ng katawan ko.

Lalo kong pinulupot at hinigpitan ang pagkapit sa bakal. Sinigaw ang bawat sakit at hapdi na karamihan ay sa likod at sa hita.

Pinikit ko ang lahat. Pinanghahawakan ko ang ugong at hagibis sa hangin, at ang pumapangibabaw na maysa-demonyong tawa ni Jack. Kaya ko pa. Konting tiis, kaya ko pa.

Nabuhayan ako ng loob nang numinipis ang ingay at kumukunti ang mga dumadapo sa balat ko. Nakahinga ako nang maluwag.

Pero nabawi lang at hindi ko inaasahan na may grupo ang sabay-sabay na tumusok sa magkabilaan kong braso. Sinabayan ko ng pag-ungol nang malakas ang mga lagutok sa kalamnan habang binabaon pa nang husto ang mala-karayom na bibig ng mga pesteng insekto. Kinaya ko pa. Ngunit natangay ang lahat ng lakas ko nang sabay-sabay din nilang binunot ang hiringgilya.

Nabitawan ko ang bakal.

Animo'y naglaho ang lahat ng ingay. Napako ang tingin ko sa nanlilisik na mata ni Jack. Pilit nitong inaabot ang kamay ko habang nahuhulog kami sa ire.

Nahagip ng mga mata ko ang paghaba ng dila ni Barbara na siyang nagtulak kay Frankie pabulusok sa kinaroroonan ko. Maliit na lang ang agwat ng kamay namin, aabutin ko na lang. Ngunit may biglang pumulupot sa baywang ko. Mabilis itong humigpit at mabilis ding umurong palayo.

********************

Dedicated to PortalMentis sana pag nakarating ka na sa chapter na 'to ay magustuhan mo ang action dito.

hiringgilya: syringe
palangga, 'langga, 'ga: Cebuano word for mahal, usually used as endearment

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro