Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

15 » usapang tae

Lintik, ang baho!

Bwisit kasi 'yong maysa-demonyong kapilya, ihulog ba naman kami sa lubak na puro tae. Sa lahat naman kasi ng pwedeng paghulugan ay do'n pa talaga.

Nakabusangot ang mukha ni Barbara habang pinunit ang babang bahagi ng kamesita na suot niya. Siya lang ang malinis sa aming tatlo. Ewan ko kung anong talon ang ginawa nito, sumirko siguro.

"Ito, itapal mo sa ilong." Inabot niya sakin ang mahabang punit na tela. Hindi ko maintindihan kung seryoso ito o nagpapatawa.

"Pa'no ako hihinga n'yan?" tunog ipis kong sabi. Kanina ko pa iniipit gamit ang malinis kung kamay ang nalapastangan kong ilong.

"E 'di h'wag kang huminga." Sinimangutan ko ang pagmamaldita ni Barbara bago hinablot ang tela sa kamay niya. Nakakainis na mukhang tama siya. Bakit kasi nakakainis pag tama siya?

Binilog ko pa ang isang dulo bago ko 'to sinaksak sa isang butas. Iniingatang mabuti na hindi ito masagi sa dumi ko sa katawan. Mukhang ito lang talaga ang paraan para hindi gumapang ang amoy sa lumalabnaw ko nang utak.

Matapos sa isang butas ay 'yong isa naman. Hindi pa ako tinulungan ng bruha, pinameywangan lang ako sa mukha. Kitang hirap na hirap na nga ako e.

"Ikaw, gusto mo rin?" tanong ni Barbara kay Frankie.

Nakakatawa ang hitsura ni Frankie. Natanga na nga, nakanganga pa. Gusto siguro nitong sapakin si Barbara. Kalahati na lang kasi ang natira sa pinahiram niyang kamesita. Kita na nga ang pusod e.

"Ayaw mo? Tara na." Umismid pa ang bruha bago tumalikod at naglakad. Ang sama talaga ng ugali nito. Kung hindi lang ako mabait, hinilamusan ko na 'to ng tae. Pero mabait naman ako, kaya sumunod na lang ako sa kanya.

***

Nasa'n na kaya kami?

Pang-ilang araw na ba 'tong kung saan-saan kami nagsususuot?

Bago pa kami napunta sa dalampasigan na may naglalakad na kapilya ay napadaan pa kami sa isang masukal na damuhan. May nagkalat na gumamela na ang tangkay ay kasintangkad ng punong-kahoy at ang bulaklak ay kasinlaki ng batya.

Tuwang-tuwa pa naman sana ako, ngayon lang ako nakakita ng gano'n kalaking bulaklak.

Pero lintik!

Hindi ko naman sinadyang masagi ang dahon no'ng isa. Tsaka hindi naman sinabi agad ni Barbara na bawal palang hawakan.

Kaso nangyari na nga. Ang gitnang parte ng bulaklak ay naging dila. Gumalaw din ang mga ugat at naglakad pa sa ibabaw ng lupa.

Walang hiya't pinaghahabol at nilapastangan kaming tatlo. Wala man lang ginawa 'tong dalawa.

Sabi naman ni Frankie na hindi daw 'yon kalaban, bantay daw 'yon ng lagusan. Halimaw lang daw ang kinakain no'n, ewan ko lang kung totoo─hindi kasi kinain si Barbara.

Ngayon naman ay para kaming nasa isang kulob na lugar. Isang malawak at itim na patag. Hindi ko rin tanaw ang hangganan dahil itim din ang karugtong nito na hindi ko alam kung langit, o bubong, o kisame. May mangilan-ngilang gatuldok na liwanag sa ibabaw namin. Masyadong malayo at hindi ko rin mawari kung bituin ba o bombilya.

Pero nakapagtatakang hindi madilim. Sa kabila ng kaitiman ng buong paligid, napakamot na lang ako sa ulo dahil nakikita ko pa rin nang maayos ang dalawa kong kasama.

Gusto ko ring itanong kay Barbara, pero halatang ayaw magpalapit. Binibilisan ang lakad sa tuwing humahabol ako sa kanya. Ang arte nito e. Oo na nga't ako na ang mabaho.

Si Frankie naman ay hirap na hirap sa sarili. Umaalingawngaw sa paligid ang paminsan-minsan niyang pagsinghot at marahas na pagpalabas ng hangin sa ilong. Ayaw niya kasing tapalan.

Gusto niya pa rin sigurong isalba ang nalustay nitong damit. Kaya siguro nagtatyaga na lang siya sa pag-ipit at pagpahid sa nangangamatis niyang ilong. Akala niya naman mababawi niya pa 'yong damit niya. Inangkin na nga yata ni Barbara e─pati na nga yata shorts ko.

Naawa tuloy ako. Hatian ko sana nitong tela, pero baka hindi niya rin tatanggapin. Kung tatanggapin man e baka masama pa sa loob. Kaya't h'wag na lang, okay pa naman siguro siya.

Tahimik na lang akong naglalakad sa likod nila. Medyo nakakahiya ring umapak sa dinadaanan namin. Parang marmol na masyadong makinis at madulas ang humahagod sa bawat pag-apak ng nanlilimahid kong paa.

Naalala ko tuloy si Nanay. Ang hilig niya kasing maglinis na masyadong madulas ang kinalalabasan. Napangiti ako nang maalala ang mga oras na hinahabol kami ni Kuya ng walis ni Nanay. May nakaabang na pamalo sa tuwing pinaayos niya ang nagkalat ng unan at kumot na lagi naming ginagamit para kunyaring tolda. Kumusta na kaya siya?

Baka malungkot ngayon si Nanay. Baka pinaghahanap na ako no'n, ilang araw na akong hindi nakauwi sa bahay. Baka pinagluluto niya pa rin ako ng agahan kahit hindi na 'ko nakauwi. Baka hinihintay na ako sa may hagdanan.

Dahan-dahan kong sininghot ang nagbabadyang sipon at baka pati ang tela ay sumama.

Patawad, 'nay. Hindi talaga kita pwedeng puntahan. Ayokong mapahamak ka. Sana h'wag ka nang malungkot. Nand'yan pa naman si Kuya, siya na lang muna ang pagpraktisan mo sa mga niluluto mo. Nand'yan pa naman si Tatay. H'wag ka na pong malungkot, 'nay.

Wala sa sariling napunas ko ang daliri sa dumausdos kong luha. Sana nga hindi ko na lang ginawa, lalo tuloy nakakadiri ang kalagayan ko. May gumuhit kasing tae sa kabila kong pisngi. Nakakainis naman.

Pero miss ko na si Nanay. Sana hindi siya magalit sa 'kin. Kung ito lang ang paraan para makasigurong ligtas sila, kikimkimin ko na lang ang lungkot. Titiisin ko na lang.

Isabelle─

Hindi natuloy ang paghakbang ng paa ko nang parang may bumulong sa likod. Nilingon ko, wala naman─kaming tatlo lang ang nandito. Pinasadahan ko na rin ng tingin ang ibang direksyon. Kumunot ang noo ko, wala talaga.

"Anong ginagawa mo?" Umalingawngaw ang singhal ni Barbara. Ang layo ng agwat namin pero ang bilis niyang nakalapit sa 'kin. Ang kaninang kasing-itim ng paligid ang buhok niya ang mabilis din itong nagpabago-bago ng kulay.

"Wala, naglakad lang ako."

"'Di ba sabi ko sayong h'wag kang mag-isip!" Napaatras ang paa ko sa malakas na pagkatulak ni Barbara sa kaliwa kong balikat. Kusang dumapo ang kamay ko dito sa gulat. Napaatras siya sa pagtalim ng mga mata ko.

"Sumusobra ka na, Barbara! Ano bang gusto mong gawin ko? Hindi na nga ako pwedeng magsalita, hindi rin ako pwedeng mag-isip?"

Nakuyom ko ang dalawa kong kamay, umabante at iniksian ang espasyo sa pagitan naming dalawa.

"Ano bang tingin n'yo sa'kin? Tuod ba, ha? Tuod? Walang pakiramdam? Sumusobra ka na e. Masakit e─"

Hindi na napigilan ng namimigat kong dibdib na bumuhos. Ang hirap na nga ng pinagpagawa nila tapos lagi pang galit.

Hinablot ko ang telang pinangtapal ko sa ilong at ginawa ko na lang pamunas ng luha. Nakakainis naman e. Nayupi na siguro ang mukha ko sa harap ni Frankie.

Nawaksi ko ang kamay ni Frankie nang hinagod niya ang likod ko. Isa rin 'to e. Kahit naman na para sa 'kin ang ginagawa nila, nakalimutan na nila na tao rin ako. Nasasaktan din ako.

"Tigil na!" Ang bilis naglaho ng pagkagulat ni Barbara at sininghalan na naman ako. Lagi na lang siyang galit, hindi naman siya ganyan dati.

Humarang na ngayon si Frankie sa harap ko. Ang laki ng problema nito ni Barbara e, walang kontrol sa sarili pag nagagalit. Akala niya naman na matatakot ako sa ganyan niya.

"Tumahimik ka na!" matigas nitong sabi at pinanlakihan pa ako ng mata. Tinapon niya sa 'min ang hinubad nitong damit bago pa siya tuluyang nagkatawang hunyango.

Parang nanlaki na naman ang kabila kong tenga sa mahinang ugong sa malayong dako. Animo'y nagbabagsakang ulan at mabilis na lumalakbay papalapit. Wala sa sariling inabot ni Frankie ang nasalo niyang damit at naglakad sa likod namin para salubungin ang kung anuman ang paparating.

Kahit galit si Barbara kanina ay wala siyang reklamo nang sumakay ako sa likod niya. Kahit hindi ko pa nakikita ay alam ko na ang parating. Binalagbag na ni Frankie sa harap ang hawak nitong armas. Hindi ako makahawak sa likod ni Barbara, ayokong maramdaman niya ang nanginginig kong kalamnan. Pinigil ko ang paghinga, binibitiwan lang pag kailangan na ng katawan ko ang hangin.

Hindi nagtagal ay naaninag ko na ang mga pulang buhok na animo'y rumaragasang alon. Parang mga gutom na ulupong na nag-uunahan makarating sa kakapirasong pagkain.

Kung gaano kabilis magpalit ng kulay ang katawan ni Barbara ay gano'n din kabilis ang paglipad ng mata niya. Kung pwede ko lang pigilan ang lakas ng dagundong sa dibdib ko para hindi niya marinig.

Nalunok ko ang bumarang laway nang tumili ang unang kumpol at malakas itong hinampas ni Frankie ng batuta. Umulan at kumalat ang dugo nito habang pumipitlag nang paurong. Sumabog din ang nakakasukang amoy ng imburnal na parang galing do'n sa singaw ng nasugatang gwalltor.

Sinundan naman ng isa pang kumpol, sunod-sunod na halos isang segundo lang ang pagitan. Napayakap ako sa malapad na leeg ng hunyangong katawan ni Barbara. Hindi kinaya ng sistema ko, naipikit ko ang mata habang patuloy ang hiyawan sa paligid.

Pahigpit nang pahigpit ang pagkapit ko sa hunyango dahil sa mga biglaang paggalaw nito. Dagdagan pa ng mga hagibis sa hangin na alam kong galing kay Frankie. Ilang beses siyang masyadong malapit, sa isang iglap narinig ko ang paghingal niya.

Nabaon ko ang mukha sa likod ni Barbara. Nalunod sa masangsang na amoy at iba't ibang ingay sa paligid.

Sa gitna ng kaguluhan, nangilo ang tenga ko sa matining na ingay na bigla na lang nangibabaw sa mga nakakarinding sigaw. Animo'y paulit-ulit na pagkiskis sa bakal, mas nakakarindi kaysa sa sigaw ng mga gwalltor.

Hindi napigilan ng mga mata ko ang dumilat. Sinalubong naman ito ng mabilis na paghaba ng dila ni Barbara. Pumulupot sa isang kumpol ng pulang buhok. Pwersahan nitong binunot at tinangay pabalik sa loob ng bibig niya. Napangiwi ako sa pagnguya ni Barbara at tumagaktak pa ang dugo ng mga halimaw sa gilid ng labi niya.

Namataan ko si Frankie na naligo na rin sa dugo ng mga gwalltor. Halos pula na ang kulay ng maiksi nitong buhok. Pati braso at ang buo niyang katawan ay halos matakpan na ng wisik-wisik ng dugo. Hindi siya matinag sa harapan na sinasabayan ang walang humpay ng pagbulusok ng mga halimaw. Hindi ko na alam kung pa'no pa siya humihinga sa sobrang bilis ng mga kaharap niya.

Hindi ko maiwasang maibaon ang kuko sa balat ni Barbara nang may isang grupong nakalagpas kay Frankie. Ang bilis nitong bumubulusok sa kinatatayuan namin. Kung gaano ito kabilis ay parang kisap-mata din ang galaw ni Frankie na nakapwesto na isang dipa lang ang layo sa harapan namin.

Napasinghap ako nang ginawa na naman niyang pansangga ang isang braso. Lumagutok ang pagbaon ng libo-libong mala-karayom na buhok sa kalamnan niya.

Halos masakal ko na si Barbara sa magaspang na pagsigaw ni Frankie. Buong pwersa nitong hinila ang braso para mabunot ang kumikislot pang mga halimaw na nagpupumilit pa ring bumaon dito. Tumulong na rin si Barbara at tahasang pinigtas ang mga ito gamit ang mahaba niyang dila.

Marami na rin ang nakahandusay sa paligid, pero walang nabawas. Hindi tumigil ang ugong ng parang naghahabulang ulan sa kalayuan. Nabagsak ko ang katawan ko kay Barbara. Yumakap na lang ulit nang mahigpit sa kanya.

Sa hindi malamang dahilan ay lumipad ang mata ko sa taas sa matining na namang ingay. Kaninang nawala ito, pero bumalik na naman ang parang kinikiskis na bakal.

Sa hindi malamang dahilan ay napako ang mata ko sa paggalaw ng mga gatuldok na liwanag sa taas. Mabilis na parang nagsihulugan ang mga 'to sa gilid. Kasunod ang pagguhit ng liwanag sa itim na kawalan. Palaki nang palaki ang hiwa kasabay ang nakakairitang tunog na parang pinupunit na bakal.

Huminto nang saglit. Ngunit sumunod ang pagpasok ng nakakasilaw na liwanag, ultimo ang mga gwalltor ay umurong at mukhang takot matamaan nito.

"Issa!" Umalingawngaw ang magaspang na boses sa paligid. Jack?

Kasunod ang isang mahabang alulong ng aso, at pagbagsak ng dambulahang angkla na dumurog sa karamihan ng mga halimaw.

********************

Sorry na po, wala talaga akong maisip na magandang title.

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro