Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

14 » ang unang lagusan

NOTICE: Some scenes and use of words are not meant to insult any particular religious belief. Reader's discretion is advised.

********************

Ang sangsang.

Ang lagkit.

Parang kalamay sa bao na binuhusan ng krudo ang ga-tuhod na putik. May paminsan-minsan pang plok sa pagsabog ng bula sa malagkit na lupa.

Bakit ba kasi sumuong kami rito?

Panay patay na malalaking puno ang nakatayo sa paligid. Nangingitim at walang kadahon-dahon ang nakadipang mga sanga nito. Mukhang ilang taon din itong nanghingi ng tulong sa taas para tanggalin sila sa nakakasuklam na putik. Sumuko at nanigas na lang dahil hitsura pa lang e mukhang wala talagang dumating.

Ang lungkot. Parang nababalutan ng nagbabadyang ulan ang paligid. Dagdagan pa ng kulay abo na hamog, parang may buhay na umiikot-ikot sa katawan ang mga ito pag nadadaanan. Pilit kong winawaksi sa isipan na hindi naman 'to mga kaluluwang ligaw.

Napatingin ako kay Frankie sa unahan. Mukhang sigurado naman siya sa pupuntahan namin. Paminsan-minsan niya kaming nililingon, gusto sigurong masiguro na nakasunod pa kami sa kanya. Pero hanggang do'n lang, hindi na siya tumitingin sa kaliwa man o sa kanan.

Itong si Barbara naman ay nasa likod ko na panay reklamo sa tsinelas niyang kinain ng putik. 'Yong sa 'kin nga ay iniwan ko na dahil lumubog na ito nang tuluyan. Pampabigat lang din kaya minabuti ko na lang ang magpaa. Hindi ko rin maintindihan 'tong isa, hindi talaga natutunawan sa tsinelas niya.

"Malapit na ba tayo?" Umalingawngaw ang boses ko sa paligid. Tumigil at nilingon ako ni Frankie. Binigyan din ako ng matagal at makahulugang titig.

Oo nga pala, bawal akong magsalita. Hindi pa kasi nila matukoy kung pa'no mismo nagigising ang mga gwalltor─dapat daw akong tahimik. Kaya't tinikom ko na lang ang bibig, 'yong malaki para makita niya.

Tumango siya at muling naglakad, humakbang sa nakalutang na troso. Kung hindi ko lang alam e pinagmamalaki niya ang pandesal niya sa bisig. Kung hindi ko lang alam na sinasadya nitong isampay ang braso niya sa batutang nakabalagbag sa likod ng leeg niya. Kitang-kita e. Akala niya siguro na hindi ko alam na sinadya niya e.

Medyo dyahe pala pag kausap siya na walang pantaas. Kahit anong gawin kong iwas, nagagawi talaga ang mata ko sa dalawang pasas nito sa dibdib. Ang hirap!

Muli rin akong naglakad. Karay-karay ang namimigat kong binti na nabalot na ng putik. Ang kati na sa balat, parang may galis-aso na ako nito sa kakakamot.

Yumuko ako nang bahagya para hatakin pataas ang nanlilimahid kong bestida. Dagdag din 'to sa bigat e, kung pwede lang hubarin para wala nang abala.

Hindi ko pa naitaas lahat nang may narinig akong malakas na pagtampisaw. Kumunot ang noo ko at tumingin sa harapan. Nasa'n na si Frankie?

Binilisan at nilakihan ko ang mga hakbang. Sinuyod ang lahat na nakahigang troso, baka lang may matagpuan akong lumulutang na katawan. Pero wala talaga.

Ayoko sanang aabalahin pa si Barbara dahil mukhang ayaw nitong magpatalo sa katunggali niya. Pero wala naman akong ibang mahingan ng tulong. Nilingon ko ang dugyot na dugyot na nitong hitsura. Puno na ng tilamsik ang katawan niya sa kakawagwag ng pobre nitong tsinelas─at inaaway niya pa.

"Barbara, si Frankie nawawala!"

Pinanlakihan lang ako ng mata at sinamaan pa ng tingin habang pinagpupunas ang putik sa shorts na hiniram niya. Hay.

"Nand'yan lang 'yan!" sigaw nito.

Loko 'to ah, walang pakialam kay Frankie. Inismiran at iniwan ko na lang siya. Bahala siya r'yan.

Sinuyod ko ulit ang paligid. Dahil na rin siguro sa pagkataranta ay biglang bumulusok ang isa kong paa sa isang malalim na parte. Hindi ko na nahawakan ang balanse at diretsong namudmod ang mukha ko sa tubig.

Kadiri.

Ang bilis kong bumangon at tumayo. Ang akala kong malalim, hanggang baywang ko lang pala.

Pero maalat ang nalasahan ko sa tubig. Kusang yumuko ang ulo ko at inusisa kung ano na ang kinatatayuan ko.

Dagat? Nakatayo ako sa dagat?

Ang linaw pati. Kitang-kita ang puting buhangin na nakasaklob sa mga paa ko. Kahit ang maliit na isda na umusisa sa pulang tela ng damit ko. Kahit ang nakabukang kabibe na dinaan-daanan ng puting liwanag na umaalon-alon sa tubig. Kumurba ang bibig ko paakyat.

"Ang tanga-tanga mo naman!" Umalingawngaw ang singhal ni Barbara.

Sa duda ay nilingon ko ang nagrereklamong si Barbara. Nangilo ang braso ko nang makita ang itim na bahagi ng putikan na ilang pulgada lang ang layo sa mismong buol ng paa ko. Ang bilis ng mga paa kong hinila ang namimigat kong katawan para makaalis sa kinalalagyan ko. Ang lintik na putik na parang may mga kamay na bigla na lang lalabas sa ilalim at hatakin ang paa ko pabalik.

Tumigil ako sa ligtas na distansiya. Kung sakali man na may lumabas nga do'n, hindi na ako abot dito.

Lumuhod ako sa buhangin hanggang sa umabot na sa leeg ko ang dagat. Parang bata na sinalok ko ang maligamgam na tubig at hinilamos ito sa mukha. Pagkatapos ay nagsalok pa 'ko at binuhos naman sa ulo. Ito na nga ang sinasabi kong ginhawa.

Parang bata pa rin na kinuskos ko ang mga kumapit na putik sa balat. Maya't maya ding napapalublob sa sobrang tuwa ko sa dagat. Pati ang suot kong bestida ay pinasadahan ko na rin ng pagkusot─matanggal man lang ang panganay na dumi.

Nang wala na akong maikukusot pa ay nagpalutang ako nang patihaya. Ninanamnam ang pagkaaliwalas ng paligid. Ang bughaw na langit na walang naligaw na ulap. Ang mangilan-ngilang ibon na nagpatianod kung saan man sila dalhin ng pakpak nila.

Iba din pala ang dagat sa umaga, mabigat ang hangin. Hindi katulad ng nasa kwarto ko na laging malamig. Nasanay ako sa laging malamig, ngayon ko lang ulit nakita ang tunay nitong ganda sa umaga.

Natigil ako sa pagmuni-muni sa biglaang paggalaw ng tubig. Tumampisaw akong napaupo sa paglabas ng ulo ni Frankie. Lumuhod siguro sa buhangin dahil hanggang baywang lang naman ang nakaahon sa kanya.

Dumiretso ang mata ko sa...pasas.

Letse kasi e. Walang sabi-sabing tumalikod ang katawan ko at paluhod na lumayo. Bakit ba kasi lumapit pa 'to? Baka sa kanya ay okay lang, kaso sa 'kin hindi. May kung anong kuryente na namumuo sa pagitan namin pag napapalapit siya, masakit sa balat. Pero bakit, ang totoong gusto ko rin. Hay, ang gulo. Ganito ba talaga 'to? Nakakalito?

Mabuti't hindi naman sumunod, narinig ko na lang ang muling pagtampisaw sa likod.

Hindi nagtagal ay tumampisaw na rin ang reklamador naming kasama. Mukhang nanalo na siya sa laban niya kontra putik. Naglinis na rin ito at panay pa rin reklamo sa kamiseta ni Frankie na ayaw matanggal ang mga bahid ng dugo. Sipain ko talaga 'to e. S'yempre kasi walang sabon.

***

Matapos naming maglinis at mag-aliw-aliw ng konti. Nag-aliw-aliw na hindi pa rin ako pwedeng magsalita, at hindi rin kasama si Frankie dahil may sarili siyang mundo do'n sa malayo. Sumenyas na si Barbara na tutuloy na kami. Sinigawan niya na rin si Frankie at tumango rin ito.

Mula sa ga-beywang na dagat, nilakad namin ang dalampasigan. Dahil hindi na ako nakalublob sa tubig ay masakit na sa balat ang sikat ng araw.

Kaya siguro hindi binitiwan ni Barbara ang tsinelas niya, nakakapaso sa paa ang buhangin at maliliit na kabibe na nilalakaran namin. Mabuti na lang at nagmamadali 'tong dalawa. Halos takbuhin na namin ang nag-iisang gusali sa malayong dako.

Tsaka ko lang din nalaman na kapilya pala nang makalapit na kami. Hindi halata sa malayo dahil nahulog na sa lupa ang krus na dapat ay nasa bubong nakatayo─masyado nang marupok at halos kainin na ito ng lupa. Pati ang puting pintura ay tipak-tipak na, marami na ring butas-butas ang kahoy na dingding at mukhang pinamahayan na ng anay.

Lumagutok sa kalumaan nang buong pwersang tinulak ni Frankie ang matangkad na pinto. Kinalawang na rin siguro ang mga turnilyo nito at masyado nang matigas kaya hindi na niya nabuksan nang husto. Paisa-isa na lang kaming sumingit sa maliit na siwang para lang makapasok sa loob.

Nahuli akong pumasok, at iniwan pa ako ng dalawa. Para tuloy akong naligaw na tuta habang binabagtas ang kahabaan ng pasilyo patungo sa altar kung saan na nakatayo ang dalawa. Wala na nga yatang sumasamba rito. Bukod sa wala talagang kalaman-laman─kahit upuan o rebulto man lang, ay halos sakupin na ng gumagapang na halaman ang dingding.

Tumigil ako sa likod ng dalawa. Umabot na nga yata sa kisame ang tinaas ng kilay ko sa hitsura ni Barbara. Para itong basang sisiw habang nakayuko, mas malala pa kaysa no'ng nagalit sa kanya ang tatay niya.

Si Frankie naman ay tuwid ang tindig, nakalapag sa sahig ang bitbit nitong armas. Hindi katulad kay Barbara na nakayuko, diretso at kalmado ang tingin niya sa harapan.

"Lalabas na kami," sabi ni Frankie, malakas at kumalat sa loob ng silid ang buo at mababa nitong boses.

Napangiti naman ako do'n. Noong una ay nabighani lang ako, parang musika na gusto ko lang marinig. Pero simula no'ng letseng tanghaling yo'n ay naging makapangyarihan na ang boses niya. May diin. 'Yong tipong pag inutusan ako nito ay oo at opo na lang ako nang diretso.

Mabuti na lang at nandito ako sa likod, hindi nila makikita ang hindi ko naman mapigil na ngiti. Siguro naintindihan ko na si Barbara no'ng nagkwento siya tungkol kay Harold. Kulang na lang ay sumigaw e.

Pero kanina pa 'ko sa likod, hindi pa rin gumalaw ang dalawa. Tinagilid ko ang katawan para silipin kung sino ang kausap ni Frankie.

Kumunot ang noo ko sa batang babae na nakatayo na nakatalikod sa gitna ng tarima. Base sa tangkad, mukhang anim o pitong taong gulang pa lang 'to.

Hindi ko alam kung nagbingi-bingihan lang o talagang wala lang itong modo. Kanina pa 'yon nagsalita si Frankie at mukhang siya naman ang kausap. Pero sumasaliw-saliw lang ang ulo niya at parang may hawak na kung ano sa dalawang kamay niya. Hindi ko makita dahil natakpan ng katawan niya.

Hindi ko alam kung naligaw ba o sadyang pumunta rito. Ang linis niya kasi. Tuwid na parang bagong plantsa ang suot nitong bulaklaking bestida. Mukhang bagong ligo pa nga yata dahil mamasa-masa pa ang hanggang balikat nitong buhok.

Ilang beses na kaming dinaanan ng maliit na ipu-ipo ng tuyong dahon, pero wala pa ring gumalaw. Si Frankie, at si Barbara ay mukha ng estatwa na sa kinatatayuan nila. Kahit balikat nila e hindi talaga gumagalaw.

Napakamot na lang ako sa ulo, ano bang gagawin ko? Ayoko namang puntahan 'yong bata, malay ko ba na baka aswang pala 'yan. Baka panay matutulis ang ngipin n'yan kaya ayaw humarap, kagatin pa 'ko.

Tumingala na lang ako, sinuklay ang buhok, umupo, tumayo, binilang ang mga bintana─tatlo sa kanan, tatlo sa kabila. Tamad na tamad na 'ko, kulang na lang ay bibilangin ko na ang mga agiw sa kisame. Paminsan-minsan ko ring sinisilip 'yong bata, gano'n pa rin ang ginagawa niya─sumasaliw-saliw pa rin. Hihintayin ba talaga namin 'to?

Inabot siguro kami ng mahigit na isang oras nang sa wakas ay gumalaw na 'yong bata. Naglakad ito patungo sa pintuan na nasa dulong bahagi ng tarima. Huminto siya at nilapag ang isa nitong kamay sa doorknob.

"Sige─" Sumabog at kumalat sa loob ang malakas at matining nitong boses.

Mabilis na dumilim at lumamig ang loob ng kapilya. Animo'y tinakpan ang labas nito ng napakalaking itim na kumot. Napakapit ako sa braso ni Barbara nang may dumaang malakas na hangin at tumagos pa sa 'kin.

Lalo kong nahigpitan ang kapit nang parang may gumagalaw sa dingding. Naipagitna ko ang sarili sa dalawa dahil sa mahinang pag-atras abante nito─animo'y humihinga.

Mahina no'ng una, pero naramdaman ko na parang lumalaki ang tenga ko sa mga boses sa likod ng dingding. Iba't ibang boses─bata, matanda, babae, lalaki. Para silang nagbubulungan sa isa't isa.

Sige.

Sige.

Sige.

Animo'y nagsusumiksik na sa tenga, at umalingawngaw na rin sa utak ko ang sinasabi nila na inuulit lang 'yong sinabi ng bata. Masyado nang malakas. Nakakarindi. Nakakabingi.

Nasabunutan ko ang sarili sa lumalatay at pumipintig na sakit sa bawat may nagsasalita. Sige.

Hinila ko ng maraming beses ang basa ko pang buhok para mabawasan man lang ang sakit. Sige. Sige.

Bumagsak ang tuhod ko sa kahoy na sahig, nalunod ang sigaw ko sa malakas nilang boses. "Tama na!"

Tumukod ang noo ko sa lapag at wala sa sariling inuuntog-untog ang animo'y nabibiyak ko nang ulo. Sige. Sige. Sige.

Napakurap ko ang mga mata sa pagkawala ng ingay, pati ang mga boses na kaninang umatake sa utak ko ay biglang nawala. Tinaas ko ang ulo sa unti-unting pagliwanag ng paligid, pati ang lamig ay naglaho rin.

Ginamit ko bilang suporta sa pagtayo ang hindi pa rin gumagalaw na si Barbara. Nakayuko pa rin siya at wala namang reklamo nang sinandal ko ang lango ko pang sarili sa kanya.

Sinubukan kong ayusin ang sarili nang may lumagitik sa harapan. Dumiretso ang mata ko sa bata na binubuksan ang pinto. Huminto siya nang nabuksan na ito nang husto.

Sa walang kadahilanan ay tinaas niya nang bahagya ang kabila at nakakuyom nitong kamay. Hindi ko malaman kung ano ang gusto niyang iparating, dahan-dahan niya itong binuksan at isa-isa ring nagsibagsakan sa tarima ang maliliit na mga kabibe ng kuhol na 'yon pala ang hawak-hawak niya kanina pa. Tumalbog at nagkalat hanggang sa wala ng laman ang kamay niya. Tsaka lang humakbang ang bata palabas. Kusa ring nagsarado ang ang pinto sa likod niya.

Pagkasara na pagkasara ng pinto ay gumalaw na rin ang dalawa kong kasama. Mabilis na pinulot ni Frankie ang batuta, at hinila ako ni Barbara sa braso patungo sa may bintana.

"Kapit," sabi niya. Sumisenyas ang mata niya sa bakal na rehas ng matangkad na dungawan.

Kumunot ang noo, tumaas ang kilay, at sinamaan ko siya nang tingin─sabay-sabay. "Bakit?"

Ginantihan din ako ng pagtaas ng kilay ng bruha habang nakakapit na siya sa rehas. Si Frankie naman ay kumapit din sa rehas ng katabing bintana. Wala sa sarili na napahawak na lang ako dahil 'yon ang ginawa nila e.

Nahigpitan ko ang kapit at naidikit ko ang sarili sa rehas nang gumalaw ang sahig.

"May lindol?" tanong ko kay Barbara na natatawa pa sa nanlaki kong mga mata.

"Wala, tanga. Kumapit ka."

"Wala ba talaga? Ano pala ang tawag mo d'y─" Hindi ko na natapos nang tuluyang tumagilid ang gusali na halos halikan na ng kabilang gilid ang lupa. Hindi pa nakuntento at sa gawi naman namin ang tumagilid. Tsaka ko lang din napansin na sigaw ko pala 'yong nakakabingi.

Lumalagutok ang mga haligi at nagsisibagsakan ang mga tipak ng kahoy sa kisame sa bawat pagpagewang-gewang ng may saping kapilya. Imbes na tulungan ay walang ginawa 'tong katabi ko kundi pagtawanan lang ako.

"Makawala lang ako rito, Barbara!"

"Para kang tanga oh!" panunudyo niya sabay tawa pa. Sasabunutan ko talaga 'tong bruhang 'to.

Nagmumukha na akong tuko, at basang basa na ng malamig na pawis ang mga palad ko sa pinaggagawa ng tinopak na kapilya. Pumiyok ang boses ko nang bigla na lang tumaas ang sahig at mas tumindi pa ang pagpagewang-gewang nito.

Nagawa ko pa ring sumilip sa labas nang may narinig akong mga yabag na sinusundan ng pagyanig sa lupa. Kasabay ng paglagutok ng mga haligi ang mahigpit kong pagyakap sa rehas. Walang hiya ang kinalalagyan pala namin ang naglalakad, ang mga poste nito ang mistulang naging paa. Kaliwa't kanan kaming naalog habang humakbang ito patungo sa dagat.

Napapikit na lang ako nang wala sa oras, napadasal kay Lord na h'wag sanang bumigay 'tong kinakapitan ko.

"Oh, humanda ka na." Napadilat ako sa pagtapik ni Barbara. Bumugad sa 'kin ang dagat sa labas ng bintana kung saan kami nanggaling kanina. Nasamaan ko rin ng tingin si Barbara, mukhang tuwang-tuwa pa siya sa nangyayari─wala man lang takot sa mukha niya.

"Ano na naman?"

Hindi ko na rin kailangan ng sagot nang tumagilid na naman nang husto ang kabilang gilid ng silid. Lalo kong naisiksik ang katawan sa awang ng rehas sa malakas na paglangitngit ng dingding at unti-unting bumuka ang gitna nito. Nahulog ang mga bintana sa parteng 'yon ng dingding at ang mga pira-pirasong kahoy sa krystal na tubig.

"Talon na!" sigaw ni Barbara at nauna ring tumalon do'n sa nakabukang dingding. Baliw na talaga 'to, e pa'no naman kung mahulog ang mga haligi o kaya bumigay itong kapilya't madaganan pa ako.

"Letse!" Kahit masakit na ang lalamuna ay nagawa ko pa ring sumigaw nang umalog-alog at para akong hinalughog nitong may topak na gusali. Ang hitsura kong mukhang butiki na naubusan na ng pandikit sa paa at nakalambitin na sa kisame. Isang tumitiling butiki na nahihiya kahit papano sa kalagayan niya sa pinong ngiti ng isa pang butiki na papalapit na nagmula pa sa kabilang bintana.

Nahawakan ako ni Frankie sa pulso nang makalipat na siya sa pwesto ni Barbara kanina. Hindi magkandaugaga ang libre kong kamay na kumapit din sa kamay niya.

"Issa, bibitawan kita." Natigil ako sa pagtili. Masyadong mahinahon ang boses niya at pati ako'y napakalma. "Kailangan mong bumitiw, h'wag kang matakot."

Tinanguan ko ang nangungumbinsi niyang mga mata. Alam ko naman hindi niya ako ipapahamak.

"Isa, dalawa─" Hindi pa siya nakarating sa tatlo ay kusa na akong bumitaw, binitiwan niya na rin ang kamay ko. Halos lumipat na sa lalamunan ang puso ko habang humahagibis ako sa ire. Pinigil ko ang paghinga at inaantay na lang ang paglagapak ko sa tubig.

Plok!

Kumunot ang noo ko. Bakit malambot? At bakit amoy tae?

********************

tarima: dais in English which means a low platform.
Hindi ko talaga pwedeng gamitin ang altar kasi iba 'yon. Hindi rin pwede ang entablado kasi stage naman 'yon, mas lalong hindi pwede ang platform kasi entablado pa rin ang Tagalog. Out of place din pag ginamit ko mismo ang English word (platform or dais). Kaya tarima na lang talaga.

Watcha think of this chapter?

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro