13 » magtiwala ka
Tahimik.
Maalinsangan.
Bakit kaya hindi pa nagsisigaw si Nanay? Maaga pa kaya?
Umalis na kaya si Kuya? Sabi niya kahapon na bibisitahin niya si Tatay bago siya bumalik sa trabaho. Napuntahan na niya kaya?
Bakit nga pala wala rito ang malambot kong unan?
Napabalikwas ako sa kinahihigaan.
'Yong nakatulugan ko na lang habang paulit-ulit na sinasabi sa sarili na sana ay hindi totoo ang lahat.
Pero ito─
Sa loob ng saradong kweba ay nakasilip ang malilit na liwanag sa mga awang ng bato na nakaharang sa bukana. Bagsak sa tuyong lupa ang tulog na si Barbara. Halos naging takip na ng walang saplot niyang katawan ang nanigas na dugo at putik, pati na rin ang mga nagkalat na galos.
Pupunasan ko na sana ang sariwang luha na bumabaybay sa pisngi niya. Pero ayoko siyang magising. Katulad ko, ayokong maalala muna niya ang nangyari. Kahit papano, sana, sa panaginip niya ay buo pa rin sila.
Nalugmok na lang ako sa tabi nito. Hindi pinansin ang nanghahapdi kong sikmura. Tulala. Kahit anong gawin ko ay hindi ko matagpuan ang gana na gumalaw. Kahit siguro may ahas pa rito, hindi ko magawang patakbuhin ang sarili. Hayaan ko na lang itong mangagat.
Tamad kong binaling ang tingin kay Frankie. Nakayuko itong tulog sa patong-patong na bato na tumakip sa bukana ng kweba. Mukhang ito 'yong pinaghahampas niya kagabi.
Kagabi.
Nagsitayuan ang mga balahibo ko nang maalala ang humabol sa 'min. Kusa kong naitakip ang dalawa kong kamay sa mukha. Kahit anong gawin kong pikit ay lalong lumilinaw sa utak ko ang halimaw. Nanumbalik ang pulang-pulang silid. Ang daan-daang kumpol ng matutulis na buhok na bumubulusok sa 'min ni Barbara. Natakpan ko ang tenga dahil nanumbalik ang mga sigaw ng ginang. Paulit-ulit sa tenga.
Nayakap ko ang binti at naisubsob nang husto ang mukha sa tuhod. Kung hindi lang tulog si Barbara ay gusto kong sumiksik sa kanya. Lalong nagsitayuan ang mga balahibo ko na parang nasa paligid lang ang mga halimaw itong mag-isa akong nakaupo.
"Issa, gising ka na." Napaigting ako sa malat na boses ni Frankie. Hindi magkandaugaga na hinarang ko ang sarili kay Barbara. Ang hirap lang dahil may katangkaran ito kaysa sa 'kin, at nakahiga pang pabalagbag.
Hindi ako mapakali nang may lumipad na kamiseta at diretso pang tumama sa mukha ko. Hindi ko alam kung may galit 'to si Frankie sa 'kin e. Mamasa-masa na nga, panay bahid pa ng dugo, at talagang sa mukha ko pa.
"Salamat," ang tangi kong nasabi. Pinagpag ko muna ang damit bago binuklat sa ibabaw ni Barbara. Gumalaw ito nang konti, pero hindi naman nagising.
Bumalik ako sa pagiging tulala. Naipatong ang ulo sa tuhod dahil sa panghihina dala ng lalong pangangasim ng sikmura. Nalipasan pala kami ng hapunan, pati na nga yata agahan, tantsa kong tanghali na dahil sa sobrang alinsangan ng paligid. Hindi talaga pwedeng baliwalain ang tiyan.
Hindi ko rin kayang pagalawin ang sarili kaya't pinagmasdan ko na lang si Frankie na paisa-isang tinanggal ang mga tipak ng bato sa bunganga ng kweba. Napakunot ang noo ko sa paghawi niya sa isang malaking tipak na kasinlaki ng pang-isahang sofa. Hindi ko pinansin no'ng una, pero ngayon ko lang nakumpirma na hindi pangkaraniwan ang bilis at ang lakas nilang dalawa ni Barbara. At dahil kanina ko pa siya tinitingnan, hindi ko matantsa kung alin ang mali sa katawan niya. Kanina ko pa hinahanap kung alin ang naiiba.
"Frankie─" Para itong na-estatwa sa pagtawag ko sa pangalan niya. Bitbit niya pa rin ang malaking bato at hindi na ito naibaba sa lupa.
"Pwede ka bang lumapit?"
Matagal siyang nakatayo. Sigurado naman ako na narinig niya dahil sa pagbaba ng balikat nito. Hinintay ko lang hanggang sa nagpakawala siya ng mahinang buntong-hininga. Marahan nitong binaba ang bato sa lupa bago nagtungo sa kinaroroonan ko.
May pag-aalinlangan sa mukha niya habang naglalakad papalapit. Parehong pag-aalinlangan na ang tagal nitong nakatayo sa harapan ko bago nakapagdesisyon na umupo sa tabi.
Umiwas si Frankie ng tingin nang damputin ko ang braso niya. Siguro ayaw nitong makita ang hindi maipinta kong hitsura. Wala itong imik at hinayaan lang ako na suriin ang mga nagkalat na bilog-bilog na peklat sa bisig niya.
Bakit gano'n?
May mga oras na masyado siyang malapit sa 'min, kahit madilim ay kitang-kita ng dalawang mata ko ang pagbaon ng matutulis na buhok sa braso niya. Bakit wala na ang mga sugat? Mas umigting pa siya nang dumapo ang kamay ko sa tagiliran niya─kaysa kagabi na halos mawakwak na 'to nang hinarang niya ang sarili sa nakahabol sa 'min ni Barbara. Bakit naghilom at naging buo na?
"Frankie─" Hinuli ko ang mata niya nang mapatingin siya sa pagtawag ko. Inaral ang bawat galaw nito na sana matagpuan ko sagot kahit hindi pa ako nagsimulang magtanong.
Pero bakit?
Ako ang may maraming tanong, pero ako ang nalulunod sa kayumanggi nitong kawalan.
"Frankie, paano?" Hindi ko matapos ang itatanong sa nagkandabuhol-buhol kong utak. Inangat ko ang braso niya. Binalik ko rin sa kanya ang mga mata ko na sana sapat na para maintindihan niya.
Umawang ang bibig ni Frankie. Hinintay ko dahil mukhang pati siya ay nahihirapan din. Matagal. Hinahabol ko na ang hininga, nalulunod sa kakatitig sa mga mata niya na ang daming sinasabi. Ito ang nagsasalita para sa kanya.
Bumaba ang balikat ko nang tinikom lang naman ni Frankie ang bibig niya. Nanatili ang mata ko sa mata niya kahit binitawan ko na ang braso niya. Kailangan ko ng sagot, ano ba ang tinatago niya?
"Issa─" Nagulat ako sa pagdampi ng kabila niyang kamay sa pisngi ko. Parang inutusan akong humawak dito.
Nagsitayuan ang lahat ng balahibo ko nang pumikit si Frankie at inilapit ang mukha niya sa mukha ko. Parang tambol sa isang ritwal ang nakakabinging dagundong ng dibdib ko nang gumapang pa ang kamay niyang hanggang sa batok ko. Napasinghap ako nang masyado na siyang malapit, tumatama na ang hininga niya sa pisngi ko.
Nilayasan na ako ng sarili kong kaluluwa nang tumama ang ilong ni Frankie sa ilong ko. Tumigil siya, at pareho kaming na-estatwa sa pagtunog ng letse kong tiyan.
Mabilis na tinanggal ni Frankie ang kamay niya. Mabilis din itong tumayo at nagtungo sa bukana ng kweba.
Naiwan akong tulala. Hindi ko namalayan na natuon na ang tingin ko sa tuyo at mabatong dingding. Hindi ko rin namalayan na nahiga na rin ako sa tabi ni Barbara.
Tumagilid akong paharap kay Barbara. Mabuti't mahimbing pa rin ang tulog niya.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari do'n. Parang may sariling utak ang kamay ko at bigla na lang itong dumapo sa labi ko. Nabaluktot ko nang husto ang sarili nang maalala na muntikan nang dumampi ang labi ni Frankie rito. Tinakip ko ang lahat ng buhok ko sa mukha. Letse, anong nangyari do'n?
Hindi nagtagal ay may dumapong liwanag sa dingding ng kweba. Palaki nang palaki hanggang sa nakakasilaw na.
May bulto ng hangin ang pumasok at umikot sa loob. Ang sarap ng hagod nito sa balat. Pansamantalang nawala ang nararamdaman kong gutom. Bumalikwas ako ng upo. Nakatayo na si Frankie sa labas na sukbit ang mahaba niyang batuta. Bahagya akong nilingon bago nilipat ang tingin sa harapan.
"Hintayin n'yo 'ko dito," sabi niya bago tuluyang umalis.
Sinundan ko lang siya nang tingin habang binabagtas ang mga tumba-tumbang kahoy na parang dinaanan ng unos. Nangingitim ang mga dahon ng mga ito na animo'y binuhusan ng asido. Pero kahit na gano'n, may nadaanan ang mata ko na palaka na nginunguya ang nahuling tutubi. May ibon na dumapo sa sanga, at sinundan pa ng iba. Buhay pa rin ang gubat. Hindi alintana ng mga 'to ang kalat sa paligid.
Teka, bakit ko nga pala hinayaan si Frankie na umalis? Pa'no pag bumalik ang mga 'yon? Tulog pa naman si Barbara.
Dali-dali kong nilingon si Barbara sa likod ng kinauupuan ko. Nagulat ako nang makitang nakaupo na pala ito. Walang kemeng sinuot ang mabahong kamiseta ni Frankie. Natanga ako. Hindi ko inaasahan na wala itong reklamo. Kasi, ang baho kaya.
Pagkatapos ay tumitig sa 'kin ang dalawa niyang namumugtong mga mata. Malamlam at namumula pang mga mata.
"Issa, pahiram ng shorts mo."
Lalo akong natanga, hindi ako nakapagsalita. Natagpuan ko na lang ang sarili na hinubad ang maong kong panloob at inabot ito sa kanya. Walang pasintabi niya itong sinuot. Ako pa ang tumalikod, ako ang nahiya.
Napalunok ako nang maraming beses. Bakit hindi ko naramdaman ang pagbuhat niya?
"B-arbara, k-kanina ka pa gising?" Pigil-hininga kong hinintay ang sagot nito.
"Kanina pa," kaswal niyang sagot. Hindi ako makatingin sa kanya nang diretso nang tumabi siya sa 'kin.
"Ga-ano k-katagal?" muli kong tanong.
"Wala akong nakita," kaswal pa rin niyang sabi.
Salubong ang kilay kong lumingon sa katabi. Nagtulog-tulugan lang kaya 'to kanina? Pero hindi na rin ako nakapagsalita. Bagsak ang balikat niya na napako ang mata sa lupa.
"Umm, Barbara─"
Hindi ito sumagot. Kusang humiga ang ulo niya sa balikat ko nang inakbayan ko siya. Hinawakan ko rin ang isa niyang kamay. Pinipisil sa bawat pagpakawala niya ng buntong-hininga.
Mahabang katahimikan. Wala rin akong mahanap na salita na sasabihin sa kanya. Hinayaan ko na lang na ang mga ingay sa gubat ang nakapalibot sa 'min.
"Gutom na 'ko," bigla niyang sabi. Natawa ako. Hindi ko rin siya masisi, mukhang inuusig na rin siya ng sikmura niya.
"Ako rin e," pagsang-ayon ko.
Katahimikan. Hindi pa siguro nauubusan ng hangin 'to si Barbara dahil nagpakawala na naman siya ng buntong-hininga.
"Ang tagal ni Frankie," reklamo na naman niya. Mas bumigat din ang ulo niya sa balikat ko.
"Babalik ba talaga 'yon?"
Bumuntong-hininga na naman siya. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na niya itong ginawa.
"Issa, tungkulin namin ang protektahan ka."
"Protektahan?" Umusog ako nang konti para makumpirma ang sinasabi nito. Ngunit dumaosdos lang ang ulo niya sa dibdib ko. Ako pa ang nag-ayos at pinatong ito ulit sa balikat ko.
"Protektahan saan?"
"Maya ka na magtanong, gutom ako."
Tumahimik na lang ako. Hunyango pala 'to, baka kainin ako.
Hindi nagtagal ay bumalik nga si Frankie. Isang buwig ng saging ang bitbit niya sa isang kamay. Kasama ng armas na nakasukbit sa kabilang balikat ang isang patpat na may nakatusok na dalawang isda. Napangiwi ako sa basag nitong mukha, ayoko sanang isipin na binatuta niya ang dalawang 'to.
Si Frankie na rin ang naghakot ng panggatong, at nagsimula ng apoy sa harap ng kweba. Dahil pareho kaming wala sa wisyo ni Barbara, siya na rin ang nag-ihaw ng isda.
"Gwalltor Neri ang tawag ni Lydia sa kanila," paliwanag ni Frankie. Nakaupo kaming tatlo sa paligid ng apoy na pinaglutuan niya kanina.
"Lumabas sila dahil nagising ka."
"Nagising ako?"
"Mayro'n kang nakita, 'yon ang naamoy nila."
"Mayro'n akong nakita?" Hindi ko maisubo ang nakurot kong laman sa isda sa kakaisip kung ano ang nakita ko. 'Yong panaginip ko ba tungkol sa kanya? 'Yong nakita ko ba no'ng tumugtog si Lolo? At bakit si Lydia na naman? Puro na lang Lydia.
Lumipad ang tingin ko kay Barbara, baka mas magaling itong magpaliwanag. Pero wala pa rin siyang imik. Kanina niya pa tinititigan ang hindi pa nagalaw na pagkain.
"Pa'no pag bumalik sila?" Bumalik ang tingin ko kay Frankie. Kung gano'n lang pala kadali na maamoy nila ako, nasa panganib kaming tatlo.
"Issa, matibay ang kubo na ginawa ni Lydia," sabi ni Frankie habang nakatingin sa kweba na nasa likod ko. Napapansin ko lang na parang asiwa siya pag binabanggit ang pangalan ni Lydia. Parang ayaw niyang sabihin o marinig.
"Ginawa niya 'yan para sayo."
"Para sa 'kin?"
"Bumalik si Lydia...bumalik siya para ipaalala sa 'min ang tungkulin namin sa 'yo."
Binaba ni Frankie ang tingin. Bakit ba ang hilig ng mga 'to sa sagot na sobrang layo?
"Kailangan kong puntahan si Nanay," matigas kong sabi bago tumayo sa batong kinauupuan ko. Sinundan niya ako sa pagtayo. Nakakainis at nakakailang ang nag-aalala niyang mata na hindi ko naman kailangan.
"Issa, mapanganib pag humiwalay ka sa 'min."
"Mapanganib? E kanina mo pa nga ako hindi sinasagot. Ano bang tinatago mo sa 'kin? Ha, Frankie?"
Hindi niya naituloy ang paghakbang. Hanggang tingin na naman ang ginawa niya.
"Pupuntahan ko si Nanay. Baka kasi mas masagot niya 'ko kaysa sa 'yo."
"Sige, puntahan mo!" Nabigla ako sa pagsigaw ni Barbara. Naitapon niya sa apoy ang hawak niyang pagkain.
"Puntahan mo ang mamang mo! Sige, puntahan mo! Puntahan mo kung gusto mong magaya siya sa mamang ko! Puntahan mo!"
Katulad no'ng una na nag-aaktong matigas si Barbara, pero hindi niya napigil ang luha na dumaosdos sa pisngi niya. Bumalik ito sa pag-upo sa patay na troso at marahas na tinakpan ang mukha ng dalawang nitong kamay.
Napakamanhid ko na hindi ko siya naisip. Mabigat ang dibdib ko na lumapit sa kanya. Lumuhod sa harap niya at niyakap siya nang napakahigpit.
"Tama na─"
Hindi na niya napigilan ang humagulhol. Nanginginig ang mga balikat nito na gumanti ng yakap sa 'kin.
Hinayaan ko siya. Hindi ko man maibsan ang sakit ng nararamdaman niya, pero hinayaan ko na ilabas nito ang sama ng loob na kagabi niya pa kinikimkim. Hinayaan ko siyang ibuhos lahat ng luha hanggang sa wala na itong matira.
Hinayaan ko siya hanggang sa, hanggang sa napagtanto ko na sa kabila ng lahat, kapakanan ko pa rin ang iniisip niya.
Bumitiw sa 'kin si Barbara. Huminga ito nang malalim bago pinunas sa laylayan ng suot niya ang natirang luha. Umayos din ito sa pag-upo
"Wala na akong babalikan, kaya sana magtiwala ka sa 'min," dire-diretso nitong sabi sa garalgal niyang boses.
"Kailangan ka na naming iuwi, bago pa tuluyang magising ang lahat ng gwalltor."
Kahit hindi ko pa lubos naintindihan ang nangyari, pero ayokong ilagay sa peligro si Nanay. Kahit magulo pa rin at hindi ko nga alam kung kaya naming makaligtas ulit kung umatake na naman ang mga halimaw, pero ayokong mabaliwala ang sakripisyo ni Ginoo at Ginang Hunyango. Ginawa nila 'yon para mailigtas ako.
"Hindi ka namin pababayaan," sabi ni Frankie na nasa gilid ko na. Nailayo ko ang sarili sa kanya. Asiwa.
********************
H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro