12.2 » pulang takipsilim
Napapaigting kaming dalawa ni Barbara sa bawat lagabog mula sa baba. Halos manhid na ang katawan ko habang umaatras palayo sa pinto.
"Barbara!" sigaw ni Frankie. Nasa balkon na siya at dinudungaw ang baba.
Nilingon ko ang katabi kong si Barbara. Nagrambol pa rin ang kulay sa buhok niya. Wala siyang imik. Ang tigas ng mukha nitong nakatitig sa pinto.
Ang lakas ng mga nagbabagsakang gamit sa labas ng kwarto. Nagbabasagang kubiertos at ibang kagamitan kasabay ang mga sigaw ng ginoo, at ginang.
"Barbara!" lalong lumakas ang pagsigaw ni Frankie. Nakalapag na sa pasamano ang armas nito, at mukhang may balak itong patatalunin kami sa pasamano. Hindi ko tuloy alam kung saan lulugar, kung pupuntahan si Frankie, o manatili sa tabi ni Barbara.
Muli akong napaigting sa malutong na lagabog sa pinto na nasa aming harapan. Kasabay nito ang malakas na pag-impit ng ginoo sa sakit, at ang pagtawag ng ginang sa pangalan ng asawa niya.
Tuluyan nang namanhid ang buo kong katawan. Wala akong ibang magawa kundi pakinggan ang paulit-ulit na tunog na parang hinahampas sa pinto ang ginoo. Natuod ako sa kinatatayuan habang sumusuot na sa tenga ko ang paulit-ulit na pag-alingawngaw ng paos na sigaw ng ginang.
Nahabol ko ang hininga nang biglang tumahimik. Nawala ang ingay, pero pumalit ang mapait na paghagulhol ng ginang. Nagawa kong ihakbang ang isa kong paa. Hindi kaya ng dibdib ko ang pag-iyak niya.
Pero hinawakan ako sa pulso ni Barbara. Nakatiim ang bagang nito na napako ang mata sa pinto. Matigas pa rin ang hitsura niya kahit nag-uunahan nang dumadaloy ang mga luha niya sa pisngi.
"Barbara─"
Hindi siya sumagot. Mahigpit niya akong hinawakan habang nagpapalit ang kulay ng buo niyang katawan.
Nabaling ang atensyon ko sa malakas na namang paglagabog sa pinto. Kasunod nito ang malakas na pag-impit ng ginang.
"Tumakbo na kayo, B-barbara!" paos ngunit mahinhin pa rin nitong sigaw.
Nilingon ko ang katabi, ngunit wala na ro'n si Barbara. Natagpuan ko na lang ang kumpol ng damit kung saan siya nakatayo kanina.
Paisa-isa ang hakbang ko paatras. Ang mga maninipis na buhok ay nagsisuotan sa mga awang ng pinto ng kwarto. Mabagal itong gumagapang at paminsan-minsang umaatras na animo'y may humihila nito pabalik. Ngunit sobra na ang dami at kumalat na ito sa buong kwarto.
Lalong namimigat ang paa ko sa bawat bulto ng buhok na pumapasok sa silid. Nanlaki na lamang ang mga mata ko sa mga natutunaw na gamit na nadadaanan ng mga ito. Kahit ang mga kamay ko na gustong ipitin ang ilong dahil sa masangsang na amoy ng imburnal ay hindi ko rin magawa.
Wala sa sarili na lang akong napatingala nang nasa ibabaw ko na mismo at halos kulay dugo na ang paligid. Tsaka ko lang din namalayan na may naatrasan na ako sa likod. Binalikan pala ako ni Frankie.
Biglang tumigil ang paggapang ng napakaraming buhok. Nagpakawala ng malakas at namamaos na sigaw ang ginang na siyang nagpaatras sa mga ito palabas ng kwarto. Sa pagkakataong 'yon ay dinampot ako ni Frankie at walang pasintabi na sinampay ako sa balikat nito. Ang hahaba ng mga hakbang niya hanggang sa nakarating kami sa veranda. Mabilis din nitong dinampot ang armas na batuta bago umakyat sa pasamano na parang walang kargang mabigat.
"M-mahal ka namin, a-anak─"
Muling sumigaw ang ginang. Ngunit naputol lang ito kasunod ang paghagibis papasok ng mga buhok. Masyadong mabilis dahil maliit na lang ang agwat nito sa kinatatayuan ni Frankie.
Hindi ko pa naihanda ang sarili nang walang sabi-sabi'y tumalon si Frankie sa pasamano. Halos lisanin ako ng ulirat sa sobrang pangit ng pakiramdam. Pinigil ko ang paghinga dahil ang mga lamang-loob ko na gustong magsilabasan sa bibig.
Nangatog ang tuhod ko pagbagsak namin sa lupa. Halos hindi ko na maitayo ang sarili nang binaba ako ni Frankie mula sa balikat nito. Kusang lumipad ang mga kamay ko sa bibig nang maramdaman ko ang maasim at mapait na laway na bumara sa lalamunan ko.
Hindi pa nga ako nahimasmasan ay dinampot naman ako ngayon ni Frankie sa baywang. Hindi makareklamo dahil sa bumubulusok na matutulis na buhok galing sa taas ng veranda. Hinayaan ko na lang na binaba ako nito sa isang makaliskis at magaspang na lapag. Para akong nakalutang dahil hindi ko naman ito nakikita.
"Takbo!" matigas nitong utos.
Napahawak ako nang mahigpit nang bigla na lang gumalaw ang kinauupuan ko. Napadapa at napakapit sa mistulang malapad nitong leeg habang pagewang-gewang itong tumatakbo palayo.
Hindi ko na alam kung panaginip na naman ba 'to, o totoo na. Kung panaginip lang ay masyado nang masama at gusto ko nang magising.
Ang sinasakyan kong hunyango ay paikis-ikis na tumatakbo sa madilim at makipot na gubat. Paiba-iba din ang kulay ng balat niya na parang ginagaya ang paligid.
Mistulang matataas na alon na rumaragasa ang humahabol sa 'min, kasabay ang nakakarindi nitong sigaw na animo'y libo-libong kinakatay na baboy. May mga parang ahas na mabilis na gumagapang sa lupa. Maraming beses na muntik na kaming maabutan.
Laging nasa likuran namin si Frankie. Tumitigil lang siya para pigilan ng ilang segudo ang mga halimaw. Buong pwersa niyang hinahampas ang bumubulusok na matutulis na buhok gamit ang itim niyang batuta. Humahabol din siya nang masigurong malayo na ang agwat nito sa 'min.
Tumigil sa pagtakbo ang sinasakyan ko nang may lumagpas sa 'min. Ang mga gumagapang sa lupa ay sadyang mabilis at tuluyan na kaming napalibutan.
Dali-daling pumuwesto si Frankie sa harapan. Binalagbag ang batuta na animo'y pansangga.
Napakapit ako nang mahigpit na nakatingin sa pagtaas-baba ng balikat niya dahil sa mabilis at malalalim nitong paghinga. Hindi ko pwedeng ikumpara ang hapdi sa mga natamo kong galos sa butas-butas na sugat niya sa braso. Hindi alintana ang masaganang dugo na nagsisipatakan sa lupa habang nakaharap sa dagat ng mala-ulupong ang tindig ng mga halimaw.
"Dapa!"
Biglang bumaba nang husto ang hungyango sa lupa. Kusang naisubsob ko ang mukha ko sa biglaang utos na 'yon ni Frankie.
Nayakap ko nang husto ang leeg ng hunyango nang may humagibis na hangin sa paligid. Kasunod ang matining na hiyaw ng mga halimaw. Malutong na lagapak ng armas ni Frankie at pumipiyok na sigaw ng nilalang.
Paikot-ikot at masyadong mabilis ang hangin. Natatangay nito sa iba't ibang direksyon ang nanlalagkit kong buhok. Kahit ang sinasakyan ko ay tinigasan ang pagkadapa sa lupa. Matagal kami sa gano'ng posisyon hanggang sa kumunti ang mga hiyawan.
"Barbara!" sigaw ni Frankie.
Agarang tumayo ang hunyango. Inikot nito ang katawan patalikod bago tumakbo nang matulin.
Mayamaya ang lingon ko sa likod. Kahit nanghahapdi na ang mga mata ko sa matalim na paghampas ng malamig na hangin. Gusto ko lang masigurong nakasunod pa rin sa 'min si Frankie.
Sinuyod ng mga mata ko ang bawat nadadaanang puno. Ang mga bato, at lupa na hindi nawawalan ng gumagapang na pula at bigla-bigla na lang tumatalon sa 'min. Mabilis naman itong naiiwasan ng sinasakyan ko na tantsa ko ay masyadong matalas ang paningin.
Sa gitna ng masangsang na amoy at nakakabinging hiyaw sa madilim na gubat ay may namataan akong malamlam na liwanag sa unahan. Muntik na akong mahulog sa biglaang pagbilis na sinasakyan ko. Paikis-ikis na nagtungo sa liwanag.
Nakakaramdam ako ng pag-asa, lalo pa nang makita ko si Frankie na nagpatiuna sa 'min. Tumigil siya sa harap ng liwanag at katulad kanina na binalagbag sa harapan ang hawak nitong batuta.
Nang makalapit ay tsaka ko lang nalaman na nauupos na kandila pala ang pinagmulan ng liwanag. Sapat lang ang ilaw para maaninag ang maliit na kweba na nasa likod nito. Kahit ayoko nang mag-isip, pero hindi sinasadyang mapatanong kung sino ang nag-iwan ng nakasinding kandila sa gitna ng gubat.
Mabilis na tumakbo papasok ang hunyango sa kweba. Bigla itong tumigil na siyang pagtilapon sa 'kin sa tuyong lupa. Pilit kong itinayo ang ngalay na ngalay kong katawan. Kailangan kong tulungan si Frankie.
Ngunit napadapa ulit ako sa lupa sa pagdagan ng hunyango na mas malaki pa sa 'kin. Hindi kayang makipagtatagan ang hapo at bugbog kong katawan sa bigat nito. Tanging tingin sa bunganga ng kweba lang na nagawa ko.
Inapakan ni Frankie ang kandila. Sumunod nito ang walang hanggang kadiliman.
Lagapak ng marmol sa bato at mga tunog ng pagbagsakan nito sa lupa ay ang tangi kong pinanghahawakan na buhay pa si Frankie. Kahit papano ay naging musika ito sa pandinig. Hinayaan na kumalma ang katawan ko sa pagkadapa.
Naitakpan ko ang dalawang tenga nang papalapit nang papalapit ang nakakabinging hiyaw. Yumanig ang paligid na animo'y nasa itaas na namin. Naisiksik ko ang sarili sa nakadagan sa 'kin. Tahasang pumikit at pilit na winawaksi ang nanunuot na sa tenga at parang binibiyak na ang ulo ko.
Ngunit humihina ang mga ito, parang gumagalaw palayo. Mga kaluskos at tunog ng nagbabagsakang puno kasama ang pahina nang pahina nitong pagsigaw.
Hanggang sa nawala na, napalitan naman ng nakakabinging katahimikan.
Naramdaman ko na lang ang unti-unting pagkinis ng kaninang magaspang at makaliskis na balat na nakadagan sa 'kin. Dahan-dahan din itong dumausdos sa tabi ko.
Hinayaan ko siya. Ang kaninang tahimik na kweba ay nabalutan ng mga pigil niyang pag-iyak, ng damdaming hindi niya pwedeng isigaw.
"Papang─ "
Kinapa at niyakap ko siya nang mahigpit. Walang lumalabas sa bibig ko para maibsan man lang ang sakit na nararamdaman niya. Bumigat ang dibdib ko nang wala man lang akong maialok sa kanya.
"Mamang─"
Mas lalo ko pang hinigpitan ang yakap. Lalong naninikip ang dibdib ko sa mga pigil nitong paghikbi. Hindi ko kayang pakinggan.
"Barbara, tahan na─"
********************
H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro