Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

10 » ang guhit ni lydia

Makulay.

Kakaiba.

Natameme ako pagpasok namin sa bahay. Wala akong masabi.

Kung gaano ang kinapangit sa labas, na 'yong akala mo ay para lang may masabing tirahan, pero walang-wala sa loob.

Binugad agad ako ng malaking aranya na gawa sa krystal. Gawa sa ginto ang palawit at mala-platito nitong lagayan ng kandila. Siguro mga dalawampung kandila ang nakasindi sa tatlong andana na nagbigay liwanag sa sala.

"Maupo ka, hija," sabi ng hunyango na babae ang boses. Hinatid din ako ni Frankie sa isang magarang sofa. Nahigpitan ko tuloy ng hawak ang kamay niya nang akma niya akong bitawan. Baka kasi kainin ako ng mga 'to habang wala siya.

Pero bakit parang nanunukso ang mga mata nitong dalawang hunyango? Lumapad pa lalo ang ngisi, kaloka naman. Nahiya tuloy ang kamay ko, mabilis ko 'tong tinago sa likod.

Naupo na rin ako nang lumakad patungo sa kusina ang dalawang hunyango. Si Frankie naman ay sumunod sa dalawa matapos niyang pinatayo sa gilid ng hagdanan ang bitbit nitong armas.

At dahil solo ko na ang sala ay tsaka ko inusisa ang mga gamit. Pinasadahan ng mga daliri ko ang nakaukit na ulap sa esmeralda nilang sofa. Pati ang pang-isahang upuan ay gawa din sa esmeralda.

Inusisa ko na rin ang lamesita nila na gawa sa rubi. Dahil nakapwesto ito sa may bintana ay natatamaan ito ng sikat ng araw. Sumasayaw sa bestida ko ang pulang ilaw na galing dito.

Ang sarap sigurong tumira dito. Nakakainggit. Ang swerte naman ni Barbara.

At isa pa, mukhang mabait naman sila. Namataan ko silang nag-uusap sa kusina na ilang hakbang lang ang layo mula sa sala. Si Frankie ay komportable na nakikinig kay Ginoong Hunyango─minsan tumatango at minsan tumatawa. Ngayon ko pa lang siya nakitang maaliwalas ang hitsura.

Mahinhin naman ang tawa ni Ginang Hunyango sa tuwing nagbibiro ang ginoo. Para silang pamilya na nagkakasayahan habang may ginagawa rin. Nakakainggit naman.

Sana ganito rin kami sa bahay. Sana 'yong andyan si Nanay, tapos andyan din si Tatay, at si Kuya. Tapos nagtatawanan din kami na tulad nila.

Bakit ba kasi sa malayo ang trabaho nina Tatay, at Kuya? Sana umuwi naman sila nang sabay. Sana maulit naman 'yong dati na kompleto kami kapag kumakain.

Nilamon ako ng inggit at hindi ko napansin na nasa harapan ko na pala si Ginang Hunyango. Nakangisi siya habang bitbit ang isang platera ng pagkain.

"Kain ka, hija. Masarap 'yan." Alok ng ginang habang nilatag ito sa lamesita. Pati boses ay kasintalas din ng kuko niya.

Tumingin ako sa pagkain, napangisi nang wala sa oras.

"Opo, mukha nga pong masarap." Nilaparan ko pa ang pagngisi.

At nangalay ang pisngi ko.

Hindi naman siguro halatang peke. Pa'no ba naman kasi 'to? Nakakahiyang tumanggi.

Pero, pa'no ko ba kakainin 'tong pritong langaw. Mukhang pinili niya pa 'to nang mabuti e. Ang lulusog kasi. Mas mataba pa nga yata 'to sa mga daliri ko. Itong laman naman ng baso ay kulay itim, may lumulutang pa. Umatras ang uhaw ko e. Natakot.

"Kain ka, hija." Ngumisi na naman siya. Palipat-lipat ang tingin niya. Sa pagkain, sa 'kin, sa baso, tapos sa 'kin ulit. Nagngisihan kaming dalawa. Pa'no ba 'to? Palihim akong sumulyap kay Frankie. Tulong!

"S'yanga pala," biglang sabi ni Ginang Hunyango. Hay salamat, nakahinga rin nang maluwag. Pwede siyang magkwento habang kunyari kong kinakain ang pagkain.

"Wala ba kayong pasok? Hindi n'yo yata kasama ang anak ko."

Hala! Hindi pa umuwi si Barbara?

Tumingin ulit ako kay Frankie. Nakipagkwentuhan pa rin siya kay Ginoong Hunyango. Lumipat ang mata ko sa kaharap, hindi ko alam kung ano ang isasagot.

"Sabi po kasi ni Frankie─"

Hindi ko pa natapos ang sasabihin nang may lumagabog sa pinto. Natigil kaming apat. Natanga lang kami ng ilang segundo na nakatingin kay Barbara. Ang sarap lang ng pagkasubsob niya sa sahig.

"Anak! Naku, ang anak ko!"

Si Ginang Hunyango ang unang kumilos. Parang kidlat sa bilis. Kumurap lang ako e andon na siya sa tabi ni Barbara. Si Ginoong Hunyango naman ay gano'n din kabilis.

"Ayos ka lang ba, anak? Tingnan ko nga kung may sugat."

Natahimik ako sa tabi. Wala na naman akong masabi. Parang bata kasi ang turing nila kay Barbara. Inaakay pa patayo ng ginang ang anak niya, habang hindi mapakaling paikot-ikot ang tatay sa mag-ina.

Sana ganyan din sa 'kin si Nanay. Lalo kasi 'yong nagagalit pag nasasaktan ako. Minsan may kasama pang palo sa pwet. Tapos sinasabihan pa akong buti nga sa'yo hindi ka kasi nag-iingat, o kaya naman sige ulitin mo pa 'yan at itatapon na kita sa bangin. Ang lupit ni Nanay.

"'Mang, 'pang, ayos lang po ako," sabi ni Barbara. Pilit siyang kumawala sa nanay niya na panay pa rin ang pagsuri sa pisngi at braso niya. Mukhang wala namang sugat e.

"Bakit ka kasi sumubsob sa sahig, anak?"

Tumayo ako sa kinauupuan para puntahan si Barbara. Sa'n pa kaya gumala 'tong bruhang 'to? Kung mas nauna siya kay Frankie kanina e 'di sana mas nauna rin siyang umuwi.

"Barbara, sa'n ka nagpunta?"

"May ibang pinuntahan ka, anak?" Nanlaki ang mga mata ng dalawang hunyango. 'Yong ginoo namula ang buong katawan.

Ayy, mali.

"Wala, 'pang, kina Aling Maria lang po. Kaso wala pala siya," mabilis na sabi ni Barbara. Kulang na lang e magtago sa likod ng nanay niya.

"Sigurado ka ha!" Nanlilisik ang mga mata ng ginoo. Natatawa ako, pa'no pa kaya pag nalaman niya na may crush na 'tong anak nila.

"Sigurado po."

Nagkatinginan ang mag-asawa bago lumipat ang tingin nila kay Barbara.

"'Mang naman, do'n lang po talaga ako galing," lambing nito. Malayong-malayo sa Barbara na kasama ko sa pag-uuban araw-araw.

Napakamot na lang ako sa ulo. Ang dyahe. Parang ako ang nahihiya para sa kanya. 'Yong kaninang sabi ko na sana maalaga rin si Nanay sa 'kin ay binabawi ko na. Ang hirap pala ng ganyan. Hindi ka makakahinga. Gusto ko pa rin si Nanay kahit lagi niya akong sinisigawan.

"'Mang, 'pang, hiramin ko lang po si Issa," sabi ni Barbara at tinitingnan ako nang masama. Ano kayang problema nito?

"At si Frankie po sana─"

"Barbara!" Dumagundong ang boses ni Ginoong Hunyango. Parang guguho ang bahay e. Nangitim din ang pula sa kulay ng balat niya.

"Opo, alam ko po, 'pang," ang bilis na singit ni Barbara.

"Sige na mahal, nandyan naman si Issa," paglalambing ng ginang sa asawa.

Ang tapang ng tingin ng ginoo kay Barbara, tapos sa asawa niya, tapos kay Frankie, tapos sa 'kin. Teka, bakit ako kasali?

"Ngayon lang 'to, Barbara!" matigas na pagkasabi ng ginoo. Hindi ko alam kung bakit ganyan ang kilos niya, magiliw naman siya kanina.

"Salamat, papang!" Yumakap nang patalon si Barbara sa tatay niya. Ang baduy, hindi kaya ng mata ko.

"Ikaw na talaga ang pinakagwapong papang sa buong mundo," sabi niya na may kasamang pagpisil sa pisngi.

Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa braso. Ayoko na, hindi ko kaya ang kabaduyan nila. Pwede kayang lumabas?

"Binobola mo pa 'ko, 'nak. Sige na, bago pa magbago ang isip ko."

Pagkatapos na pagkatapos no'ng sinabi ng tatay ni Barbara ay bigla akong hinila paakyat sa pangalawang palapag. Muntik pa akong matapilok dahil hindi naman pantay-pantay ang baitang ng hagdanan. May mahaba, may maiksi, tapos tabi-tabingi rin. Mukhang mahilig sila sa ganito.

Parang galit 'to si Barbara habang hinihila ako patungo sa pinakamalapit na kwarto. Kumikinang na ginto ng pinto nito, katulad sa sofa nila na may nakaulit din na disenyong ulap, tapos may nakadikit na maraming hiyas.

Tinulak ako ng bruha papasok, matapos ay humarang siya sa harap nito. Nameywang habang hinihintay si Frankie na panay ang tingin sa baba. Mukhang nag-aalangan ding pumasok. Nang makalapit ay hinila din ito ni Barbara bago sinara at ni-lock pa ang pinto.

"Bakit gano'n 'yong tatay mo?" kaswal kong tanong kay Barbara habang pinasadahan ng tingin ang kwarto niya.

"Bawal kasi ang lalaki dito sa loob," sagot ni Barbara na pinalabas ko lang sa kabilang tenga.

Hindi halatang mahilig siya sa ginto. Gawa kasi sa ginto ang malaki nitong kama. Pati ang aparador na dalawa ang pinto ay kumikinang ang pagkadilaw─at katulad no'ng pinto, may nakaukit din na ulap-ulap dito.

Buti na lang at puti ang pintura ng dingding, hindi gano'n kasakit sa mata.

Naglaho na parang bula ang pagkamangha ko sa paligid nang may namataan ako sa tokador ni Barbara. Kahit ayoko ay kusang naglakad ang paa ko papalapit. Parang may yelo sa dulo ng mga daliri, gumapang sa braso hanggang sa buo kong katawan nang damputin ko ang pitsel na nakapatong dito.

Kahit mas maliit ito, pero ang pagka-krystal nito at ang disenyo ng mga hiyas ay katulad na katulad no'ng nasa bahay ni Frankie. Bakit pareho silang may ganito?

"Bakit mo dinala si Issa dito?" pabulong na tanong niya kay Frankie. Kahit nakatalikod ako sa kanila ay rinig na rinig ko naman.

"Bakit ka ba nauna?"

"Hindi mo siya dapat dinala dito!"

Bakit gano'n? Parang pinagtatabuyan ako ah.

"Tiningnan ko lang kung umuwi ka na," sagot ni Frankie. Muntikan ko nang maitapon ang hawak sa sahig.

"Sana nag-isip ka rin Frankie─"

Hindi na ako nakatiis, naibagsak ko ang pitsel sa tokador at hinarap ang dalawa.

"Sige ha, mag-usap lang kayo na parang wala ako ha. Ipagpatuloy n'yo 'yan, galingan n'yo!"

Gulat pa ang hitsura ni Frankie habang naglalakad ako patungo sa pinto. Kung hindi lang siya matangkad, imumudmod ko na talaga 'yang mukha niya sa sahig e.

"Issa, dito ka lang." Hinawakan niya ako sa braso nang pihitin ko na ang doorknob.

"H'wag mo nga akong mahawak-hawakan d'yan!" Nilayo ko ang sarili ko sa kanya. Hindi na siya umimik, pero ang doorknob naman ngayon ang napagdiskitahan. Naalis ko tuloy ang kamay ko dahil mahigpit niya itong hawak.

"Hoy tanga, problema mo?" bulyaw ni Barbara. Ako pa tuloy ang tanga, e siya nga 'tong ayaw pala akong pumunta sa bahay nila.

"Dito ka nga!" Hinila ako ni Barbara at tinulak sa matigas nitong kama. Ang sakit tuloy sa pwet.

"Ito, tingnan mo 'to," sabi niya habang may hinahablot sa bulsa ng hapit niyang pantalon. Sinulyapan ko nang masama si Frankie na nakaharang na ngayon sa pinto.

"Ano ba kasi 'yan?" Sinamaan ko siya nang tingin.

Tumigil si Barbara. Lumapit siya at nilatag sa kama ang tupi-tuping papel. Dali-dali rin niya itong binuklat at aktong pinaplantsa gamit ang palad niya.

"Tingnan mong mabuti."

Kinuha ko ang papel. Kumunot ang noo ko sa magulong linya at iba't ibang hugis na nagkalat dito. Sobrang gulo, kasinggulo ng guhit ni Lydia.

Binigyan ko ng dudang tingin si Barbara. Sinagot lang ako ng pagsulyap sa papel, tapos sa 'kin. Tinaasan ko muna siya ng kilay bago ko tiningnan ulit.

Kahit mukhang binagyo itong guhit sa dami ng linya na nag-e-ekis, pero kitang kita ang guhit ng isang batang babae sa gitna. Maiksi na wala pa sa balikat ang buhok niya. May bangs din na halos tumakip na sa mata. Ang lapad ng ngiti nito na karga ang isang matabang tuta.

"Kay Lydia ba galing 'to?" tanong ko kay Barbara.

"Oo, kay Lydia. Tingnan mo kung may naalala kang ganyan."

Tumayo akong nakakunot ang noo. Oo na nga't si Lydia na ang magaling gumuhit, pero ano ba ang pakialam ko?

"Tingnan mo nga ulit," sabi niya matapos ang malalim na buntong-hininga.

"Ano ba, pakialam ko ba d'yan!" Nahampas ko sa harap ni Barbara ang papel.

Pinanlakihan ako ng mata at nameywang pa ang bruha matapos tinulak pabalik sa 'kin ang papel.

Tiningnan ko siya ng masama bago bumaling ulit sa papel. Tinitigan ko ang bata sa guhit. Bakit parang kamukha ko? Pati 'yong tuta, bakit kamukha ni Kuya Lab?

Nilapit ko pa ang papel, kamukha ko talaga.

Ako ba 'to?

At...si Kuya Lab ba 'to?

Pero hindi ganito no'ng bata pa kami. Si Kuya Lab ay ayaw na ayaw magpakarga kahit no'ng bata pa siya. At isa pa, simula bata ay mahaba ang buhok ko. Hindi pa 'to naging maiksi.


********************

aranya - chandelier
esmeralda - emerald
rubi - ruby

H'wag kalimutang magkomento, at pindutin ang bituing walang ningning :D

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro