Chapter 3
Chapter 3: Losing
MONDAY'S POV
"MA, si Srystian?" Nagtatakang tanong ko kay Mama matapos kong malaman na wala ka na kung saan kita iniwanan kagabi para matulog. "Umalis na ba siya?"
"Madilim pa ng umalis. Nagpaalam lang sa akin at wala naman ng sinabi."
"Dumaan po ba siya sa bahay nila?"
Mabilis na umiling si Mama bilang tugon sa akin. "Dire-diretso siyang umalis dala ang mga gamit niya kanina. Nag-away ba kayong dalawa?"
Alanganin akong napatango. "Away magkaibigan lang naman, Ma. Kung hindi kaming dalawa mag-aaway tiyak na hindi magtatagal ang friendship namin. Hindi bale na, magkikita rin naman kami sa school mamaya."
Iyon ay kung mag-aabala kang magpakita mamaya.
Nalilito ako ng sobra, ano ang susunod na maaaring mangyari? Ano ang sunod mong gagawin? Bakit pakiramdam ko ay sinasadya mo lahat ng ito.
Kung anu-ano namang iniisip ko.
PAGDATING sa school, tulad nang inaasahan mong mangyayari kapag hindi mo ako binulabog sa umaga, late akong papasok. Sa sobrang late ko na-missed ko pa ang PR1 namin, mabuti na lang at mabait si Sir at pinahabol na lang ang activity na ginawa nila kanina. Maliban doon ay masaya ako kahit papaano kasi iyong topic na aaralin namin para sa research namin ay galing mismo sa akin, maging iyong title ay galing sa akin at agad-agad ay na-approve ni Sir kanina.
Iyon nga lang, sa gitna ng pagiging late kong iyon kanina ay nagawa pa kitang hanapin. Inilapag ko lang ang bag ko sa room at sinigurong pumasok ka sa klase ninyo. Nasobrahan ata ako sa pag-o-overthink kaya nag-abala pa akong hanapin ka at ganoon na lang ang pagluwag ng dibdib ko matapos kitang makita na nasa classroom ninyo, natutulog.
"Aguy, late na naman si Lunes!" Bungad sa akin ni Klent matapos kong makaupo sa tabi niya.
Mabilis na umikot sa ere ang mga mata ko. "Na naman? Huy, ngayon lang ako na-late ulit, naiintindihan mo?"
Kunwari siyang nag-isip bago ako hampasin. "Oo nga 'no! Wow, first time, late!"
"Tsh! Anong ginagawa mo rito?"
"Malamang mag-aaral."
Lalong umarko ang kilay ko. Isa pa 'tong tarantado. "Nagpalit na naman kayong dalawa ni Klint." Hindi naman ito ang unang beses na nagpalit si Klint at Klent ng posisyon para magpanggap bilang isa't isa. Umayos ako ng upo bago lumapit sa kanya at bulungan siya. "Hindi por que, kambal kayo ni Klint ay magpapalitan na kayong dalawa ng ganito sa klase. Anong trip ninyo sa mga buhay ninyo ah?"
Nagtaas baba lamang ang kilay niya sa akin kaya paulit-ulit akong napairap. "Huwag mo akong sisihin ah... napilitan lang din akong gawin 'to dahil sa kakambal ko, besides nandito kasi iyong crush ko sa section ninyo kaya pumayag na lang din ako."
Pinaningkitan ko siya ng mata. Hindi rason na nakipagpalit siya kay Klint para lang sa crush niya! "Seryoso ako."
"So am I."
"Klent!" Nahampas ko ang braso niya. Kukuhain ko sana ang bag niya at ihahagis iyon palabas pero naalala kong gamit nga pala ni Klint ang kasama niya ngayon. Oras na pakialaman ko ang gamit ni Klint ay tiyak na ako pa ang malalagot at aawayin ng isang iyon!
"Aish! Bakit ba kasi sa akin ka nagagalit? Si Klint at Srystian kaya kausapin mo since sila itong nasa likuran nito. Tsk!"
Mabilis na umarko ang kilay ko matapos kong marinig ang pangalan mo na binanggit ni Klent. "Si Drayton?" Ano nga bang kinalaman mo sa kalokohan nitong kambal? Sinasaway ko nga si Klent tapos malalaman kong isa ka sa may pakana nito? Magkita lang tayo mamaya mayayari ka talaga sa akin.
"Huwag mong sabihin sa akin na wala kang alam?!" Biglang bulalas ni Klent dahilan upang mapalingon sa direksyon namin ang ilan sa mga kaklase namin, mas tamang sabihin na mga kaklase ko.
"Walang alam sa ano?"
Ngunit sa halip na bigyan ako ng sagot ay nag-iwas lamang ng tingin sa akin si Klent, naging madali tuloy para sa akin na mahalata ang kung anumang itinatago niya.
Sinipa ko ang binti niya para paharapin siya sa direksyon ko. "Nadulas ka na, hindi mo pa itutuloy?"
"I-iyon na nga Lunes eh---wala, wala kalimutan mo na iyon."
"Hmm... makakalimutan din siguro ng guidance counselor ang good record mo if ever na malaman nila itong kalokohan mo ngayon ano? Paano na iyan? Mahihirapan kang mag-apply sa dream university mo... Klent." Pang-aalaska ko sa kanya, bahagya akong napangisi matapos kong makita ang panlalaki ng mga mata niya. "Ano...?"
"H-hoy Lunes...! Aish. Sasabihin ko na nga."
Mas lumapit ako sa kanya bago mangalumbaba sa harapan niya. "Anong mayroon?"
"Si Srystian kasi... sumali siya sa gang nila Marc."
Maagap na nangunot ang noo ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon. Magagalit ba ako na may sinalihan kang gang o dapat akong maguluhan at magtanong kung sino iyong Marc na tinutukoy ni Klent.
Kaya ka ba umuwing puro pasa at sugat kagabi ay dahil... dahil sa initiation na karaniwang ginagawa para makapasok sa mga gang at fraternity o talagang napaaway ka? Alin sa dalawa Drayton? Kung sasabihin mo sa akin na wala ni isa sa mga iyon ang iniisip ko ay handa akong maniwala sa iyo.
"S-sinong Marc?" Iyon ang unang tanong na lumabas sa mga labi ko.
Hindi agad ako binigyan ng sagot ni Klent. Ilang ulit niyang inilinga ang paningin niya sa paligid sabay silip sa class schedule na nasa wallpaper niya.
Natampal ko na lang ang noo ko sabay abot ng class schedule namin ni Klint na nakasulat sa notebook ko.
"Wala kayong teacher?" Kamot-ulong tanong niya at marahan akong napatango.
"May meeting daw ang teachers, iyon ang nadinig ko kanina---"
"Sa labas tayo." Saad niya at naunang lumabas sa akin. Sumunod naman kaagad ako sa kanya.
Sa bilis maglakad ni Klint ay nawala pa siya sa paningin ko mabuti na lamang at nakita ko siyang dumiretso sa building ng junior high. Napansin ata niyang naiwanan niya ako kaya huminto siya sa paglalakad habang himas-himas ang batok niya.
"Hindi ako makupad, sadyang mabilis ka lang maglakad." Gagad ko na siyang nagpairap sa mga mata niya.
Sinenyasan naman niya akong sumunod sa kanya sa bakanteng gazebo. Umupo siya sa bench na naroroon at ipinatong ang mga binti niya sa lamesa.
"Mga taga-lower section." Aniya na nagpabalik sa pagkakakunot ng noo ko.
"Anong sinasabi mo?"
Huminga muna siya ng malalim bago ako salubungin ng tingin. "Taga-lower section noong junior high school iyong mga tropa ni Drayton ngayon. Well, nasa lower section tayo 'nun..." nagsimula siyang laruin ang hawak niyang ballpen habang nag-iisip at nananatiling nakatingin sa akin. "...nasa lowest section sila. Sila iyong section na hindi na pinapasukan ng teachers dahil sa inis sa kanila. Puro sila lalaki sa section nila at may tatlong babaeng naligaw pero lahat sila kasama sa iisang gang na pinapangunahan ni Marc. I don't know the whole story, ni hindi ko alam kung paano lumaki ang gang nila. The next thing I knew sumali si Srystian sa gang nila and Klint is planning to join as well."
Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko. This is the worst. Iyong mga kasama mong manigarilyo sa likod ng building natin, sila iyon hindi ba? Akala ko nag-iisip lang ako ng kung anu-ano. "K-Klent, sabihin mo sa akin. Bakit sumali si Drayton sa g-gang na iyon? Hindi ko maintindihan, bakit kinailangan pa niyang sumali roon. Binablackmail ba siya kaya---"
"He joined on his own will, Monday."
"Klent, hindi ko maintindihan kung bakit..."
"I'm trying to figure out everything as well pero ipinagtatabuyan ako noong dalawa. See? Nakipagpalit pa sa akin si Klint, oras na pumunta naman ako doon at awayin siya sa pakikipagpalit niya sa akin ay tiyak na pareho kaming malalagot."
Wala akong makitang dahilan para sumali ka sa gang na iyon. Puro bakit ang nasa isipan ko ngayon. Pilit akong nag-iisip ng dahilan pero wala talaga akong mahita. Ano bang pinaplano mo? Kung magagawa mo akong mabigyan ng katanggap-tanggap na rason sa pagsali mo sa gang na iyon ay baka magawa ko pang maintindihan---hindi. Hindi ko pa rin maiintindihan.
"Monday," ibinaba na ni Klent ang mga binti niyang nasa mesa at lumapit sa akin sabay abot ng hinliliit niya sa akin. "Ipangako mo sa akin na hindi ka gagawa ng anumang hakbang para pigilan si Srystian. Hayaan mo na akong gumawa ng lahat."
Ipauubaya ko kay Klent ang tungkol sa iyo? Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko bago paulit-ulit na umiling.
"Monday."
"H-hindi ko magagawang maipangako sa iyo ang bagay na iyan. Kilala mo ako, ganitong may katarantaduhan na ginagawa si Drayton, hindi ko basta-basta palalampasin ito."
"Para mo na ring binangga si Marc oras na guluhin mo si Srystian, Monday."
"Anong gusto mo? Hayaan ko lang na mawala si Drayton sa akin?" Itinapat ko ang hinliliit ko sa harapan ni Klent at bahagyang ngumiti sa kanya. "Kung mayroon man akong maipapangako sa iyo ay iyon ang hindi ko ilalagay sa kapahamakan ang sarili ko."
Pinaningkitan niya ako ng mga mata. Ayaw niyang maniwala sa sinasabi ko subalit sa huli ay tinanggap din niya ang hinaliliit kong daliri at alanganin akong ngitian. "Kung may maipapangako man ako sa iyo ay iyon ang hindi kita iiwan sa oras na ipahamak mo na ang sarili mo."
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro