Chapter 20
Quick note: Yep, this novel is completed but I have to revise Chapters 21-23 TT. Please bare with me. LMFAO. I just think that thoseeee scene doesn't fit the theme and topic of the story. Nakakapanindig balahibo :((
- Acheloisly
__________________
Chapter 20: A reason to bid goodbyes
MONDAY'S POV
HILOT-HILOT ko ang sintido ko matapos kong makita ang mahigit isang batya na labahan ko, ang malala damit ko lahat ng ito. Sana pala ay dumiretso na lang ako ng uwi sa bahay sa halip na tumambay ako sa plaza noong nakaraan ganitong matutuon din naman pala ang isip ko sa tambak kong labahin dahil hindi ako nakapaglaba noong nakaraang linggo. Kunsabagay, tahimik naman akong makakapaglaba ngayon dahil wala na si Papa sa bahay.
Malalim akong napabuntong hininga bago patayin ang cellphone ko. Kanina pa tumatawag si Izele, ilang ulit ko ng binlock ang cellphone number niya ngunit nakakatawag pa rin siya gamit ang ibang numero. Maging ang cellphone number ni Zoya ay ginamit niya. Wala akong plano na makipag-usap sa kanya, gusto ko ng tahimik na araw ngayon lalo na at hindi na naman ako pumasok.
Tinigilan ko na ang pagmamaktol sa sarili ko at sinimulan na lang ihiwalay ang puti sa de-kolor, at ang mga damit, shorts at undergarments.
Bubuhatin ko na sana ang isang timba patungo sa palanggana ng maalala ko ang sugat ko, sabi ng doktor ay aabutin ng mahigit isang buwan bago ito tuluyang gumaling, hindi kaya bubuka ang sugat ko kung sakaling magbubuhat ako ng tubig ngayon?
Napakamot na lang ako ng ulo, hindi ko alam kung nagbibigay ba ako ng excuses sa sarili ko o ano. Pero dahil takot pa rin ako na biglang bumuka ang sugat ko iyong one-fourth na lang ng timba ang binuhat ko hanggang sa makadalawang puno ako ng timba bago simulan ang pagbabanlaw at isunod ang paglalaba.
Bakit nga ba ang takaw ko sa damit samantalang ang pangit naman ng fashion sense ko? Hindi ba't ang magaganda ang fashion sense ay sila iyong grabe talaga kung magkalat ng damit o pupwedeng hindi rin? Dahil sa ganda ng fashion sense nila kahit iisang pants lang kayang-kaya na nilang ibagay sa lahat pero bakit nga ba ito pa ang iniisip ko?!
Kakatapos ko lang labhan ang mga puting damit ko. Nabanlawan na at papaikutin na lang sa dryer para maisampay at madaling matuyo mamaya. Alas-quatro pa lang ng hapon, nakaramdam ako ng gutom kaya kinuha ko ang natitirang kakanin na binili ko at sinubo iyon habang naglalaba.
Ibubuhos ko na sana sa washing machine ang kalahating timba ng tubig ng may mga kamay na umagaw niyon mula sa akin, muntikan pa akong madulas sa gulat matapos kitang makita. Dito mismo sa harapan ko.
Alam ko na ang ipinunta mo dito pero wala akong ideya na talagang sasadyain mo pa ako ngayon dito. Kung sasabihin mong mag-so-sorry ka at misunderstanding lang ang lahat, wala na akong planong makinig kahit na gustuhin ko. Dahil kung intensyon mo talagang mag-sorry sana ay itinama mo na lahat sa harap ng mga g×go mong tropa, t×ngina naman kasi! Akala ko mula sa kalaban ninyong gang iyong dalawang lalaki na biglang sumulpot ng araw na iyon.
Umikot sa ere ang mga mata ko bago kumuha ng tubig. "Monday ata ngayon." Usal ko bago ihagis ang isang tabo ng tubig sa iyo na ikinagulat mo. "Umalis ka rito, hindi kita kailangan dito. Baka mukha mo iyong maiikot ko sa washing machine."
"Monday," hindi kita pinansin at hinango ko na lang ang mga damit mula sa dryer. "Monday, makinig ka muna sa akin."
Tinangka mo akong hawakan ngunit mabilis akong nagpumiglas.
"Monday, nakikiusap ako sa iyo."
"Nakikiusap din ako sa iyo Srystian, umalis ka na rito."
"Monday, magpapaliwanag ako."
Ibinaba ko ang mga hawak ko at malalim na napabuntong hininga bago ka harapin. "Okay, ipaliwanag mo ang sarili mo. Gusto kong marinig kung bakit pinasaksak mo ako sa mga tropa mo."
"It was---"
"Ah, hindi. Sagutin mo na lang pala ang tanong ko. Alam mo na masasaksak ako ng araw na iyon?" Kung tutuusin ay hindi ko na dapat itanong iyon dahil bakit itatanong ko pa ang bagay na alam ko naman ang sagot. Diretso kitang tinignan sa mga mata ngunit mabilis kang nag-iwas ng tingin sa akin kung kaya't madali kong naintindihan ang lahat. Lumakad ako papasok sa kusina at kumuha ng kutsilyo, litong-lito ka kung bakit hawak-hawak ko iyon kaya ng makalapit ako ay kaagad kong inabot iyon sa iyo. "Huwag kang mag-alala hindi ko hihilingin na saksakin mo ang sarili mo sa harapan ko para quits na tayo."
"Monday---"
"Gawin mo Srystian, gawin mo ang gusto mong gawin. Tuluyan mo na akong saksakin."
Hinagis mo ang kutsilyo palayo sa ating dalawa, pupulutin ko sana iyon para ibalik sa iyo ngunit mahigpit mong hinawakan ang braso ko. "Tangina! Monday makinig ka muna sa akin."
"Kung magsasalita ka na ba ngayon ay pawang katotohanan lang ang lalabas sa bibig mo?"
Sa halip na bigyan ulit ako ng diretsong sagot ay yumuko ka bilang pag-iwas ng tingin sa akin.
Huminga ako ng malalim dahil naninikip na naman ang dibdib ko bago ipagpatuloy ang paglalaba ko, kung aaminin mo na siguro ang lahat, kung magagawa mo ng sagutin lahat ng mga tanong ko ay baka doon lang ako magka-interes na kausapin ka.
"Huwag kang magbuhat ng mabibigat at baka bumuka iyang sugat mo."
Walang imik na hinango ko ang mga damit mula sa washing machine, kailangan kong tapusin ang labahan ko sa halip na sayangin ang oras na lumilipas sa pakikipag-usap sa hipokritong tulad mo.
"Anong bang kailangan kong gawin para kausapin mo ako?"
"Alam mo ang dapat mong gawin Srystian. Alam mo pero ayaw mong gawin, saka sinong nagsabing hindi kita kinakausap? Tinatanong nga kita hindi mo naman ako sinasagot, 'di ba?"
"Dahil hindi ko naman talaga magagawang sagutin ang mga tanong na iyon!"
Ibinaba ko ang maliit na palanggana bago ka harapin. "Eh kung itatanong ko sa iyo kung intensyunal ang pananakit mo sa akin, mabibigyan mo na ba ako ng sagot?"
Napansin ko ang malalim na pagbuntong hininga mo, wala kang planong sagutin ang tanong ko kaya tinalikuran na kita subalit narinig kitang nagsalita. "Oo, intensyunal ang lahat. Sinasadya ko."
"Kung sinasadya mo pala, sana panindigan mo na rin."
"I know pero---"
"Kaya kung ipagtatabuyan na kita ngayon, dapat ay umalis ka na at huwag nang lumapit pa ulit sa akin. Kahit pagsulyap man lang ay... hindi pupwede." Ayaw kong magbitaw ng mga salitang alam kong pagsisisihan ko sa huli ngunit kahit saang anggulo ko tignan ay ito lang ang makakabuti. Hindi lang para sa akin kung hindi para na rin sa iyo. Hinarap kita at tahasang binitawan ang mga salitang alam kong maglalagay sa ating dalawa sa katahimikan. "Malaya ka na Srystian, pupwede mo ng bitawan iyong nakaraan. Ginagawa mo lahat ng ito para ipagtabuyan ako hindi ba? Ang dami-dami kong tanong pero iyon lang ang tangi kong naiintindihan, na gusto mo akong ipagtabuyan palayo sa buhay mo! Huwag kang mag-alala, hindi na kita bubulabugin kung iyan talaga ang gusto mo! Wala ka ng kailangan panghawakan sa akin. Makakaalis ka na at makakaalis na rin ako sa buhay mo!" Inangat ko ang hintuturo ko bago ituro ang pintuan. "Naroroon ang daan palabas, makakalabas ka na. Hindi mo naman kailangan ng kaibigan na hindi mo mapapakinabangan."
"Ito ba talaga ang gusto mo?"
Umiling ako. "Ikaw ang may gusto nito Srystian. Pinagbibigyan lang kita. Saka pagod na ako sa pagtatanggol sa iyo kasi akala ko hindi mo ginustong mangyari lahat ng ito! Kaya please, lumabas ka na."
Narinig ko pa ang malalim mong paghinga bago mo ako ngitian sa huling pagkakataon. Tinapik mo pa ang ulo ko bago ka tuluyang mawala sa paningin mo.
Inaasahan kong mag-uunahan sa pagbagsak ang mga luha ko matapos mong lumabas, ngunit sa palagay ko ay pagod na ang mga mata ko sa pag-iyak kung kaya't kahit na umiyak ako ay wala rin namang tumulo mula sa mga mata ko.
Naniniwala akong tama ang desisyon na siyang binitawan ko. Wala akong kailangang pagsisihan anuman ang pinili ko dahil para naman ito sa ikatatahimik natin dalawa. Kahit gaano pa karami ang katanungan na siyang nasa isip ko ay hindi ko na hahanapan pa ng kasagutan iyon. Iiwanan ko na ang lahat sa nakaraan at hindi na ako mag-aabalang lumingon pa pabalik.
NAGMAMADALI kong isinarado lahat ng bintana dahil sa pagbuhos ng ulan na nasabayan pa ng malakas na hangin. Hindi ko ugaling manood ng balita at hindi ko naman pinapansin ang weather forecast sa cellphone ko kaya hindi ko alam na mayroon pa lang bagyo ngayon.
Nakakatakot ang lakas ng hangin sa labas pakiramdam ko ay bigla na lang may lumilipad na baka na tatama sa bintana kaya mas lalo kong dinalian ang pagsasara ng bintana. Isinasara ko pa lang ang bintana sa harapan nang mapansin kong isinasara mo rin ang bintana ninyo, nagsalubong ang mga tingin natin pero nauna akong mag-iwas ng tingin at ikinandado ang bintana.
Matapos kong magsara ng mga bintana ay plano kong umakyat na sana sa kama ko para matulog nang makarinig ako ng pagkalabog sa gate. Kumuha ako ng payong para pagbuksan ang kumakatok sa gate baka si Mama na iyon na napaaga ng uwi.
Tama nga ako at si Mama ang dumating. Papayungan ko pa sana siya ngunit napaatras na lang ako dahil basang-basa na rin naman siya ng ulan.
"Pakiasikaso na lang iyang kapatid mo Monday." Iyon ang narinig kong utos ni mama na nagdire-diretso na sa loob ng bahay kahit basang-basa pa siya.
Kakalinis ko lang, basang-basa na iyong tiles.
Napalingon ako sa likod ko at hindi ko inaasahang nakasunod pala si Izele kay mama. Basang-basa rin siya at ang payong na bitbit ay sirang-sira na. Gusto ko sana siyang ipagtulakan palayo dahil hindi naman siya welcome dito sa amin pero inutusan na ako ni mama na patuluyan at asikasuhin siya.
Sinenyasan ko siyang pumasok bago ko ikandado ang gate at sumunod sa loob.
Nag-aabang pa sa balcony si Izele dahil tumutulo pa ang tubig mula sa basa niyang suot. Naiiling akong umakyat sa kwarto ko bago kuhain ang extra kong towel at mga damit na hindi pa nagagamit bago iabot iyon sa kanya. Tinuro ko ang banyo para doon siya magpalait.
Aakyat na talaga ako sa kwarto ko para magtago dahil hindi naman lingid sa kaalaman ko na ako ang pinunta niya dito. Ang problema nasa kalahating baitang pa lamang ako ay nakaharang na sa akin si Mama na nakahalukipkip na nakatingin sa akin.
"Saan ka pupunta?" Tanong niya sa akin kaya napakamot na lang ako ng ulo.
"Matutulog na."
"Dalawa lang ang kwarto natin dito. Malamig sa sala para iwan mo iyang kapatid mo roon. Hayaan mo ng matulog iyan sa kwarto mo, tumabi ka na lang sa akin."
Bilin ni Mama bago siya bumaba ng hagdan na nakasuot na ng night gown niya. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko, pinapatabi ako ni Mama na matulog sa kanya. Kung susumahin ay hindi ko na maalala kung kailan ako huling natulog na katabi siya, sa palagay ko ay nasa tatlong taon pa lang ako ng huli kong makatabi sa pagtulog si Mama.
Napailing na lang ako at umakyat sa kwarto ko para ayusin ang hihigaan ni Izele. Matapos na maitago ang mga importanteng gamit ko ay bumaba na ulit ako at naabutan ko si Mama at Izele na umiinom ng kape. Tahimik na nagkakape si Mama habang may kinakalkal sa cellphone niya habang si Izele naman ay tulala sa kapeng nasa harapan niya.
Mukhang naramdaman ni Izele ang pagdating ko kaya agad niyang inangat ang tingin sa akin. "Ate---Monday, gusto kitang makausap."
Ipagtatabuyan ko pa ba siya kung nandito naman na siya. Walang plano na makialam si Mama sa amin ni Izele kaya sinenyasan ko na lang siya na sumunod sa akin sa balcony.
Ang malamig na hangin ang siyang sumalubong sa akin sa paglabas ko. Humina na ang buhos ng ulan subalit may kalakasan pa rin ang ihip ng hangin. Napakayakap na lang ako sa sarili ko dahil sa lamig hanggang sa lumapit sa akin si Izele.
"Anong kailangan mo?"
Nanatili ang ilang netrong distansya sa pagitan namin ni Izele habang hinihintay ko kung anuman ang sasabihin niya. "Baka naman pwedeng ayusin natin ito. Hindi ko naman ginusto na maging magkaiba ang trato sa ating dalawa ni Papa. Wala akong naiisip na plano kung paano ako makikipag-ayos sa iyo pero gusto kong maayos natin kung anuman ang pinagtatalunan natin ngayon."
Wala naman talagang kasalanan na nagawa sa akin si Izele, hindi ko lang maiwasan na mamuhi sa kanya. Ano bang mayroon siya na wala ako para maging maayos ang pamilya nila at ang akin ay hindi? "Sinasabi mo sa akin na ayusin natin ito? Naisip mo bang ilagay ang mga paa mo sa sitwasyon ko? Izele, buong buhay ko nanlilimos ako ng atensyon kay Mama at Papa. Alam mo bang dumating ako sa punto ng buhay ko na hinintay ko na lang na sabihin nilang tapusin ko na ang buhay ko? Kaya ngayon, ipaliwanag mo sa akin kung paano kita tatanggapin sa buhay ko kung dahil sa existence mo ay nagdudusa ako."
Wala namang patutunguhan ang usapang ito. Kahit na anong sabihin sa akin ni Izele ay hindi niyon basta-basta magagawang alisin ang hinanakit ko sa kanya at sa pamilya ko.
"Pero magkapatid pa rin tayo. Kahit na ganoon iyong sitwasyon natin sa---"
"Hindi mo ba narinig ang sinabi ko?" Umihip ang malakas na hangin kung kaya't napayakap ako sa sarili ko. "Izele, existence mo ang problema ko. Hindi ang pakikipag-usap sa akin ang magiging solusyon dito." Humakbang ako papalapit sa kanya upang tapusin na itong pag-uusap namin. Tinapik ko ang balikat niya. "Gusto kong putulin ang koneksyon ko sa iyo. Ayaw kong makita ka pa. Hindi excuse na magkapatid tayo, huwag mo rin sanang kalilimutan na hindi tayo magkapatid na buo. Kasal man si Mama at Papa o hindi ay ikaw pa rin ang anak sa labas dito."
"Monday, pakinggan mo muna lahat ng sasabihin ko. Talagang magagawa mong kalimutan na kapatid mo ako?"
Sa huling pagkakataon ay nilingon ko si Izele at marahan siyang tinanguan. "At bakit hindi? Iyong tao ngang pinahahalagahan ko ng higit sa lahat ay nagawa kong bitawan, ikaw pa kaya na kinamumuhian ko?" Papanhik na sana ako sa loob ng may maalala akong sabihin. "Tuloy-tuloy man o hindi ang buhos ng ulan bukas ng umaga siguruhin mong aalis ka agad dito sa bahay. Sa amin ni Mama ang bahay na ito at hindi ka welcome dito."
──────⊱◈◈◈⊰──────
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro