Kabanata 3
KABANATA 3
NAGSASALUBONG ang kilay ng isang binatang pulis habang pinapanuod ang pagdampot ng kaniyang mga kasamahang pulis sa natagpuan nilang lalaking nakagapos sa isang tagong eskenita ng Del Sierra. Puno ng tao ang eskenita. Ang iba'y nakikiusyuso sa nangyayari at ang iba nama'y kaniya-kaniyang kuha ng litrato at bidyo. Nabakuran na ng yellow tape ang pinangyarihan ng krimen na ngayo'y sinusuri ng forensic team. Nakatayo lamang si Chavez sa tabi. Hindi maguhit ang mukha at halata ang pagkainis sa nagsasalubong nitong kilay.
Hindi niya na nagugustuhan itong mga nangyayari. Huling pagkakaalam niya ay sila ang mga pulis rito kaya sila dapat ang humuhuli sa maga kriminal at hindi kung sinu-sino lamang. Pinagmasdan niya ang lalaking suspek habang sinusuotan ito ng posas sa dalawang kamay. Nakatungo lamang ito at animo'y hindi rin makapaniwala sa kaniyang sinapit.
Tulad ng mga naunang kriminal na dinampot nila, sukbit rin nito sa leeg ang isang malaking karatola kung saan nakasulat ang pangalan ng suspek, krimen at naging biktima nito.
Sa kaniyang pagkakatanda ay ika-labing pitong kriminal na itong nadampot nila ngayon at lahat ng mga iyon ay pare-pareho lamang ang eksena. Nakagapos ng alambre, sugatan o 'di kaya'y may pasa sa katawan, may karatola na suot at isang maliit na itim na bag sa tabi kung nasaan nakasilid ang lahat ebidensya sa krimen na ginagawa nito.
Ito na ang kaniyang nadatnan mula nang maluklok siya sa serbisyo. Ang hindi lamang niya matanggap ay kung paano nahuhuli ng misteryosong taong ito ang mga kriminal na hindi kayang hulihin ng mga pulis. Bagama't tumutulong ito at maganda ang kinalalabasan ngunit hindi niya nagugustuhan ang mga kuru-kurong kumakalat na nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa kanilang sandatahan.
Hindi niya alam ang layunin ng taong gumagawa nito ngunit animo'y nagiging kampante ang mga tao nang malaman nilang mga kriminal ang hinuhuli ng misteryosong indibidwal. Nakakatulong man sa kanila o hindi. Nais ni Chavez na mahuli ang kung sinumang nasa likod nito. Kaya naman nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang sibilyan ay kaagad silang rumisponde. Nauna pang dumating si Chavez sa pinangyarihan dahil nagbabakasakali siyang madatnan niya pa ang gumagawa nito ngunit tulad ng kaniyang inaasahan, mailap ang taong iyon.
Napabuntong-hininga na lamang ang batang pulis habang sinasakay sa police car ang suspek. Isang kaso na naman ang malulutas nang wala silang ginagawa.
"Sir!"
Nilingon ni Chavez ang taong tumawag sa kaniya. Papalapit sa kaniya si Serrano, kasamahan niya sa grupo. Nakasuot lamang ito ng kulay puting pan-itaas, maong na pantalon at isang ID.
"Kumusta? May nakita ka ba?" tanong niya rito.
Umiling ang pulis. "Malinis. Sinuri na namin ang buong lugar. Walang naiwang ebidensya at wala ring CCTV kaya malabo nating mahanap ang taong gumawa nito."
Hindi na nagulat pa si Chavez. Kung hindi malinis at matalino ang taong iyon, malamang ay nahuli na nila ito kaagad. Hindi ordinaryong tao lamang ang kanilang hinahagilap.
"Inaasahan ko na 'yan," sagot niya. "Maiwan ka rito. Maghanap ka pa ng kung anong pwede nating magamit na maaring makakapagturo sa pagkakakilanlan ng taong iyon. Ako na ang bahalang kumausap sa suspek."
"Sandali," pigil sa kaniya ni Serrano. "Iinterogahin mo na naman? Ilang suspek na ba ang nadampot natin ngunit lahat sila ay hindi kilala ang taong gumapos sa kanila. Alam mo, huwag ka nang mag-aksaya ng oras."
Sinipat siya ni Chavez. Gusto niya itong pangaralan ngunit wala siyang gana upang kausapin pa ito. Umaga pa lamang ngunit sira na ang araw niya.
"Tawagan mo na lang ako kapag may nahanap ka," tanging huling habilin ni Chavez bago naunang maglakad patungo sa sasakyan.
Napabuntong-hininga na lamang si Serrano habang sinusundan ng tingin sng papalayong kaibigan. Naiintindihan niya ang pinanggagalingan nito dahil maging siya ay hindi na nagugustuhan ang mga nangyayari sa kanilang lungsod. Maliban sa mga gumagalang mga kriminal, may mga tao pang nagmamagaling at inaagawan sila ng trabaho. Dalawang taon na ito ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nalulutas. Ang lalong nagpapakulo pa ng kaniyang dugo ay sa lahat ng pagkakataon, silang dalawa ni Chavez ang palaging rumirespunde sa lahat ng mga kriminal na kailangan nilang damputin. Iba ang humuli ngunit sila ang taga dampot. Para lamang silang tumanggap ng malinis na trabaho dahil bukod sa suspek, kalakip rin doon ang lahat ng ebidensyang kumukonekta sa krimen na ginawa nito.
Insulto iyon kung maituturing sa kanilang propesyon.
Lahat ng suspek ay kinausap at ininteroga na nila ngunit bukod sa hindi ito nagsasalita, puro rin ito nagmamang-maangan na animo'y hindi alam ng mga ito kung paano sila hinuli at ginapos. Kaya't siguro si Serrano na ganoon rin ang eksena ng huling suspek na dinampot nila ngayon kahit na anumang pilit ni Chavez doon.
DIRETSO lamang ang tingin ni Chavez sa dahan habang nagmamaneho. Puno ng pagkayamot ang kaniyang mukha at nagsasalubong ang kilay. Mahigpit ang kaniyang hawak sa manubela na animo'y doon inilalabas ang nararamdaman niyang sama ng loob. Batid niyang hindi niya hawak ang kaso ng kriminal na dinampot kanina ngunit hindi niya maaring palampasin ang pagkakataong siyasatin ito tungkol sa nangyari.
Kalat ang isipan ng binata kung kaya't hindi niya kaagad napansin ang biglaang paghinto ng sasakyang nasa kaniyang unahan, mabuti na lamang at nakabuwelo siya sa kanan at mariing tinapakan ang preno. Gumawa ng matinis na ingay ang gulong nang huminto ang kotse sa gitna ng kalsada. Halos mapasubsob rin ang binata sa kaniyang manubela dahil doon. Nang makabawi, napamura ang lalaki kaniyang isipan nang mapagtanto ang nangyari. Dali-dali niyang ibinaba ang bintana ng kaniyang kotse at sumilip upang tingnan ang kahabaan ng daan. Doon lamang niya nasaksihan ang mahabang linya ng mga nakahintong sasakyan. Maraming tao, nag-uusap at nagbubulungan ang iba ay hindi na lumabas sa kotse at tulad niya na nakadungaw rin sa kaniya-kaniyang bintana upang makiusyoso sa nangyari.
Sa 'di kalayuan, naroon ang isang malaking kumpulan. Isang aksidente ang naganap. Sa labis na kuryusidad, bumaba ng sasaksyan si Chavez.
Mabibilis ang kaniyang mga yapak at tinakbo ang pinangyarihan. Humawi naman ang mga tao sa daan nang makita ang suot-suot niyang uniporme at ID. Pagdating, lumantad sa kaniya ang isang batang lalaki na nakahiga sa malamig na aspaltong daan. Ang puti nitong uniporme ay halos nagkukulay pula na dahil sa dugo nitong walang awat sa pag-agos mula sa malaking sugat nitong natamo sa ulo. Isang metro ang layo sa nakahimlay na paslit ay ang isa nitong sapatos na natanggal dahil lakas ng banggaan. Bali ang kaliwang paa ng bata at gasgas ang mga tuhod at siko. Kahit saang anggulo niya tingnan, malabo na itong makaligtas.
Lumingon-lingon si Chavez at ilang metro ang layo sa kaniyang kinatatayuan, nasipat niya ang isang malaking truck ng mga bakal. Nabangga rin nito ang isang malaking poste na marahil iyon ang dahilan kung bakit umuusok pa rin ang unahan nito. Doon ay may kumpulan rin ng mga tao at mula sa nabasag na salamin ng bintana ng truck, nakita niya ang walang malay na driver nito, nakasubsob ang duguang mukha sa manubela.
Napabuntong hininga ang pulis. Mabilis niyang hinugot ang kaniyang telepono at tumawag ng ambulansya. Habang ginagawa niya iyon, walang tigil ang kaniyang pag-awat sa mga taong nagkukumpulan na halos hindi na magkamayaw sa pagkuha ng litrato at bidyo sa bata. Hindi niya rin maintindihan kung bakit sa dinami-rami ng taong nasa paligid ay wala pang tumatawag ng ambulansya kahit ni isa sa sakanila, bagay na nagdaragdag sa sakit ng kaniyang ulo. Hindi naman niya matitis na iwan na lamang ang eksena at gawin ang kaniyang dapat gawin gayong alam niyang may kakayahan naman siyang tumulong. Kaya't imbes na umalis, binakuran ni Chavez ang buong paligid hanggang dumating ang ambulansya.
Umalingawngaw ang malakas na serena nito dahilan upang makuha ang atensyon ng lahat. Nakahinga nang maluwag ang lalaki nang mabilis itong rumisponde. Dalawang ambulansya ang dumating. Una nitong dinaluhan ang sugatang bata at maingat na kinarga sa stretcher at pinasok sa ambulansya. Ganoon rin ang ginawa ng mga ito sa driver ng truck. Kapwang dinala ang dalawa sa pinakamalapit na ospital.
Nang mawala ang mga biktima, unti-unti na ring nagsi-alisan ang mga tao at bumalik sa kaniya-kaniyang ginagawa na animo'y walang nangyari. Ang iba'y nagpatuloy sa paglalakad habang ang iba'y pumasok sa kaniya-kaniyang kotse at umalis.
Sa pagkakataong rin iyon, isang pamilyar na sirena ng papalapit na sasakyan ang kaniyang narinig. Tinanaw ng binata ang kalsada, sa 'di kalayuan, tatlong police car ang humaharurot patungo sa kaniya.
Tumigil ito sa kaniyang tapat at nag-uunahang lumabas. Umangat ang sulok ng kaniyang labi dahil sa pagkadismaya at pagkamangha. Gusto niyang matawa habang pinapanuod ito. Isa sa mga pulis ay dali-dali dumampot ng yellow tape upang bakuran ang pinangyarihan ng aksidente.
"Saka lang talaga kayo darating kapag tapos na," pabiro ngunit seryoso ang mukha na sabi ng binata sabay tapik sa balikat sa isa niyang kabaro.
Napaawang naman ang bibig ng isang pulis at sinundan ng tingin ang lalaki. Tumaas ang kaniyang kilay na tila ba'y naisulto sa narinig. Hindi na lamang gumanti ang pulis sapagkat kilala niya ang lalaking iyon, kilala niya si Chavez at ang ugali nito.
RAMDAM ni Arin na may sumusunod sa kaniya. Alas sais na ng gabi, papauwi na siya galing eskwela. Nakasuot niya ng kulay berdeng headset at nagpapatugtog ng kantang mula sa isang sikat na grupo ng mga koreano. Nasa gitna ng daloy ng kalye ang dalaga. Maraming tao at sumasabay siya sa daloy nito. Bagama't marami siyang nakakasalubong tao ngunit hindi pa rin siya mapakali. Ilang taon na siyang namuhay dala-dala ang kaniyang kakaibang karanasan at kakayahan kung kaya't batid niya kung saan nanggaling ang bigat ng kaniyang nararamdaman at kung ano ang dahilan nito.
Mahigpit na sinukbit ng dalaga ng kaniyang suot na bag. Imbes na tugpain ang karaniwang ruta patungo sa kaniyang bahay, lumiko ang dalaga sa isang makitid na kalye, madilim at walang masyadong nagdadaan.
Lumingon si Arin at napagtanto niyang walang taong nakasunod sa kaniya ngunit hindi iyon ibig sabihin na ligtas na siya dahil hindi naman talaga tao ang inaasahan niyang makikita.
Nang marating niya ang dulo ng makitid na daan, huminto sa paglalakad ang dalaga. Tinanggal niya ang kaniyang suot na headset at sinabit sa kaniyang leeg. Pinatay niya ang musika mula sa kaniyang cellphone saka sumandal sa pader.
"Magpakita ka na," walang gana niyang bulong sa hangin.
Umihip ng malakas ang hangin na animo'y narinig nito ang kaniyang sinabi. Hinangin nito ang kaniyang mahabang buhok na hindi sinasadyang tumabing ang ilang hibla nito sa kaniyang mga mata. Sa kaniyang paghawi, tumambad sa kaniya ang mukha ng isang umiiyak na batang lalaki.
Duguan ang buong mukha at nakasuot ng uniporme. Bumaba ang kaniyang tingin at doon lamang niya napagtanto na walang suot na sapatos ang kaliwa nitong paa.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro