Kabanata 2
KABANATA 2
BAGSAK ang buong katawan ng dalaga nang marating niya ang malaking kama. Madilim pa sa loob ngunit naaaninag niya ang paligid sa tulong ng sinag ng araw na pumapasok sa maliliit na siwang ng nakasarado niyang bintana. Alas sais na ng umaga at kakauwi niya pa lamang galing sa kaniyang misyon. Suot niya pa rin ang kaniyang itim na jacket at pantalon, tanging ang sombrero at sapatos lamang ang nakayang niyang tanggalin bago siya humilita sa higaan.
Gumalaw siya at wala sa sariling napatitig sa puting kisame. Bumalik sa kaniyang isipan ang nagdaang misyon. Batid niyang magiging laman ng balita ang kaniyang ginawa kaya bago niya nilisan ang pinangyarihan ay tiniyak niya munang wala siyang naiwang kahit na ano na maaring makapagtuturo sa kaniyang pagkakakilanlan. Alam niyang hindi pang-karaniwang ang kaniyang trabaho ngunit dito siya nabubuhay. Dito siya nagkakapera.
Bumuntong hininga ang dalaga. Unti-unti nang kumakalma ang kaniyang pakiramdam. Nagugustuhan niyaa ang malabot na kama na para bang yumayakap sa kaniyang likuran. Sa pagkakataong ito, tanging pagod na lamang ang nangingibabaw sa kaniya. Ilang sandali lang, naramdaman niya ang pagbigat ng kaniyang talukap hanggang sa dahan-dahan na siyang nilamon ng antok.
MALAWAK ang mga ngiti ng isang bata habang nakaupo sa likuran ng sasakyan. Hawak niya ang isang maliit na kulay pulang teddy bear na maya't maya niyang niyayakap sa kaniyang mga bisig. Nakatirintas ang mahabang buhok ng batang babae kung kaya't lalong umaliwalas tingnan ang kaniyang masayang mukha habang nakatingin sa kaniyang magulang na nasa unahan ng sasakyan. Kasama niya ang kaniyang Papa na kasalukuyang nagmamaneho habang ang kaniyang Mama nama'y katabi nito. Isang pamilyar na tutog ang mariring sa radyo mula sa loob na siyang sinasabayan ng mag-asawa. Maya't mayang sumusulyap ang lalaki sa kaniyang katipan habang ito'y kumakanta at binabalatan ang hawak na dalandan. Hinati iyon ng babae sa mga piraso at sinubuan ang kaniyang asawa at anak.
Hindi maalis ang mga ngiti sa mukha ng bata. Wala na siyang ibang hihilingin pa kundi makasama ang kaniyang mga magulang hanggang nabubuhay siya. Pitong taong gulang na siya at kahit wala siyang kapatid, hindi niya naramdamang may kulang sa kaniya dahil pinupunan iyon lahat ng kaniyang mga magulang. Mahalaga ang araw na ito para sa kaniya dahil kaarawan niya ngayon at dadalhin siya ng mga ito sa amusement park tulad ng pinangako nito sa kaniya. Matagal na niyang gustong sumakay ng ferris wheel. Ilang beses na rin niyang hiniling ito sa kaniyang mga magulang ngunit ngayon lamang sila pinagbigyan ng pagkakataon at panahon para makapunta kaya hindi na siya makapaghintay.
"Arin, anak, baka naman kapag nakita mo na ang ferris wheel ay matakot ka at hindi na sasakay? Takot ka pa naman sa matataas na lugar," sambit ng kaniyang Mama habang nakatingin sa kaniya.
Umiling ang paslit. "Hindi po, promise! Basta po kasama ko kayo. Saka Mama, pwede po bumili tayo ng lobo, 'yong lumilipad po sa sky."
Ngumiti lamang ang kaniyang Mama at umakmang susubuan siya ng isang maliit na piraso ng dalandan. Ngumanga naman siya at masayang ngumuya.
Sa hindi inaasahan, biglang huminto ang sasakyan dahilan upang mapasubsob ang bata sa kaniyang inuupuaan at nabitawan ang hawak niyang teddy bear. Ang kaniyang mga magulang naman ay napasubsob rin ngunit ligtas naman sa kahit na anumang galos dahil sa suot sa seatbelt. Gumawa ng matinis na ingay ang gulong ng saksakyan nang prumeno ito mula sa mabilis na pagtakbo.
Dali-daling lumingon sa kaniya ang kaniyang Mama.
"Arin, okay ka lang ba?" alalang tanong nito sa kaniya.
Tumango lamang ang bata ngunit ramdam niya ang mabibilis na pintig ng kaniyang puso dulot ng kaba dahil sa nangyari.
"Hernan, ano 'yon? Bakit ka huminto?" takang tanong ng babae sa kaniyang asawa.
"May dumaan na aso," sagot nito na ngayo'y habol rin ang hininga dahil sa kaba. "Ayos lang ba kayo?"
Bumuntong hininga na lamang ang babae sa kaniya at inilapag ang hawak niyang dalandan sa isang plastik. Tiningnan niya ang kaniyang anak na ngayo'y gulat na gulat. Sinuri niya ang seatbelt na suot nito at napanatag nang hindi ito natanggal kanina.
"Magdahan-dahan ka lang," paalala ng kaniyang asawa.
"Yes, I'm sorry. Hindi ba kayo nasaktan?"
Nagpatuloy sa pag-uusap ang mag-asawa habang si Arin nama'y bumuntong hininga at binawi ang sarili mula sa pagkagulat. Tumingin siya sa labas ng bintana. Napansin niyang nasa gitna sila ng isang intersection road. Wala siyang makitang bahay o tao sa paligid maliban sa kanila. Ilang metro na lamang ang layo ay natanaw niya ang isang mahabang tulay na kumukonekta sa isa lungsod kung saan sila patungo.
Napansin ni Arin na may kulang sa kaniya. Luminga-linga siya at nakita niya ang kaniyang paboritong teddy bear sa lapag ng kotse. Yumuko ang bata upang abutin iyon ngunit pumipigil sa kaniya ang suot niyang seatbelt. Sinipat niya ang kaniyang mga magulang na ngayo'y nag-uusap. Nais niya sanang pakiusapan ang kaniyang Mama ngunit aligaga itong linisin ang mga balat ng dalandan na nalaglag rin dahil sa nangyari.
Hindi na lamang ito inabala ng bata at walang pagdadalawang-isip na tinanggal ang suot niyang seatbelt. Yumuko siya at inabot ang teddy bear. Pinagpayagan niya pa iyon gamit ang kamay upang masiguradong walang kahit na anumang dumi ang kumapit sa kahit na anumang bahagi nito.
Bumalik sa kaniyang puwesto si Arin. Ngunit, hindi pa man lamang siya nakakaupo nang maayos, nanlaki ang kaniyang mga mata nang bumangad sa kaniya ang humaharurot na malaking truck na papalapit sa kanilang kotse. Bumubusina ito nang malakas at mabilis ang takbo. Huli na upang maiwasan nila iyon.
Halos mabingi ang bata nang bumangga ang malaking truck sa kanilang sasakyan. Animo'y tumigil ang kaniyang mundo nang makita niya kung paano tumilapon ang kaniyang hawak na teddy kasabay ng pagkabasag ng lahat ng salamin sa loob. Lumipad ang lahat ng gamit na kanilang dala na animo'y may sarili itong mga buhay. Bumaliktad ang kanilang kotse at naramdaman ni Arin ang pagtama ng kaniyang ulo sa bintana. Ang mga bubog mula roon ay pumasok sa kaniyang mga mata. Naririnig niya ang sigaw ng kaniyang mga magulang na tinatawag ang kaniyang pangalan. Ang hiyaw ng kaniyang ina at pag-alala ng kaniyang ama.
Sunod niyang nakita ay ang pagdanak ng dugo mula sa kaniyang ulo. Dama niya ang hapdi ng kaniyang mga mata na mistula bang may kung anong matulis na bagay ang pumasok dito. Natagpuan niya ang kaniyang sarili na nakahilata sa bubungan ng kotseng bumaliktad. Duguan ang kaniyang mga magulang at walang malay. Sinubukan niyang abutin ang kamay ng kaniyang ina ngunit masyado siyang malayo rito. Tawagin man niya ang pangalan nito ngunit animo'y napipi siya dahil hindi niya mahanap ang kaniyang boses. Sunud-sunod na pumatak ang kaniyang mga luha nang mapagtanto niya ang kanilang kalagayan. Ang mga tahimik na iyak ay pinalitan ng malakas na pagtangis.
Napatigil siya nang muli niyang narinig ang malakas na busina. Tinanaw ng bata ang kahabaan ng daan. Papalapit na naman sa kanila ang malaking truck. Mabilis ang takbo at malakas ang busina. Hindi ito tumitigil at balak pa yata silang muling banggain.
Gusto niyang tumayo at tumakbo. Gusto niyang itakas at iligtas ang kaniyang mga magulang ngunit hindi niya maigalaw ang kaniyang buong katawan. Sumabay pa sa kaniyang nararamdaman ang unti-unting paglalabo ng kaniyang mga mata. Bago pa man bumangga ang sasakyan sa kanila, maririing pumikit ang bata.
SA kaniyang muling pagmulat, habol ang hininga ng dalaga at puno ng pawis ang buong mukha. Napatingin siya paligid at napagtantong nasa kaniyang kwarto lamang siya.
Panaginip.
Sa tuwing natutulog siya, tanging iyon lamang ang laman ng kaniyang panaginip, ang pagkamatay ng kaniyang mga magulang--paulit-ulit.
Mahigit sampung taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin iyon nabubura sa kaniyang alaala. Araw-araw niya pa ring nakikita ang kaniyang mga magulang sa kaniyang panaginip at araw-araw niya pa ring nararamdaman ang sakit sa pagkawala ng mga ito.
Nang makabawi, tumayo si Arin mula sa kaniyang kama. Nilingon niya ang orasan. Alas dose ng tanghali na at kailangan niyang magmadali dahil may klase pa siya mamayang hapon. Lumapit ang babae sa malaking bintana at tinaas ang blinders nito dahilan upang tuluyang pumasok ang nakakasilaw na liwanag sa kaniyang silid. Mula sa kaniyang kinatatayuan, natanaw niya ang kabuuan ng lungsod kung saan siya namamalagi ngayon. Nakatira siya sa isa sa mga matataas na floor ng isang tanyag na gusali. Nabili niya ito nang buo mula sa pinaghirapan niyang pera sa trabaho. Bagama't mahirap at hindi ordinaryo ang kaniyang ginagawa ngunit hindi na rin siya umaangal dahil malaki naman ang kaniyang nakukuha rito. May bahay siyang tinutuluyan at higit sa lahat, nakakapag-aral siya.
Pagkatapos niyang linisin ang kaniyang kwarto ay dumiretso siya sa banyo upang maligo. Malaki ang kaniyang bahay, may dalawang kwarto at isang malawak na balkonahe kung saan doon niya tinatanggap ang kaniyang mga espesyal na kliyente. Magara ang looban, kumpleto ang gamit at mamahalin ang mga muwebles. Sa unang tingin, aakalain ng mga tao na anak siya ng isang mayamang pamilya ngunit sa katunayan ay napundar niya ang lahat ng ito sa loob ng limang taon.
Mag-isa na lamang si Arin sa buhay. Wala siyang ibang pinagkakaabalahan maliban sa pag-aaral at trabaho. Mula nang mawala ang kaniyang mga magulang ay kinupkop siya ng kaniyang tiyahin, isa sa mga kapatid ng kaniyang ina. Bagama't mabait naman ang mag-asawa sa kaniya ngunit hindi niya matiis ang pagtrato ng mga anak nito. Noong tumuntong siya ng labinlimang taong gulang, nagdesisyon siyang umalis sa puder ng kaniyang mga kamag-anak at mamuhay ng mag-isa.
Pagkatapos ng aksidente, namalagi sa ospital si Arin sa loob ng dalawang buwan. Paggising niya, doon niya lamang nalaman na ulila na siya. Nailibing na ang kaniyang mga magulang nang hindi niya alam at nawala ang lahat sa kaniya, maging ang kanilang mga ari-arian. Matagal na naging laman ng balita ang nangyari sa kanila. Ayon sa imbestigasyon, lasing at naka-droga ang drayber ng trak na bumangga sa kanila. Nakakulong na ito ngayon ngunit para sa kaniya, hindi siya naniniwalang aksidente lamang ang lahat. Sa tingin niya'y sinadya nitong banggain ang kanilang sasakyan. Hindi niya alam ngunit malakas ang kaniyang pakiramdam. Nais niyang kausapin ang taong iyon ngunit wala siyang lakas ng loob na harapin ito--hindi niya kaya.
Malaki ang naging epekto ng aksidente kay Arin. Isa na doon ang pansamantalang pagkawala ng kaniyang paningin dahil sa mga bubog na pumasok sa kaniyang mga mata mula sa mga nabasag na bintana ng kotse. Dumaan siya ng dalawang operasyon, ayon sa doktor, himalang muli pa siyang nakakita. Ngunit, kalakip ng pagbabalik ng kaniyang patingin ay kakaibang kakayahang hindi niya kailanman hiniling maangkin.
Mula noon, hindi na lamang mga tao ang kaniyang mga nakikita kundi pati ang mga hindi nabubuhay ay nakakausap at nakikita niya. Hindi niya batid ang dahilan sa likod ng kaniyang pambihirang kakayahan. Para sa kaniya, isa itong parusa dahil siya lamang ang nabuhay sa kanilang tatlo. Kung alam niya lamang ay hindi na sana niya nilaban ang kamatayan.
Itinuring niya itong sumpa, noong una. Akala niya'y nababaliw na siya. Maging hanggang sa kaniyang pagtulog, sa banyo, kapag naliligo o kumakain siya, may mga kaluluwang umaaligid sa kaniya. Nagmamakaawa, bumubulong, umiiyak at humihingi ng tulong. Wala sa sinumang kaluluwa ang kaniyang pinansin. Nilamon siya ng takot sa loob ng dalawang taon. Natutunan niyang mamuhay kasama ang mga kaluluwa. Natutunan niyang umiwas at sinubukang mabuhay ng normal.
Ngunit, noong lumayas siya sa puder ng kaniyang mga kamag-anak, doon niya napagdesisyonang gamitin ang kaniyang kakayahan upang mabuhay siya. Ginagawa niya ang mga nais ng mga kaluluwa na tinatawag niyang kliyente tulad ng mga pagpapaabot ng habilin sa pamilya, pagbibigay ng mga pamana na nakaligtaang gawin ng mga ito noong nabubuhay, pamamaalam sa mga mahal sa buhay o 'di kaya'y paghahanap ng hustisya sa mga naging biktima ng krimen. Lahat ng iyon ay ginagawa niya sa ngalan ng pera.
Hindi naman masama ang kaniyang ginawa dahil trabaho naman iyon at nararapat lamang na bayaran siya ng mga ito sa tamang halaga. Marami na siyang naging kliyente tulad ng mga mayayamang pulitiko, mga artista, mga ordinaryong tao, bata at matanda. Kahit papaano, hindi naman siya mukhang pera dahil hindi naman niya sinisingil ang mga batang nasa pitong taong gulang pababa kaya nga hanggang ngayon ay wala pa siyang nagiging batang kliyente dahil alam niyang wala siyang makukuha rito kung sakali man.
Pagkatapos magbihis, dumiretso ang dalaga sa kusina upang kumuha ng makakain. Dinampot niya ang isang supot ng tinapay sa mesa at inipit ito sa kaniyang kaliwang braso. Kumuha rin siya ng keso, maliit na kutsilyo at isang baso ng gatas bago nagtungo sa salas at binuhay ang malaking telebisyon.
Unang bumungad sa kaniya ang isang balita, tumaas ang kaniyang kilay nang makita niyang dinampot na ng mga pulis ang lalaking ginapos niya kagabi. Muntik pa siyang matawa sa nakasulat sa ibaba kung saan sinasabi doon ang tungkol sa isang misteryosong tao na humuhuli ng mga kriminal at sinusumbong sa pulis.
Nagkibit-balikat si Arin at kumuha ng dalawang piraso ng tinapay at nilagyan ng keso sa gitna saka ito dahan-dahang nginuya.
Muli niyang sinipat ang TV at nakitang isang batang pulis ang ini-interview. Kung hindi siya nagkakamali, ito si Police Detective Chavez. Lagi niya itong nakikita sa telebisyon. Rinig niya ay marami na itong nahuhuling kriminal sa loob ng dalawang taon nito sa serbisyo. Tanyag ito at parating laman ng mga balita. Hindi naman niya inakalang ito ang laging darating sa lahat ng mga kriminal na ginagapos niya upang hulihin kaya naman hindi na siya nagtataka pa habang pinagmamasdan ang itsura ng pulis ngayon. Nakakunot ang noo nito at halatang naiinis.
Kung hindi siya nagkakamali ay ito na yata ang ika-labing pitong kriminal na nahuli niya at parating si Chavez ang dumadampot ng lahat ng iyon. Hindi naman niya ito inaagawan ng trabaho, kung tutuusin, tinutulungan pa nga niya ito. Ngunit, sa tingin niya, hindi yata ito natutuwa sa kaniyang mga ginagawa.
"Hindi natin kilala ang taong gumagawa nito na bagama't maganda ang layunin, wala siya sa lugar upang gawin iyon," wika ng binatang pulis saka tumingin sa kamera. "Inuulit ko, wala kang karapatang gawin ang kung anumang ginagawa mo. Hayaan mong gawin ng mga pulis ang trabaho nila. Kung hindi ka titigil ay bubuo ng special task force ang kapulisan upang hulihin ka."
Umaangat ang sulok ng labi ng dalaga. Inabot niya ang kaniyang gatas at inisang lagok ito.
Iyon ay kung magpapahuli siya.
***
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro