Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1

KABANATA 1


MABIBILIS na tunog ng mga yapak ng paang tumatakbo ang bumubuhay sa tahimik na kalye ng isang madilim na daan. Wala ni isang anino ng tao ang makikita sa gitna ng gabi maliban sa isang babaeng tumatakbo na animo'y may hinahabol. Hindi na pantay ang paghinga nito at kung saan-saang eskenita na ito sumusuot ngunit hindi pa rin ito tumitigil. Tagaktak na ang kaniyang pawis dahil sa init at pagod dumagdag pa doon ang suot niyang makapal na itim na jacket, sombrero at pantalon.


Lumiko siya sa isang kanto nang lumiko rin ang lalaking hinahabol niya. Napamura siya sa kaniyang isipan. Kanina pa siya tumakbo ngunit hindi niya pa rin ito mahuli-huli. Nagsisisi na siya ngayon kung bakit minaliit niya ang kakayahan nito. Sumasakit man ang paa, hindi siya huminto. Natapakan pa niya ang maduming tubig na naimbak sa gitna ng daaan dahil sa nagdaang ulan dahilan upang gumawa ito ng marahang ingay sa pagtalsik ng tubig.


Nabasa ang suot na sapatos ng babae ngunit hindi niya iyon inalintana, tuloy lamang siya sa pagtakbo hanggang sa makita niyang napahinto ang lalaking kaniyang hinahabol nang matugpa nito ang matayog na pader sa dulo ng daang tinahak. Akmang babalik pa sana ito sa kaniyang dinaanan upang maghanap ng ibang ruta ngunit agad itong napaatras nang makita ang papalapit na babae.


Napalunok ang lalaki at sunud-sunod na kumurap dahil sa takot at kaba. Hindi na rin pantay ang paghinga nito dulot ng mahabang pagtakbo.


"Magpapahuli ka rin naman pala pinahirapan mo pa ako," wika ng babae sa gitna ng kaniyang paghinga.


Dumampot ito ng isang piraso ng kahoy mula sa sirang silya na nakatambay sa gilid ng daan at sinubukang iwasiwas sa ere dahilan upang tuluyang mapaatras ang lalaki hanggang sa sumandal ang likuran nito sa malamig at magaspang na pader.


"S-sandali, a-ano bang kasalanan ko sa'yo?" takot na tanong ng lalaki na kung pagbabasehan sa itsura ay nasa kuwarenta na. Nakasuot ito ng kulay de-gatas na damit na siyang pinatungan naman ng kulay itim na jacket.


Nagkibit-balikat ang babae. Itinukod niya ang dulo ng kapoy sa lapag at humalumbaba na tila ba'y nags-iisip ng isasagot.


"Sa'kin, wala naman pero sa kliyente ko, meron--malaki."


"A-ano? Anong sinasabi--"


"Paggahasa at pagpatay!" putol ng dalaga sa sasabihin nito sabay hugot ng cellphone sa bulsa ng kaniyang jacket. Binuhay niya ito at sandaling natuon ang atensyon doon na animo'y may hinahanap habang ang kaniyang isang kamay ay hawak ang kahoy na marahang ipinupukpok sa aspaltong daan.


"Alas tres ng madaling araw ng Hulyo diyes, ginahasa mo si Shaira Pantaleon sa isang madilim na daan ng Adtriatico. Isang estudyante at labing anim na taong gulang. Nanlaban ito kaya't hindi mo sinasadyang napatay mo siya gamit ang isang malaking bato na ipinukpok mo sa kaniyang ulo. Pagkatapos ay tinapon mo siya sa isang tulay saka ka pumasok sa trabaho mo bilang isang security guard ng mismong paaralang pinapasukan niya."


Nanlaki ang mga mata ng lalaki na animo'y hindi inaasahan ang kaniyang mga narinig. Mabilis siyang umiwas ng tingin at napalunok.


"P-patay na si Shaira?" maang-maangan nito.


Umaangat ang sulok ng labi ng dalaga. Gusto niyang tumawa ngunit bukod pa doon, mas nasusuka siya habang pinagmamasdan ang mukha ng lalaking ito. Hindi niya alam kung saan nito hinuhugot ang lakas ng loob upang magpatay-malisya.


"Huwag mo nang subukan pang magsinungaling," sambit ng babae sabay hikab na para bang antok na antok na siya sa kaniyang ginagawa.


"Alam ko ang lahat ng ginawa mo."


"Sino ka ba, ha? Pulis ka ba? Sinong nagsabi sa iyo na pinatay ko siya? Wala kang ebidensya para hulihin ako!" sigaw ng lalaki.


Tumango-tango naman ang dalaga.


"Ah, ebidensya ba? Wala ako n'on pero may nagsumbong nga sa'kin tungkol sa ginawa mo."


Kumunot ang noo ng lalaki.


"Ano? Nagsumbong? Sino o baka naman gawa-gawa mo lang iyan!"


Sa pagkakataong ito, lumawak ang mga ngisi ng babae nang maaninag niya ang pagsilip ng takot at kaba sa mga mata ng kaniyang kausap. Isinilid niya ang hawak niyang cellphone sa bulsa at dahan-dahan itong nilapitan hanggang sa halos dangkal na lamang ang kanilang agwat sa isa't isa.


"Alam mo kung sino?" bulong niya. "...ang babaeng pinatay mo mismo."


Nanlaki ang mga mata ng lalaki dahil sa gulat. Tuluyang nilamon ng takot ang kaniyang buong mukha na siyang makikita sa pagmuo ng butil-butil niyang pawis at pag-igting ng panga nito.


Bago pa man makasigaw ang lalaki, mabilis na gumalaw ang mga kamay ng dalaga at malakas na hinambalos ng kahoy ang ulo nito dahilan upang bumagsak itong walang malay sa maduming lupa. Binitawan niya ang hawak niya at tiningnan ang lagay nito. Pinulsuhan niya ang lalaki. Humihinga pa naman ito maliban nga lamang sa sugat nito sa noo na kasalukuyang nagdurugo gawa ng kaniyang paghampas.


Sinipat ng babae ang kaniyang relo at napansing halos madaling araw na. Napamura siya sa kaniyang isipan. Mahigit tatlong oras rin ang kaniyang sinayang upang habulin ang lalaking ito. May klase pa siya bukas.


Hindi na siya nagsayang pa ng oras at tinapos ang kaniyang gagawin.


Isang kinakalawang na alambre ang kaniyang nahanap sa gilid na siyang iginapos niya sa mga paa at kamay ng walang malay na lalaki. Gumawa rin siya ng isang malaking karatola kung saan nakasulat doon ang kaniyang pangalan ng lalaki at pangalan ng naging biktima nito kalakip naman doon ang ginawa nitong kasalanan. Ibinaba niya ang isang bag sa gilid nito kung saan nakasilid ang lahat ng ebidensyang magpapatunay sa kaniyang krimen. Hindi na niya kailangan pang ihatid ito sa istasyon ng pulisya dahil pagsikat ng araw makikita rin ito ng mga tao at magiging tampok na naman sa balita.


Animo'y namamasyal lamang sa parke nang maglakad paalis ang babae. Hindi niya kabisado ang lugar ngunit natatandaan naman niya kung saan siya pumasok kanina kaya't madali niyang nahanap ang daan palabas ng masukal na eskineta. Dagling hinubad niya ang suot niyang itim at makapal na guwantes sa kamay saka ito pinagpagan at inisilid sa bulsa. Tumitinga-tingala pa siya upang suriin kung may CCTV ba sa paligid ngunit nakahinga siya ng maluwag nang wala siyang makitang kahit isa.


Sa gitna ng kaniyang paglalakad, isang dalagitang nakasuot ng uniporme ang biglang nagpakita sa kaniyang harapan. Kita niya ang saya sa mga mata nito habang nakatitig sa kaniya malayo-malayo sa itsura nito noong una itong nagpakita sa kaniya.


"Wow! Ang galing niyo po, ate!" tuwang tuwang komento nito. "


Hindi sumagot ang babae.


"Pero, iyon na iyon? Hindi mo ba siya dadalhin sa pulis?" takang tanong ng maliit na boses nito.


Hindi iyon pinansin ng babae at nilampasan lamang ang dalaga. Nakaramdam siya ng malamig na hanging yumakap sa kaniya nang tumagos ang kaniyang katawan sa kaluluwa ni Shaira.


"Tulad ng sinabi ko sa'yo, mahahanap lang siya ng pulis bukas kaya maghintay ka lang. Sigurado namang mabubulok sa bilangguan ang taong gumahasa at pumatay sa'yo," malamig namang sagot niya habang ipinagpatuloy ang paglalakad.


Umihip nang marahan ang hangin at sa isang kisapmata nasa harapan na niya naman ang dalagita.


"Nararapat sa lalaking iyon na maranasan niya rin ang ginawa niya sa'kin!" sigaw nito sa kaniya.


Sa pagkakataong ito, tumigil siya. Mataman niyang tiningnan ang babaeng kaharap. Batid niyang hindi na ito makakaramdam pa ng takot at sakit dahil isa na namang itong hamak na kaluluwa pero hindi niya gusto ang pinapahiwatig nito.


"Hindi ka na sana lumapit sa'kin kung ayaw mo ng pamamaraan ko," malamig niyang tugon.


Napaiwas ng tingin si Shaira.


"Hindi ko lang kasi matanggap na iyon lang ang parusa niya pagkatapos ng ginawa niya sa'kin! Dapat sa kaniya mamatay at mabulok sa impyerno!" maktol ng dalagita.


"Sinabi ko na sa iyo na hindi ko kayang pumatay ng tao. Ang trabaho ko lang ay pagbayarin sila sa mga kasalanan nila ng naayon sa batas. Kung ayaw mo, pwede ko siyang balikan at pakawalan na lang," panunuya niya.


"H-hindi! Huwag! Ayos na. Okay na sa'kin na mabulok siya sa bilangguan. Kahit iyon man lang ay maranasan ng hayop na iyon."


Nagkibit-balikat ang babae. Inilahad niya ang kaniyang palad sa harapan ni Shaira na tila ba'y may kung ano siyang hinihingi.


Napalunok naman ang dalagita at nahihiyang iniabot sa kaniya ang isang maliit na bank book kasama ng isang manipis na card na nakaipit sa loob.


Pagkatanggap, agad na binuksan ito ng babae at sinilip ang natitirang pera roon. Tumaas ang kaniyang kilay. Hindi na rin masama. Itinago niya ang bank book sa kaniyang bulsa at muling tiningnan ang dalagita.


"Naipon ko 'yan noong nag-aaral pa ako. Walang ibang nakakaalam ng tungkol sa bank book maliban sa'kin."


"Mabuti."


Ngumiti ang dalagita.


"Salamat po, ate. Tiyak akong mapapanatag na rin ang loob ng mga magulang ko dahil mahuhuli na ang pumatay sa'kin."


Tumaas ang kilay ng babae. "Hindi ka dapat magpasalamat sa'kin. Kliyente kita at binayaran mo ako para magtrabaho. Magpasalamat ka sa pera mo."


Nanahimik na lamang ang dalagita.


"Salamat po, ulit."


"Huwag na sana tayong magkita pa."


Tumango si Shaira. Pinanuod niyang maglakad palayo ang nag-iisang babaeng tumulong sa kaniya upang makamit niya ang hustisya sa nangyari. Alam niyang may kapalit na halaga ang tulong nito ngunit hindi siya nanghihinayang. Hindi rin naman niya madadala ang lahat ng inipon niya sa kamatayan. Ngayon, matatahimik na siya.


Sa isang iglap, animo'y usok na dahan-dahang naglaho ang kaluluwa ng dalagita sa gitna ng malamig na gabi.


Samantala, diretso lamang ang tingin babae nang lumabas siya sa madilim na kanto. Hinubad niya ang kaniyang suot na itim na jacket kung kaya't lumantad ang suot niyang simpleng puting pang-itaas. Tinanggal niya rin ang kaniyang sombrero at nilugay ang mahabang buhok. Itinapon niya ang lahat ng ito sa isang kalapit na basurahan bago humalo sa daloy ng tao sa daan.


Napatigil siya nang tumunog ang kaniyang cellphone. Isang paalala ang lumitaw sa screen nito. Dalawang araw na lang ay kabilugan na ng buwan. Sa mga ganitong araw siya kadalasang pagod dahil sa trabaho. Dinadagsa siya ng kaniyang mga kliyente tuwing kabilugan ng buwan.


Sa edad niyang bente-uno at nag-aaral ng kolehiyo, may trabaho na siya--isang trabahong hindi kayang gawin ng isang ordinaryong tao.


Kung ang mga nabubuhay ay pumupunta sa pulis upang makuha ang hustisya, ang mga kaluluwa naman ng mga namayapa ngunit hindi matahimik ay lumalapit sa kaniya.


Tinutulungan niya ang mga ito hanggang sa lumagay sa tahimik ngunit hindi siya mabait at hindi siya matulungin dahil hindi naman niya ito ginagawa ng libre.


Para kay Arin Garcia, bawat tulong ay may katumbas na halaga.


***


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro