Si Ate Becca
" 'Ma, alis na po ako," paalam ko kay Mama. Hindi siya umimik bagkus ay pinakatitigan lang niya ako hanggang sa mamuo ang luha sa gilid ng mga mata niya. Hinalikan ko siya sa pisngi bago ko siya niyakap nang mahigpit. Nang bitiwan ko siya, humihikbi na siya hanggang sa tumuloy na naman 'yon sa paghagulgol.
"Ma, tama na po. Dadalaw ako ulit sa Friday. Dito ulit ako magwi-weekend, Ma," sabi ko sa kanya habang hinahagod ang likod niya sa pagtatangka kong patahanin siya.
"S-sa-ma mo a-ako," sabi niya sa paraang halos 'di maintidihan habang pinipilit niyang yugyugin ang wheelchair kung saan siya nakaupo.
Magda-dalawang taon na mula nang ma-stroke si Mama. Paralisado na ang kaliwang bahagi ng katawan niya, pati pananalita niya naapektuhan. Ang sabi ng doktor, sa edad ni Mama na 68, mahihirapan na talaga ang recovery niya kahit pa regular ang therapy niya.
"Oh, umiiyak na naman ikaw?" pukaw ni Ate Becca sa aming mag-ina. Si Ate Rebecca ang caregiver ni Mama. Magdadalawang taon na siya sa amin at halos kabisado na niya ang dapat gawin sa mga ganitong pagkakataon. Nakangiti siyang lumapit sa amin at tumulong na rin sa pag-alo kay Mama. "'Wag ka nang umiyak, dadalaw naman ulit si Krisel eh," aniya habang pinupunasan ng bimpo ang pisngi ni Mama na basa ng luha. "Hayaan mo bukas, mamamasyal ulit tayo sa park para maarawan ka," patuloy ni Ate Becca na nginitian pa ako kapagkuwan.
At parang himala, kusang tumigil si Mama sa pag-iyak. Ilang sandali pa siyang kinausap ni Ate Becca hanggang sa nang muli akong magpaalam na luluwas na pa-Maynila, pumayag na si Mama nang hindi umiiyak.
Nang gabing 'yon, panatag akong bumalik ng Maynila dahil alam ko, nandyan si Ate Becca upang alagaan si Mama. Mabait at mapagkakatiwalaan si Ate Becca kaya kampante ako sa kanya. Kabisadong-kabisado na niya kasi Mama at hanggang nariyan siya, wala akong dapat ipag-alala tungkol kay Mama. Lalo pa at parang sarili rin niyang ina kung ituring si Mama. Kaso... akala ko lang pala.
"Anastacia Cruz, 46 years old, tubong Occidental Mindoro. Mga kaso: theft, parricide, at estafa," pahayag ng pulis sa tabi ko.
Kasalukuyan akong nasa police station at pinagmamasdan ko ang nakaposas na bulto ni Ate Becca na ang tunay na pangalan pala ay Anastacia. Apat na linggo rin ang inabot bago siya nahuli ng mga pulis. At tatlumpong araw rin ang hinintay ko bago ko natanong sa kanya ang, "P-paano mo 'yon nagawa kay Mama?"
Ngumisi siya. "Gusto mo ng detalye pa'no ko siya unti-unting nilason o do'n na tayo sa pambubugbog na ginagawa ko sa kanya tuwing wala ka." Humalakhak siya nang binalak ko siyang saktan ngunit alerto akong napigilan ng mga pulis. " 'Wag kang mag-alala, nagamit ko nang husto ang pinagsanglaan ko sa mga alahas niya. At saka, dapat nga, magpasalamat ka, wala na ang Mama mo. Wala ka nang dadalaw-dalawin na inutil linggo-linggo. "
"Demonyo ka! Demonyo!" naluluhang singhal ko sa kanya.
At sa pagkagitla ko, tumawa lang siya bago, "Hindi ba't mas demonyo ka sa ating dalawa? Dahil sa akin mo ipinagkatiwala ang 'yong ina."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro