Saranggola
Malapad ang ngiti ni Clariza nang isabay niya sa pag-ihip ng hangin ang pagbitaw sa saranggolang hawak niya. Sinenyasan niya si Mayumi na nasa lilim ng puno ng aratilis, ilang metro mula sa pwesto niya, na hatakin ang pising hawak nito upang makabwelo nang husto sa paglipad ang saranggola.
"Hila pa nang konti!" dinig niyang sigaw ni Angela na noon ay abalang nangunguha ng bunga ng aratilis. Nagdesisyon si Mayumi na tumakbo sa malawak na parang upang sagipin ang sutil na saranggolang tila ayaw lumipad.
"Takbo pa, Mayumi!" sigaw niya.
Maya-maya pa, tuluyan nang lumipad ang saranggola, ang saranggolang tangan ang lahat ng pangarap nila. Sabi kasi ni 'Nang Isay, ang lola ni Angela, hindi sapat para sa gaya nilang mahihirap ang panalangin lang. Kailangan maging masipag sila at walang sawang makiusap sa Diyos upang makamit nila ang mga hinahangad nila. Kaya nagpapalipad sila ng saranggola, upang siguradong mabasa ng Diyos ang mga pangarap nila.
"Sa tingin mo, ilang oras kaya ang kailangan para mabasa ng Diyos ang mga pangarap natin d'yan sa saranggola?" naiinip na tanong ni Angela. Nakaupo silang tatlo sa damuhan at sabay-sabay na nilalantakan ang mapupulang bunga ng aratilis na pinitas nito kanina.
"Hindi ko, alam. Pero hangga't may hangin, lilipad yan," ani Mayumi, hawak pa rin ang pisi.
"Hindi kaya 'yan mapigtas, Yumi?" alanganing tanong niya.
"Hindi yan. Tinanong ko si Kuya Boyet, eh. Sabi niya pahiran ko raw 'tong pisi ng pinaghalong tubig, gawgaw, at dinurog na bubog at patuyuin bago natin gamitin," Ang tinutukoy nito ay ang kapatid nitong kasalukuyang nagha-hayskul sa bayan. "Kaya magtiwala ka Clariza, matibay 'to. Mababasa rin ng Diyos ang mga pangarap natin."
"Ano bang pangarap mo?" ani Angela maya-maya.
"Mapagamot lang si Nanay, ayos na sa akin," malungkot na sagot ni Mayumi. May sakit kasi sa baga ang nanay nito.
"Ako, sana bumalik na si Papa mula sa Saudi. Ga-gradweyt na tayo sa elementary pero 'di pa siya sumusulat kahit isa," si Angela ulit bago bumaling sa kanya. "Ikaw Clariz, anong pangarap mo?"
"Gusto kong maka-graduate ng college para ako na ang magtatrabaho para kina Nanay at Tatay," aniya, bago sinulyapan ang saranggola sa himpapawid. Maaliwas ang panahon at maganda ang ihip ng hangin. Lihim siyang humiling na sana, mabasa talaga ng Diyos ang mga pangarap nila sa saranggola.
"Basta, 'di man matupad ang pangarap ko, hangga't sama-sama tayo, ayos na 'ko," kapagkuwan'y pukaw ni Mayumi na ngiting-ngiting nakipag-apir pa sa kanila.
Napangiti si Clariza, habang inaalala ang tagpong iyon sa mismong parang na tinatanaw niya ngayon. Dalawang dekada na ang lumipas at ni hindi nagbago ang parang. Malawak pa rin iyon at patuloy na isinasayaw ng hangin ang luntiang mga damo na naroon. Isa lang ang nagbago, ang paniniwala niya. Dahil sa paglipas ng panahon, natutunan niyang ang ilan sa mga pangarap, sadyang 'di natutupad kahit ilang saranggola pa ang kanilang ipalipad.
Maginhawa na ang buhay nila ng pamilya niya ngayon. Gaya niya, maayos din ang buhay-pamilya ni Angela. Natupad ang pangarap nilang dalawa pero...
"Tara na, Clariz," pukaw ni Angela sa kanya.
Iniabot nito sa kanya ang saranggolang dala nila. Gaya nang bawat nagdaang taon sa nakalipas na dalawang dekada, may kakausapin ulit sila sa pamamagitan ng saranggola. Naglakad siya patungo sa gitna ng parang. Hininintay niyang muling umihip ang hangin bago buong layang pinakawalan ang saranggola. Masayang niyakap ng hangin ang saranggola, parang kaibigang nangungumusta, gaya nila ni Angela.
Maya-maya pa, tinanaw niya ang saranggolang matayog na ang lipad bago naluluhang ibinulong ang, "Mayumi, kumusta ka?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro