Sagada
"Coffee?" alok ni MIguel sa akin. Ngumiti ako at inabot ang iniaalok niyang isang tasa ng kape na hawak niya. Ilang sandali pa, umupo siya sa damuhan katabi ko bago sumimsim sa sarili niyang tasa ng kape.
Kapwa kami nangaligkig nang dumaan ang malamig na hangin ng Pebrero sa Sagada kung saan kami nagpalipas ng gabi. Matapos niyon, tahimik naming pinagmasdan ang kamangha-manghang paglukob ng hamog sa mga luntiang puno at halaman sa ibaba ng bundok. 'Di naglaon, magkasunod kaming napangiti nang mula sa 'di kalayuang mga ulap at pagitan ng bundok, sumilip ang unang sinag ng araw at magkasabay kaming binati ng 'Magandang Umaga'.
"The best sunrise indeed," komento niya, ang mga mata nakangiting pinagmamasdan ang ulap.
Lihim akong napangiti. Sinong mag-aakala na makalipas ang ilang taon, maari kaming mag-usap nang ganito? Magaan, mahinahon, at may sense, gaya nang dati.
Dati.
"Kung hindi ka umalis noon, iba kaya ngayon?" tanong niya sa akin maya-maya.
Agad na dumaan ang sakit sa dibdib ko. Pinilit kong ngumiti pero mahirap pala. Mahirap dahil masyado akong maraming gustong sabihin. Mga salitang kahit siguro na kailan, hindi na ko na maaring sabihin pa.
Tumingin ako ulit sa mga ulap bago sumagot. "Ewan ko. Siguro. Sana. Pero..."
Bumuntong-hininga siya at muling sumimsim ng kape.
"Ang aga niyong nagising!" Sabay naming nilingon si Rosie na papalapit sa pwesto namin. Mabilis siyang sinalubong ni Miguel ng halik at yakap.
Umiwas ako ng tingin dahil kahit na sawayin ko ang puso ko, masakit pa rin. Masakit pa rin na ang mahal ko, asawa na ngayon ng bestfriend ko.
Ilang taon na nga ba? Ah, halos isang dekada na rin pala. Isang dekada na rin ang nakalilipas nang iwan ko si Miguel para sa pangarap kong maging isang career woman abroad. Pangarap na naabot ko ngunit ngayon, labis na pinagsisisihan ng puso ko. Minsan iniisip ko, kung pinili ko si Miguel noon at hindi ang career ko, iba nga kaya ngayon? Masaya kaya ako? Kumpleto? Buo?
"Trish, sunod ka na lang. Magluluto lang kami ng breakfast. Malapit na rin kasing magising mga inaanak mo," sabi ni Rosie. Nakangiti akong tumango bago ko pinagmasdan ang paglayo nilang dalawa ni Miguel na magkahawak-kamay.
Matagal nang nakalayo sina Miguel at Rosie ngunit nanatili akong nakatingin sa direksyong tinahak nila. Abala kasi ang isip ko sa pagsagot sa mga tanong na kahit siguro masagot ko, wala nang bale ngayon dahil lumipas na ang nakaraan at hindi ko na 'yon maibabalik pa kailanman.
Nang muling umihip ang hangin, umamot ako ng init sa hawak kong tasa ng kape kaso, papawala na ang init niyon. Tama nga ang tour guide, malamig ang Pebrero sa Sagada.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro