Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Pamilya


Malakas na tadyak sa kanyang hita ang nagpabalikwas ng bangon kay Toto. Pagtingala niya, si Kuya Boy ang namulatan niya. Kuyom ang mga kamay nito at salubong ang kilay.

"K-kuya..." halos pa bulong na sabi niya.

"Tumayo ka nga d'yan. Tanghali na o! Nag-uumpisa na ang tupada kina Mg Edgar pero nandito pa rin ako. Ano, gusto mo bang malasin ako?" singhal ng kapatid bago siya binatukan.

Napakurap-kurap siya, yumuko at pilit pinalis ang pananakit ng kanyang lalamunan. Nangako siya sa sariling hindi na siya iiyak sa tuwing pinagmamalupitan siya ng kuya niya. Napansin niya kasi sa nakalipas na walong buwan mula nang mamatay ang kanilang ama at layasan sila ng kanilang ina, lalong nanggigigil ang kuya niya sa kanya kapag umiiyak siya tuwing sinasaktan siya nito. Kaya naman, tahimik siyang tumayo mula sa papag at tiniis ang pagsigid ng sakit sa kanyang hita.

"Akin na 'yong kinita mo kahapon," sabi agad ng kuya niya, inilahad pa ang kamay sa kanya.

"H-ha?" wala sa sariling sabi niya.

Aburidong pumalatak ang kapatid niya. Nagkamot din ng ulo. "Tupada nga ngayon 'di ba? Kailangan ko ng pera."

Ayaw man niya, bumangon ang inis sa dibdib niya. Kahapon, maliban sa arawan niyang kita, binigyan siya ng ekstrang dalawang daan ni Aling Aida, ang may-ari ng junk shop sa lugar nila kung saan siya nagta-trabaho bilang boy. Ang bilin nito, bumili raw siya ng vitamins at ang sukli, ibili rin daw niya ng ekstrang pagkain upang hindi siya gutumin. Sa totoo lang, hindi naman siya dapat tatatanggapin ni Aling Aida sa junk shop nito dahil katorse lang siya, bawal pang magtrabaho. Kaya lang nakiusap siya, namilit, nagmakaawa. Buti na lang maayos din na amo si Aling Aida. Lagi pa siyang binibigyan ng ekstrang pera. Balak naman talaga niyang sundin ang bilin nito e. Ngunit paano pa niya ngayon gagawin 'yon kung nandito nanaman ang kuya niya para manghingi ng pera? 'Buti sana kung madaling kausap ang kuya niya. Hindi na nga ito mahilig magbanat ng buto, nambubugbog pa.

"Tang'na naman Toto e! Ano bingi ka na, ha?" gigil na pukaw ng kuya niya sa kanya, mahina pang dinuro ang sentido niya.

Agad na kumuyom ang mga kamao niya, matalim din ang mga matang tumingin sa kapatid.

"Ano, lalaban ka, ha? Tandaan mo, ampon ka lang kaya dapat mo 'kong pagsilbihan," nakamulagat na sabi nito, bahagya pa siyang tinulak.

Lalong tumindi ang galit sa dibdib niya. Ngayon niya napagtanto na kahit kailan, hindi magiging kapatid ang turing ni Kuya Boy sa kanya kundi utusan.

Kumurap siya at yumuko bago walang imik na naglakad sa karton ng mga gamit niya at kinuha doon ang perang kinita niya kahapon. Pahablot naman iyong kinuha ni Kuya Boy sa kamay niya bago nagmamadaling lumabas ng kanilang barong-barong.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Toto. Isinilid niya ang mga damit niya sa lumang bag na gamit niya dati sa eskwela bago tuluyang umalis sa tirahan ng mga kumupkop sa kanya subalit ni minsan, hindi siya itinuring na kapamilya. ###

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro