Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Paglaya


"Ito, kukunin mo?" tanong ko kay Jeff bago ko iniabot sa kanya ang jacket na binili ko sa kanya noong first anniversary namin.

Umiling siya nang makita niya ang jacket. Tumango-tango ako bago ko iyon ibinalik sa closet.

Nang muli akong humarap, isinasalansan na niya sa maleta niya ang mga toiletries niya mula sa banyo. Ang iba, itinapon na niya sa basurahan kahit may laman pa. Gusto ko sanang tumutol sa ginagawa niya dahil nasanay na ako na nakikita ang mga 'yon sa banyo. Kaso, sa puntong ito ng relasyon namin, wala na akong karapatang humingi ng kahit na ano pa man sa kanya.

Inabala ko ang sarili ko sa pagba-box ng mga running shoes niya na karamihan ay bigay ko. Jeff had always loved running. Isa iyon sa mga naging bonding namin sa nakalipas na tatlong taon. Ngunit hindi ko pa tapos ang ginagawa ko, narinig ko na ang pag-zipper niya sa maleta niya. Hindi rin pala niya kukunin ang mga bigay kong sapatos niya.

Nagbuga ako ng hininga, unti-unti kong ibinaba ang mga running shoes niya bago ako pumihit paharap sa kanya. Nakatungo siya habang nakabulsa ang dalawang kamay sa pantalon niya. Sa tabi niya, naroon ang maleta niya, handang-handa na sa pag-alis niya.

"Jeff," tawag ko sa kanya. Nadurog ang puso ko nang mag-angat siya ng tingin sa akin. Nangingilid ang mga luha niya, kung para kanino at saan, hindi ko na sigurado.

"I'm sorry, Anne," aniya bago pinisil ang pagitan ng mga mata niya. Ramdam ko, nahihirapan din siya. "If there is one person who should take the blame for all of this, it should be me. What we had was-"

"Wrong," pabulog kong putol sa sasabihin niya. Pinigil ko ang mapahikbi kahit na mabigat na ang dibdib ko at masakit na ang lalamunan ko. Kung kaparte iyon sa parusa na dulot ng  pagkakamali ko, marahil.

Kasal na si Jeff nang magkakilala kami sa restaurant na pinagtatrabahuan naming dalawa. He's the chef and I am the sous chef. Nang iwan niya ang pamilya niya para sa akin tatlong taon na ang nakararaan, akala ko makakasama ko na siya hanggang dulo. Akala ko, siya na ang sagot sa mga dasal ko. Kaso...

Jeff had a change of heart. His heart found its way back home to his wife and children. At kanina, nagpaalam na siya sa akin na itatama na niya ang pagkakamali namin.

"I wish you a good life, Anne... without me." Lumapit siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit.

Napapikit ako nang hagkan niya ang noo ko bago siya tuluyang bumitiw. Nang marinig ko ang pag-click ng pinto, saka lamang ako nagmulat. Hindi ko kayang makita siyang umaalis at bumabalik kung saan siya nararapat.

Sapo ang aking dibdib, nanghihina akong naupo sa kama. Buong laya kong pinakawalan ang aking mga luha at hagulgol. Nadudurog ang puso ko, pero alam ko, isa 'yon sa mga kabayaran ng aking naging kasalanan. Kasalanang dulot ng aking pagkabulag sa maling pag-ibig.

Bukas at sa mga susunod na araw, alam ko, masasaktan pa rin ako. Ngunit sa kabila niyon, bago na ang buhay ko. Malaya na 'ko sa naging kasalanan ko. Baka sakali, kapag humingi ako ng tawad, makikinig na ang Diyos sa mga panalangin ko. 

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro