Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Pag-uwi


"Pst, Ne!" tawag sa kanya ni Mayora, ang lider sa selda na kinaroroonan niya. "Ilang taon ka na ba ha, Ne?"

Nagsumiksik siya sa madilim at maruming sulok na kinauupuan niya. Natatakot kasi siya. Mula nang mahuli siya at mapadpad doon kahapon, ilang beses na niyang nakita ang pagiging brutal ni Mayora sa mga kasama nila sa selda.

"Mage-e-eighteen po," aniya.

Umiiling na pumalatak si Mayora. "Lang? Matagal ka na sigurong nagdudurog, 'no? Ang tanda mo nang tignan eh. Para kang nagpalaglag ng limang beses," natatawang komento nito.

Yumuko siya. Naalala niya ang ipinagbuntis niya noong nakaraang taon. Pilit iyong ipinalaglag ni Glenn, ang boyfriend niya. Hadlang daw kasi ang bata sa negosyo nito na pagbebenta ng droga. Tago kasi sila nang tago kung saan-saan, dahil nga, delikado. Dalawang taon nang gano'n ang buhay niya mula nang maglayas siya sa kanila at sumama kay Glenn.

"May magulang ka pa?" si Mayora ulit.

"N-nanay na lang po."

"Kapatid?"

"Ate po."

"Hindi ka hinahanap?"

Sa totoo lang, hindi niya alam ang sagot. Wala na siyang balita sa Mama at Ate niya. Matapos niyang magpalaglag, nagbalak na siyang umuwi kaso nahihiya siya. Nahihiya siya dahil sa marami siyang nabitawang masasakit na mga salita bago siya umalis sa bahay nila. Nahihiya rin siyang aminin na nagkamali siya ng desisyon na suwayin ang Mama at Ate niya nang sumama siya kay Glenn. Ngayon, alam na niya, mali na nagpakabaliw siya sa pag-ibig kahit hindi naman niya iyon lubusan pang naiintidihan.

"Bata ka pa, Ne! Sayang ang buhay. Hingi ka lang ng tawad, maayos din ang lahat" patuloy pa Mayora habang tahimik siyang humihikbi sa sulok na kinaroroonan niya.

Sana nga, gan'on lang kadali kaso...

"De Asis, lalaya ka muna," anang lumapit na pulis sa labas ng selda.

Paanong... Naguguluhan siyang tumayo.

"Oh, Ne! Pakabait ka na sa labas ha! 'Pag ikaw bumalik pa rito, uupakan na kita," natatawang banta ni Mayora. Tumango siya bago tuluyang lumabas ng selda.

Sa harapan ng police station, sinalubong siya ng yakap ng Mama niya. Gulat man ay humahagulgol siyang gumanti ng yakap dito. Ilang minutong iyak lang siya nang iyak habang tahimik na hinagahod ng Mama niya ang likod niya. Gustuhin man niyang magsalita, hindi niya alam kung saan siya mag-uumpisa sa dami ng mga naging kasalanan niya. Lalo pa't pakiramdam niya, wala na siyang karapatang bumalik pa sa pamilya niya.

Maya-maya pa, bahagyang bumitaw ang mama niya at pinakatitigan siya. Kapagkuwan'y naglabas ito ng panyo at marahang pinunasan ang luha niya. Lalo siyang nilukob ng pagsisisi sa ginawi ng Mama niya.

"Ma, s-sorry po. Nagkamali po ako," aniya sa pagitan ng paghikbi. "Matagal ko na pong gustong umuwi kaso... kaso..."

"Lagi naming hihhintay ang pag-uwi mo, Kathleen. Wala kang dapat ipag-alala. Kung ano man ang nagawa mo, nilimot at napatawad ko na," anang Mama niya bago siya muling niyakap.

Muli siyang napahagulgol. Dumaan sa isip niya ang madilim na daang tinahak niya sa nakalipas na dalawang taon. Ang kanyang mga pagkakamali, ang lihim niyang pagsisisi, at ang ilang beses niyang pagtatangkang kapain ang daan pauwi.

Hindi niya maintindihan, pero mukhang tama nga si Mayora. Kailangan lang niyang humingi ng tawad at magiging maayos din ang lahat.

Nang hawakan ng Mama niya ang kamay niya at igiya siya sa naghihintay nilang sasakyan, doon niya napagtanto, na tunay nga, nakawala na siya sa dilim. Maliwanag na ang daang tinatahak niya. Sa wakas, makakauwi na rin siya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro