Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Nasaan Ka Na Ba, Noah?

'Noah, ikaw na ba yan?' bulong ko sa aking sarili nang lumiwanag ang kwartong kinaroroonan ko. Ngunit nanlumo ako dahil hindi pala ikaw ang nagsindi ng ilaw kundi ang Mama mo.

Nalungkot ako. Ilang araw ko na kasing hinihintay ang pagbalik mo.

Nami-miss na kasi kita, Noah. Nasaan ka na ba?

Matagal na kasi tayong hindi naglalaro. Huli tayong naglaro noong... kailan nga ba?

Ah basta, masaya ka noon habang naglalaro tayo. Pinadaan mo ang mga gulong ko sa mga malalambot na unan mo sa kama, pati sa napakalawak na dingding ng iyong kwarto, maging sa may bintana. Mula roon ay pinatanaw mo sa akin ang lugar sa labas. Pati na ang mga batang may kani-kaniyang bitbit na laruan at masayang naglalaro sa damuhan. Ang sabi mo, "Kapag magaling na 'ko, sa damuhan naman tayo maglalaro."

Natuwa ako sa sinabi mo. Gusto ko rin kasi sanang subukang idaan ang mga gulong ko sa damuhan. Nang araw na 'yon palagi kang nakangiti. Baon mo ang ngiting iyon hanggang sa matulog ka nang gumabi.

Ngunit, paggising ko kinabukasan, 'di na kita nakita. Maging nang sumunod na araw at maraming araw na sumunod pa.

Pero lagi kitang hinihintay, Noah. Gusto ko na kasing makipaglaro ulit sa 'yo. Kahit hindi na sa damuhan, kahit dito na lang sa loob ng 'yong kwarto pero...

Hikbi. May naririnig akong humihikbi.

Humihikbi ang Mama mo habang pinagmamasdan niya ang larawan mo sa estante. Kinuha niya iyon at niyakap bago siya umiyak nang umiyak.

Napakarami niyang luha. Naaawa ako sa kanya, Noah.

Tinatawag ka niya, bakit 'di ka sumasagot?

Nasaan ka na ba, Noah? Saan ka ba kasi nagpunta? Bakit pati siya hinahanap ka?

Ibinaling niya ang luhaang mukha niya sa akin. Mula sa gilid ng 'yong kama, pinulot niya ako, pinagmasdan, nginitian nang mapait at sinabing, "Wala na si Noah, hindi na siya babalik pa."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro