Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Mikropono


Malakas na kalabog ang nagpabilis nang lakad ko papasok sa loob ng aming bahay. Nagulat ako nang makita ko si Papa sa sahig ng kusina, nakakalat ang mga baso sa paligid niya. Agad kong binitawan ang bag ko at tinulungan siya sa pagtayo.

"Ayos lang po kayo?" nag-aaalang tanong ko nang maiupo ko siya sa sofa sa sala.

Tumango lang siya bago nahihiyang ngumiti. "Nauuhaw kasi ako, eh. Tinawag kita pero walang sumagot, kaya alam ko na wala ka pa. Ito kasing kaliwang paa ko, ayaw sumunod." Kunwari pinalo niya ang paralisadong kaliwang binti niya.

Agad kong sinuri ang tuhod niya. May kaunting galos ang kanang tuhod at siko niya. Ipinantukod niya siguro nang bumagsak siya. Nagmamadali akong kumuha ng alcohol at bulak upang gamutin ang mga galos niya.

"Sorry, 'Nak," sabi niya nang malagyan ko ng band-aid ang mga galos niya.

"Wala po 'yon, Pa," kalmado kong sagot kahit na patuloy pa rin ang pagkabog ng dibidb ko sa nerbyos.

Pilit niyang inabot ang ulo ko at ginulo ang buhok ko bago siya ngumiti siya. "Tubig nga, 'nak," aniya.

Mabilis akong tumalima.

"Kumusta ang contest?" nakangiting tanong niya matapos niyang uminom ng tubig. Ang tinutukoy niya ay ang pinuntahan kong singing contest sa kabilang barangay.

Umiling lang ako bago yumuko. Ayokong makita niya na nabigo ulit ako.

"Sa susunod 'Nak, ikaw na ang panalo," nakangiting sabi niya.

Bumuntong-hininga ako bago umupo sa tabi niya. "Pa, kung huminto na lang kaya muna ako sa university para makapagtrabaho na 'ko? Ang hirap nitong amateur contest lang ang sideline ko tapos-"

"Hindi! Hindi ka hihinto. Nangako tayo sa Mama mo na-" Natigilan si Papa at sa isang kisapmata, dumaan ang matinding lungkot sa mga mata niya. Agad siyang yumuko. Alam ko, gaya gabi-gabi, umiiyak siya. Umiiyak siya kahit bawal sa kanya. Umiiyak siya kasi gaya ko, nasasaktan siya.

Pitong buwan lang ang nakakaraan nang mawala si Mama dahil sa sakit sa kidney. Naubos ang lahat ng ipon namin, kaya si Papa, tinodo ang pagtatrabaho sa opisina. Hanggang sa dalawang buwan lang ang nakararaan, na-stroke siya. Paralisado na ang kaliwang bahagi ng katawan niya ngayon. At kahit na ayaw kong iwanan siyang mag-isa, kailangan kong humanap ng mapagkakakitaan pandagdag sa gastusin naming dalawa.

"'Y-yong gamot ko na iba, 'wag mo munang bilhin. Maayos-ayos naman na ang pakiramdan ko," sabi niya maya-maya. "Dalawang buwan na lang graduate ka na sa college. At saka, salihan mo 'yong contest sa TV. Baka do'n ka mag-champion, 'Nak!" dugtong pa niya sa pilit na pinasasayang tinig.

Yumuko ako at 'di sumagot. Sa totoo lang, pagod na pagod na 'ko. Gusto ko nang tanungin ang Diyos kung bakit sunod-sunod ang pagsubok ko at 'di matapos-tapos ang pagluha ko.

Maya-maya pa, naramdaman ko ang yakap ni Papa. "Binibiyayaan ng Diyos ang mga sundalo niyang 'di sumusuko sa laban. Ngayon, wala ka pa sa entablado, anak. Pero bukas, makalawa, ibibigay din nila sa 'yo ang mikropono. Maniwala at magtiwala ka lang."

"Opening number in two minutes," bulong sa akin ng manager kong si Eric, na siyang nagpabalik sa huwisyo ko sa kasalukuyan. Nagmadali akong lumabas ng dressing room at dumiretso sa backstage ng hall na kinaroroonan ko ngayon. Kapagkuwan, inabot sa akin ni Eric ang mikropono.

Tama si Papa, naibigay din sa akin ang mikropono. Sa singing contest sa TV na pinanalunan ko dalawang taon na ang nakararaan, doon unang ibinigay sa akin ang mikropono. At ngayong gabing ito, ang unang major concert ko. Kaya lang, 'di na nahintay ni Papa.

Isang buwan matapos ang pag-uusap naming iyon, muli siyang na-stroke. At isang linggo bago ang graduation ko sa university, iniwan na rin niya 'ko.

Walang gabing hindi ako umiyak matapos no'n. Gabi-gabi, tinatanong ko ang Diyos tungkol sa maraming bakit na sa mga panahong iyon, hindi ko mahanap ang mga kasagutan at mga dahilan.

Ngunit gaya rin nang sinabi ni Papa, hindi ako sumuko. Patuloy akong naniwala ko at nagtiwala sa Diyos. Kaya ngayon, naririto na ako, sa entablado ng mga pangarap ko.

Alam ko, ito na ang gantimpala sa akin ng Diyos dahil hindi ako bumitiw sa Kanya at sa pangarap ko. At habang hawak ko ang mikropono, ipinapangako ko, paulit-ulit kong aawitin ang kwento ng pagsubok, pananampalataya, at tagumpay na naranasan ko sa buhay ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro