Mensahe
Kanina pa pinagmamasdan ni Leo ang marungis na batang babaeng nagsusulat sa pader sa kabilang bahagi ng daan. Gamit ang uling na napulot nito sa kung saan, pinupuno nito ng mga hugis at linya ang pader. Hindi naman siya likas na usyosero kaya lang kalilipat lang niya sa lugar na iyon noong isang linggo at bago ang eksenang ganoon sa paningin niya. Ikiniling niya pakanan ang kanyang ulo bago kumagat sa tinapay na hawak niya at sumipsip ng softdrinks na binili niya bilang meryenda. Makalipas ang ilang segundo, napatigil siya sa pagnguya, lalong ibinuro ang bigat sa kanyang kinauupuang bangko sa harap ng pinagbilhan niyang tindahan. Kahit kasi anong pilit niya, hindi niya maintindihan ang iginuguhit ng bata. Tila mga kuwadradong hugis at limang linya na nakakakalat kung paano na lang. Maya-maya pa, binalikan ng batang babae ang isang kuwadradong hugis at gumuhit doon ng bilog at ilan pang hugis at linya hanggang sa maghugis iyong tao.
Lalo siyang nangunot-noo?
Bumaling siya kay Aling Tindeng, ang kasera niya at may-ari rin ng tindahan.
"Aling Tindeng, sino po ang batang 'yon?" pukaw niya sa matanda bago hinayon ng tingin ang direksyon ng bata sa kabilang bahagi ng daan.
"Ah si Nene," anang matanda bago inilapag sa mesa ang hawak nitang bote ng softdrinks na walang laman. Bumuntong-hininga ang matanda bago pumormal. "Ulila na 'yan siya. Huling balita ko nakatira sa tiyahin niya do'n sa ilalim ng tulay. Pipi kasi e kaya dino-drawing na lang 'yong nangyari sa kanya."
Napakurap si Leo, mabilis na bumaling sa kausap. "Po?"
Namaywang na si Aling Tindeng, sandaling natigilan bago muling bumuntong-hininga. "Inosente, napag-tripan diyan sa sementeryo. Ayon, sinama. Lintek na mga tambay. Hindi rin nahuli." Umiling si Aling Tindeng at pumalatak nang malakas bago itinuloy ang pag-aayos nito sa tindahan nito.
Pinanlamigan naman si Leo sa narinig. Muli siyang napatingin sa direksyon ni Nene. Sa drawing nito. Sa mga kahon na alam na niya ngayon ay mga nitso. Sa mga linyang nagkalat sa paligid na alam na niya ngayong ang mga halang ang kaluluwang lumapastangan sa musmos na nakahimlay sa isa sa mga kuwadrado.
Pinanikipan ng dibdib si Leo. Naalala niya ang kapatid niya na si Michelle na nasa probinsiya at maayos na namumuhay at nakakapag-aral, kapiling ang mga magulang nila. Hindi niya lubos maisip kung mangyayari rin iyon sa kapatid niya. Tiyak, makakapatay siya makamtam lang ang hustiya.
Nagbuga siya ng hininga at nagmadaling inubos ang meryenda niya. Paakyat na sana siya sa kuwarto niya nang makita niyang dinagdagan ni Nene ng bulaklak ang drawing nito. Natigilan siyang muli. Kung ano ang ibig sabihin niyon, si Nene na lang marahil ang nakakaalam.
Nang matapos itong mag-drawing, humarap ito sa kanya. Malungkot na tumitig, kumurap bago naglakad palayo. ###
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro